KABANATA 8-IMBITASYON SA ISANG PAGDIRIWANG
Yria's POV
Sinipat ko ang sarili sa salamin. Hindi ako sigurado kung sarili ko nga ang aking nakikita. Maging si Manang Nora at Trudis ay namangha ng makita nila kung ano kinalabasan ng ginawa nila sa aking pag-aayos.
Kasama kami sa inimbita ni Karla sa magaganap na kasiyahan na sa isang hotel daw gaganapin. Kaya pala dumalaw ang mga ito sa bahay ni Hermes.
Mabuti na lamang at may ideya na ako sa mga ganoong okasyon at kung saan ginaganap.
Ayoko sana sumama dahil hindi naman ako pamilyar sa ganoong kasiyahan.
May kasiyahan sa paraiso namin pero hindi katulad sa kasiyahan ng mga taga lupa. Ang kasiyahan namin ay ang magliparan ng walang humpay. Nagaganap iyon kapag may mga fairy na natapos na sa kanilang misyon.
"Hala! Ang shunga shunga mo Yria. Naiiba ang ganda mo!" bulalas ni Trudis na pinasadahan ako ng tingin mula ulo hanggang paa.
Nagpatulong akong sa kan'ya pumili ng damit na isusuot dahil wala din akong ideya kung ano ang dapat isuot.
Suot ko ang isa sa binili sa akin ni Val na mga damit at sapatos. Mabuti na lamang at may binili siyang ganoong kasuotan.
"Anong shunga, Trudis? Mali naman ang sinabi mo," singit ni Manang Nora.
Nakabihis na din ang mga ito. Dahil may mapagpipilian pa sa mga damit na pinamili ni Val ay pinahiram ko si Trudis para may maisuot ito.
Kung ako ang tatanungin, maganda din si Trudis. Lumabas iyon ng maayusan ito.
"Manang, kami na lang nakakaalam kung bakit shunga ang tawag ko kay Yria. Hindi ba Yria?" baling sa akin ni Trudis.
Ngumiti lamang ako sa kan'ya.
Muli kong pinasadahan ng tingin ang sarili sa malaking salamin. Nakasuot ako ng puting damit na hapit sa aking katawan. Dress iyon kung tawagin. Bahagyang nakalabas ang aking balikat at ang manggas niyon ay lagpas siko. Hanggang tuhod ang haba niyon at para iyong sumasabay sa bawat galaw ko. Mabuti na lamang at nagkasya sa akin iyon kahit hindi ko sinukat noong binili namin.
Tinernuhan ko iyon ng puting sandals na kumikinang ang mga strap dahil sa mga maliliit na beads na nagkikinangan. Dalawang pulgada ang taas niyon.
Para yata talaga sa okasyon ang mga pinamili ni Val.
Nang maalala ko si Val ay parang gusto ko ito puntahan. Muli akong magpapasalamat sa kan'ya. Siguro gagawin ko iyon sa susunod kong pahinga.
Nakalugay lamang ang mahaba kong buhok na maalon ang dulo at nilagyan iyon ni Trudis ng puting palamuti sa bandang gilid ng aking ulo.
"Kung makikita ka ni Sir Hermes, sigurado ako matutulala iyon sa ganda mo," muling turan ni Trudis.
"Ang problema, hindi nga makikita ang ganda nitong si Yria," segunda naman ni Manang Nora.
Tumigil ang dalawa sa pag-uusap ng may kumatok sa pintuan ng kwarto. Binuksan iyon ni Manang Nora.
"O, Gaston, aalis na ba tayo?" tanong nito.
"Opo, manang. Nagsisimula na naman magsalubong ang kilay ni sir dahil ang tagal n'yo daw." Natatawa nitong wika saka sumilip sa loob.
Hindi nakaligtas sa mata ko ang pag-awang ng bibig nito ng makita ako.
"O, hindi ba at si Gaston napanganga sa'yo," saad ni Manang Nora.
"Sayang at hindi makikita ni Sir Hermes ang ganda mo, Yria," dugtong naman ni Trudis.
"Naku! Tigilan n'yo nga ako." Nagtawanan kaming tatlo.
Minabuti na naming lumabas na at baka maging apoy na si Hermes sa paghihintay sa amin.
Nang marating namin ang sasakyan ay napahinto ako ng makita ko si Hermes na nakatayo at nakasandal sa sasakyan habang nakalagay ang dalawang kamay sa magkabilang bulsa ng suot nitong pantalon.
Napuno ng paghanga ang mata ko ng makita ko siya. Dapat bang sabihin ko na gwapo ang taga lupang ito dahil iyon naman talaga ang totoo?
Dumapo ang mata ko sa mukha nito. Kahit ano yata ang ekspresyon nito sa mukha ay napapahanga pa din ako. Tulad ngayon na salubong ang kilay at mariing nakalapat ang labi. Marahil naiinip na ito sa kahihintay sa amin. Wala naman bago doon, mainipin, aburido at mainitin ang ulo nito.
"What took you so long?! Dadalo lang tayo sa party pero mukhang tayo pa ang hihintayin dahil sa tagal ninyo mag-ayos!" Nakasigaw na naman nitong wika at umalis na sa pagkakasandal sa sasakyan.
Lumapit si Gaston sa kan'ya at pinagbuksan siya ng pintuan.
May binulong si Gaston sa kan'ya na ikinahinto nito pagpasok ngunit kalauna'y pumasok na ito sa loob ng sasakyan.
Nagmamadaling pumasok ng sasakyan si Trudis ngunit sa unahan ito naupo. Si Manang Nora naman ay hinintay muna akong pumasok ng sasakyan saka ito sumunod. Saka ko lang napagtanto na ako ang nasa gitna at katabi ko si Hermes na seryoso ang mukha.
Binuhay na ni Gaston ang makina at pinaandar iyon.
Habang nasa daan ay tahimik sa loob. Marahil walang gustong magsalita dahil kasama namin sa loob si Hermes.
"Alam mo Yria, sa tingin ko ikaw ang pinakamaganda sa party. Hindi ko akalain na may igaganda ka pa kapag naayusan ka. Tiyak na sa'yo ang mata ng mga kalalakihan doon." Basag ni Gaston sa katahimikan.
"Oo nga Yria. I swear, laglag panga ng mga lalaki doon at sigurado ako na tataas ang kilay ng mga kababaihan doon." Segunda naman ni Trudis.
Umikot ang mata ko. Kanina pa nila ako pinupuri. Lumalaki na ang puso ko sa mga sinasabi ng mga ito.
Sa paraiso namin ay natural na lang ang ganda sa amin. Lahat kami ay may taglay na kagandahan kaya wala ni isa ang dapat purihin.
"Kapag may nagpakilala sa'yo, sabihan mo ako. Ako na ang bahala, Yria," muling wika ni Gaston.
Tumawa ako ng mahina sa sinabi nito. Hindi na lang siguro ako lalayo sa kanila dahil unang beses ko pa lang dumalo sa party na iyon.
"Ikaw na lang ang magpakilala Gaston, baka sakaling magkajowa ka na, " biro ni Trudis saka tumawa.
"Ikaw talaga Trudis, baka magselos ka lang kapag may lumapit sa akin."
Tumawa si Manang Nora. Sumimangot naman si Trudis sa sinabi ni Gaston. Samantalang ako ay iniisip kung ano ang ibig sabihin ng tinutukoy nito na magseselos si Trudis. Itanong ko kaya para malaman ko.
Magsasalita na sana ako ng tumikhim ang katabi ko.
Tumigil sa pagtawa si Manang Nora at Gaston.
"Nandoon tayo dahil imbitado tayo. Hindi para ang makipag-flirt sa mga bisitang lalaki," saad nito.
Sinulyapan ko ito. Seryoso ang mukha nito at salubong muli ang kilay.
Hindi ko talaga maintindihan ang ugali nito. Mabilis magbago ang emosyon. Hindi ko naman maaaring isipin na dahil iyon ng nagdaang gabi nung iniwan ko siya mag-isa sa study room nito.
Binalingan ko si Manang Nora. Kinalabit ko ito at nilapit ko ang bibig sa tenga niya.
"Manang, anong flirt?" bulong ko.
Napaubo si Manang Nora pagkatapos ko iyon sabihin.
Umiling pa ito saka tumingin sa akin.
"Tsk! Napakainosente mo sa lahat ng bagay, Yria. Kaya hindi ako magtataka kung bakit wala ka pang boyfriend." Makahulugan nitong wika. Ngunit lalo naman akong napaisip sa huli nitong sinabi.
"Ah...Manang…" Nahihiya pa ako itanong iyon pero kailangan ko malaman lahat lalo na at hindi ko iyon alam.
"Bakit?"
"Anong boyfriend?"
Natampal nito ang noo sa tanong kong iyon. Gusto ko matawa sa reaksyon nito. Tumawa naman si Gaston. Habang si Trudis ay pinipigilan tumawa.
"Kailan ka ba pinanganak, Yria?" Bagkos ay tanong nito.
Napuno na ng katahimikan sa loob ng sasakyan hanggang marating namin ang lugar na pagdarausan ng okasyon.
Ayon kay Karla ay ika-dalawamput pitong kaarawan nito at mahalaga daw ang okasyon na ito para rito kaya dapat ay nandoon din kami.
Bumaba na si Manang at pati si Trudis ng sasakyan. Inayos ko muna ang sarili at sinipat ang sarili sa salamin na nasa harapan ng sasakyan.
Bahagya akong umusog para makita ang sarili sa salamin ngunit nasagi ko ang kamay ni Hermes at nabitawan nito ang baston na hawak.
"Dammit!" bulalas nito.
Akma kong kukunin ang baston na nabitawan nito ng yumuko din ito para kapain ang baston kaya naman ay nauntog ang ulo ko sa kan'ya.
"f**k, Yria! Nandito pa lang tayo sa sasakyan nagkakalat ka na. What more kung nasa loob ka na?!" Singhal nito sa akin na kulang na lang ay bugahan ako ng apoy.
Sarap pitikin nito sa ilong. Napakamainitin ng ulo. Kung hindi lang mahaba ang pasensya ko baka ginawa ko na itong palaka.
Ako na ang kumuha ng baston nito at inabot iyon sa kan'ya. Kinuha naman nito iyon at pinagbuksan na siya ng pinto ni Gaston.
"Sungit," bulong ko.
"I heared you, Yria," saad nito.
Umismid ako sa kan'ya.
Akma itong lalabas ng sasakyan ng bahagya itong bumaling sa akin.
"Don't you dare come closer to any men in the party, or I will kick you out at my house," sambit nito bago bumaba.
Tinaas ko ang aking kamay at kinuyom ko ang aking kamao. Nanggigigil ako sa ugali niya. Konting pasensya pa.
Palabas na ako ng sasakyan ng bigla naman nitong sinara iyon.
Nanggigigil na tinaas kong muli ang aking kamay at tinapat ko sa kan'ya ang aking hintuturo. Gagawin ko na siyang palaka dahil sa sama ng ugali niya.
Kalauna'y binaba ko ang aking kamay. Huminga ako ng malalim at pinakalma ko ang sarili. Hindi siya ang makapuputol sa pisi ng pasensya ko. Titiisin ko, alang-alang sa misyon ko.
Lumabas na ako ng sasakyan at nalula ako sa aking nakita. Mataas na gusali iyon at nagkikinangan ang mga liwanag na nagmumula doon.
Naramdaman ko ang paghawak sa akin ni Trudis sa braso. Umangkla ito sa akin.
"Nakakailang dito, Yria. Parang mayayaman ang nandito. Sana pala hindi na lang ako sumama." Sabi nito na nagtago pa sa likod ko.
"Ano ka ba, Trudis. Hindi pwedeng hindi tayo dumalo. Si Ma'am Karla na ang nag-imbita sa atin." Sabi naman ni Manang Nora na hindi din maiwasan ang mamangha sa nakikita sa paligid.
"Oo nga naman, Trudis. Ang shunga mo kaya para mailang ka sa ganitong lugar. Bagay ka dito." Sang-ayon ko naman kay Manang Nora.
"Tara na sa loob," yaya naman ni Gaston sa amin.
"Saan ka galing?" tanong ko. Nawala kasi ito.
"Nag-park ako ng sasakyan," sagot nito.
Tumabi ito kay Hermes at nagsimula na maglakad ang mga ito at sumunod kaming tatlo.
Pagpasok namin sa loob ay bumungad sa amin ang mga magagandang kasuotan. Mabuti na lamang at naaayon ang suot namin sa okasyon. Kung hindi naman ay madali na lang para sa akin ang baguhin iyon. Ngunit hindi maaaring gamitin ang kakayahan sa pansariling kaligayahan.
Napansin ko din ang mga matang nakatingin sa amin habang papasok kami sa loob.
Binaliwala ko ang mga tinging iyon dahil sigurado naman ako na hindi lang kami ang pumapasok sa loob.
Iginiya kami ng isang lalaki sa isang mesa. Naupo kami doon at sinimulan kong muling iikot ang aking mga mata.
Madami ng taga lupa ang nakapaligid sa akin. Hindi yata ako sanay dahil sina Trudis, manang, Gaston at si Hermes lang ang nakikita ko sa araw-araw. Pero napag-aralan ko na din ang makisalamuha. Ngunit kakaiba ang nararamdaman ko lalo pa at hindi ko kilala ang mga taga lupang ito.
May isang magandang babae ang lumapit
sa amin. Nakangiti ito habang nakatingin kay Hermes. Saka ko lang napagtanto kung sino iyon.
"Hi!" bulalas nito.
Lumapit ito kay Hermes at hinalikan ito sa pisngi. May naiwan pa doon na kulay pula ng dinampian nito ng halik sa pisngi si Hermes. Natatawa naman nitong pinunasan ang naiwang mantsa sa pisngi ni Hermes.
"I'm glad you came. Akala ko hindi ka pupunta," sabi nito kay Hermes na nanatili pa ding tahimik.
"This is your important day, kaya hindi pwedeng hindi ako pumunta," saad naman nito.
Bumaling si Karla ng tingin sa amin. Nagtagal ang tingin nito sa akin. Ngumiti siya kalaunan.
"Sana mag-enjoy kayo sa party. Mamaya lang magsisimula na." Sabi nito saka muling umalis.
"Banyo muna ako, Yria." Paalam ni Trudis. "Sasama ka ba?" Tanong nito sa akin.
Umiling ako dahil hindi naman ako naba-banyo.
Tumayo si Trudis at binalingan nito si Manang Nora. Hindi na sumagot si manang bagkos ay tumayo na ito.
"Samahan ko na kayo," presinta ni Gaston.
Nanlaki naman ang mata ni Trudis.
"Sa panlalaki ako magbabanyo, Trudis. Masyado kang assuming." Mabilis na sagot ni Gaston at nagpaalam ito kay Hermes na tahimik lamang na nakaupo.
Tango lamang ang naging sagot nito.
Kaming dalawa na lamang ang naiwan sa mesa. Pinapakiramdaman ko lamang siya.
Muli kong nilibot ang aking paningin. Napansin ko ang isang mesa na may tatlong lalaki ang nakaupo. Sa gawi namin sila nakatingin. Partikular sa akin.
"Problema nila, bakit sila nakatingin?" Mahina kong wika.
"Yria," dinig kong sambit ni Hermes.
"Bakit, Sir Hermes?"
"Stay close to me,"