CHAPTER 6
NAPILITAN pa rin siyang sumama sa mag-ama nang sunduin siya sa apartment at kulitin siya ni Mika. Si Raphael ay walang ginawa kundi ngumiti-ngiti lang sa kanya na lalong ikinakulo ng dugo niya rito.
Matapos siyang hayaan umuwi mag-isa ay hindi na rin ito nag-text o tumawag sa kanya at pagkatapos ay hindi siya nito mabati ng ‘hi’ o ‘good morning’ man lang. Ramdam na ramdam niya tuloy na napipilitan lang itong isama siya dahil sa anak.
At sa kadahilanang din ito, nag-focus na lang siya kay Mika. Sa isang amusement park sila nagpunta. Kahit kasama nila si Anna ay siya na ang sumama sa bata at nag-asikaso rito. Tuwang-tuwa naman si Mika dahil ngayon lang daw ito nakapasyal ng may tinatawag na mommy kaya hindi talaga ito bumitaw sa kanya at nagpapa-baby talaga. Naawa siya rito kaya pinagbigyan na lang niya.
“O, bakit parang kakaiba ang ngiti mo?” puna niya kay Anna nang magpaalam si Raphael na magbabanyo.
Kanina pa rin niya ito napupunang tahimik at walang ginawa kundi ang ngumiti.
“E, natutuwa po kasi ako, ma`am Aby. Ngayon ko lang nakitang ganito kasaya ang alaga ko,” hinaplos pa nito ang buhok ni Mika, “Saka kinikilig po ako sa inyo ni sir,”
“Ha? Kinikilig?”
“E kitang-kita naman po kasi sa inyo ni sir na inlove na inlove kayo sa isa`t isa. Dinaig pa ninyo ang mga paborito kong love team! At mas intense pala kung sa harap ko nagaganap ang mga nakakatiling eksena,”
“Naku, masyado ka lang imaginative.” Aniya. Kung alam lang nito kung gaano siya ka-badtrip sa amo nito ay baka magbago ang opinion nito.
“Ilang ulit ko po kayong nahuling nag-love look, e.”
“Love look?” ngayon lang niya narinig ang term na `yon.
“`Yong, kapag po hindi ka nakatingin ay tinitignan ka ni sir, pagkatapos kapag titingin ka sa kanya ay iiwas siya ng tingin at ikaw naman itong tititig sa kanya.”
“Naku, Anna, guni-guni mo lang `yon.” Pagtanggi niya.
“Halata naman pong may LQ kayo pero naroon pa rin po kasi ang love ninyo para sa isa`t isa.”
“Ano `yon, Anna?”
Kapwa sila nagulat sa biglang pagbalik ni Raphael. Matagal-tagal din itong nagbanyo para sa isang lalaki. Hindi kaya may tinawagan pa ito o kinatagpo ro`n? Bakit kailangan nitong itago sa anak? Dahil ba sa kanya?
Hindi na niya na-enjoy ang buong araw. Wala na siyang ginawa kundi mag-isip ng kung anu-ano at madalas ay hindi na niya nauunawaan ang sinasabi sa kanya ni Mika kaya tango na lang siya ng tango.
Naiinis siya kapag gano`ng hindi niya alam ang nangyayari. Naranasan na rin niya iyon noon nang biglang nawala si Mark kaya hinanda niya ang sarili sa anumang posibleng maganap. Mabuti na rin na hanggat maaga ay malaman niya kung saan siya dapat lumugar.
Gabi na sila nakauwi. Doble ang kanyang pagod dahil sa lungkot. Hindi man lang sila nagkausap ni Raphael at hindi man lang nito tinangkang sabihin sa kanya kung ano ang itinatago nito at kung bakit biglang nagbago ng pakikitungo sa kanya.
Hanggang sa kanyang apartment siya nito inihatid. Ikinagulat niyang bumaba pa ito upang samahan siya hanggang sa pinto.
“Sige na, umuwi na kayo. Tulog na si Mika,” sabi niya habang naglalakad sila.
“May ibibigay ako sa `yo,” halos pabulong lang na wika nito. Sinadya pang idikit ang katawan sa kanya.
“Ano `yon?” mataray pa rin siya.
Pinahinto siya nito sa paglakad at napuna niyang ang isang kamay ay itinatago nito sa likod.
“Taraaan!” ngiting-ngiti nitong ipinakita sa kanya ang isang mini Doraemon stuffed toy na may nakaipit sa bulsa nito na isang red rose na wala na maliit lang ang tangkay.
Ilang saglit siyang napakurap-kurap at matagal na pinagmasdan nang inaabot nito bago mag-angat ng tingin dito.
“Thank you for coming with us. Napasaya mo kami ng anak ko at hinding-hindi ko makakalimutan ang araw na ito. Sana ay tanggapin mo ang munting souvenir na ito.”
Napakagat siya ng pang-ibabang labi at nangilid ang luha sa tuwa. Sinadya lang ba siya nitong huwag imikin para ma-surpresa siya? At paano nito nalaman na paborito niya si Doraemon?
Kinuha niya ang stuffed toy nang hindi inaalis ang mga mata kay Raphael. Napangiti siya ngunit hindi makapagsalita dahil naiiyak siya.
Inalalayan na siya nito nang tumuloy na sila sa paglakad at hindi siya tumanggi.
“Ever wonder kung saan ko nakuha si Doraemon?”
Tumango lang siya.
“Hindi naman ako nagbanyo kanina. Pinilit ko lang makuha `yan sa isang doll catcher na nadaanan natin. Ayokong mapahiya sa `yo kapag nakita mo kung gaano ako kahina sa ganoong laro kaya hindi ko na kayo isinama.”
Kung hindi lang niya pinipigilan ang sarili ay baka nayakap na niya ito. Napaka-sweet talaga nito.
“Ako na ang magbubukas ng pinto,” pagpiprisinta nito.
Kinuha niya sa bag ang susi at nang ibibigay na sana rito ay nabitawan niya bago pa nito makuha.
Sabay nila itong dinampot kaya nagka-umpugan sila ng ulo. Kapwa sila natawa ngunit unti-unti rin itong naglaho nang magtama ang kanilang mga mata habang tumatayo sila ng tuwid.
“Bubuksan ko na,” ito na ang umiwas.
“Thank you,” sabi niya.
“Aby,” bago siya humakbang papasok ay hinawakan siya nito sa kamay. “Alam kong nagalit ka sa akin noong isang araw dahil... nahalikan na naman kita. Sorry.”
“Kaya ba hindi mo ako iniimik dahil akala mo galit ako?” naintindihan na niya ang naging aksiyon nito. Natakot ito sa kanya at nag-alala.
Marahil ay ito rin ang iniisip nitong dahilan kung bakit siya nagpapakita ng pagkaasar dito noong mangyari iyon.
“Bakit- hindi ba?”
“Let`s forget about it. We`re okay.” Ibinigay niya rito ang pinakamatamis niyang ngiti.
Pangiting tumangu-tango si Raphael at ang kamay niya ang hinalikan. Bago ito bumalik sa kotse ay muli itong nagpasalamat at sa napakalambing na tono ay nag-good night sa kanya.
“Hay... mahal ko na nga talaga siya...” habang yakap ang stuffed toy na bigay nito ay nangarap siyang sana ay maging totohanan ang lahat.
Magmula nang gabing iyon, hindi na niya sinungitan si Raphael at tuluyan na niyang ipinakita rito ang tunay niyang ugali. Nakikipagbiruan na rin siya rito at nakikipagtawanan. Madalas ay sa bahay na ng mga ito siya kumakain ng hapunan. Kahit gabihin naman kasi siya ay hinahatid siya ni Raphael pauwi.
At kahit na maghapon na silang nagkausap, magka-text pa rin sila nito hanggang sa matulog sila at sa paggising sa umaga bago siya nito sunduin sa kanyang apartment. Para siyang bumalik sa pagiging teenager, ang panahon kung kailan siya nawili sa pakikipag-text. Tipong ayaw na niyang matulog lalo na`t gusto niya ang taong kausap.
“ANO BA naman ito? Ang dami,” reklamo ni Aby nang binabasa ang ibinigay sa kanyang listahan ni Candy na dapat niyang bilhin para sa decoration ng party ni Mika. Kalakip na rin nito ang mga pangalan ng mga tindahan na pagbibilhan niya sa Divisoria kung saan ito namimili.
Nagpalinga-linga siya sa kalsada kung saan siya nag-aabang ng masasakyang tricycle patungo sa labasan. Alas-otso na ng umaga ngunit dahil makulimlim ay parang pasikat pa lang ang araw.
Kinuha niya ang kanyang cellphone upang i-check kung nag-text na si Raphael. Nalungkot siya nang wala pa itong ipinapadalang mensahe sa kanya. Gawi-gawi naman nitong nauunang magising sa kanya at bumabati ng good morning, nasanay na siya sa araw-araw nitong ginagawa kaya hindi siya mapakali ngayon.
Nami-miss niya kasi ito. Ilang araw na rin silang hindi nagkita at ngayon ay hindi pa ito nagpaparamdam sa kanya. Ano naman kaya ang gimik nito?
“Ay, kalabaw!” napatili siya nang may sasakyang bumusina sa kanya.
Tumabi naman siya agad ngunit napa-second look siya sa kotse nang tila pamilyar ito. Nang magbaba ng salamin ang driver ay tila ba ngayon lang sumikat ang araw sa kanya. Umaliwalas ang kanyang mukha at nag-umapaw ang kasiyahan.
“Paeng! Ano ang ginagawa mo rito?” nasurpresa siya.
“Sinusundo ka.”
“May pupuntahan ako ngayon. Bukas na lang siguro ako pupunta sa bahay ninyo? May pasok naman si Mika ngayon, `di ba?”
Bumaba ito ng kotse at binuksan ang pinto sa front seat. “Ako po ang kasama mong mamimili sa Divisoria ngayon,”
“Ha?”
“Bakit, ayaw mo ba akong kasama?”
“Hindi naman sa ganoon, kaya lang, magulo ro`n, maraming tao, baka mahilo ka. Saka mainit at sari-sari ang mga amoy, baka hindi mo kayanin,”
“Iyon nga rin ang iniisip ko sa `yo kaya gusto kitang samahan. Saka marami kang bibilhin, hindi naman pupuwedeng bitbitin mong lahat ng `yon,”
Nangiti siya. Na-miss niya rin na may lalaking nag-aalala sa kaya. Hindi na siya tumutol pa at sumakay na sa kotse. Maingat nitong isinara ang pinto bago sumakay.
“Mahaba-habang biyahe ito, kumain ka na ba?” tanong nito. “Friday ngayon kaya sobrang traffic,”
“Nagbaon ako ng biscuit para kapag ginutom ako sa daan, may maipanlalamang tiyan ako,” sagot niya. “Gusto mo?”
“May baon din akong pagkain para sa `yo,” may kinuha ito sa backseat. Iniabot nito sa kanya ang nakalagay sa papaerbag.
Nang buksan niya ay gusto niyang magtatalon sa tuwa nang lasagna ang tumambad sa kanya. Paborito niya ito at matagal nang hindi nakakain dahil ang gusto niya ay ang luto ng kanyang ina.
“Thank you so much, Paeng!”
“Coffee? May malapit na coffee shop akong nadaanan,”
“Sige,” sagot niya. “Sino ang nagluto? Si Manang ba?”
“Maniniwala ka ba kung pinagpuyatan ko `yan para lang ma-perfect?”
Napataas ang dalawa niyang kilay. “Totoo?”
Pangiti itong tumango.
“Puwede ko bang malaman kung bakit?”
Ipinarada nito ang kotse sa tapat ng coffee shop bago siya sagutin. “Gusto kong suklian ang nagawa mo para kay Mika, I know kulang pa iyan pero huwag kang mag-alala, gagawin ko ang lahat para makabawi sa favor na hiningi ko sa `yo,”
Nilawakan niya ang pagkakangiti kahit ikinalungkot niya ang sagot nito. Bakit nga ba siya umaasang sasabihin nitong gusto na siya nito? Gaano katagal na ba sila magkakilala?
Nang bumaba ito ng sasakyan para bumili ng kape, tinanaw niya ito hanggang sa makapasok sa loob. Tila ayaw na niya itong mawala sa kanyang paningin.
Nakabalik din naman ito kaagad at dalawang kape ang binili.
“Kainin mo na ang lasagna habang nabiyahe tayo.” Anito.
“Ikaw?”
“Paano naman ako kakain kung nagmamaneho ako?” tatawa-tawa ito.
“Susubuan kita,” seryoso naman siya sa sinabi at handa nga siyang gawin iyon.
“You`d do that?” nangislap ang mga mata nito.
“Those eyes...” nais niyang matunaw.
“Nakalimutan mo na bang girlfriend mo ako?” sagot niya.
“Okay,” pangiti itong tumango.
Binuksan na niya ang pinaglalagyang ng lasagna na may kasamang kutsara. Tinikman niya muna ito at nasiyahan siya nang eksaktong-eksakto ang lasa nito sa nais niya.
“So?”
“Pasado!” bulalas niya. Kumuha siyang muli upang subuan ito. “Kumain ka rin,”
Mukhang nag-enjoy naman itong kumain habang nagda-drive. Nasiyahan din naman siya sa ginawa dahil may excuse siya upang pagmasdan ang mukha nito.
“Naku, baka masanay ako sa ganyan, sige ka, baka palagi kong hingin sa `yong subuan mo ako sa tuwing magkasama tayong kumain,” pabirong sabi nito.
“Ano ba `yan,” nasambit niya nang sa pagsubo niya rito ay hindi masyadong na-shoot sa bibig nito kaya kumalat ito at may pirasong nahulog sa damit nito.
Kumuha siya ng tissue sa kanyang bag at pinunasan ang bibig nito.
“Those lips... bakit ba tila nami-miss din kita?”
Napailing-iling siya upang itigil ang pagpapantasya rito. Ibababa na sana niya ang kamay nang hawakan ito ni Raphael.
Pumitlag ang kanyang puso nang pisilin nito ang kanyang palad kasabay ng pagtitig na naman sa kanya.
“Thank you,” paaanas na wika nito.
Binawi niya ang kamay. “Walang anuman.”
Sa daan na tumingin si Raphael ngunit may nakasilay na ngiti sa gilid ng labi. Naipit na sila sa traffic nang mga oras na `yon.
Naipaypay niya ang kamay. Para siyang biglang nainitan. Tiningnan niya ang sarili sa side mirror dahil baka namumula ang mukha niya at hindi nga siya nagkamali.
Nang makarating sila sa Divisoria, iniwan na muna ni Raphael ang sasakyan sa isang parking lot. Alas-onse na rin no`n kaya mainit na at marami nang tao. Halos magkanda-ligaw-ligaw sila sa paghahanap ng tindahan na pagbibilhan nila pero na-enjoy naman nila ang company ng isa`t isa. At natagalan sila bago makarating sa destinasyon dahil pahinto-hinto sila sa bawat tindahang madaanan para lang tumingin-tingin.
Lalo siyang humanga kay Raphael nang malaman niyang marunong din pala itong kumain ng mga simpleng pagkain na mabibili sa food court sa isang mall. Sinubukan lang naman niya ito kaya dinala niya ito ro`n. Natawa siya nang magbayad ito dahil halatang hindi ito sanay magbilang ng barya.
“I hate math,” nagpaliwanag ito sa kanya nang kumakain na sila.
“Okay lang, hindi naman nakakabawas ng pogi points `yun,” hindi niya mapigilan ang mapangiti rito.
Bigla itong tumingin sa malayo kasabay ng pagsuklay ng buhok gamit ang mga daliri sa kamay. Nang tumingin sa kanya ay pagilid itong ngumiti sabay kindat sa kanya.
“I know,” sabi nito.
Naitakip niya ang isang kamay sa mukha at napahagikgik siya.
“Alam mo bang kaya kong manggaya ng iba`t ibang boses ng cartoons?” anito.
Bago pa siya makasagot ay pinatunayan na nito ang sinasabi. Ginaya nito sina Spongebob, Patrick, Doraemon, pati si Mr. Bean at kung sinu-sino pa at manghang-mangha naman siya rito.
Hindi na nga niya naiintindihan ang mga sinasabi nito dahil napatulala na lamang siya rito.
Matapos nilang kumain, bumalik muna sila sa sasakyan para ilagay doon ang mga napamili na nila para hindi sila mahirapan magbitbit sa mga bibilhin pa nila.
Kinillig siya ng husto nang hawakan na siya ni Raphael sa kamay habang naglalakad sila. Nagkatinginan pa sila at nag-ngitian.
Madilim na nang umalis sila ng Divisoria. Ramdam niya ang pangangalay ng binti at paa sa maghapong paglalakad pero masayang-masaya siya. Siguradong magiging malalim ang kanyang tulog at hanggang panaginip ay dadalhin niya ang unforgettable moment niya rito.
NAPANGITI si Raphael nang pagsulyap niya kay Aby ay natutulog na ito ng nakangiti. Kaya pala hindi na ito umiimik sa mga kuwento niya. Malapit na sila sa apartment nito ngunit ayaw naman niyang abalahin ang pagpapahinga nito kaya dumiretso na lang siya sa bahay nila.
Inutos niya agad sa mga kasambahay na sina Betty at Susan na ayusin ang isang guest room bago niya buhatin si Aby na sa himbing ng tulog ay hindi nagising sa ginawa niya.
Matagal niya itong pinagmasdan bago niya iwan kay Betty para palitan ng damit.
Bitbit ang paboritong libro ni Nina, nagtungo siya sa garden para doon magpahinga. Madalas niyang gawin `yon magmula nang mawala ang asawa, pakiramdam niya kasi ay mula sa langit ay pinagmamasdan siya nito. Ayaw niyang isipin nitong nakalimutan na niya ito kahit pa matagal-tagal na rin itong wala.
“I will never forget you, my love,” tumingala siya sa langit. “You will always be part of me no matter what happens,”
Para naman siyang sinagot nito nang may isang bituin ang magningning.
“But you know, kailangan ko rin ng makakasama rito, `yung makakasama kong magmamahal din sa ating prinsesa, someone I can hold and love until we meet again in heaven,” may namuong luha sa kanyang mga mata habang nagpapaalam sa asawa. “Aby is really something. Kailan lang kami nagkakilala, I know, pero gusto ko siyang maging bahagi ng buhay namin hindi lang para sa anak natin kundi para na rin sa sarili ko. Matapos mong mawala, ngayon na lang ako ulit naging masaya kasama ang iba. So, kung papayag ka sana, si Aby at hindi si Honey ang nais kong makasama habang buhay... dahil... mahal ko na siya.”
Sa lakas ng pag-ihip ng hangin ay naiugoy nito ang kinauupuan niyang swing bench. Kasabay nito ay tila may humaplos sa kanyang puso na naging dahilan para pumatak ang luha niya. Mapait siyang napangiti at ramdam na ramdam niya ang pait sa ginagawa niyang pamamaalam. Sa kanyang mga mata ay waring nakikita niya ang nakangiting mukha ng kanyang asawa sa kalangitan na unti-unting naglalaho.
Pumikit siya at sandaling hinayaan ang sariling mailabas ang emosyong ikinukubli niya sa lahat. Isa sa mga dahilan kung bakit nagpapakasubsob siya sa trabaho ay upang hindi niya maisip si Nina. Malaking bagay din na nagkaanak sila bago ito bawian ng buhay. Kay Mika na lang siya kumukuha ng lakas ngayon kaya nagagawa niyang maka-survive sa araw-araw. Kung wala ito, baka sinundan na niya si Nina nang araw din na nawala ito.
Nalungkot siya nang maalala ang mga huling sandali ng asawa. Iyon na yata ang isa sa pinakamadilim na bahagi ng buhay niya. Wala siyang ginawa kundi ang hawakan at halikan lamang ang kamay nito habang nagbibilin sa kanya.
“Ayokong malungkot ka kapag nawala na ako,” ito ang sinabi nito nang mahinang-mahina na. “I want you to be happy and marry someone na mamahalin din si Mika,”
Tumatango lang siya noon kahit alam niyang hindi niya ito magagawang palitan.
“K-kung hindi ka m-makahanap... s-si H-honey...”hirap na hirap na itong magsalita.
“What? Ate Nina, gusto mong ako ang pakasalan ni Raphael?” naroon ng mga oras na iyon si Honey.
Nginitian ni Nina ang kapatid at muling bumaling sa kanya. “S-seven...” kinakapos na ito sa paghinga kaya hindi niya masyadong naunawaan ang mga nais nitong iparating. “...d-daughter...”
“On Mika`s 7th birthday?” napatingin siya kay Honey.
“P-please...”
Naghihingalo na si Nina kaya nangako siya ritong gagawin niya ang gusto nito at gayundin si Honey. At nakangiti na itong ipinikit ang mga mata.
“Para sa akin ang bangungot ay ang realidad kung saan kailangan mong harapin araw-araw nang wala ang taong mahal mo.” Ito ang sagot niya sa tanong ni Aby sa diary nito. “And I think, kaya kami muling pinagtagpo ay para tulungan namin ang isa`t isa na makapag-move on nang tuluyan.”
Binuklat niya ang libro. Magmula nang mawala ang asawa ay hindi pa niya iyon nabasa ulit. Natatakot siyang maramdaman niya kung gaano niya nami-miss si Nina. At kaya rin ito ang palagi niyang kinakausap ay ang namayapang asawa ang naiisip niyang kausap.
Nagulat siya nang may mahulog na papel mula rito na agad naman niyang dinampot. Natigilan siya at napakunot ang noo nang makitang larawan iyon ng asawa at- ni Aby?
“M-mag...-k-kakilala sila?”
Mas nawindang siya nang makita rin niyang may sulat sa likod nito si Nina at para iyon sa kanya. Nagmamadali niyang binuklat ang libro at hinanap ang pangalan ng bidang babae ro`n.
Honey.
Nanghihina siyang napasandal sa kinauupuan. Ilang minuto bago nag-sink in sa kanya ang nangyayari.
“I`m so stupid! Bakit nga ba hindi kita naunawaan?” nais niyang batukan ang sarili sa natuklasan. “I`m so sorry, Nina.”
Pero maya-maya rin ay natawa siya.
“My God, si Aby ay si Elle!”
MASAKIT ang katawan ni Aby nang magising ngunit hindi pa rin niya nalilimutan ang mga nangyari kahapon. Hindi niya ito ininda at mas pinagtuunan nang atensiyon ang gaan ng kanyang pakiramdam.
Totoong napagod nga siya pero nagising siya nang buhatin ni Raphael. Nagtayuan ang lahat ng balahibo niya nang maramdaman kung gaano kalapad ang dibdib nito at kung gaano kalakas ang mga braso nito. Kahit na maghapon sila sa kalye, hindi pa rin ito amoy pawis, mabango pa rin ito. Maingat na maingat siya nitong ibinaba sa kama at binulungan pa siya sa tainga ng good night. Matapos no`n ay nakatulog na siya ulit.
Paglabas niya ng kuwarto, nagulat siya kay Mika na nakaabang lang sa labas. Tuwang-tuwa ito dahil gising na raw siya. Hinawakan siya nito sa kamay at inaya sa baba kung saan naghihintay naman si Raphael na abala sa paghahain at nakasuot pa ng apron.
“Hi, good morning!” ngiting-ngitng bati nito.
“Wow. Ikaw ang nagluto lahat niyan?” namamangha na naman siya rito.
“Rest day nila Manang kaya ako ang cook for today,”
“But Daddy never cook before,” sabi ni Mika. “He can`t even fry a hotdog for me.”
“Mika,” pasimpleng sinaway ni Raphael ang anak.
Nangiti siya. “So, ibig sabihin nagpapa-impress sa akin si daddy, gano`n ba?”
Nakangising tumango-tango ang bata.
“Were you... impressed?” hindi niya masabi kung nagbibiro lamang ito ngunit sinagot niya ito ng totoo.
“Very,” siniguro niyang nakatingin siya sa mga mata nito nang sabihin `yon.
Lumapit sa kanya si Raphael nang hindi inaalis ang mata sa kanya at ganoon din siya.
Naririnig na naman niyang nakabibinging tambol sa kanyang dibdib pati na ang animo`y mga paru-parong nagliliparan sa kanyang tiyan.
“This is it, Aby. In love ka na nga sa kanya. Wala nang atrasan ito!”
“Ouch!”
Nasira ang kanilang moment nang dumaing si Mika. Nakalimutan nilang naroon nga pala ito at natawa sila pareho dahil nasa gitna nila ito.
“Daddy naman, e!”
“Sorry, anak,”
“Let`s eat?” aniya para mawala ang tensiyon.
“Okay.” Kakaiba ang ngiti at tingin sa kanya ni Raphael at gusto niya `yon.
May mensahe itong nais iparating na ikinatuwa ng kanyang puso.