“Mommy, anong nangyari dito?” Nagtataka kong tanong dahil napakagulo ng buong kabahayan, habang ang aking ina ay di magkandatuto sa pagsilid ng mga damit sa loob ng traveling bag.
“Maghanda ka Louise aalis tayo ngayon din, parating na ang daddy mo.” Natataranta na sabi ni mommy kaya napako ako sa aking kinatatayuan.
“Saan tayo pupunta, Mommy?” Naguguluhan kong tanong, kinakabahan ako dahil sa matinding tensyon na nararamdaman ng aking ina na para bang may labis itong kinatatakutan.
“Huwag ka ng maraming tanong pa d’yan, ayusin mo na ang mga gamit mo. Piliin mo lang ang mga mahahalagang bagay.” Bulyaw niya sa akin kaya naman pati ako ay nahawaan na ng pagiging balisa ni mommy. Nagmamadali na pumasok ako sa loob ng aking silid at inilabas mula sa kabinet ang ilang mga pirasong damit. Pati ang ilang mga gamit ko sa school, maging ang ilang mga requirements na maaari kong magamit in the future. Wala akong ideya sa kung ano ba talaga ang nangyayari, kaya hindi ko alam kung ilang piraso ng damit ang kailangan kong isilid sa loob ng aking bag.
Nang matapos, nagmamadali na akong lumabas sa silid at nilagay sa salas ang bitbit kong bag. Naabutan ko si mommy na hindi mapakali sa kanyang kinatatayuan; narung mag palakad-lakad ito habang panay ang pisil ng isang kamay nito sa isa pa niyang kamay. Minsan naman ay kinakagat nito ang kanyang daliri.
Ilang sandali pa ay naulinigan namin ang pagdating ng sasakyan ni Daddy, akma sanang sasalubungin ko ito ngunit mabilis na kinapitan ni mommy ang braso ko.
Nagtaka ako ng sumenyas siya sa akin na huwag akong maingay, bago walang ingay na lumapit sa bintana at bahagyang sumilip na tila inaalam kung sino ang dumating.
Napansin ko na nakahinga ng maluwag si mommy ng marinig namin na kumatok si daddy mula sa labas ng pintuan.
Nang buksan ito ni mommy ay umiiyak siya na yumakap kay daddy na wari moy takot na takot.
“Arthur, kailangan na nating mailayo si Louise bago pa mahuli ang lahat.” Ramdam ko ang matinding pangamba sa tinig ng aking ina. Ako? Ilalayo? Pero bakit?” Naguguluhan kong tanong, ngunit hindi na ako pinapansin ng aking mga magulang.
Umalis na tayo.” Matigas na saad ni daddy at nagmamadali na dinampot nito ang mga naka impake naming mga gamit. Base na rin sa dami ng mga gamit na dala ni mommy ay mukhang matagal kaming mawawala.
Pagkatapos na maisakay ang mga gamit ay nilock ni daddy ang bahay, at nagmamadali na itong umupo sa driver seat. Naudlot ang akmang pagsakay ko ng maalala ang kaibigan kong si Denice.
“Daddy, kailangang malaman nina Denice na aalis tayo. Magpapaalam muna ako sa kanila,” ani ko bago mabilis na pumasok sa loob ng sasakyan. Kaagad namang pinaharurot ni daddy palayo ang kotse.
“Kalimutan mo na ang mga hayop na ‘yun! Kung nakinig ka lang sana sa akin na huwag kang maniniwala sa lahat ng sasabihin ng mga sinungaling na ‘yun ay hindi tayo mahaharap sa malaking problema!” Galit na singhal sa akin ni mommy kaya nakadama ako ng takot. “Melody!” Mabilis na saway dito ni daddy.
“Mom, bakit ka ba nagagalit? Ano ba talagang nangyayari?” Naguguluhan kong tanong sa aking ina. Bigla itong natahimik, nagpakawala muna ito ng tatlong mabibigat na buntong hininga bago nito sinimulang ipaliwanag sa akin ang lahat.
“Wala na ang pamilya ni Denice, umalis na sila ng bansa, at ngayong araw ay dumating si Mrs, Thompson ang ina ng biktima sa nangyaring banggaan. Anak, napakayaman ng pamilya nila at wala tayong laban sa kanila.
Isa iyon sa dahilan kung bakit tumakas ang pamilya ng nobyo ni Denice at ngayon ay ang pamilya din nila ay umalis na ng bansa.
Pinalano nila ang lahat para ikaw ang sumalo sa galit ng pamilyang Thompson.
Una pa lang, alam na nila kung sino ang kanilang makakalaban. Ang pamilyang Thompson ang totoong tinatakasan nila hindi ang batas!”
Ito ang labis na gumimbal sa akin at hindi ko sukat akalain na magagawa sa akin ito ng pamilya ni Denice sa kabila ng pag-ako ko sa kasalanan nito.
“Mom, I’m sorry, hindi ko sinasadya..” hinging paumanhin ko sa aking ina habang umiiyak. Malungkot na ngumiti siya sa akin saka mahigpit akong niyakap nito. “Ssssh... wala kang kasalanan, anak.”
Malumanay niyang bulong. Sa kabila ng takot na nararamdaman nito ay tila nais niyang ipakita sa akin na ayos lang ang lahat. Na hindi ko kailangang matakot. Pero, hindi na ako bata, at malinaw kong nauunawaan ang lahat na hindi biro ang malaking problema na kinakaharap ng aking pamilya.
Ang puso ko ay puno ng pangamba para sa kaligtasan ng aking mga magulang. Nang dahil sa malaking tiwala na ibinigay ko sa pamilya ni Denice ay nalalagay ngayon sa alanganing sitwasyon ang pamilya ko.
Subalit ng mga sandaling ito ay wala akong magawa kundi ang umiyak.
Ano ba ang kayang gawin ng isang tulad ko na walang muwang sa mga ganitong sitwasyon? Wala, kundi ang umasa lang sa aking mga magulang.
Tahimik akong umiyak sa dibdib ng aking ina, habang ang puso ko ay nagpupuyos sa matinding galit para sa mga taong nagtraidor sa akin.
—————————-
“Five thousand ang renta, kailangan ng down and deposit.” Ani ng isang matabang babae, dumukot ng pera mula sa bulsa ng kanyang pantalon si Daddy at nakita ko na nagbilang siya ng pera. Inilagay niya ang ten thousand pesos sa nakalahad na palad ng babae.
Pagkatapos bilangin ng babae ang pera ay saka pa lang niya inabot ang susi ng apartment sa aking ama.
Parang gusto kong mainis sa babaeng ito, napakabait ng aking ama, pero ang paraan ng pakikitungo nito ay tila hindi mapagkakatiwalaan ang daddy ko.
Gustuhin ko man na kausapin at pagsabihan ito ay hindi ko magawa, natatakot kasi ako na baka lumikha na naman ako ng problema. Kaya mas pinili ko na lang ang manahimik at ipagkatiwala sa aking mga magulang ang lahat, total, higit na sila naman ang nakakaalam kung ano ang makakabuti.
Pagkatapos na makuha ng matabang babae ang pera ay kaagad na rin itong umalis. Tahimik na binuksan ni Daddy ang pinto habang kaming mag-ina ay nakasunod lang sa likuran nito. Pagdating sa salas ay nahahapo na naupo ni mommy sa isang maliit at may kalumaang sofa.
Hindi ko alam kung nasaang lugar kami, pagkatapos ng halos apat na oras na biyahe ay tumirik ang gamit naming sasakyan. Napilitan na tuloy sina daddy na dito na lang maghanap ng matutuluyan. Hanggang sa makita namin ang maliit na apartment na ito na may nakasabit sa maliit na gate ng house for rent.
“Magpahinga muna kayo at bibili lang ako ng makakain sa labas, kailangan ko ring dalhin ang kotse sa talyer.” Ani ni daddy habang ako ay inaayos ang aming mga gamit.
Habang inilalabas ko ang mga ilang gamit sa mula sa bag ay bigla na lang pumatak ang mga luha ko. Mabilis ko itong hinawi, upang hindi makita ng aking ina. Pero ang hindi ko alam ay kanina pa pala siya nakatingin sa akin. Wala sa loob na nilingon ko ang aking ina, na dapat pala sana ay hindi ko na lang ginawa.
Parang nadurog ang puso ko ng ngumiti siya sa akin. Mababanaag ang matinding lungkot mula sa kanyang mga mata, mas pinili ko na lang na ibaling sa ibang direksyon ang aking tingin.
“Mom, bakit kailangan nating tumakas at magtago? Alam ng Diyos na wala akong kasalanan, kaya handa akong harapin ang pamilya ng mga Thompson.” Ani ko sa seryosong tinig bago muling tumingin sa kanya.
“Hindi ganun kadali ang lahat, Louise, darating ang panahon at mauunawaan mo rin ang lahat ng ito. Sa ngayon ang tanging magagawa lang natin ay ang magtiwala sa Diyos.” Anya bago ngumiti sa akin. Subalit ang ngiti nito ay hindi umabot sa kanyang mga mata. Batid ko na pinanghihinaan na siya ng loob at sinisikap lang na maging matatag sa harap ko.
“I’m sorry, Mom...” ibinuka niya ang kanyang mga braso kaya lumapit ako sa kanya at parang bata na yumakap sa malambot nitong katawan...”