Chapter 8
Hindi mawala sa isip ni Evan ang mga sinabi ng kaniyang guro tungkol sa trono. Aminado naman siya, totoo ang sinabi nito. Sinusunod lamang niya ang mga ipinapagawa sa kaharian na iyon upang hindi siya maging sakit sa ulo ng ama.
Mabait ang hari kahit na strikto ito at seryosong tao. Nakikita niya ang kabutihan ng puso nito lalo na sa pagdedesisyon. Ito ang hari na totoong may malasakit sa mga nasasakupan nito para sa kaniya. Walang naghihirap sa mga nayon na nasa ilalim ng Doumentry Kingdom. Ang lahat ay nabibigyan ng tulong.
Palagi niyang naririnig ang papuri ng mga kawal sa kaniyang ama, naririnig niya iyon sa tuwing darating ito galing sa pagbisita sa mga maliliit na nayon sa ibaba.
Mataas ang ekspektasyon sa susunod na hari at bilang siya, kilala niya ang sarili niya. Hindi niya alam kung magagampanan niya iyon.
Ngunit mayroon na siyang nasa isip na maaaring pumalit sa kaniyang ama.
“Evan?”
Napahinto siya sa paglalakad at nilingon ang tumawag sa kaniya. Nakita niya si Philiph na nakangiti at papalapit sa kaniya. May hawak itong dalawang libro. Nang makalapit ito sa kaniya ay ibinigay nito sa kaniya ang isang libro.
“Alam ko na mahilig ka na magbasa, ito, bagong libro na nabasa ko sa silid aklatan, tiyak na magugustuhan mo ito. Hindi ba at nais mong malaman kung mayroon pang mundo maliban sa Chromus? Nahanap ko ito nang nakaraang linggo at bago ko talaga sa iyo ibinigay ay binasa ko muna para malaman kung maganda.”
Napangiti siya nang marinig ang sinabi ni Philiph. Kinuha niya ang libro na iniaabot nito at tiningnan iyon. Ang pamagat ay ‘The Lost World’ kulay ginto ang pabalat ng libro at mukhang bagong-bago pa.
Kilala na talaga siya ni Philiph pagdating sa mga libro na makakakuha ng interes niya. Simula kasi noon na nalaman niya ang tungkol sa malawak na silid aklatan na iyon ay si Philiph ang palagi niyang kasama upang maghanap ng magandang libro na babasahin nilang dalawa.
“Salamat, naalala mo pa ako gayong marami ka rin na gawain,” sabi niya.
Nagsimula na silang maglakad na dalawa. Akala niya ay nasa fencing room ito kasama si Kasimiro at si Leopold ngunit mukhang hinintay siya nito na matapos kausapin ang kanilang guro sa mahika.
“Sabi ko kina Kasimiro ay sasaglit ako sa aking silid para kuhanin ang libro na ibibigay ko sa iyo, tapos nang pabalik na ako sa fencing room ay nakita naman kita na lumabas na ng silid kung saan tayo nagsasanay kaya nilapitan na kita. Seryoso ba ang pinag-usapan ninyo ng guro?” tanong ni Philiph sa kaniya.
Pinag-usapan nila ng tungkol sa kaniyang paggamit ng mahika. Ang kakaibang stratehiya niya kanina. Ngunit ang tumatak sa isipan niya ay ang huling mga sinabi nito.
“Hindi naman ganoon kaseryoso, may napansin lang ang guro sa akin.”
Nakita niya na kumunot ang noo ni Philiph.
“Maaari ko ba na malaman?”
Lumiko na sila papunta sa fencing room. Nang sasabihin na niya ang sinabi ni Alastor sa kaniya kanina ay biglang nakita niya na makakasalubong nila si Osvar at si Plavo. Nag-uusap ang mga ito habang naglalakad. Sa suot ng mga ito at sa pawis na nakikita niya ay mukhang nangabayo ang mga ito.
“Oh, Philiph?”
Hindi rin takot si Philiph kina Osvar katulad niya. Ngunit ibang-iba ang trato ng mga matatanda nilang kapatid kay Philiph. Mabait ang mga ito sa huli, hindi nito sinasaktan at sa tuwing ipagtatanggol siya ni Philiph ay hindi na sumasagot pa ang mga ito.
Napatingin sa kaniya si Osvar, nakita niya na ngumiti ito sa kaniya. Ngunit alam niyang peke iyon.
“Mukhang katatapos lang ng pagsasanay ninyo kay Alastor, ah?” tanong ni Osvar.
“Oo, kuya, papunta na kami sa fencing room ngayon. Mayroon kaming oras na magpahinga, kayo saan kayo pupunta?” tanong ni Philiph.
Napatingin siya dito. Nakangiti ito sa dalawang kapatid nila na nasa harapan nila. Malapit si Philiph sa lahat, mabait kasi ito at lahat ay nakakasundo. Nakuha nito ang kabaitan ng kanilang ina at ang pagiging malumanay. Kaya rin siguro sina Osvar ay malapit rin dito. Isa pa, si Philiph lang ang tumatawag ng kuya sa tatlong nakatatandang nilang kapatid.
“Huwag kang masyadong magpapagod, Philiph, nabalitaan ko na kagagaling lang ni Telo kanina para tingnan ang kalagayan mo. Mabuti na ba ang pakiramdam mo? sa tingin ko ay kailangan mo na magpahinga muna ng isang linggo bago muling pumasok sa mga pagsasanay,” sabi ni Osvar.
Napayuko si Philiph. Alam ni Evan na hudyat iyon upang tumigil na si Osvar. Ayaw na ayaw ni Philiph na naliliban sa pagsasanay dahil sa kalusugan nito. Ngunit dahil sa mahina ang katawan ni Philiph kinakailangan nitong sundin ang mga sasabihin ni Telo. Pag nasobrahan kasi ito sa pagod ay nawawalan ito ng malay.
“Kuya...”
Itinaas ni Osvar ang dalawang kamay nito. “Oh, sige na. Wala na akong sasabihin. Mag-iingat ka na lang, at ikaw Evan.”
Bumaling sa kaniya si Osvar. Nag-iba ang ekspresyon sa mukha nito nang tumingin sa kaniya.
“Titingnan mo si Philiph, huwag ninyong ilagay sa panganib ang kapatid natin dahil sa kumpetisyon na nasa isip mo,” sabi nito.
Nais niyang mapaismid. Ang ugali ni Osvar ay hindi na talaga magbabago.
Wala sa isipan ko ang kumpetisyon lalo pa at nag-aaral pa lang kami ng mga dapat namin na malaman. Sa mahika at sa pagdedepensa ng aming sarili. Masyadong pinapapangit ni Osvar ang imahe ko sa lahat at pinagmumukha akong uhaw sa kapangyarihan.
Lumapit siya kay Osvar at nginitian ito.
“Walang kumpetisyon, Osvar, nagsasanay at nag-aaral pa lang kami, nakalimutan mo na ba?”
Hanggang leeg siya ni Osvar, matangkad ito ngunit matangkad rin siya at alam niya sa mga susunod na taon ay malalamangan pa niya ito sa laki. Lalo na sa kapangyarihan.
“Halika na, Osvar, iinit na naman ang ulo mo dahil diyan kay Evan, hinihintay na tayo ni papa sa hall, mayroon tayong mahalagang pag-uusap,” sabi ni Plavo.
Sinamaan siya ng tingin ni Osvar at bago siya lagpasan ay sadya pa siya nitong binunggo. Nang makaalis ang dalawa nilang kapatid at tiningnan niya si Philiph. Nakasimangot ito at nakayuko. Parang nakapalalim ng iniiisip nito.
“Philiph.”
Tumingin sa kaniya si Philiph, wala na ang masayahin nitong mukha.
“Bakit kailangan...” nagsimula na itong maglakad at ganoon na rin siya, “bakit kailangan na ibilin ako ng lahat sa mga makakasama ko? Hindi naman ako mahina, kaya ko naman ang sarili ko... katawan ko lang ang mahina ngunit hindi ang isipan at mahika ko.”
Inilipat niya ang libro na hawak niya sa kaliwang kamay at tinitigan niya ang kaniyang kanang kamay. Naramdaman niya kasi na lumalamig na naman iyon. Ang kanang kamay niya ang madalas niyang ginagamit upang magpakawala ng ice magic.
“Alam ko naman na ang gusto lang nila Osvar ay maging ligtas ako, ang iniisip lang ninyo ay ang kapakanan ko at kaligtasan pero, Evan... hindi ako natutuwa, magiging totoo ako sa iyo, hindi ko nagugustuhan na ang lahat ng pag-aalala ay nasa akin, pakiramdam ko mas humihina ako sa bawat araw. Habang lumilipas ang mga araw, buwan at taon ang nararamdaman ko sa aking sarili, imbis na lumakas ang loob ko ay humihina dahil palagi kong naaalala kung gaano kahina ang katawan ko dahil sa mga taong nagpapaalala sa akin.”
Hindi niya masisisi si Philiph kung ganoon ang nararamdaman nito. Ngunit, ang gusto lamang nila ay mag-ingat ito at huwag sagarin ang sarili lalo na sa pagsasanay.
“Bakit ba kasi ipinanganak akong mayroong mahinang pangangatawan. Bakit sa lahat, ako pa?”
Nanatili siyang tahimik, hindi siya nagsalita dahil ayaw niyang magkamali. Emosyonal si Philiph at maaaring hindi makatulong dito ang kung anuman na sasabihin niya kahit na ang layunin niya ay gumaan ang pakiramdam nito.
Kapag nakakaramdam ng galit o inis ang isang tao, mas mabuti na hayaan mo itong ilabas ang saloobin nito. Mas makakatulong sa mga ito na sabihin ang hinanakit at sama ng loob.
Mahirap magbigay ng salita lalo pa at puno ito ng emosyon. Sa mga narinig niya kasi na sinabi ni Philiph ay mukhang kahit makabubuti dito ang sasabihin niya ay hindi pa rin nito ikagagaan ng loob iyon.
“Ang tagal ninyo naman!”
Iyon ang bungad ni Leopold sa kanila. Nakaupo ito sa gilid at kumakain ng mansanas.
“Nakasalubong kasi namin sina Osvar at Plavo. Nag-usap lang sandali, saan nanggaling ang mga prutas?” tanong niya.
Naupo siya sa mahabang sementadong upuan sa gilid.
“Galing kay mama. Dinala ng isang katulong,” sagot ni Kasimiro na may hawak naman na saging.
Hindi talaga sila kinakalimutan na padalhan ng pagkain ng kanilang ina sa tuwing nagsasanay sila. Sabi nga nito, sa ganoong paraan manlang ay maipaabot nito ang suporta sa kanila.
Nilingon niya si Philiph, malayo ang pwesto nito sa kanila, nakita niya na nagsusuot na ito ng gear. Napabuntong hininga siya, mayroon pa naman silang oras para magpahinga ngunit mukhang magsasanay na ito kaagad. Isa pa, wala pa rin ang kanilang guro.
“May nangyari ba? Napansin ko na parang wala sa mood si Philiph,” tanong ni Leopold habang nakatingin kay Philiph.
“Napag-usapan kanina ang tungkol sa kalusugan niya, nabanggit ni Osvar, pero huwag kayong mag-alala, magpapawala lang ng inis iyang si Philiph.”
Masama na ang timpla nito at hindi na niya muna kakausapin. Alam niyang mabait si Philiph ngunit mahirap itong kausap kapag inis o galit.
“Ano nga pala ang pinag-usapan ninyo ng guro?” tanong ni Kasimiro.
Tumayo ito at naupo sa tabi niya.
“Napansin ko kanina, Evan, palaging napapatingin sa iyo ang guro. Mukhang binabantayan niya ang kilos mo kanina sa ibinigay niyang pagsusulit. Saka nakita ko na napangiti siya nang mamatay ang apoy sa kandila mo,” sabi ni Kasimiro.
“Wala iyon, natuwa lang ang guro dahil nakatapos ako sa ipinagawa niya.”