Chapter 5

2735 Words
CHAPTER 5   PINAGPUPUNIT ni Honey ang mga litratong ibinigay sa kanya ng detective na inupahan para matiyagan si Aby. Sa loob ng isang linggo ay hinahatid-sundo ito ni Raphael sa apartment nito at naglalabas-masok na ngayon sa bahay ng namayapa niyang kapatid. At wala rin itong nai-report na masamang gawain ni Aby na maaari niyang gamitin laban dito. Ngunit hindi pa rin siya naniniwalang seryoso si Raphael sa pakikipagrelasyon nito sa babaing walang ka-class-class. Katulad lamang si Aby ng mga naka-date noon ni Raphael na mukhang pera na kapag binigyan niya ng halagang kailangan nito ay iiwan na si Raphael.   “Sally!” pasigaw niyang tinawag ang kanyang assistant. Naroon siya ngayon sa bahay na ibinigay sa kanya ng kapatid. Wala siyang project, isang buwan na kaya pansamantala siyang nagtatago sa mga sosyal na mga kaibigan.   “Y-yes ma`am?”   “Mag-withdraw ka bukas ng fifty thousand, isasampal ko lang sa mukha ng mapagpanggap na Aby na `yon,”   “P-pero ma`am Honey-”   Matatalim ang mga matang tinitigan niya ito. “Inuutusan kita!”   “Ma`am, k-kasi po... wala na pong laman ang account ninyo.” Humina ang boses ni Sally sa huling sinabi.   Napatayo siya. “What?!”   “Huli na po ang ibinayad ninyo sa naka-date ni sir Raphael,”   “Bakit hindi mo sinabi sa akin?!”   “E, ma`am, sinubukan kong-”   “Shut up! I don`t want to hear your explanation! Get out of my face!”   Nagmadali naman itong umalis.   Sa kanyang pagkainis ay pinagpupunit pa niya sa maliliit na piraso ang mga litrato ni Aby.   “Hindi kayo puwedeng maikasal! Ako ang dapat na makinabang sa yaman ni Raphael at hindi ang isang katulad mo lang! Ako lang ang dapat na pakasalan niya!”   Napasigaw siya at pinagtatapon ang mga gamit. Isang libro ang nagpatigil sa kanya, pag-aari ito ng Ate Nina niya.   “Elle.” Nasambit niya nang basahin ang pangalan ng author nito.   Makahulugan siyang napangiti nang may maisip na plano. Naalala niyang pareho ng hilig ng kapatid ang asawa nito.   “Humanda ka, Raphael, ewan ko lang kung hindi mo iwan ang Aby na `yan kapag nakilala mo ang hinahangaan mong manunulat.” At tumawa siya na akala mo ay nagtagumpay na.     “DID CANDY really want you to asked me that?”   Ipinakita ni Aby kay Raphael ang mga isinulat niyang listahan ng mga dapat niyang malamang detalye ayon kay Candy na may kasamang pagsimangot niya rito.   “Sa tingin mo gawa-gawa ko lang `yon?”   “No, of course not,” sandali itong natawa. “Alam niyang wala naman akong presyo for my daughter. Basta`t maging maganda at maging masaya ang anak ko, walang kaso kahit na magkano.”   “Kung sabagay, mayaman ka,” itiniklop niya ang papel. “Alam mo nu`ng bata ako, kuripot ang mga magulang ko. Ni minsan hindi nila ako binigyan ng ganitong party. Kahit noong debut ko, binigyan na lang nila ako ng pera at ako na raw ang bahalang magppa-party sa mga kaibigan ko,” naiinggit siya kay Mika. “Masuwerte ang anak mo sa `yo.”   “Alam ko kasi na kung nabubuhay pa si Nina, gagawin din niya ang lahat para mabigyan ng memorable na birthday ang anak namin.”   “I agree,” sabi niya. “At dahil diyan, kailangan ko ng umuwi. Alas-singko na, baka gabihin ako.”   “Ihahatid na kita,” pagpiprisinta nito.   Tatanggi sana siya nang iwan siya nito para kuhanin ang susi ng kotse nito.   “Aba, si Hil,” nang kuhanin niya ang cellphone ay nakita niyang nag-text ito. Natawa siya dahil binibiro siya nito tungkol kay Raphael na kaya raw pala gano`n siya ay may inililihim siya.   Sinagot niya ito at nakailang palitan sila ng text sa isa`t isa bago makabalik si Raphael. Nagpalit pa pala ito ng damit at nagpabango.   And she was impressed by how he takes care of himself.   Pasimple niyang nilanghap ang amoy nito. Para na siyang naadik dito at hindi na niya mapigilan ang sariling hindi `yon gawin.   Hindi naman traffic pero natagalan silang makarating sa kanyang apartment dahil ang bagal nitong magmaneho na parang sinasadya nito upang mas humaba ang oras sa pagku-kuwentuhan nila tungkol sa mga nakaraang birthday party ni Mika.   “Hindi na kita aaluking pumasok sa loob kasi hindi pa ako nakakapaglinis, e. Nakakahiya naman sa `yo,” wika niya nang nasa harap na sila ng pinto niya.   “Okay lang. Sige, mauna na ako. Mag-iingat ka rito, a. Tumawag ka lang sa akin kung may emergency na kahit ano, kahit anong oras, available ako.”   “Teka, wala naman akong number mo,”   Inilabas nito ang cellphone sa bulsa ng pantalon at iniabot sa kanya. “Ibigay mo na lang sa akin ang number mo, tatawagan kita para i-check kung okay ka.”   Nagtataka man ay ibinigay na lang ang hinihingi nito. Naisip niyang wala naman masama kung tatawagan nga siya nito.   “Salamat sa paghatid. Ingat ka sa pagmamaneho,” pumasok na siya sa loob ngunit hindi na muna niya isinara ang pinto para tanawin ito.   “Kahit nakatalikod, ang guwapo pa rin niya,”   Nanlaki ang mga mata niya at bigla niyang naitulak pasara ang pinto nang lingunin siya ni Raphael. Halos mabingi siya sa pagkabog ng dibdib sa pag-aalalang baka nakita siya nito.   Sumilip na lang siya nang marinig ang sasakyan na umalis na at saka lang siya nakahinga nang maluwag.   “Ano ba ang ginagawa ko?” napapailing-iling na lang.   Pagkababa niya ng gamit, kinuha niya ang kanyang laptop at naupo sa sofa. Binalikan niya sa isip ang mga nangyari nitong nakaraang linggo na kasama niya ang mag-ama.   Sa totoo lang, sa maikling panahon ay napatunayan na nga sa kanya ni Raphael na hindi nga ito masamang tao. Gentleman din ito, sensitive at kaya siyang pakisamahan kahit na sinusungitan niya ito kapag silang dalawa lang ang magkaharap.   Napahugot siya ng malalim na hininga at matagal iyon pinakawalan. Napatingin siya sa kanyang salamin na nakapatong sa ibabaw ng patungan niya ng TV at huling-huli niya ang sariling nakangiti.   “Aby, no! Isang buwan na lang ito kaya hindi ka dapat nagpapa-attach sa kanila.” Pagpapaalala niya sa sarili.     “SIR?” parang nabingi si Anna sa sinabi ng kanyang amo.   “Kung paano kako mag-reply sa text,” inulit naman ni Raphael ang tanong niya kasabay ng pag-abot ng kanyang cellphone dito.   “May textmate ka na po ngayon, sir?” tanong nito.   “Wala. Nag-text kasi si Aby, may itinatanong, e, hindi ko alam kung paano sumagot. Ayoko naman siyang tawagan dahil baka abala siya ngayon,”   Nag-aalangan man ay tinuruan naman siya ni Anna. Puro tawag kasi ang ginagawa niya kaya wala siyang alam sa pagte-text. Masyado rin siyang abala para kalikutin ang kanyang cellphone at hindi siya mahilig sa mga gano`ng bagay.   Tuwang-tuwa naman siya nang mai-send niya ang kanyang reply. Wala pang ilang saglit ay sumagot na si Aby.   “Bakit ang bilis naman niyang mag-text?” nagtaka siya dahil ilang minuto bago siya makapag-type ng isasagot dito. “Anna, paki nga, ikaw ang sumagot para mabilis,”   “Sige, sir, ano ang sasabihin mo?” kinuha nito ang cellphone.   “Itanong mo kung bakit ang bilis niyang mag-text. Siguro sanay na sanay siya dahil marami siyang textmate,”   Nagta-type na si Anna nang tumigil ito at nakasimangot na tumingin sa kanya.   “Bakit?”   “Ang corny kasi, sir, masyadong halatang gusto mong malaman kung may iba siyang kausap. Saka, gasgas na gasgas na ang linyang `yan,”   “Gano`n ba? Sandali, ano ba ang magandang sabihin?” nag-isip siya. “Ano na lang, itanong mo kung ano ang ginagawa niya ngayon, kung kumain na ba siya ng dinner.”   “Sir, with all due respect po, pero sa palagay ko ay masyado na kayong matanda para magpa-cute pa sa panliligaw. Kahit po teenager ngayon ay hindi na uso ang ganyang tanong.”   “At sino naman ang may sabi sa `yo na nanliligaw na ako? Sa akin na nga `yan, ituloy mo na ang ginagawa mo,” at iniwan na niya ito sa playroom.   Sa study room niya siya nagpunta para walang maka-istorbo sa kanya. Kahit sinabihan na ay ganoon pa rin ang isinagot niya kay Aby. Nagpasalamat siyang hindi ito busy kaya tinawagan na niya lang ito.   “Sorry, hindi talaga ako marunong mag-text, e,” natatawa siya sa sarili niya.   “E bakit ka pa nagte-text?” masungit pa rin ito.   “Para may makausap,” pag-amin niya. “Monday na naman kasi bukas, magiging busy na naman sa office, you know, paperworks are waiting for me there,” nagsinungaling naman siya sa sinabing ito.   Naka-leave na kasi siya ngayong buong buwan para asikasuhin ang kaarawan ni Mika at pati na rin si Aby.   “O, alas-onse na, bakit hindi ka pa matulog? Mapupuyat ka niyan,”   Nangiti siya. Kahit na alam niyang naiinis pa rin ito sa kanya ay natutuwa siyang concern ito. “Inaantok ka na ba?”   “Napagod kasi ako maghapon, e.”   “Sige, magpahinga ka na. Nakaabala pala sa `yo, sorry.” Totoo siya sa sinabi ngunit may bahagi sa puso niya na umaasang sasabihin nitong hindi naman siya abala rito.   “Bago ko ibaba, pakisabi nga pala kay Mika na hindi ako pupunta riyan bukas.”   “Ha? Bakit?” naalarma siya. “May nagawa ba akong hindi maganda?”   “Huwag kang OA. Wala akong gagawin diyan. May pupuntahin din ako bukas.”   “Saan ka pupunta? Kung hindi mo mamasamain ang tanong ko,”   “Makikipag-date ako.”   Sandali siyang natigilan.   “Next week pa ako pupunta riyan.”   “Next week ka pa...” bigla siyang nalungkot. Inaasahan pa naman niyang makikita ito bukas. Sa katunayan ay nag-utos na nga siya kay Manang Auring na magluto ng mga specialty nito para kay Aby.   “Sige, I have to go. Good night.”   “Sandali, Ab-”   Narinig na niya ang disconnection tone. Gusto pa sana niyang i-dial ang number nito ngunit pinigilan na niya ang sarili.   Bakit may ka-date ito? Sino ang lalaking `yon? Kilala kaya ni Candy?   Ayaw man niyang aminin ay tama nga si Anna. Baka nga hindi maganda ang mga binibitawan niyang salita kaya ayaw siyang kausapin ng matagal ni Aby.   Nag-isip siya ng gagawin. Maikli lang ang panahon na mayroon siya para mapanatili niya si Aby sa piling nilang mag-ama at hindi na maagaw pa ng iba.   Napatingin siya sa mga libro ni Elle na nakasalansan sa book shelf. May sumilay na ngiti sa kanyang labi nang makaisip ng idea.     “YOU LOOK... different.”   Ikinakunot ng noo ni Aby ang pahayag na ito ni Candy nang magkita sila sa opisina nito.   “Blooming ka ngayon at nakalugay na ang buhok mo. Mukhang nagdadalaga ka na. Ganyan talaga kapag inlove, natututong mag-ayos ng instant.”   “Ano ba ang sinasabi mo riyan?” umiwas siya ng tingin. “Nagpunta ako rito para pag-usapan natin ang tungkol sa party ni Mika at hindi ako.”   “You`re blushing, my dear. Obvious ka!” at tumawa pa ito. “Kumusta kayo ni Paeng?”   “Candy,”   “Sorry. Hanggang ngayon kasi ay hindi pa rin ako makapaniwalang kayong dalawa ang magkakatuluyan. Bagay na bagay kayo! Naiinggit ako sa inyo! Oy, alagaan mo si Paeng, a. Bihira ma-inlove `yon kaya siguradong ibibigay no`n ang lahat.”   Napangiti siya rito. Hindi naman nito alam na nagpapanggap lang sila kaya wala siyang nakikitang problema kung magsasabi siya rito ng totoo. “Hindi naman siya nagpapaalaga dahil ang gusto niya ay siya ang mag-alaga sa akin. Napaka-sweet niya kasi,”   “Aww...” mababasa sa ekspresyon ng mukha ni Candy ang matinding pagkainggit. “Ikuwento mo naman ang feeling ng mahalikan ng isang Raphael,”   Pilya talaga ito. Ngunit imbis na pagsabihan ay pinatulan niya ito. Sandali niyang binalikan sa alaala ang una at pangalawang halik niya kay Raphael bago sumagot.   “Ano nga ba ang feeling kapag nahalikan niya? Lost. You`d be lost and there`s a lot of emotions na hindi mo mailalarawan sa salita. And it`s definitely something to... fall in love with.” Sa pag-amin niyang ito, waring gumaan ang kanyang pakiramdam at waring naging malaya na ang kanyang puso sa katotohanang ito.   “Narinig mo `yon, Paeng?” ani Candy.   Nanlaki ang kanyang mga mata at kinabahan ng husto nang paglingon niya sa pinto ay nakatayo pala ro`n ang ngiting-ngiting si Raphael.   Kumuha siya ng isang folder sa ibabaw ng table ni Candy at itinakip sa kanyang nag-iinit na mukha. Hindi niya ito kayang harapin matapos ng kanyang mga sinabi.   Narinig niya ang paghalakhak ni Candy at naramdaman niyang lumapit sa kanya si Raphael.   “It`s okay, sweetheart,” ipinatong nito ang kamay sa kanyang ulo. “Lalaki ako pero kinilig ako sa sinabi mo.”   Bahagya niyang iniusog ang folder upang silipin ito gamit ang isang mata. Sa palagay niya ay hindi ito nagsisinungaling base sa pagngiti nito at ningning ng mga mata.   “Teka, ano nga palang ginagawa mo rito? Akala ko may pasok ka?” ibinaba na niya ang folder.   “Ang sabi mo kasi may ka-date ka. Pinuntahan ko si Candy para itanong kung kilala niya kung sino ang katagpo mo iyon naman pala ay dito ka magpupunta.”   Seryoso ba ito? O nagpalusot lang upang maging effective ang pagpapanggap nila?   “Kapag nagkikita ba kayo nagtititigan lang kayo? Hindi ba dapat may kiss? I know you, Paeng,” sabi ni Candy.   “Nakatingin ka, e.” sagot ni Raphael.   “So?”   Inalalayan siya ni Raphael tumayo at hindi man lang siya nito binalaan na dadampian siya nito ng halik sa labi kaya nagulat siya at napapitlag dahil sa lakas ng ‘electrifying effect’ nito.   “`Love you,” bulong pa nito.   Gusto niyang himatayin sa sarap ng pakiramdam. Tila napunan nito ang bahagi sa puso niyang may puwang na iniwan ni Mark at tuluyan na niya itong pinatuloy sa loob upang manatili ro`n. Para siyang nakalutang nang mga sandaling iyon at ayaw na niyang umalis pa sa kinatatayuan nila.   Iyon ang damdamin na nais niyang paulit-ulit na madama. Ang pakiramdam na kukumpleto sa pagkatao niya.   “A-i... love you, too,” nagkusa na lang ang kanyang bibig na magsalita.   Nagulat siya nang tumili si Candy na namumula ang mukha. Kilig na kilig daw ito sa kanila at dahil sa kanila ay maghahanap daw ito ng ka-date mamayang gabi para raw may lambingin din.   Nang nasa kotse na sila ni Raphael, hindi niya ito matignan sa mata. Mabilis din naman niyang napanumbalik sa katinuan ang isip kahit ang kanyang nararamaman ay higit nang malinaw ngayon.   “T-tungkol sa naabutan mong speech ko kay Candy, gusto ko lang mag-explain-”   “Hindi na kailangan, Aby. Nauunawaan kita. Makulit talaga si Candy kaya napilitan kang mag-made up ng kuwento para matigil siya.” nakangiting sabi nito. “Ganoon din ang gagawin ko kung ako ang nasa sitwasyon mo kanina.”   Gusto niyang madismaya rito. Mas okay pa nga yata na paniwalaan nito ang mga sinabi niya kaysa isiping gawa-gawa lang niya `yon. At pakitang tao lang ang paghalik nito sa kanya at ang pagsasabi ng I love you samantalang siya ay natunaw na kanina sa lambing ng dating nito.   Napangiwi tuloy siya at sa labas na ng bintana humarap. Nalungkot siya.   “By the way, walang pasok sina Mika sa Wednesday, nag-yaya siyang mamasyal kasama ka, busy ka ba?”   “Si Mika lang ang may gustong kasama ako kaya siguro huwag na lang dahil baka hindi ka mag-enjoy. Kayo na lang mag-ama ang mag-bonding.” Nagtatampong wika niya.   “Alas-tres na pala ng hapon, gusto mong mag-meryenda tayo?” hindi nito pinansin ang sinabi niya na mas lalo niyang ikinainis.   Bakit bigla itong naging manhid? May nahanap na ba itong babaing plano nitong gawing girlfriend ng totohanan?   “Hindi na. Pakibaba na lang ako sa terminal ng jeep, uuwi na ako.”   Ilang saglit ang lumipas bago ito sumagot ng ‘okay’.   Gulat siyang napalingon dito. Hindi man lang nito ipipilit na ihatid siya? Hindi ba`t sinabi nitong ihahatid-sundo siya nito?   Nang ibaba siya nito sa terminal ay napikon na siya. Hindi na siya nagpaalam dito at padabog na isinara ang pinto.   “Sino ba siya sa tingin niya? Kung hindi lang dahil kay Mika, hindi ko siya pakikitunguhan ng maayos. Hmp!” sabi niya sa isip.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD