23 Years Ago...
"Tinaasan na ni boss ang sahod ko, Rina!" masayang bungad ni Bernard pagkauwi sa maliit na apartment na inuupahan nila sa may Cubao, Quezon City.
"Mabuti kung ganun, makakabayad na tayo ng upa sa nakaraang buwan. Pabalik-balik na si Aling Loleng sa paniningil, nahihiya na akong makiusap, mahal," sagot naman ni Rina na sinalubong ng halik ang asawa. Tatlong taon nang nagtatrabaho bilang security guard si Bernard sa kumpanya ni Ferdinand del Rio, isang magaling na negosyante na nagmamay-ari ng Del Rio Manufacturing Corp.
"Gagawin na rin daw akong isa sa mga personal na bodyguard niya. Kapag nagkagayo'y mas tataas pa ang sahod ko dahil mas madalas na ma-e-extend ang oras ko sa trabaho. Makakaipon na tayo ng para sa pag-aaral ni Matteo, mahal."
"Hindi ba delikado ang maging personal na bodyguard ni Mr. Del Rio, mahal?" tanong naman ng asawa.
"Pareho lang naman sa trabaho ko ngayon, mahal. Ang kaibahan lang, sasama ako sa mga personal na lakad ni boss at hindi na sa opisina lang niya maghapon."
"Ikaw ang bahala, mahal, kung ano sa tingin mo ang makabubuti sa atin."
"Kumusta ang anak natin? Naihabol mo ba ang pang-tuition niya?"
"Oo, ayan nga't tuwang tuwa pagdating kanina dahil naka-perfect score daw sa math at science. Matalino ang anak mong 'yan, mahal, kaya't masarap pag-aralin sa magandang eskwelahan."
"Kaya nga ako nagsisikap para sa pag-aaral ni Matteo. Hindi ko gustong matulad siya sa 'tin na walang magandang oportunidad na makahanap ng magandang trabaho," wika naman ni Bernard sa asawa.
Nag-iisang anak nila si Matteo na ngayon ay nasa walong taong gulang pa lamang. Masikap sa pag-aaral at kahit bata pa ay pangarap na nitong maging sundalo o pulis balang-araw. Marahil ay dahil nakikita nito ang klase ng trabaho ng ama na pumuprotekta ng mga tao, ipinagmamalaki nito ang ama sa mga kaklase kahit security guard lang naman si Bernard. Para dito, ang Tatay nito ay tagapagtanggol ng bayan.
Lumipas ang ilang buwan ay naging personal bodyguard na nga ni Ferdinand del Rio si Bernard. Ang negosyante ay unti-unti na ring pumasok sa pulitika na nagsimula bilang konsehal. Naging matunog na ang pangalan nito sa media. Nasa kwarenta anyos si Ferdinand nang itanghal bilang sikat na negosyante nang maisama ito sa Top Ten Most Richest Business Tycoon. Ang Del Rio Manufacturing Corp. na minana nito sa mga magulang ay mas naging matatag sa pamamahala nito.
Sa ika-dalawampung anibersaryo ng Del Rio Manufacturing ay inanyayahan ang lahat ng pamilya ng empleyado roon na dumalo. Isinama ni Ferdinand ang asawang si Rina at anak na si Matteo na masaya pa niyang ipinakilala sa mayamang amo. Lingid sa kaalaman niya, agad nabighani si Ferdinand kay Rina noong gabing iyon. Sa edad na apatnapu, wala pang pamilya si Ferdinand at ilang beses lang na papalit-palit ng kasintahan.
Sa buong magdamag na nagkakasiyahan ang lahat, si Ferdinand ay nakamasid lagi kay Rina. Kinabukasan ay ipinatawag si Bernard ng amo niya at sinabing nangangailangan ito ng katulong sa bahay at ang kailangan nito'y ang mapagkakatiwalaang tulad niya.
"Bakit hindi mo papasukin ang asawa mo?" suhestyon nito na hindi naman binigyan ng kahulugan ni Bernard. Ang iniisip niya'y makakadagdag iyon sa pag-aaral ni Matteo para makapasok ito sa magandang eskwelahan. Mataas ang pangarap niya sa anak. Gagawin niya ang lahat para mabigyan ito ng magandang kinabukasan.
Noong una ay tutol si Rina sa suhestyon ni Bernard dahil walang mag-aalaga kay Matteo. Pero noong sinabi ni Ferdinand na maaari nitong isama ang nag-iisa nilang anak, napapayag rin ni Bernard ang asawa. Makalipas lang ng isang linggo mula noong gabi ng anibersaryo ng Del Rio Manufacturing Corp., nakalipat na sa mansyon ng mga Del Rio si Rina at Matteo.
"Napakalaki nga talaga ng bahay ng mga Del Rio," wika ni Rina nang libutin ng mata ang buong kabahayan. Nasa anim ang katulong dahil maya't maya ang pag-estima ni Ferdinand sa mga bisita na karamihan ay kasosyo sa negosyo. Walang tigil sa pagluluto sa kusina, pag-aayos sa hardin, paglilinis ng buong bahay at pag-aasikaso sa personal na gamit nito. Si Rina ang itinalaga na maglilinis ng silid nito at mag-aasikaso sa personal nitong gamit dahil nagtitiwala daw ito sa pamilya niya. Hindi inisip ni Bernard na may ibang motibo si Ferdinand kaya nito ipinatira ang asawa at anak niya sa loob ng mansyon ng amo.
----
Nakakahalata na si Rina sa palagiang pagpapatawag sa kanya ni Ferdinand de Rio. Isang buwan na siyang laging naglilinis ng silid nito dahil gusto nitong laging maayos ang mga gamit nito. Sa servan'ts quarter sila nakatira mag-anak at sa umaga ay inihahatid niya ang anak sa malapit na eskwelahan doon na ekslusibo sa mga mayayaman. Ayon kay Ferdinand ay isinali nito ang anak nila ni Bernard sa mga iskolar ng kumpanya nito.
Sa edad niyang bente otso, maganda pa rin siya at maganda ang hubog ng katawan. Sa gabi pa lang ng anibersaryo ng Del Rio Manufacturing Corp. ay napansin niya na ang malalagkit na tingin ng amo ng asawa sa kanya. At nang gawin siyang personal na tagalinis ng silid nito ay kinabahan na siyang may iba itong pakay. Gayumpaman ay hindi niya binanggit ang mga hinala sa asawang si Bernard.
Natanaw niya si Ferdinand na nag-a-almusal kaya nagmadali siyang umakyat sa hagdan at tinungo ang silid nito at naglinis. Gusto nitong maaga pa lang ay malinis na ang mga kalat nito at maayos na ang mga gamit nito sa cabinet. Kagabi siya namalantsa at ngayon ay isinauli niya na ang mga polo nitong plantsado sa walk-in closet nitong kadugtong ng silid ng amo. Isinasalansan niya ngayon ang mga tinuping damit na nilabhan kahapon ng labandera.
"Good morning, Rina." Napapitlag siya sa tinig na nasa likod niya na hindi niya inaasahan. Hindi niya alam na makikita siya ni Ferdinand dito dahil kanina'y nakabihis na ito at inaasahan niyang paalis na ito kasama ang asawa niya at iba pang bodyguards nito.
"S-sir Ferdie..."
Nakatitig lang ang amo sa kanya habang siya'y hindi alam kung paano mamadaliin ang ginagawa. Nakakalat ang mga hanger sa sahig at ang ilang damit ay hindi pa natutupi. Lumapit si Ferdinand sa kanya at kinuha ang hawak niyang t-shirt. Alam niyang sadya nitong idampi ang palad sa balat niya para magbigay ng senyales na gusto niyang balewalain.
"Ilang taon ka na?" tanong nito na tinutulungan siyang tiklupin ang damit na kinuha sa kamay niya.
"T-twenty eight ho..."
"Gaano na kayo katagal ni Bernard?"
"T-ten years na h-ho..."
Naningkit ang mga mata nito na lumapit pang bahagya sa kanya na nagpaatras sa kanya. Maliit lang ang silid na 'yun dahil puro cabinet ang nandoon at karugtong lang iyon ng silid ni Ferdinand del Rio.
"Wala ka pang dise otso nang maging kayo?"
Marahan siyang tumango. Halos katutuntong lang niya sa high school nang makilala niya si Bernard at niligawan. Dahil sa hirap ng buhay ay tumakas siya sa mga magulang para sumama kay Bernard sa edad na labing-anim. Nangako si Bernard noon na ibibigay sa kanya ang magandang buhay. Pero nabuntis siya kaagad kaya't hindi rin siya nakapagtapos ng pag-aaral. Napako na siya sa pag-aalaga sa kanilang anak. At dahil hindi naman nagkaroon si Bernard ng magandang trabaho ay nanatili sila sa kahirapan sa mahabang panahon.
"Hindi ka ba nagsisisi?"
Napatitig siya kay Ferdinand sa tanong nito na hindi niya alam kung paano sasagutin. Hindi niya pinagsisihan na sumama siya kay Bernard dahil kahit paano ay mas nakakakain naman sila nang maayos na mag-ina. At mahal naman talaga niya si Bernard. Pero hindi lang minsan niyang hiniling na sana'y nabigyan pa siya ng ibang pagpipilian. Makakapaghintay ang pag-ibig. Sana'y nakapagtrabaho pa siya noon at naigapang ang pag-aaral kung hindi lang sila namulat nang maaga sa mabigat na responsibilidad dahil sa pagdating ni Matteo sa buhay nila.
"M-mahal ko ho ang asawa ko..."
"Bakit parang may agam-agam akong nahihimigan sa sagot mo?" wika ni Ferdinand na hinaplos ang pisngi niya. Iwinaksi niya ang kamay nito at pinulot ang mga hanger sa sahig para ilayo ang sarili.
"H-hindi pa ho ba kayo aalis?" tanong niya habang nagmamadali sa ginagawa. Kung hindi pa ito aalis ay siya ang lalabas ng silid.
"Hindi ka bagay sa uniporme na 'yan, Rina," wika nito sa halip. "Dapat sa 'yo ay nakasuot nang magarang damit at mamahaling alahas."
"Kuntento na ho ako sa buhay na mayroon kami ni Bernard," madiin naman niyang sagot habang hinihintay itong lumabas ng silid. Hindi naman na muling nagsalita si Ferdinand na iniwan siya sa maliit na silid na 'yun.