CHAPTER 7
ISANG LINGGO na lang ay kaarawan na ni Mika kaya naman naging Abala na si Aby sa pag-aayos at pagsasalansan sa bawat bag ng mga souvenir para sa mga bisita nito. Hindi naman siya nahirapan o napagod dahil katulong niya si Raphael na inaaliw siya sa pakikipag-usap sa kanya gamit ang iba`t ibang boses ng cartoons. Ito rin ang naghahanda ng kanilang meryenda dahil sabi niya hindi siya kakain kung hindi ito ang nagluto. Hindi nga lamang niya maamin ang kanyang dahilan na natatakot siyang baka isabotahe siya ng dalawa nitong kasambahay na sa ilang ulit niyang pagbalik-balik sa bahay na iyon ay hindi pa rin nagbabago ang tingin sa kanya.
Isang araw, alas-dos ng hapon nang pilitin siya ni Raphael na magpahingin muna sila sa garden dahil nasa family room sila gumagawa.
Kabababa pa lamang nila sa sala nang eksaktong dumating si Honey at may kasama itong isang babaing mukhang nerd sa laki ng suot na salamin sa mata at naka-all black mula blouse hanggang sa suot na sapatos.
“Mabuti at narito kayong dalawa,” kung magsalita si Honey ay akala mo isa siya sa may-ari ng bahay. Sa ngiti nito at paghalukipkip ay mahuhulaang may sasabihin itong hindi maganda.
Tumingin muna sa kanya si Raphael bago sagutin ang hipag. “Yes? May kailangan ka ba?”
“Hindi ka ba pamilyar sa kanya?” itinuro nito ang kasamang babae.
“No,” mabilis ang pagsagot ni Raphael na isang sulyap lang ang ginawa rito.
“Siya lang naman si Eliza Montemayor, also known as- your favorite author- Elle.” Nakataas pa ang noon ni Honey nang ipakilala ito.
Gusto niyag matawa sa dalawang kadahilanan- ang malamang paborito ni Raphael si Elle at ang katotohanang nagpapanggap lamang ang kasama ni Honey. Minabuti niyang manahimik na lamang at pakinggan ang mga sasabihin ni Raphael.
“Siya nga?” bagamat ngumiti ay hindi nagulat si Raphael. Lumapit ito sa ipinakilalang Elle at nakipagkamay. “Please to meet you, Miss Elle,”
“Ikinagagalak din kitang makilala.” Sa mga mata ng huwad na Elle ay mababasang nagkaroon ito ng instant crush kay Paeng na ikinainis niya. “Nabalitaan ko mula kay Honey na isa ka sa libu-libo kong tagahanga kaya sumama ako sa kanya upang makilala ka.”
Napaismid siya. Kung hindi lamang siya matinong tao ay sinabunutan na niya ang babaing ito. Nagpapanggap na nga na siya ay sinisira pa ang reputasyon niya. Hindi nga niya alam kung umabot ng isang daan ang tumatangkilik sa kanyang mga nobela.
“That`s true,” ani Raphael. Nagulat siya nang hawakan siya nito ng mahigpit sa kamay. “By the way, ito nga pala si Aby, ang pinakamamahal kong girlfriend.” Sa kanya talaga ito tumingin nang banggitin ang mga huling sinabi.
Napangiti tuloy siya and for a minute, hinayaan niya ang sariling paniwalaan iyon.
“Elle is still single, right, Elle?” ani Honey.
“Actually, naghahanap nga ako ng bagong boyfriend ngayon. Mali, naghahanap na ako ng lalaking mapapakasalan para mas maging maganda ang mga isinusulat kong nobela.” Sabi ng huwad na Elle.
“Ipagdarasal kong sana ay makatagpo ka ng lalaking kailangan mo. Bilang narito ka na rin, maaari ba kitang imbitahan sa kasal namin ni Aby?”
“What? Kasal? She`s not wearing a ring!” si Honey.
Isinenyas ni Raphael na maghintay ito sandali. May dinukot ito mula sa bulsa ng suot na pantalon at lumuhod sa harap niya. Natural ay nagulat siya sa ginawa nito lalo na nang ipakita ang hawak nitong kumikinang na singsing.
Nang bitawan nito ang tanong na ‘will you marry me’ ay hindi siya agad nakasagot.
Nakaplano ba ang eksenang `yon? Kaya ba siya nito inaya sa garden ay upang mag-propose sa kanya ng totohanan o alam lamang nitong darating si Honey kaya naghanda ito?
“Of course, I will marry you.” Pangiting tugon niya. Naguluhan din siya sa sarili dahil kalahati sa sinabi niya ay totoo.
Nang isuot nito sa kanya ang singsing ay mabilis siya nitong dinampian ng halik sa labi.
“I love you,” bulong nito.
Sandali siyang napatanga. Kung isa lamang iyong palabas, bakit tila yata siya lamang ang nakarinig sa pagbigkas nito ng tatlong mahahalagang salita?
“Now it`s official,” sa napatigagal na sina Honey at huwad na Elle na humarap si Raphael. “Sana makarating ka, Elle. It would be an honor kung magiging saksi ka sa napakahalagang bahagi ng buhay namin nitong sweetheart ko,”
“Oh my God, Raphael, stop lying! Naniniwala ako!”
Ngayon lamang niya naunawaan kung bakit may mga taong kahit harap-harapan nang niloloko ay naniniwala pa rin sa mga bolero nilang minamahal. Dahil kahit isang malaking kasinungalingan, nakagagaan pa rin sa pakiramdam ang mga sweet words. At kahit na sabihin mo sa sariling magbingi-bingihan, kapag ang puso ang umiral, magpapadala ka na lang sa nararamdaman at sa kung ano ang nakapagpapaligaya sa `yo. Everything else is not important.
Natauhan siya nang bigla na lamang umalis si Honey na mabibigat ang mga paa. Literal na mabigat dahil sa ingay nitong maglakad. Nagpaalam naman sa kanila ang kasama nito na tila napahiya at agad sumunod kay Honey.
“Gagawin niya talaga ang lahat para lang sa sarili niyang kapakanan.” Wika ni Raphael na hindi pa rin binibitawan ang kanyang kamay. “Magdadamay pa siya ng mga inosenteng tao.”
“About Elle,” aniya.
“Oh, she`s a fake. Hindi mapagmataas at mas lalong hindi sasabihin ni Elle sa isang lalaking ngayon lamang niya nakilala ang gano`ng bagay. Besides, base sa mga nobela nito, sa palagay ko`y hindi siya mababang uri ng babae para maghanap ng lalaking pakakasalan. Naniniwala siyang in God`s perfect time, darating ang taong para sa `yo, so, waiting is the key.”
Napakurap-kurap siya rito. Namamangha.
Sa lahat ng mga nakausap niyang nakapagbasa ng kanyang mga isinulat, kahit na si Mark o si Hil, ngayon lamang siya na-impressed sa komento ng isang mambabasa. Hindi siya nito pinupuri bilang isang manunulat kundi bilang isang tao. At hindi lamang ito basta nagbabasa, inaalam nito ang lalim ng kanyang mga ginagamit na plot.
“I really like the way you look at me,” sabi nito.
“Ha?” hindi niya namalayan na nakatitig lamang pala siya rito. “A, kuwan, a-ano...”
“It feels like binabasa mo ang buong pagkatao ko at para bang nakikita mo ang hindi nakikita ng iba.”
Alangin siyang natawa at umiwas na ng tingin. “Sa palagay ko`y dapat ko nang ituloy ang ginagawa ko.”
At nagmadali na siyang bumalik sa itaas sa takot na makatakas sa kanyang bibig ang kanyang damdamin. Hindi `yon magiging maganda kung siya ang unang magtatapat- kung may ipagtatapat nga sa kanya si Raphael.
“BAKIT NGAYON ka lang nagpakita sa akin?” nakangiting tanong ni Raphael kay Candy nang dumalaw ito sa kanyang opisina. May mga kailangang siyang pirmahan for approval na ilang project kaya siya pumasok ngayon.
Isang matamis na ngiti ang isinagot nito at makahulugan ang mga tingin. Nakaupo sa katapat niyang couch habang may hawak na isang baso ng juice.
“Now that Aby`s around, I don`t think na kailangan mo pa ako.” anito.
“But of course! I need you more than ever.”
“Para naman hindi kita kilala. Kapag in love ka, pinaiikot mo ang mundo mo sa isang babae at hindi mo ako pinapansin. At sa pagkakaalam ko, plano mo nang pakasalan si Aby kaya ayoko nang makigulo pa.”
“Sa palagay mo ba papayag siyang magpakasal sa akin?” naitanong niya.
“Knowing her, hindi siya basta nakikipagrelasyon, or should I say sigurista ang babaing `yon. Wala pa siyang naging boyfriend dahil napakataas ng standards niya. May makita lang siyang isang mali, ayaw na niya hindi pa man niya nakikilala. And to answer your question, yes, sa tingin ko ay papayag siyang pakasal sa `yo. The moment na sinagot ka niya, siguradong handa na siya sa lifetime commitment and you`re one lucky guy para makuha mo ang loob niya.”
Sa ibang direksiyon siya tumingin. Pinag-iisipan niya kung paano sasabihin dito ang totoo. Nangako nga siya kay Aby na ililihim `yon mula kay Candy ngunit ang kababata lang ang tanging makakatulong sa kanya.
“Bakit, may problema ba kayo?”
Nang ibalik niya ang mata rito, bumuntong hininga muna siya at sandali pang nag-isip bago sumagot. “Naalala mo ba ang babaing ikinuwento ko sa `yo na nakabunggo ko sa isang cafeteria?”
“Yeah. Huwag mong sabihing nakita mo siya... wait a minute, hindi ba`t sinabi mo sa akin na na-love at first sight ka sa kanya?” kumunot ang noo nito. “At bago ko nga pala makalimutan, gaano na ba kayo katagal ni Aby?”
“Candy, si Aby ang babaing `yon at... hindi totoo ang relasyon namin.”
Napaawang ang bibig nito. “I`m sorry?”
Inilahad niya rito kung paano nagsimula ang lahat at kung bakit maging dito ay inilihim nila ang bagay na `yon. Sa buong oras na ikinukuwento niya rito ang mga pangyayari, walang ibang naging reaksiyon si Candy kundi ang umiling at mapainom ng juice. Binanggit niya rin dito ang tungkol kay Elle at dito nag-react si Candy ng pagkagulat dahil sa iniwang sulat ni Nina. Nang matapos siya ay ilang minuto bago ito nakapagsalita.
“Ewan ko, Paeng, pero baka hindi matuwa si Aby kapag nalaman niya ang tungkol sa ginawa ng asawa mo. Mas makakabuti sigurong itapon mo na ang picture na `yon at huwag mo nang sabihin sa kanya.” Payo nito. “At mas mabuting magtapat ka na ng nararamdaman mo sa kanya bago pa ito malaman ni Honey.”
“Actually, na-plano ko na nga iyon. After sana ng birthday ni Mika. Matutulungan mo ba ako sa setting?”
“Oo naman! Sabihin mo lang kung saan at ako nang bahala.” Mabilis na sagot nito.
Dahil sa suporta nito, mas lumakas ang kanyang loob.
Subalit, lingid sa kanilang kaalaman ay magmula nang dumating doon si Candy ay nasa pinto lang si Honey at narinig ang lahat ng pinag-usapan nila. Nagpunta ito ro`n para sana sumuko na at tanggapin na wala na nga talagang pag-asa na maikasal siya kay Raphael. Manghihiram na lang sana siya ng pera rito para makabayad ng bills.
Sa kanyang mga natuklasan, muling nag-apoy ang kanyang pagnanais na paalisin sa buhay nito si Aby at sa naiisip niyang paraan, nasisiguro niyang hindi na siya papalpak pa.
ALAS-TRES ng hapon, naisip ni Aby na magpahangin muna sa garden habang hininintay dumating si Raphael. Tumawag ito sa kanya, ilang minuto pa lang ang nakakalipas. Pauwi na raw ito at may pasalubong sa kanya kaya na-excite siya.
Naupo siya sa swing bench at ninamnam ang preskong hangin na tumatama sa kanyang balat. Pumikit pa nga siya upang i-relax din ang kanyang utak habang nag-iisip sa idurugtong niya sa isinusulat na nobela.
Nangiti siya nang ang nakangiting mukha ni Raphael ang rumehistro sa kanyang imahinasyon.
“Bakit nga ba nakakatunaw ang mga titig mo? Para yatang nagiging vitamin C na kita, sumisigla ang buo kong katawan sa tuwing iniisip kita. Pero para ka naman kryptonite kapag dumukit ka sa akin dahil nanghihina ako. May happy ending ba ang istoryang ito?”
Bigla siyang napadilat nang may maramdaman na papalapit. Nagulat siya nang ang dalawang kasambahay iyon. May dala ang mga itong juice at sandwich.
“Magmeryenda ka muna, ma`am,” nakangiti namang sabi nito. Ang kulot ang buhok ngunit magandang bata, si Susan.
“Kung gusto ninyo po ng nachos, kukuha po ako,” ani naman ng mestisa at matangkad na babae, si Betty.
“A, hindi na,” pinigilan niya ito.
Tiningnan niyang mabuti ang mga dala nito.
“Hindi kaya nilagyan nila ito ng pampurga o ng kung anong chemical para masira ang tiyan ko?”
Ipinatong ng mga ito ang bitbit sa mesang naroon.
“Pahinga po namin kapag ganitong oras, e. Saka tulog si Manang Auring, bawal kami sa kuwarto namin, maingay daw kami,” ani Betty.
“A, kumusta naman si Raphael sa inyo bilang employer?” naitanong niya. Nais niyang malaman kung tama ang hinala niya sa mga ito.
Ikinagulat niyang tila sabik na sabik nang magkuwento ang dalawa. At hindi katulad ng inaasahan niya, kahit tila nagtsi-tsismisan sila ay sa paraan ng pagsasalita ng mga ito ay mahahalata ang taas ng respeto nito kay Raphael dahil sa dami ng mga mabubuting bagay na ginawa nito sa mga kasambahay.
Hindi ito mahigpit na amo at napakamapagbigay. Kamag-anak ang turing sa mga ito at pinag-aral pa nga ang dalawa ng vocational. Kahit na maaari na silang umalis doon para maghanap ng mas magandang trabaho, pinili nilang manatili upang serbisyuhan pa rin ito. Sa katunayan nga raw ay wala ng planong umalis ang mga ito katulad ni Manang Auring.
At napahiya siya nang sabihin ng mga ito kung gaano natutuwa ang mga ito nang dumating siya sa bahay dahil sa wakas daw ay magiging masaya na muli ang kanilang amo matapos mawala ni Nina. Kaya pala palaging nakamasid sa kanya ang dalawa ay dahil nais makita ang reaksiyon ni Raphael kapag kasama siya. At nalaman niya rin sa mga ito na ngayon lang ito naglagi sa bahay at nag-asikaso ng birthday ni Mika.
At siya ang sinasabing rason ng mga ito.
Nabanggit din ng mga ito ang tungkol sa joke na pakikipag-date ni Raphael sa isang libro sa study room. Naging interesado siyang malaman kung sa kanyang nobela nga ba ang tinutukoy ng mga ito kaya nang bumalik siya sa itaas ay palihim siyang nagtungo sa study room.
Hindi na niya kailangan pang isa-isahin ang mga ibro sa bookshelves na naroon dahil agad niyang natanaw ang isang hilera ng mga tagalog romance pocketbook.
“Ito ba ang collection ng asawa niya?” naalala niya ang kuwento nito noon.
Kumuha siya ng isa at kahit nabanggit na sa kanya ay nanlaki ang mga mata niya nang makitang isa iyon sa mga akda niya. Tiningnan niya rin ang title ng lahat ng mga pocketbook at tila kinapos siya ng hininga nang matuklasang sa kanyang nobela ang lahat ng iyon. Magmula nang una-una niyang isinulat hanggang sa kasalukuyan ay kumpleto ito. Kung apat na taon nang wala si Nina, ibig sabihin ba ay si Raphael ang bumili nang iba ro`n na mga na-published four years ago?
“Imposible naman na binabasa niya ito, he`s too macho for...” napalingon siya sa table at hindi niya alam ang magiging reaksiyon nang matanaw sa ibabaw ng nito ang ilan pa sa mga libro niya at ang isa ay kitang-kita niyang may nakaipit na bookmark.