KABANATA 15

2188 Words
KABANATA 15-KALUNGKUTAN Yria's POV Ang sarap pagmasdan ng dalampasigan. Nakakawala iyon ng mabigat na pakiramdam. Ang bawat hampas ng alon sa bato ay nagpapahiwatig na magiging maayos din ang lahat. Siguro kaya madami ang pumupunta sa lugar na ito ay dahil sa gusto nilang makita ang papalubog na araw. "Maganda ba?" tanong niya sa akin. Tumango ako ng hindi siya sinusulyapan. Unang pumasok sa isip ko ang tawagan siya. Wala akong ibang kilala sa mundo nila maliban sa mga kasama ko sa bahay kun'di siya lamang. Mabuti na lamang at wala itong pasok ngayong araw. Mabuti na lamang din at araw ng aking pahinga. "Val," "Yes?" "Sana hindi ka magsawang tulungan ako. Wala akong matatakbuhan kun'di ikaw lang," sambit ko na nanatiling nakatanaw sa papalubog na araw. Gusto ko namnamin iyon habang nandito pa ako. Isa din ito sa hindi ko makakalimutan. Ang panuurin ang pagtago ng haring araw at mapalitan ng liwanag ng buwan. "I won't, Yria." Kasabay niyon ang paghawak niya sa aking kamay. Sinulyapan ko siya. Nabanaag ko ang pag-aalala sa mga mata niya. Tumaas ang isang kamay nito at dumapo iyon sa takas kong buhok. Inipit nito iyon sa aking tenga. "Hindi ko man alam kung ano ang pinagdadaanan mo ay handa akong tanggalin iyon, Yria. Handa kong palitan ng saya ang lungkot d'yan sa puso mo." Sinsero nitong wika. Napangiti ako sa tinuran niya. Lumapit ako sa kan'ya at humilig ako sa balikat niya. Natutuwa ako at may nakilala akong tulad ni Val. Pero kahit pasayahin niya ako ay hindi niyon maaalis ang sakit na nararamdaman ko ngayon. At kahit pilitin ko man iwaksi sa aking puso't isipan ang isang taong unang nagparamdam sa akin ng kasiyahan at kalungkutan ay hindi mababagong tuluyan na akong nahulog sa isang taga lupa. Sa naisip ay muling naglandas ang masaganang luha sa aking pisngi. Hindi ko akalain na mararanasan ko ang mga ganitong pakiramdam. Dahil lang iyon sa nagkaroon ako ng damdamin sa taga lupa. Paanong hinayaan kong mahulog ang loob ko sa kan'ya? Alam na kaya ng mga Guardian Fairy ang nangyari? "You can stay at my place, Yria. Bukas ang bahay ko para sa'yo." Suhistyon nito. "May dapat pa akong tapusin, Val." Sagot ko at pinikit ko ang aking mga mata ngunit imahe ni Hermes ang tumambad sa akin. Kumusta na kaya siya? Umaga pa lang ay umalis na ako ng bahay. Sinabihan ko din si Manang Nora, Trudis at Gaston na hanggat maaari ay h'wag na munang banggitin ang pangalan ko lalo na kung nasa malapit lang si Hermes. Nagtanong si Trudis at Manang Nora kung bakit pero wala akong naging sagot sa mga katanungan nila. Gabi na ako uuwi dahil alam kong tulog na siya. Hanggat maaari ay ayokong magkasalubong kami sa bahay. Pipilitin kong iwasan siya. "Sige, nandito lang ako kapag kailangan mo ang tulong ko." "Salamat, Val. Napakabuti mo sa akin." "I like you, Yria." Nang sinabi iyon ni Val ay iminulat ko ang aking mga mata. Inalis ko ang aking ulo sa pagkakahilig sa kanyang balikat. "Val," "You heared me, Yria. Not just I like you. Mahal kita, Yria." Sabi nito. Hindi ako nakapagsalita sa sinabi nito. Paano niya akong minahal samantalang hindi naman kami madalas na magkasama at magkausap? Bilang lang sa daliri na kasama niya ako. "P-pero Val, hindi mo ako lubos na kilala." Bagkos ay sabi ko. "Yeah, I know. Nagising na lang ako isang araw na mahal na kita. Sinabi ko sa sarili na hindi ko hahayaan na hindi tayo muling magkita. Kaya nga tuwang tuwa ako ng magkita tayong muli sa party." Nakangiti nitong turan. Ngumiti lamang ako sa kan'ya. Hinawakan ko ang pisngi niya gamit ang aking isang kamay dahil hawak pa din niya ang isa. Kung kaya lang palitan ng puso kung sino ang tinitibok niyon. Ngunit kahit subukan ko man na ibaling rito ang nararamdaman ko ay isa lang ang isinisigaw niyon. Hindi ko maaaring turuan ang puso kong magmahal ng iba dahil sa isang tao lamang iyon tumitibok. Tanging si Hermes John Alejandro lamang ang nandoon. Dahil malalim na ang gabi ay nagpasya na akong magpahatid kay Val. Sinabi ko na din sa kan'ya na hindi ko maibabalik ang pagmamahal niya para sa akin. Isa akong fairy at wala akong karapatan na magmahal kahit pa nararanasan ko na iyon ngayon. Hindi ako nababagay sa kan'ya lalo na at wala namang puwang ang mga fairy sa mundo ng mga tao. Tanggap ko na nandito lamang ako para sa aking misyon. Ang sabi ni Val ay hindi siya titigil na suyuin ako. Hinayaan ko na lamang siya. Siguro ay kapag tapos na ako sa aking misyon ay hihilingin ko sa mga Guardian Fairy na burahin ang mga alaala ng mga taong nakasama ko. Pagdating sa bahay ay nagtataka akong tiningnan ng mga kasama ko doon. Hindi ko na lamang pinansin ang mga ito at dumiretso ako sa kwarto. Sumunod naman agad sa akin si Trudis. "Yria, okay ka lang ba?" Bungad niya sa akin at naupo sa tabi ko. Nakangiti ko siyang tiningnan. "Oo naman. Bakit mo naitanong iyan?" Tanong ko. "Maghapon ka kasing wala. Nagtataka din kami dahil maghapong hindi nabanggit ni Sir Hermes ang pangalan mo. Nakakapanibago kasi dati hindi natatapos ang araw na hindi ka niya pinapatawag." Paliwanag nito. Pinilit kong ngumiti kahit alam ko na kung bakit hindi ako nabanggit ni Hermes maghapon. "Alam mo naman ang amo natin, baka nagsawa na sa kakatawag sa akin." Pilit akong tumawa. Ikinubli ko ang aking lungkot. Ayoko may isipin pa sila. "Iyon na nga eh. Bumalik na naman ang pagiging mainitin ng ulo niya. Alam mo bang hindi namin siya malapitan kanina dahil kulang na lang ay magbuga siya ng apoy. Saan ka ba galing? Ikaw lang ang nakakapagpaamo kay Sir Hermes." "Namasyal lang ako. Gusto ko lang magsaya habang nandito pa ako. Baka hindi ko na kasi magawa ito kapag natapos na ako." Paliwanag ko. "Matapos saan?" Takang tanong nito. Pinisil ko ang ilong niya. Kahit kailan talaga matanong ito. "Wala. Matulog na tayo." Sabi ko na lamang at nahiga na ako "Kumain ka na ba?" "Oo," tipid kong sagot. Kumain kami ni Val bago niya ako hinatid. Kapag kailangan ko daw ng kausap ay h'wag akong mag-aatubiling tawagan siya. "Talaga? Binigyan ka na ba ng sahod ni Sir Hermes?" sabi nito na hindi makapaniwala. "Anong sahod?" sabi ko habang nakapikit. "Sahod. Yung bayad na matatanggap mo sa mga araw na pinasok mo dito sa bahay." Paliwanag nito. "Ah, iyon ba. Wala pa akong natatanggap. Baka pati iyon hindi naalala ni Sir Hermes." Natatawa kong turan. Kinabukasan ay inabala kong muli ang aking sarili. Hindi ko pa alam kung anong magiging reaksyon ni Hermes kapag nalaman niyang may kasama pa sila sa bahay maliban kina manang, Trudis at Gaston. Saka ko na lamang siguro iyon iisipin. Sa ngayon ay gagawa ako ng paraan para makaiwas sa kan'ya. Ngunit tila yata hindi sang-ayon sa akin ang nais ko. Dahil ngayon nga ay inutusan akong magdala ng pagkain sa balkonahe kung saan siya naroroon. Kung nawala ang alaala nito ay sigurado akong bumalik na naman ang ugali nito sa pagiging masungit. Hinanda ko na din ang aking sarili kung sakali man na masigawan ako. "What did you just say?!" May kausap ito sa cellphone nito na mabungaran ko. "I never said that. Kailan ko sinabi iyan?" Tanong nito sa kausap. Tila hindi ito makapaniwala sa narinig. Tumigil ito sa pagsasalita. Marahil may sinasabi ang kausap nito sa kabilang linya. "No!" Napaigtad ako ng tumaas ang boses nito. Muntik na matapon ang tubig sa baso na nasa tray na hawak ko. "Cancel that f*****g operation. Hindi ako magpapa-opera!" Sigaw nito sa kausap at tinapos na ang tawag. Pabagsak nitong nilapag ang cellphone sa maliit na mesa. Sa narinig ay hindi ko maiwasan ang malungkot. Pati ang pagpapa-opera nito sa mata ay hindi na matutuloy. Nakumpirma ko na din na tuluyan na nga nawala ang alaala nito. "Dammit. I never said that." Mahina ngunit may diin ang binitawang salita nito. Lumapit ako at sinimulan ko ng ihain sa kan'ya ang pagkain. "Trudis?" Tumigil ako sa ginagawa. Hindi ko alam kung ano ang isasagot sa kan'ya. "Trudis, is that you?!" Naramdaman ko ang pagkairita sa boses nito. "Ako po si…" Kahit banggitin ko ang pangalan ko sa kan'ya ay hindi niya ako maaalala. Kumunot ang noo nito. "Yria po," sagot ko. Nagsalubong ang kilay nito. Marahil iniisip nito kung sino ako. "Who are you?" Malamig nitong wika. Para na namang piniga ang puso ko. Para iyong tinutusok ng maliliit na karayom. Kahit alam ko nang hindi niya ako maaalala at makikilala ay iba pa din pala ang epekto kapag nanggaling sa mismong kan'yang bibig. Masakit pala. Hindi ko napigilan ang pagpatak ng aking luha mula sa aking mata. Kahit pilitin ko man na maging natural sa harap niya ay hindi ko pala kaya. Nilinis ko ang aking lalamunan. "Bago po ako dito sir." Dahilan ko at pinunasan ko ang aking pisngi gamit ang aking palad. Pasimple akong suminghot. "Are you crying?" Bumaba na ang boses nito. "Naku! Hindi po, may sipon lang po." Saad ko. Hindi na ito nagsalita. Tinuon na nito ang atensyon sa pagkain. Gusto ko siyang alalayan kumain ngunit baka ano ang isipin nito. Kaya naman ay pinagmasdan ko na lamang siya. Kahit sa ganoong paraan ay makasama ko siya. Tumigil ito sa pagkain. Nilapag nito ang kutsara at umayos ng upo. "Hindi ko sinabing bantayan mo ako. You may go now." Utos nito at muling nagpatuloy sa pagkain. Mukhang kailangan ko na naman salubungin ang mga kasungitan niya. Magsisimula na naman nga ako sa umpisa. Hindi na ako nagpaalam sa kan'ya at tinalikuran ko na siya. Mabuti na lamang at hindi na ito nagtanong pa. "Wait!" Huminto ako sa paglalakad. Muli ko siyang sinulyapan. "Ano nga ulit ang pangalan mo?" Tanong nito. Kumawala ako ng isang malalim na buntong hininga. Sana kahit isang beses ko lang binanggit sa kan'ya ang pangalan ko ay hindi niya nakalimutan. Mas masakit na pati pangalan ko ay hindi niya maalala. "Yria po," sagot ko. Hinintay kong magsalita ito ngunit ilang segundo na ang nakalipas ay nanatili lamang itong tahimik. Minabuti ko na ang umalis sa harap niya. Kahit paulit ulit kong banggitin ang pangalan ko sa harap niya ay hindi nito iyon maaalala. Kasama niyon nawala ang mga alaala nito. Sa maghapong iyon ay hindi na ako pumayag na ako ang magdala ng pagkain kay Hermes. Hindi ko din sinasagot ang mga tanong ni Trudis at Manang Nora. Kinagabihan ay tahimik lamang akong nakahiga sa higaan. Habang si Trudis naman ay abala na naman sa pinapanuod nito. Bumaluktot ako ng higa at nagkumot dahil giniginaw ako. Ang init din ng katawan ko pero nilalamig ako. "T-trudis…p-pwede bang pakipatay na lang yung electricfan? Ang lamig kasi." Sabi ko na kasabay ang pangagatog ng aking buong katawan. Hindi yata ako narinig ni Trudis dahil may nakasalpak na earphone sa tenga nito kaya naman ay marahan ko itong sinipa. Nasa paanan ko kasi ito nanunuod. Lumingon naman ito sa akin. "Bakit?" Tanong nito. "Sabi ko, patayin mo na lang iyang electricfan dahil nilalamig ako." Ulit ko sa sinabi kanina at nagtalukbong ng kumot. "Hala! Nilalamig ka? Ang init nga eh. Iyan yung kapalit ng ulan kahapon." Sabi nito at pinatay ang electricfan. "Malamig eh, hindi ka ba nilalamig?" Sabi ko habang nasa ilalim ako ng kumot. Iba talaga ang pakiramdam ko ngayon. Nagulat ako ng tinanggal ni Trudis ang kumot. Sinalat niya ang aking noo. Napasinghap ito ng gawin nito iyon. "Ang init mo, Yria! Bakit hindi mo sinabi. Kaya pala parang ang tamlay mo kanina." Tumayo ito at binuksan ang pintuan ng kwarto. Lumabas ito doon. Pagbalik nito ay kasama na nito si Manang Nora. Sinalat din nito ang aking noo. "Yria, ang taas ng lagnat mo. Sandali at tatawagin ko si Gaston." Sabi nito at akmang lalabas. "Bakit po manang?" Nagtataka kong tanong. Hindi ko kasi maintindihan kong bakit nataranta sila samantalang mainit lang naman ako. "Dadalhin ka namin sa ospital, Yria. Sobrang init mo." Paliwanag nito. Tumawa ako ng mahina. Malaking bagay na ba iyon dito sa lupa? Hindi naman siguro ako mamamatay dahil lang sa mainit ako. "Manang, mainit lang naman ako. Hindi ho ba at mainit din kayo dahil buhay kayo." Sabi ko. Umawang ang bibig ng mga ito sa tinuran ko. May mali ba sa sinabi ko? "Susmaryosep kang bata ka! May sakit ka na ay nagagawa mo pang magbiro." Hindi makapaniwalang turan ni Manang Nora. "Okay lang po ako. H'wag n'yo na po ako dalhin sa ospital. Ayoko po doon. Baka bukas nito wala na ito." Kumbinsi ko sa dalawa. "O s'ya sige at kukuha ako ng maligamgam na tubig. Trudis, kumuha ka ng gamot ng mapainom natin si Yria." Utos nito kay Trudis. Agad naman itong tumalima. Naiwan akong mag-isa sa kwarto. Mabuti na lamang at may katulad nina Manang Nora at Trudis na palaging nand'yan sa tabi ko. Mahirap iwanan ang katulad nila na napalapit na sa puso ko. Iisipin ko na lamang din na isa ito sa karanasan ko bilang tao. Ang magkasakit.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD