Chapter 30

1694 Words
“Gusto ko sanang sumabay sayo na maglunch, okay lang ba kung pupunta ako sa opisina mo para hatiran ka ng pagkain?” May halong lambing na tanong ko sa kanya, bago ko inilock ang pinakahuling butones ng kanyang polo. Sunod ay dinampot ko ang itim na kurbata upang isuot ito sa kanyang leeg. Sinusubukan ko na kumilos ng normal sa harap ng aking asawa na walang halong pagkukunwari. Matamang tumitig sa aking mukha ang kanyang mga mata na wari moy inaarok kung ano talaga ang tumatakbo sa utak ko. Aminado ako na medyo kinabahan ako sa ginawa ni Alistair kaya lihim akong napalunok. Hindi kasi ako sanay na nagsisinungaling kaya mahirap para sa akin ang ginagawa kong ito. Narinig ko na nagpakawala siya ng isang mabigat na buntong hininga bago ito ngumiti, “Yeah, sure.” Tipid niyang sagot saka bumaba ang mukha nito upang hagkan ako sa labi na kaagad ko namang tinugon ng isang banayad na halik. Sa araw-araw na magkasama kami dito sa loob ng mansion ay unti-unti na akong nasanay sa presensya ng aking asawa. Nakakapag-adjust na ako sa sitwasyon kong ito. Nagsimula na rin akong mag-aral ngunit homeschooling lang ang ginagawa kong pag-aaral. Hindi ako pinahintulutan ni Alistair na makihalubilo sa ibang tao. Kaya kahit nakukuha ko na ang gusto ko ay na nanatili pa rin akong bilanggo sa mansion na ‘to. “Ayokong makarinig na nagtangka kang tumakas muli, Louise, kung ayaw mo na magalit ako.” Banta niya sa akin na sinagot ko lang ng isang ngiti habang ang isang braso ko na nakayakap sa baywang nito ay masuyong humahaplos sa kanyang likod. “It will never happen again, I promise.” Tapat kong sagot habang sabay na humahakbang ang aming mga paa pababâ ng hagdan. Ganito ang naging set-up namin araw-araw na kung titingnan mo ay para kaming isang ganap na mag-asawa na mukhang mahal ang isa’t-isa. Ngunit para sa akin kami ay nabubuhay sa isang huwad na mundo. Bitbit niya ang cardigan na sumakay sa kanyang kotse habang ako naman ay naiwan sa bungad ng pintuan. Nang tuluyang makaalis ang sasakyan ng aking asawa ay naglahong bigla ang ngiti sa labi ko at naging seryoso ang ekspresyon ng mukha ko. Humakbang ang mga paa ko patungo sa kusina upang magluto ng pagkain para sa aming tanghalian. Kailangan personal ko itong gawin para tuluyan kong makuha ang tiwala ni Alistair. Batid ko na darating ang panahon na pahihintulutan din niya ako na bisitahin ang aking mga magulang. Pinipigilan ko lang ang aking sarili na huwag buksan ang topic na ito sa aking asawa dahil nakakabisa ko na ang takbo ng utak nito at alam ko na hindi niya ako papayagan. “Ma’am?” Gulat na sambit ng isang kusinera nang makita ako nito sa bungad ng kusina. Ito kasi ang unang pagkakataon na pumasok ako sa loob ng kusina para magluto. “Gusto kong mag luto para sa lunch ng asawa ko, pakiusap hayaan ninyo akong gawin ito na mag-isa.” Pakiusap ko sa kanila sa malumanay na tono. “S-Sige po…” may pag-aatubili na sagot ng pinakamatanda sa kanilang lahat. “Sige na magsibalik na kayo sa inyong mga trabaho.” Dugtong pa nito kaya kaagad na nagsialisan ang ibang mga kasambahay at tanging kaming dalawa na lang ang naiwan dito sa kusina. Natigilan ako ng saglit na magtama ang aming mga mata. Bakit ganun? Nakangiti naman siya sa akin pero bakit malungkot ang kanyang mga mata na para bang naaawa ito sa akin. “Halika Iha, tutulungan na kita para naman malaman mo kung anong lasa ng pagkain ang gusto ni Sir.” Nakangiti niyang saad, dahil sa kabaitan na ipinakita niya sa akin ay naglaho ang pag-aalinlangan ko na makisalamuha sa kanya at kalaunan ay naging panatag ang loob ko. Tahimik na lumapit ako sa kanya at isa-isang sinuri ang mga gulay habang nag-iisip kong ano ba ang lulutuin ko. “Masaya ako at maayos na kayo ni Sir. Alam mo, matagal na akong nagtatrabaho sa pamilyang ito, kaya ako ang lubos na nakakakilala sa mag-ina.” Natigilan ako sinabi ng matandang kusinera. Nagtatanong ang mga mata na tumitig ako sa kanya, at kahit hindi ako umiimik ay nag patuloy pa rin siya sa pagsasalita. “Sa totoo lang, naaawa ako sayo, pero hindi naman sa pumapanig na ako sa iyong asawa, nais ko lang na ipaalam sayo na mabait ‘yan si Sir Alistair at Ma’am Barbara. Nagbago lang sila simula ng magloko ang kanilang padre de pamilya. Mula ng matuklasan nila na may ibang pamilya si Mr. Thompson ay nagbago na rin ang ugali ni Ma’am Barbara. Tuluyan na siyang nawalan ng tiwala sa lahat at halos nasiraan ng bait si Ma’am ng malaman niya na inahas ng mismong kapatid niya ang kanyang asawa. Malaki ang naging epekto nito kay sir Alistair kaya mula noon, parang ibang tao na si Sir at nagsimula na rin itong maging bayolente. Sinasabi ko ang lahat ng ito sayo hindi para kaawaan mo sila, sinasabi ko ito upang lubos mong makilala ang iyong asawa. Batid ko na hindi makatarungan ang ginawa nila sayo. Pero sana, dumating ang panahon na matutunan mo ring mahalin si sir, dahil sa nakikita ko ay iyon ang kailangan n’ya.” Nanatili lang akong tahimik na nakikinig sa mga sinasabi ng matandang kusinera. Sa totoo lang ay hindi ko alam kung ano ang nararamdaman ko sa aking mga nalaman. At isa pa, wala ako sa lugar para magdesisyon, kailangan ko munang ibangon ang aking sarili bago pagtuunan ng pansin ang ibang tao. Isang tipid na ngiti ang naging tugon ko sa mga ipinagtapat nang kusinera at hindi na ako nagkumento pa. Iginalang naman nito ang pananahimik ko dahil hindi na siya nag-ungkat pa ng anumang usapin tungkol sa aking asawa. Naisipan kong lutuin ang kalderetang baka na paborito ng daddy ko. Tinulungan ako ni Nanay Leticia, ito ang pakilala niya sa akin. “Naku, Iha hindi ko alam na masarap ka palang magluto, bakit nga pala kaldereta ang naisipan mong lutuin?” Curious na tanong niya sa akin, “dahil paborito po ito ng daddy ko.” Tipid kong sagot sabay ngiti dito. “Talaga? Hindi mo ba alam na paborito ni sir ang kaldereta?” Natutuwa niyang saad kaya di makapaniwala na nilingon ko ito. Base sa magandang ngiti sa labi nito ay batid ko na nagsasabi siya ng totoo at hindi ko na napigilan ang paglitaw ng isang magandang ngiti sa aking mga labi. Napansin ko na nagliwanag ang mukha nito habang nakatitig sa mukha ko. “B-Bakit po?” Nagtataka kong tanong sa kanya dahil nawiwirduhan ako sa kakaibang ngiti nito. “Hindi na ako magtataka kung bakit kaagad kang pinakasalan ni Sir Alistair at nagawa ka pa niyang ipagtanggol sa kanyang ina. Napakaganda mong bata, Iha, at mukhang isa kang mabuting anak. Kahit na masyado ka pang bata para kay sir ay bagay pa rin kayong dalawa.” Masayang pahayag ni nanay Leticia. Pakiramdam ko ay nag-init ang magkabilang pisngi ko dahil sa matinding hiya. “S-Salamat po.” Ani ko bago nagpaalam dito upang maligo at ayusin ang aking sarili. Wala akong klase ngayong araw dahil nagpaalam sa akin ang teacher ko na may emergency na nangyari at kasalukuyan siyang nakaadmit ngayon sa hospital. Ayon dito ay bukas pa available ang bagong teacher na papalit sa kanya. Pagkatapos maligo ay isinuot ko ang isang casual mini dress na hanggang tuhod ang haba. Naglagay din ako ng manipis na orange lipstick sa aking mga labi na bagay naman sa maputi kong mukha. Hindi naman ako pala ayos, pero kailangan kong gawin ito dahil asawa ako ni Mr. Alistair Thompson ang tinaguriang the most billionaire bachelor 2023 at CEO ng isang tanyag na kumpanya sa bansa. Ang lahat ng ito ay napag-alaman ko mula sa mga files na aksidente kong nakita mula sa mga gamit ng aking asawa. Kaya marapat lamang na maging presentable ako sa paningin ng lahat.” Bitbit ang lunch box na bumaba ng kotse si Louise habang ang tatlong tauhan ng kanyang asawa ay may tatlong hakbang ang layo mula sa kanya. Pagdating niya sa entrance ng kumpanya ay nagtataka na napalingon ang lahat sa kanyang direksyon, sapagkat ito ang unang pagkakataon na nasilayan ng lahat ang kanyang mukha. Kaagad na kinausap ng kanyang mga bodyguard ang mga security personnel kaya malaya siyang nakapasok sa loob ng kumpanya. Diretso ang tingin sa unahan habang naglalakad si Louise hindi alintana ang maraming mata na nakatingin sa kanya. Pagdating sa tapat ng elevator ay saglit na tumigil ang kanyang mga paa, hinintay kung kailan bubukas ang pinto ng elevator. Makalipas ang ilang segundo ay kaagad din itong bumukas ngunit hindi niya inaasahan ang biglang paglabas ng isang matangkad na lalaki na halatang nagmamadali. Hindi sinasadya na nabangga nito si Louise, ngunit bago pa man ito matumba ay mabilis na pumulupot ang matikas na braso ng lalaki sa maliit niyang baywang. Labis na nangamba si Louise na baka matapon ang pagkain na niluto niya para sa kanyang asawa kaya hindi na nabigyang pansin ang ayos nila ng lalaki. Nang masiguro niya na maayos naman ang bitbit niyang bag na may lamang lunch box ay saka lang niya napansin ang pagkakalapat ng ibabang bahagi ng mga katawan nila ng lalaking bumangga sa kanya. Maging ang mga tauhan ni Alistair ay mabilis na nag-react sa nangyari. Saglit na naghinang ang kanilang mga mata ng lalaking bumangga sa kanya, ngunit ng matauhan ay parang napapaso na mabilis na lumayo si Louise. “Miss, I’m sorry, hindi ko sinasadya.” Ani ni Marco ngunit hindi na siya nabigyan ng pagkakataon na makalapit pa kay Louise ng mabilis na humarang ang mga tauhan ni Alistair sa harapan niya. “Ma’am, kailangan n’yo na pong umalis.” Magalang na sabi ng isa sa kanila, kagad namang tumalima si Louise at nagmamadali na sumakay ng elevator ng hindi tumitingin sa lalaki. Natigilan si Marco ng makilala niya ang mga tauhan ng kanyang pinsan. Naging palaisipan sa kanya kung sino ang dalaga na kanyang nabangga at bakit ganun na lang kung protektahan ito ng mga tauhan ng kanyang pinsan na si Alistair?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD