Chapter 9

2513 Words
CHAPTER 9   HINDI SA KANYANG apartment kundi sa bahay ng isa sa mga kaibigan niya na nasasa Maynila nagpahatid sa taxi si Aby.  Kay Anna. Nagulat nga ito sa kanya dahil siguro sa tagal niyang hindi nagpakita rito at dahil na rin sa pag-iyak niya. Nang magtanong ito, ikinuwento niya ang lahat. Nakiiyak lang din ito sa kanya at walang magawa kundi ang yakapin siya.   Natural ay hindi siya nito pinaalis. Doon muna siya nito pinatutulog hanggang sa maging okay siya. Wala rin naman kasi itong kasama sa bahay.    Hindi na rin naman siya tumanggi dahil mas higit niyang kailangan ng makakausap at makakasama sa ngayon.   Kahit na kausap si Anna, sa likod ng kanyang isip ay paulit-ulit niyang binabalikan ang kanyang pagiging mahina. Kung sana lang ay hindi niya hinayaan ang sariling mahulog kay Raphael, kung sana ay hindi niya inalis ang pader na inilalagay niya sa mga tao upang protektahan ang sarili niya ay sana hindi siya nagmukhang tanga. Sana si Mika lang ang inintindi niya at hindi ang ama nito. Sana ay hindi siya nagtiwala ng husto kay Candy. Sana hindi siya nagpadala sa mga emosyong nakapagdulot sa kanya ng panadaliang kaligayahan.   Naalala niyang nasabi sa kanya ni Paeng na sa libro din ito kumuha ng idea kung paano noon ligawan si Nina at inulit lang pala nito sa kanya. At ito namang si Candy, hindi niya rin natunugan na pati pala siya ay ginawa nitong isang okasyon na inorganisa kasama si Raphael. At kung totoo rin na accomplice si Hil sa nangyari noong party kaya sila nagkita ni Paeng for the second time, hindi niya alam kung paano pa niya haharapin ang kaibigan o kung matatawag pa niya itong kaibigan.   Kung sana ay hindi niya kinalimutang siya si Abygail na hindi maaaring mapaglaruan ng kahit na sino.   Malayung-malayo sa kanyang naranasan noon kay Mark ang sakit na nararamdaman niya ngayon. Sumama ang loob niya kay Mark at agad-agad ay nais niya itong burahin sa kanyang isipan ngunit kay Raphael... galit nga siya rito subalit may bahagi sa kanyang puso na nais itong unawain. At ang masaklap na katotohanan ay sigurado siya sa sariling minahal niya talaga ito ng husto sa maikling panahon na nagkasama sila.   Ano nga ba ang nagawa niyang malaking kasalanan sa kanyang buhay para maranasan niya `yon? Naging masunurin naman siya sa kanyang mga magulang, naging mabuting kaibigan sa kanyang barkada, nagmalasakit lang din naman kay Mika kaya siya nito tinawag na Mommy Aby, ano ba ang mali sa mga ito? Dahil ba sa pagiging si Elle niya? Sa kanyang mga isinulat? Blessing nga ba sa kanya ang magkaroon ng talent sa pagsusulat o sumpa?   Ni minsan ay hindi niya naisip na magiging problema niya ang pagiging manunulat. Ang nais lamang niya ay ang makapag-inspire ng mga tao. Nasobrahan kaya siya dahilan upang maisama siya sa huling habilin ng isang taong namatay sa isang sakit? Kahit na ang gawin itong plot ay hindi sumagi sa kanyang isip.   At marahil ay ito ang dahilan kung bakit biglang hindi na gumana ang kanyang utak sa pagsusulat. Senyales pala ito ng mas malaking suliraning kahaharapin niya.   “I`m so foolish to believed that it was real... it was too good to be true. Hanggang pelikula at libro lang ang mga ganito, bakit ako nagpatangay? Bakit ako umasa? Bakit nangyari sa akin ito?” lalo siyang naluluha sa tuwing sinasabi niya ang mga ito sa sarili.   Ngunit isang tanong ang talagang nagpapahirap sa kanya at ito ay ang kung hanggang kailan siya magkakagano`n.     BIGO NA NAMANG umuwi si Raphael nang malaman niyang ilang araw na palang hindi umuuwi si Aby sa kanyang apartment. Kaya pala sa ilang beses na pagpapabalik-balik niya roon ay hindi siya nito pinagbubuksan. Naiwan nito ang telepono kay Candy kaya hindi rin niya ito matawagan.   “Paeng!” humahangos si Candy nang salubungin siya nito sa sala.   “Umalis na siya.” Napapabuntong hininga niyang ibinalita rito.   “I know. Sinabi sa akin ni Hil na bumalik na sa Maynila si Aby. Ibibigay ko sa `yo ang address kung nasaan siya, puntahan mo na ngayon.”   Imbis na ikatuwa ang narinig dahil alam niya kung saan ito pupuntahan, mas bumagsak ang kanyang mga balikat. Base sa nabasa niya sa diary nito, lumayo ito sa Maynila upang umiwas sa lalaking nag-ngangalang Mark at magbigay daan sa kaibigang si Bianca. Kung bumalik na ito sa lugar kung saan masasaktan ito, ibig sabihin ay ganoon kasama ang loob nito sa kanya.   Nanghihina siyang naupo sa sofa.   “Paeng?” tila nadismaya ito sa naging reaksiyon niya.   “Hayaan na lang muna natin siya siguro.” sagot niya.   “Ano? Hahayaan mong isipin niyang totoo ang lahat ng mga sinabi sa kanya ni Honey? Kung palilipasin mo ito ng isang buwan, I`m telling you, huwag ka ng umasang magkakaayos pa kayo ni Aby.”   “Hindi rin naman kami magkakaayos kung sa mga oras na ito ay sinusumpa na niya ako.” May kirot sa kanyang dibdib ang katotohanang iyon.   “So, you`re telling me na susuko ka nalang nang wala man lang ginagawa? Akala ko ba mahal mo siya?” pinamaywangan siya nito.   “Candy please, gusto ko munang mag-isip at mapag-isa.” Seryosong sabi niya.   Wala siyang narinig na sagot mula rito. Matagal siya nitong pinagmasdan bago tahimik na umalis.   Napasandal siya sa sofa at napapikit.   Nang araw na `yon, magtatapat na sana siya kay Aby. Nakabili na nga siya ng singsing para sa pagpo-propose ng kasal dito kaya ganoon na lamang ang kanyang pagsisisi na hindi pa niya ginawa noong gabing hinatid niya ito. Hindi man `yon ang tamang lugar, `yun naman ang pinaka-perfect na pagkakataon.   Hindi siya nag-aassume ngunit ramdam niyang may pagtingin din sa kanya si Aby. Hindi naman ito papayag na halikan niya ng ganoon kung hindi nito siya gusto. Kung siguro`y nang mga oras na `yon niya sinabi ang lahat, baka iba ang naging takbo ng kanilang kuwento. Baka ngayon ay masaya silang magkasama at naglalambingan. Baka pinag-uusapan na nila ang tungkol sa kanilang kasal at sa future nila.   Tunay nga na ang pagsisisi ay laging nasa huli.   Pinagsabihan na niya si Honey na kahit ano`ng gawin nito ay hinding-hindi pa rin niya ito pakakasalan. Ipinaliwanag din nito na hindi talaga ito ang tinutukoy ni Nina na nais nitong pakasalan niya kundi si Elle. Ipinakita pa nga niya ang ebidensiya sa nobelang ‘The Seventh Daughter’ kung saan nang gabi ng kaarawan ni Mika ay pinakialaman na rin nito. Akala niya ay nais lang nitong guluhin ang study room niya, `yun pala ay may hinahanap ito at hindi niya namalayang nakuha na nito ang larawan nina Nina at Aby. Gayunpaman, hindi na rin mababago ang mga nangyari kahit na lumayo na ito.   “Daddy,”   Napadilat siya nang marinig ang anak. Naupo ito sa kanyang kandungan at yumakap sa kanya.   “Hindi pa po ba dadalaw sa atin si Mommy Aby?” tanong nito.   “B-busy si Mommy Aby mo kaya hindi muna siya pupunta rito,” nagdurugo ang puso niya sa pagsisinungaling sa kanyang anak.   “Kayo po ba nalulungkot ka kasi nami-miss mo na rin po siya?”   Pilit niya itong nginitian at maluha-luha siyang sumagot ng “Oo anak, miss na miss ko na siya.”   “Kung busy po siya, tayo nalang po ang dumalaw sa kanya.” Anito. “Please, Daddy? Marami po kasi akong ikukuwento sa kanya tungkol sa classmate ko.”   Hinaplos niya ang buhok ng anak at hinalikan ito sa noo. Paano ba niya ba sasabihin dito ang totoo? Ayaw niyang masaktan pati ito ngunit ano naman ang idadahilan niya kung bakit hindi nila ito maaaring puntahan?   “Mika, hindi ba`t ibinilin sa `yo ng Mommy Aby mo na hindi mo dapat kinukulit ang Daddy mo kung hindi puwede?” sabi ni Anna na kasunuran lang ng anak.   “Sorry po, Daddy, hindi na po mauulit.” Wika ni Mika.   Dapat ba siyang magpasalamat kay Anna sa pagsagip sa kanya kung dahil din kay Aby kung bakit hindi na niya kailangan sagutin ang anak?   Kung magiging gano`n araw-araw ang kanyang sitwasyon, kailangan niyang mamili sa dalawa- iiwas siya o magsisinungaling kay Mika. Pero ang tanong, hanggang kailan? Hanggang sa makalimutan na ito ng anak?   “Candy`s right. I should not let our story end like this. Not this way.”     “PUWEDE bang maiwan na lang ako dito? Maglilinis na lang ako ng bahay." Sabi ni Aby kahit na nakaayos na siya at ready nang umalis. "Hindi puwede, Abz. Sasama ka sa akin sa mall para malibang ka. Aba, hindi ka makaka-move on agad kung magmumukmok ka lang dito." Tila nanenermon na wika ni Anna.   Napabuntong hininga na lang siya at hindi na tumutol. Alam niyang ang kapakanan lang naman niya ang iniisip ng kaibigan. Nag-leave pa nga ito sa trabaho para samahan siya.   Subalit, hindi niya talaga magawang pilitin na maging masaya. Kahit nasa ibang lugar, napakaraming bagay sa paligid ang nagpapaalala sa kanya kina Mika at Raphael. Lalo na kapag may nakakasalubong sila na mag-ama.   Ayaw man niyang aminin, namimiss niya ang dalawa na higit na nagpapasikip sa kanyang dibdib.   "Hay naku, Abygail..." bigla siyang nagulat nang halos pasigaw na nagsalita si Anna.   "Oh, bakit?"   "Ang dami ko nang sinabi sa 'yo, nakatulala ka lang diyan." Nanghahaba ang nguso nito.   "Sorry, ano ba ang kinukuwento mo?" sinubukan niyang pasiglahin ang tono. "Pasensiya ka na, may ano lang, may naalala lang ako bigla."   "Never mind. Kumain na lang nga muna tayo." Hinawakan siya nito at hinila papasok sa isang restaurant. Ina-assist pa lang sila papunta sa bakanteng table nang biglang huminto sa paghakbang si Anna. Hindi pa man siya nagtatanong ay bigla na lang nitong sinabi na sa iba na lang sila kumain.   Hinila rin siya nito palabas at talagang nagmamadali ito. Alam niyang may mali kaya lumingon siya at ginala ang mga mata at awtomatiko siyang napatigil at hindi nagpatangay kay Anna nang makita ang dalawang tao na nakatayo at nakatingin sa kanya nang may pag-aalala.   Sina Bianca at Mark.   "Abz," pinipilit pa rin siyang lumabas ni Anna.   "Dito tayo kakain, Anna." sabi niya nang hindi inaalis ang tingin sa dalawa.   Hindi niya kailangan ng approval nito kaya hindi na niya kailangan pa na marinig ang sagot nito. Nauna na siyang lumakad palapit kina Mark at Bianca.   Matapos niyang mabalitaan noon na may relasyon na ang dalawa, umalis na siya agad at hindi na kinausap ang mga ito. Hindi niya kasi kaya at hindi siya handa.   "A-aby..." nauutal si Bianca at hindi siya magawang tignan sa mata. Masama pa rin ang loob niya sa dalawa. Yun ang natiyak niya habang kaharap ang mga ito. Naisip niya, kung hindi sana masyadong naging close ang mga ito, hindi sana mawawala ang pagmamahal sa kanya ni Mark. Hindi siya lalayo. Hindi siya magkakaroon ng writer's block at hindi niya makikilala si Raphael.   Hindi sana siya nasasaktan ng sobra ngayon.   "Mommy," isang batang babae  ang biglang nagsalita na nakaupo sa tabi ni Bianca.   Pinagmasdan niya ang bata. Walang kaduda-dudang anak ito nina Mark at Bianca dahil kamukha ng mga ito iyon.   Naalala niya bigla si Mika at aywan niya kung bakit biglang nawala ang hinanakit niya sa mga ito. Na-realize niya na matagal nang nangyari iyon at hindi naman niya maibabalik ang dati kahit anong sumbat ang gawin niya.   Hindi na rin naman mawawala ang sugat sa kanyang puso na nilikha ni Raphael kung magagalit pa rin siya sa mga ito.   Nginitian niya ang mga ito. "Puwede naman siguro kaming maki-share ng table?"   Maluha-luhang tumango si Mark samantalang si Bianca ay mahigpit na yakap ang isinagot.   GINABI NA ng uwi sina Abygail at Anna dahil sa tagal ng kuwentuhan nilang apat nila Bianca. Taos pusong humingi si Mark ng tawad sa kanya at pinatawad naman niya ito. Totoo 'yon sa puso niya kaya naman kahit papaano ay magaan ang pakiramdam niya ngayon.   "Ano ba 'yan, gabi na..." nayayamot na wika ni Anna nang kauupo pa lang niya ay may mag-doorbell.   "Buksan mo na, baka manliligaw mo 'yon." biro niya.   "Naku, asa ka pa! Ni date nga walang nag-aaya sa akin, ligaw pa kaya?" padabog itong lumabas ng bahay.   Natatawa siyang sumunod dito. Sumilip lang siya sa may pinto para tanawin kung sino ang nasa gate ngunit para siyang namatanda nang makilala ang lalaking kausap ng kaibigan.   Si Raphael.   Tinignan muna siya ni Anna bago patuluyin ang kanyang hindi inaasahang bisita.   Iniwan sila ni Anna sa sala.   May dalang bulaklak si Raphael ngunit hindi niya tinanggap.   “Ano ang kailangan mo? Hindi ba malinaw sa `yo ang sinabi ko?” pormal na sabi niya.   “Aby, hayaan mo muna akong magpaliwanag bago ka magalit sa akin.” Nakikiusap na wika nito.   “Okay, totoo ba ang lahat ng mga sinabi ni Honey?” nakataas ang kilay niya.   “Yes, pero hindi-”   “Wala na tayong dapat pang pag-usapan. Kung plano mo pa rin sundin ang ibinilin ni Nina, I`m sorry to say, tinanggihan ko na siya noon at tinatanggihan ko siya ulit ngayon.”   “Aby, wala itong kinalaman kay Nina. Bago ko pa malaman ang lahat, I already fell for you,”   Iniwas niya ang tingin. Hindi niya nais magpadala sa pagpapaawa nito. “Binasa ko ang ilan sa mga nobela kong nakita ko sa ibabaw ng table mo sa study room, I must say, magaling kang magsabuhay ng mga nilikha ko through my imagination. Nakakahiya lang dahil hindi ko `yon napansin.”   “Aby,”   “Umalis ka na, Raphael. At please lang, huwag na huwag ka ng babalik dito. Ayokong magkaproblema kami ng boyfriend ko.”   “B-boyfriend...?”   “Oo. Nag-away lang kami kaya ako nag-stay sa Bulacan. But now that we`re okay, ayoko nang magkaroon pa kaming muli ng problema nang dahil sa `yo.”   Napayuko si Raphael. Mapait itong ngumiti nang mag-angat ng mukha kasabay ng pagtayo.   “P-pasensiya na sa abala. Hindi ko alam na... anyway, hangad ko ang kaligayahan ninyo. Sana hindi ka na niya saktan ulit at alagaan ka niyang mabuti. Don`t worry, hindi na ako magpapakita sa `yo kahit na kailan.”   Napakagat siya ng pag-ibabang labi sa nagbabadyang pagluha. Para siyang sinaksak ng patalim sa mga sinabi nito. Hindi niya ito magawang tignan sa takot na mas masaktan siya.   “S-salamat sa lahat ng magandang alaala mo sa amin ni Mika, kailanman ay hinding-hindi ko `yon malilimutan. At least hindi na ako mag-aalala dahil may mag-aalaga na pala sa `yo. Sige, aalis na ako. Muli, salamat sa lahat.”   Mabilis na umalis si Raphael. Sa pagsara nito ng pinto ay ang pagpatak ng kanyang luha.   Gusto niya itong habulin pero pinigilan niya ang sarili. Napatunayan niyang mahal niya itong talaga ngunit sa kanyang palagay ay mas kakayanin niya ang ganoong uri ng pagkabigo kaysa sa makasama ito at mahalin nito dahil lang sa bilin ng namayapang asawa.   “Goodbye, Raphael. Sana makalimutan mo na ng tuluyan si Nina at makatagpo ka ng babaing mamahalin mo at mamahalin ka rin maging si Mika nang sa gayon ay maging masaya ka nang muli.” Ito ang kanyang dasal.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD