Chapter 8

3106 Words
CHAPTER 8   SUMAPIT ang araw ng birthday party ni Mika. Maagang gumising ang lahat para sa pagde-decorate sa garden. May apat na tao rin na kasama si Candy para tumulong sa kanila. Planado na kung saan ilalagay ang mga dekorasyon kaya hindi na sila nahirapan. Catering naman ang pagkain kaya hindi na nag-abala pa sina Manang Auring na magluto.   May mga Japanese lantern na iba`t ibang size at kulay ang isinabit nila. Mga malalaking sizes ng kunwaring paru-paro naman ang ikinabit nila sa mga halaman. Umarkila sila ng tables and chairs kasama na ang mga balloons pati na ang tent para sa pagkain.   “Abz, mag-juice ka muna,” inabutan ito ni Raphael ng inumin. Kanina pa niya napupunang pinagpapawisan ito kaya naisip niyang baka ma-dehydrate ito.   “Thanks,” nakangiti naman nitong kinuha iyon at ininom.   “Pawis na pawis ka,” siyempre ay may bitbit din siyang towel para punasan ang noo nito.   “Daddy!” himig nagagalit si Mika nang lumapit sa kanila. May bitbit din itong isang baso ng juice.   “What?”   “Sabi ko ako ang magbibigay kay mommy ng juice, e!” anito.   “Wait,” sabi ni Aby at in-straight ang ibinigay niyang juice. “I think nauuhaw pa ako,”   Tuwang-tuwa naman si Mika na iniabot dito ang juice at ininom din iyon ni Aby.   Natatawa siyang napapailing-iling.   “Mika, doon tayo sa playroom mo, marami silang ginagawa rito,” sabi ni Anna.   “Bye mommy!” at patakbong bumalik sa loob ng bahay si Mika.   “Bye, anak! Ako ang daddy mo!” pahabol niya.   “Puwede ba, nadi-distract kami sa lambingan ninyong mag-anak,” sabi ni Candy.   Napahiya naman siya sa mga tao nang makitang nakangiti ang mga ito habang nakatingin sa kanila.   “Inggit lang kayo!” sabi ni Aby sabay kindat sa kanya. “Punasan mo pa nga ako ng pawis, sweetheart,”   Halatang iniinis lang ni Aby si Candy pero sinunod niya ang sinabi nito.   “Huwag kang magpakapagod, sweetheart,” aniya.   “I hate you both!” tumalikod sa kanila si Candy pero natatawa-tawa ito.     ALAS-TRES nagsimula ang party. Marami rin ang bisita ni Mika at hindi lang puro bata. Tuwang-tuwa si Aby na kinuhanan ng picture ang bawat bisita, ang bawat eksena, bawat anggulo upang mabuo niya ang kuwento ng party at hindi niya ininda ang pangangalay dahil ayaw niyang may ma-miss na shot. Mahalagang moment iyon na kailanman ay hindi na mauulit ngunit habang buhay na maaring mabalikan sa alaala ni Mika at maipakita sa mga magiging anak nito sa hinaharap sa pamamagitan ng litratong kuha niya.   Lalo na ang sandaling magbigay ng mensahe si Raphael sa anak at nagyakap pa ang mag-ama pagkatapos. Hindi naman pumayag si Candy na maging photographer lang siya ngayon, pilit siya nitong pinasama kina Mika para raw matupad na ang pinaka-wish ng bata.   Kinuhanan din sila nito ng litrato ng magkakasama, bilang isang pamilya.   Kahit alam niyang maaaring ito na ang huling beses na makakasama niya nga ganoon ang mag-ama, hindi siya nababahala. May bahagi sa puso niya na naniniwalang hindi `yon ang huli nilang pagkikita. Kakaibang twist ng tadhana ang nag-ugnay sa kanila ni Raphael at sigurado siyang hindi ito matatapos ng gano`n lang. Oo nga`t nagpapanggap lang sila pero hindi siya nakadarama ng guilt sapagkat naging totoo siya sa mga ginawa niya para sa mag-ama.   Hindi man aminin sa kanya ni Raphael ngayon, alam niyang may nararamdaman din ito para sa kanya. Kailangan lang niyang maghintay kung kailan nito `yon ipahahayag sa kanya at kahit gaano ito katagal ay hindi siya maiinip sapagkat tiyak naman na kaligayahan ang magiging kapalit nito.   Nang matapos ang party, alam niyang pagod na rin si Raphael kaya nasabihan niya si Candy na makikisabay na lang siyang umuwi rito.   “No, ako ang maghahatid sa `yo.” Tila galit pa si Raphael nang sabihin ito. Hindi niya napunang nasa likuran pala niya ito nang kausapin si Candy.   “Hindi na, Paeng, magpahinga ka na lang.” sinadya niyang lambingan ang pagsasalita. Hinawakan pa niya ito sa braso at nginitian. “On the way naman ang apartment ko sa bahay ni Candy.”   “Aby, ihahatid kita at huwag ka ng kumontra, please?” sa nakikiusap nitong mga mata at tinig ay hindi na niya nagawang tumanggi.   Nang nasa biyahe na sila, halatang-halata niyang binabagalan na naman nito ang pagmamaneho. Sa mga malalayong ruta pa ito talaga ito dumaan. Hindi naman niya ito tinanong dahil baka mapahiya.   “Masakit ang ulo mo?” tanong nito nang hilutin niya ang noo.   “Sa pagod lang siguro. Iinuman ko lang ito ng gamot, mawawala na `to.”   “May gamot ka sa apartment?”   “Marami akong stocked.”   “Pagdating mo uminom ka kaagad at magpahinga na. Huwag ka ng makipag-text o sumagot pa ng tawag sa mga textmates mo.”   Saglit siyang natawa. “Wala naman po akong ibang itini-text at kinakausap sa phone bukod sa `yo. Ibig sabihin ba no`n, iisnabin kita?”   Malawak ang naging ngiti nito. “Kung gano`n, kapag tumawag ako mamaya, sagutin mo. Babantayan kita hanggang sa makatulog ka.”   “Okay.” Pangiti siyang tumango.   Inalalayan siya nitong bumaba ng kotse nang makarating sa kanyang apartment. Baka raw kasi mahilo siya.   Nagtatayuan na naman ang mga balahibo niya nang maramdaman ang dibdib nito na kumikiskis sa kanyang braso. Sa magkabilang siko kasi sya nito hawak dikit na dikit ang katawan nito sa kanya. Binabagalan niyang maglakad at sa totoo lang ay umaarte na lang siyang hindi niya kayang maglakad ng maayos para mas lalo niyang makita kung gaano ito ka-concern sa kanya.   Kinuha nito ang susi sa kanya at ito na ang nagbukas ng pinto para sa kanya. Tumuloy na rin ito sa loob at ito pa ang nag-asikaso sa kanya. Itinuro niya rito kung saan nakalagay ang mga gamot nang tanungin siya, kumuha ito ng isang basong tubig at  pinainom siya ng pain reliever.   “Salamat,” aniya.   Naupo ito sa tabi niya. “Nag-iisa ka rito, sino ang nag-aalaga sa `yo kapag may sakit ka?”   ‘Kaya ko naman ang sarili ko,’ ang madalas niyang isagot sa mga gano`ng klase ng tanong. Subalit, sa kasong iyon ay nais niyang magpaawa rito para mas makarinig pa ng mga sweet words.   “Wala nga, e. Nahihirapan na nga ako kung minsan.” Itinatago niya ang kanyang ngiti.   “Kawawa naman ang sweetheart ko,” pabirong wika nito kasabay ng paghaplos sa kanyang buhok. “Don`t worry, now that I`m here, hindi ka na mahihirapan dahil aalagaan kita,” dagdag pa nito.   Kung ang kilig ay kasing lakas ng boltahe ng kuryente, baka nagingisay na siya ng mga sandaling iyon sa lakas ng epekto ng sinabi nito sa kanya.   Muli na naman nagtama ang kanilang mga mata. Hindi katulad ng mga nauna, higit na mas malakas ang atraksiyong nadarama niya para rito. Wala na siyang pag-aalinlangan ngayon at wala na rin pakialam sa mga mangyayari.   Waring nabasa naman nito ang nais niya kaya dahan-dahan ay inilapit nito ang mukha sa kanya at sinalubong naman niya ang labi nito. Sa pagpikit niya, tila damang-dama niya ang pagdaloy ng kanyang dugo sa bawat ugat na mayroon siya sa katawan. Ang t***k ng kanyang puso ay para bang nakikipagkarera sa bilis habang ikinaliyo niya ang sensasyong dulot ng halik nito.   Hindi talaga siya marunong humalik ngunit sinagot niya si Raphael nang gumalaw ang labi nito. Napayakap pa siya sa leeg nito. Nang una ay marahan lang ang paghalik nito subalit habang tumatagal ay lumalalim ito at nagiging marahas. Hindi niya ito pinagbawalang i-explore ang kanyang bibig dahil nagustuhan naman niya ito hanggang ang kamay nito ay namalayan niyang nasa kanyang baywang na at animo`y minamasahe ang pagkakurba ng kanyang katawan.   Sandali silang naghiwalay upang lumanghap ng hangin at muling nagdikit ang kanilang mga labi. Napatigil lang sila nang mag-ring ang cell phone nito.   “Excuse, si Anna,” hindi naman ito tumayo nang sagutin ang tawag. “What? Okay, pauwi na ako. Sige, bye.”   “Bakit, ano`ng nangyari?” nag-aalalang tanong niya.   “Si Honey, nagpunta sa bahay. Kailangan ko ng umuwi dahil baka kung ano ang mangyari kay Mika.” Saka pa lang ito tumayo.   Naiintindihan niya na emergency `yon pero hindi niya maiwasan ang malungkot. Tumayo na rin siya para ihatid ito sa pinto.   “Mag-iingat ka sa pagmamaneho,” paalala niya.   “Thanks,” nginitian pa rin siya nito at dinampian ng halik sa labi bago nagmadaling umalis.   Hinintay niyang makaalis ang sasakyan nito bago isara ang pinto.   Napahawak siya sa kanyang labi at napangiti. Nagpunta na siya sa kanyang silid at pabagsak na nahiga sa kama.   “Hindi pa opisyal na kami pero ganito na, paano pa kaya kung...” naitakip niya sa mukha ang unan dahil sa pag-iinit nito. Kinuha niya ang Doraemon stuffed toy at mahigpit itong niyakap.   Excited siya sa magiging relasyon nila ni Raphael na pihadong magiging laman ng kanyang mga nobela.     KINABUKASAN, dinalaw siya ni Candy. Niyaya siya nitong mag-shopping at magpa-parlor. Hindi siya tumanggi dahil nais niyang magpalit na ng mas kaaya-ayang pananamit, kung saan mas magmu-mukha siyang dalaga. Hindi naman siya tinuya ng kaibigan sa halip ay natuwa pa nga ito dahil hindi na raw siya kj.   Pulos dress ang inirekomendang damit sa kanya nito. Nang makita niyang bagay naman sa kanya ay binili niya ang lahat ng iyon. May isang particular na damit na sinabi nitong `yun na ang isuot niya bago sila magpunta ng parlor dahil may pupuntahan pa raw sila pagkatapos nilang magpaayos. Dahil nais niyang ma-practice ang pagsusuot ng dress, sinunod niya ito.   Alas-sais na sila nakalabas ng parlor. Kahit bagong gupit siya pakiwari niya ay ang haba-haba ng kanyang buhok. Excited siyang makita ni Raphael at marinig ang masasabi nito sa bago niyang look.   Wala siyang tigil sa pagtingin sa sarili sa salamin ng kanyang foundation kaya hindi niya namalayan kung saan siya dinala ni Candy. Nagulat na lamang siya nang sabihin nitong naroon na sila.   “Ano ang mayroon dito?” tanong niya nang mapunang isa `yong garden restaurant na madalas pagdausan ng iba`t ibang okasyon.   Ilang beses na rin silang nakapasok doon ni Candy dahil paborito itong venue ng mga kliyente nito   Imbis na sagutin siya ay pinababa na lang siya nito. Mas nagtaka siya nang batiin siya ng mga waitress sa kanyang pangalan nang salubungin sila ng mga ito sa main entrance.   “Ihahatid ko na lang sa apartment mo ang mga gamit mo, bye!” sabi ni Candy.   Bago pa siya makapagtanong ay nagmadali na itong bumalik sa kotse.   “This way po, ma`am Aby,” wika ng assistant manager.   Nag-aalangan man ay sumama na lang siya rito. Nang nasa garden na, napangiti siya nang makita si Raphael na may hawak ng isang bouquet ng pulang rosas habang nakatayo sa tabi ng nag-iisang mesang naroon. Mas guwapo ito ngayon sa suot na amerikana at mas nagniningning sa kanyang mga mata dahil sa napakatamis nitong mga ngiti.   Nabalewala sa kanya ang ganda ng ambiance ng lugar dahil ang kanyang mata ay nakatuon lamang dito habang naglalakad palapit dito.   Naintindihan na niya ang nangyayari. Nahulaan na rin niya kung ano ang dahilan nito kung bakit siya dinala sa ganoong lugar.   “Hi,” sinalubong siya nito. “For you,”   “Thank you,” kinuha niya ang bouquet at inamoy `yon. “So, para saan ang dinner na `to?”   Pangiti itong nagkibit balikat. “For formality?”   “Formality of?” kahit alam naman niya ang tinutukoy nito ay mas nais pa rin niyang marinig na sabihin nito.   Kinuha nito ang isa niyang kamay. Naramdaman niyang nanlalamig ito at nangininig. Ang pagkakangiti rin nito ay nahaluan ng nerbiyos.   “Uhm... ehem. Ah... paano ko ba ito sisimulan?” halata rin sa boses nito na kinakabahan ito.   Nginitian niya ito. “It`s okay. Just tell me whatever it is.”   Naglinis muna ito ng lalamunan at makailang ulit na huminga ng malalim bago muling magsalita.   “Aby, I-”   “Isang malaking kalokohan ang pagpapanggap na ito.”   Kapwa sila napalingon sa isang pamilyar na boses ng babae-si Honey. Nakasuot ito ng uniform ng isang waitress. Kasunod nito si Candy na pumipigil dito na makalapit sa kanila.   “I`m sorry, Paeng, hindi ko alam kung paano siya nakalusot.” Paliwanag ni Candy.   Hinawakan siya ni Raphael sa braso at humakbang upang pumantay sa kinatatayuan niya. Nang tingnan niya ito ay madilim na ang mukha nito.   “Ano na naman ang kailangan mo, Honey?” waring napapagod na ito sa panggugulo ng hipag.   “Huwag kang mag-alala, Raphael, hindi ikaw ang kailangan ko.” Mataray na sabi ni Honey at bumaling sa kanya. “Si Aby ang gusto kong makausap para sabihin ang panloloko ninyo ni Candy sa kanya.”   “Anong panloloko ang sinasabi mo riyan?” ani Candy.   “Hindi ba`t pinlano ninyo ni Raphael ang lahat para lang magkalapit sila ni Aby? Mula sa cafeteria, sa pagdalo niya sa party kasama ang pinsan mo, sa pagiging assistant mo, hanggang sa ngayon, ang lahat ay bahagi lamang ng plano ninyo.” Nagpalit-palit pa ng tingin si Honey kina Candy at Raphael.   Napakunot siya ng noo at kinabahan. “Ano`ng ibig mong sabihin, Honey?”   “Aby,” nais siyang pigilan ni Raphael ngunit binawi niya ang braso rito.   “Hindi ka ba nagtaka kung bakit sa kabila ng paghanga niya kay Elle ay in-ignore niya nang ipakilala ko ito sa kanya?” dahil nakuha na ni Honey ang kanyang atensiyon ay tila nagtagumpay na ito sa nais mangyari base sa pagkakangiti nito. “Iyon ay dahil alam ni Raphael na hindi siya ang tunay na Elle. He knew from the start kung sino si Elle,”   Kay Raphael siya ulit tumingin. Sa pagkakataong ito ay nagtatanong na ang kanyang mga mata.   “At hindi ka ba pamilyar sa mga ginagawa sa `yo ni Raphael? Sa paraan ng panunuyo niya sa `yo, sa mga sinasabi niya?”   Binalikan niya sa isip ang lahat ng mga nangyari. Wala naman kakaiba sa mga ginawa nito, normal naman ang lahat at dahil nasa realidad sila, cliché niyang matatawag ang lahat which is a good thing. Kaya lamang, unti-unti siyang nakadama ng tila maliliit na karayom na tumutusok sa kanyang dibdib sa isang hinalang gusto niyang iwaksi sa isip.   “Alam ni Raphael kung sino ka, Aby. Ikaw si Elle at dahil kay Ate Nina kaya ka niya gustong pakasalan for real.”   “Hindi `yan totoo. Aby, nagsisinungaling lang si Honey.” Sabi ni Candy ngunit may pag-aalala sa mukha nito kaya mas kinabahan siya.   “I`m not lying. Hindi ko naman malalaman ang lahat kung hindi ko kayo narinig ni Raphael na nag-uusap. At Aby, kung ayaw mong maniwala, heto, may ebidensiya ako,” lumapit sa kanya si Honey at may iniabot na isang litrato.   Napakunot ang kanyang noo nang makitang larawan niya `yon at kasama niya si Nina.   “Nasa likod ang sulat ni Ate Nina,” sabi pa nito.   Sinunod naman niya ang sinabi nito.   Mahal, My wish had finally granted! I met Elle with the help of Candy. They were friends and she is really nice and humble! Hindi ako nagkamali sa paghanga sa kanya. But the purpose for taking picture with her ay para hindi mo siya mahirapan hanapin kapag nawala na ako. Mabuti siyang tao at siya ang gusto kong pumalit sa akin sa buhay ninyo ni Mika. Magiging masaya ako kapag nagawa mo `yon. Nina.   Para siyang tinarakan ng patalim sa dibdib na tumagos hanggang sa kanyang likod. Biglang nagbalik sa kanyang alaala kung saan nga niya nakita si Nina at kung bakit pamilyar ang mukha nito sa kanya.   Niyaya siya noon ni Candy na kumain sa labas dahil may nais daw makipagkita sa kanya na fan na fan niya, si Nina. Iniwan sila saglit ni Candy at ito ang sandaling nagtanong ng awkward si Nina.   Inalam nito kung single ba siya at walang nobyo o minamahal. Nang sumagot siyang available siya at biniro niya kung may irereto ba sa kanya ito, naloka siya nang sabihing nais nitong mahalin niya ang asawa nito at siya ang pumalit dito kapag nawala na ito. Tinawanan niya lang ito sa pag-aakalang nagbibiro lamang ngunit mula sa pag-uusap na iyon ay nakagawa siya ng isang nobela- ang The Seventh Daughter. Sa pagkakatanda niya ay napasalamatan pa nga niya ito sa kanyang author`s page.   Napahigpit ang hawak niya sa litrato at mabilis na pumatak ang kanyang mga luha. Dahan-dahan siyang nag-angat ng tingin kay Raphael.   “Aby, let me-”   “Dahil lang dito?” madiin ang pagtatanong niya at nanlalabo na ang kanyang mga mata.   “No. Hindi ko alam ang tungkol sa picture ninyo.” Sabi nito.   “Hindi mo alam na ako si Elle?”   Hindi ito nakasagot.   Bumaling siya kay Candy. Ayaw man niyang maniwala sa mga sinabi ni Honey, marami ring pangyayari na nagpapatunay dito. Ang pakikipagkita niya noon kay Nina na ito rin ang gumawa ng paraan. Ilang beses din siya nitong kinulit na irereto siya kay Raphael noon.   “Alam mo ba ang lahat ng ito?” tinanong pa rin niya ito.   “Aby, siguro nga-”   “Alam mo bang nagpapanggap lang kami dahil gusto ko lang ilihim sa `yo kung paano kami unang nagkita ni Raphael?!” sa pagtaas ng kanyang boses ay nabasag na ito. Matinding galit din ang unti-unting bumabalot sa kanyang puso kaya naninikip na ang kanyang dibdib at parang ulang sunod-sunod na pumatak ang kanyang mga luha.   Napayuko si Candy at marahang napatango.   Napapikit siya at huminga ng malalim upang pakalmahin ang sarili. Literal niyang nararamdaman ang pagdurugo ng kanyang puso.   Napadilat siya nang hawakan siya sa kamay ni Raphael. Agad niyang binawi ito at humakbang paatras upang lumayo rito. Pinahiran niya ang mga luha at nagtaas ng noo. Kahit malinaw pa sa sinag ng araw na pinaglaruan siya ng dalawa, hindi pa rin siya dapat na lumabas na kaawa-awa.   Ibinalik niya kay Raphael ang bouquet, ang litrato, at ang singsing.   “Huwag na huwag ka nang magpapakita sa akin kahit na kailan dahil mula sa araw na ito, kalilimutan kong nakilala kita!”   “Aby,”   Tinalikuran na niya ito at dire-diretso na siyang naglakad palabas ng restaurant. Eksaktong may napadaan na taxi kaya nakaalis siya agad doon bago niya matanaw sa rearview na sinundan siya ni Raphael.   “Tumigil ka Aby! Hindi mo dapat iyakan ang gano`ng tao! At wala ka naman karapatan masaktan dahil hindi naman naging kayo... katulad ni Mark.”   Imbis na mapatahan niya ang sarili ay lalo lamang siyang napaiyak sa masaklap na katotohanan.   Wala silang relasyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD