KABANATA 9

2025 Words
KABANATA 9-PAGBIBIGAY SAYA SA TAGA LUPA Yria's POV Dumadami na ang mga tao. Maya't maya ay may lumalapit sa mesa namin dahil kay Hermes. Ang sabi ni Trudis ay kilalang business man si Hermes noon. Ngunit simula ng mabulag ito ay tumigil na ito sa pamamalakad ng kompanya na pag-aari nito at pinaubaya na muna iyon sa pinsan nitong si Henry. Ang ilan naman kapag pumupunta sa aming pwesto ay hindi maiwasan na tapunan kami ng tingin partikular sa akin. Pinagwalang-bahala ko na lamang iyon dahil hindi ko naman sila kilala. Nakita kong papalapit din ang isang may edad na babae at nakataas pa ang isang kilay. Sopistikada ito kung tingnan kahit may edad na. Ina iyon ni Hermes. "Iho, anak," bungad nito sa nakaupong si Hermes. Humalik ito sa pisngi ni Hermes at hinawakan ito sa kamay at inalalayan patayo. "Ma, where are we going?" tanong ni Hermes ng humakbang ang ina nito kasama siya. "Gusto ka makita ng mga amiga ko. Samahan mo din si Karla and also Henry is looking for you," saad nito. "Hindi ko pwedeng iwan mga kasama ko," Binalingan kami ng ina nito. "Hindi na sila bata para samahan mo sila. Kaya na nila ang sarili nila," sambit nito at muling binalingan ang anak. Wala ng nagawa si Hermes kun'di ang sumama sa ina nito. Naiwan kaming tatlo. Wala naman obligasyon si Hermes sa amin dahil nasa labas na kami ng pamamahay nito. Kaya hindi din namin siya maaaring pigilan lalo na at kilala ito ng karamihan. Inilibot kong muli ang aking paningin. May nahagip akong isang pamilyar na mukha ngunit sa dami ng tao ay nawala agad iyon sa aking paningin. Napailing ako. Sino naman ang kilala ko dito na dadalo maliban sa mga kasama ko? Pumailanlang ang isang malamyos na tugtugin. Base sa pagkakarinig ko ay isa iyong tunog instrumento. "Ladies and Gentlemen, let me have your attention, please," tinig ng isang babae. Tinig iyon ni Karla. Nasa gitna ito at may hawak ito na nakatapat sa bibig nito. Napakaganda nito sa kasuotan nito. Nakadagdag sa ganda nito ang ngiti nito sa labi. "First of all, I want to thank you for sharing your precious time with me on my special day. Ayoko na sana i-celebrate ito ngunit pinilit din ako ng magulang ko specially, Tita Helda. Kasalanan talaga ito ni tita." Napuno ng tawanan ang loob. Dumapo ang tingin nito kay Hermes na tahimik lang na nakatayo katabi ang ina nito. "And I'm glad that one of the important person in my life attend this party. Akala ko bibiguin niya akong muli." Mataman itong nakatitig kay Hermes. Ang mata nito na puno ng paghanga sa lalaking seryoso ang mukha. "Si Sir Hermes ang tinutukoy n'ya," bulong sa akin ni Trudis. Nanatili lang akong nakatingin kay Hermes na animo'y pinapakiramdaman ang nasa paligid. "Hermes, thank you," saad nito. Nagpalipat-lipat ang tingin ko kay Hermes at kay Karla na nasa gitna. "Sa mga hindi pa nakakaalam, Hermes is behind of my success. Siya ang dahilan kung bakit ako nandito. He is the investor of my business. Kaya malaki ang utang na loob ko sa kan'ya." Patuloy nito. Sinulyapan kong muli si Hermes na seryoso ang mukha. Isa siya sa dahilan ni Karla kung bakit naganap ang party na ito, kaya naman gusto ko magsaya siya sa gabing ito. Kahit ngayong gabi lang maranasan niya ang masilayan kung gaano kaganda ang nasa paligid niya. "Hermes, pwede mo ba akong samahan dito?" Pakiusap ni Karla. Ito ang hudyat para gawin ko iyon. Hinawakan ng ina nito ang kamay nito at nagsimulang humakbang. Sinulyapan ko ang aking katabi na si Trudis. Mataman itong nakatitig sa mag-ina. Ganoon din si Gaston at Manang Nora. Sa tingin ko ay walang makakapansin sa gagawin ko dahil lahat ng atensyon ay sa naglalakad na si Hermes at sa ina nito. Pasimple kong tinaas ang aking kamay at tinuro ang hintuturo kay Hermes. Isa ako sa magiging masaya kapag nakakita ang taga lupang ito. Ang sabi ng Guardian Fairy ay maaari kong gamitin ang kakayahan ko kapag nasa alanganin ako at si Hermes. Ngayon ay nasa alanganin si Hermes dahil marami ang nakatingin sa kan'ya. Nakatawag din ng pansin ko ang ilang panauhin na nagbubulungan. Marahil alam ng mga ito na bulag si Hermes. Pero ngayon hindi iyon mararanasan ni Hermes. Sinimulan kong iikot ang aking hintuturo at pagkatapos ay tinapat kay Hermes na malapit na sa kinatatayuan ni Karla. Tumigil ito sa paglalakad. Binalingan nito ang ina na nakangiting nakatingin sa anak. Hinaplos nito ang mukha ng ina. Napangiti ako dahil hudyat iyon na nakakakita na ito. "Okay lang kaya si Sir Hermes?" tanong ni Gaston. "Bakit mo natanong iyan, Gaston?" tanong naman ni Manang Nora. "Ah, wala naman. Parang may kakaiba sa kan'ya ngayon," Napangiti ako sa sinabing iyon ni Gaston. Kapag tapos na ang pagdiriwang ay ibabalik ko siyang muli sa dati. Gusto ko magsaya siya ngayong gabi. Nang nasa gitna na si Hermes at ang ina nito ay tila may hinahanap ito. Kampante ako na hindi niya ako makikilala dahil hindi pa niya ako nakikita. Kung ang mga kasama ko naman ay hindi nito mapapansin dahil nasa bandang sulok na kami. Binigay ni Karla ang hawak nito kay Hermes. Agad naman nito iyon kinuha. "Well, I just want to say na hindi ninyo binigo si Karla at dumalo kayo sa mahalagang araw niya. About the business, it's not just I invested. It's how you manage your business," sinulyapan nito si Karla. Walang kaalam-alam ang mga ito na nakakakita si Hermes. "Thank you again for coming tonight," binigay na nito ang hawak kay Karla. Nagpalakpakan ang mga bisita pagkatapos iyon sabihin ni Hermes. Muli nitong iginala ang mga mata. Marahil ay hinahanap nito kami. "Parang may kakaiba talaga kay Sir Hermes," anas muli ni Gaston. Isang batok ang natanggap ni Gaston mula kay Trudis. "Tumigil ka nga, Gaston. Nagugutom ka na ba? Walang kakaiba kay Sir Hermes. Ang tanging kakaiba sa kan'ya ay napakagwapo niya. Masungit nga lang." Sabi ni Trudis at impit na tumili. Tumawa kami ni Manang Nora sa sinabi ni Trudis habang si Gaston ay napapakamot na lamang sa ulo. Muli kong sinulyapan si Hermes na umalis na sa gitna kasama ang ina nito at si Karla. Kailangan ko siyang tutukan. Hindi dapat ako malingat sa kan'ya. Baka isipin niya ay tuluyan na siyang nakakakita. Kaya naman kahit panay ang kausap sa akin ng mga kasama ko na walang tigil ang kwentuhan ay hindi ko inaalis ang tingin kay Hermes na abala sa pakikipag-usap. Masaya ako dahil kahit wala pa ako sa katotohanan ay nakatulong ako sa kan'ya. Tungkulin ko naman ang gabayan siya kaya tama lang naman ang ginawa ko. Hindi na nga yata ako kumain dahil ang buong atensyon ko ay nasa kan'ya. Hindi ko naman maramdaman na masakit na ang aking mata sa kakatitig sa kan'ya dahil tila nagugustuhan ko pa pagmasdan ang masaya nitong mukha. Ano kaya ang naramdaman niya ng napansin niyang nakakakita na siya? Ano naman kaya ang iisipin niya kapag bumalik na siya sa dati? Nagpakawala ako ng malalim na buntong hininga. Sana hindi siya mag-isip sa nangyaring hiwaga sa kan'ya ngayong gabi. Sana isipin na lang nito na isang panaginip lang ang lahat. "Kung Ice Cream lang si Sir Hermes, malamang sa malamang, tunaw na tunaw na iyan," dinig kong sambit ni Trudis. Kumakian na ang mga ito. Habang ako ay nakapangalumbaba at nakamasid sa taga lupang iyon na abala sa pakikipag-usap sa mga kakilala nito. Hindi din umaalis si Karla sa tabi nito. Parang ayaw na nitong pakawalan si Hermes dahil sa pagkakapulupot ng kamay nito sa braso ng taga lupang iyon. "Oo nga e, mabuti na lamang at hindi Ice Cream si sir, ano?" saad naman ni Manang Nora. "Mabuti na nga lang talaga," segunda naman ni Gaston. "Hindi ba, Yria?" tanong ni Trudis. Hindi ko siya sinulyapan, bagkos ay tumango lamang ako. "Pwede magtanong?" saad ko. "Ano 'yon?" magkakasabay na usal ng mga ito. "Anong Ice Cream?" Binalingan ko ang mga ito dahil sabay sabay pa itong umubo. Natatawa naman ako sa naging reaksyon ng mga ito. "Yria? Yria, is that you?" Sabi ng isang pamilyar na boses. Lumingon ako sa nagsalita at napangiti ako ng mapagsino iyon. Mukhang hindi ko na kailangan sadyain ito dahil nandito na siya sa harap ko. "Val," tanging nasambit ko. "It's really you." Bakas sa mukha nito ang kasiyahan ng mapagtanto niyang ako nga ang kausap niya. Natutuwa talaga ako sa kan'ya. "Ako nga ito," natatawa kong turan. "Damn! You're so gorgeous. Hindi kita nakilala and I didn't expect na magkikita tayo dito," bulalas nito. Gusto ko matawa sa reaksyon nito. Para bang sabik na sabik itong makita ako. Tumikhim ang mga kasama ko. Sinulyapan ko ang mga ito na may kakaibang ngiti sa mga labi. Lalo na si Trudis na iba ang pagkakangiti. Tumayo ako para ipakilala ang mga kasama ko. "Mga kasama ko nga pala, s'ya si Trudis," tumayo si Trudis at inilahad ang kamay sa kaharap. "Si Manang Nora at si Gaston." Pakilala ko pa sa dalawa. "Hi, nice to meet you. I'm Val," pakilala nito sa sarili at inabot ang kamay ng mga kaharap. Sumulyap ito kay Gaston. Tila kinikilala nito ang huli. "Ako nga ito doc," pagkumpirma ni Gaston sa sarili na ito ang naghatid sa akin sa ospital. Tumango ito at muling sumulyap sa akin. Malawak ang pagkakangiti nito. Ang ngiti nito ay nakakahawa kaya kapag ngumiti siya ay hindi ko maiwasan ang mapangiti. "You're with Hermes, right?" Paninigurado nito at luminga-linga. Nang maalala ko ang tagal lupa ay mabilis ko itong tinapunan ng tingin. Nakahinga ako ng maluwag ng makita ko ito na abala pa din sa pakikipag-usap ngunit wala na sa tabi nito si Karla. Muli kong binalingan si Val na nakatitig sa akin. "Siguro kailangan natin kumain ng Ice Cream para naman totoo na ang matutunaw," mahinang wika ni Trudis. "Kaibigan mo ang may kaarawan?" tanong ko. "Well, sort of, but her friend is my friend. Hermes's cousin." Paliwanag nito. "Si Sir Henry, kaibigan n'yo doc?" tanong ni Gaston. Tumango si Val ngunit sa akin pa din nakatingin. Ngumiti ako sa kan'ya. Gusto ko siya pasalamatan dahil sa binili niyang kasuotan para sa akin kahit pa nakapagpasalamat na ako. "Salamat nga pala dito. Mabuti na lang at ito ang nabili mo, may naisuot kami ni Trudis." Nakangiti kong turan sa kan'ya. Pinasadahan niya ako ng tingin. Ang tinging iyon na puno ng paghanga. "You look so beautiful, Yria. Kung ako ang tatanungin ay ikaw ang pinakamaganda sa party na ito." Sambit nito na hindi inaalis ang tingin sa akin. Tumikhim ang mga kasama ko. Sinulyapan ko ang mga ito. Nakaupo na ang mga ito. "Mali ba ako, guys? Kahit ilibot n'yo ang tingin n'yo dito sa party, Yria is the most beautiful. At gusto ko sugurin ang mga lalaking kanina pa nakatingin sa'yo." Makahulugan nitong wika. Natawa ako sa sinabi nito. Ano naman kung tinititigan nila ako. Masama ba iyon dito sa lupa? "Maaari bang ako na lang ang maghatid sa'yo pauwi?" Presinta nito. Hindi ako nakasagot. Noong huli naming pagkikita ay hindi nagustuhan ni Hermes. Baka masigawan na naman ako kapag nagpahatid ako sa kan'ya. "I have something to give you," patuloy nito. May ibibigay na naman siya sa akin. Natural lang ba sa mga tao ang magbigay kahit hindi hilingin? "Kasi baka ma--" "Si Sir Hermes, papalapit!" bulalas ni Gaston na nagpahinto sa akin sa pagsasalita. Agad akong lumingon. Gayon na lamang ang panlalaki ng mata ko na papalapit nga siya. Bigla akong binalot ng kaba dahil sa akin siya nakatitig. Bigla akong nataranta. Sinulyapan ko muna ang mga kasama ko at si Val. Nakatingin ang mga ito sa papalapit na si Hermes. Bakas sa mukha ng mga ito ang pagtataka. Muli kong tinaas ang aking kamay at mabilis ko tinapat ang aking hintuturo kay Hermes na agad naman tumigil sa paglalakad. Muntik pa nitong mabangga ang nasa unahan nito. Muntik na ako dun. Bahala na siguro mag-isip si Hermes kung anong nangyari sa kan'ya. Ang mahalaga ay nagawa ko ang tungkulin ko na kahit sa ilang oras ay napasaya ko siya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD