HINDI magawang makatulog ni Sheena nang gabing iyon. Paano ay hindi pa rin maalis sa isipan niya iyong babae sa aparador. Nangangamba siya na baka magpakita na naman ito sa kanya. Nakahiga na siya sa kanyang kama ngunit dilat na dilat pa rin ang kanyang mga mata habang nakabalot sa kumot na ulo lang niya ang nakalabas. Bawat maliliit na kaluskos na naririnig niya, sa labas man o sa mismong silid niya ay naghahatid sa kanya ng mumunting kilabot. Oo, pinalampas niya iyong sa basement at bathtub pero itong pangatlo ay hindi na. Parang may kung ano sa bahay ng mga Clemente. Parang may mali. Hindi normal. May parte na naman ng kanyang utak na sumisigaw na mag-imbestiga at alamin kung bakit may mga nagpapakita sa kanya. Pero may parte rin ng utak niya na pumipigil na gawin niya iyon. Paano kung

