Chapter 9
Hindi niya sinabi dito ang totoo. Pati na ang paggamit niya ng ice magic sa pamamagitan lamang ng kaniyang mga mata. Binalaan siya ng kanilang guro na huwag iyong gagamitin dahil delikado.
“Ang hirap kasi naman talaga ng ipinagawa ng guro kanina, pero kung hihipan lang iyon ay tiyak magagawa ko,” sabi ni Leopold.
“Nabasa ko sa isang libro tungkol sa katawan ng isang tao kung paano makakabuga ng malakas na hangin. Ang paghinga ng maayos ay kinakailangan. Saka hindi maaaring magmadali sa pag-isip, nakasaad sa libro na dapat...”
Nagkatinginan sila ni Kasimiro. Ito na naman si Leopold, mamaya na naman ito matatapos pag nagsimula itong magkwento sa kanila tungkol sa isang libro na nabasa nito. Tumayo sila ni Kasimiro at nang mapansin iyon ni Leopold ay napatigil ito sa pagsasalita.
“Hoy! Nakakainis kayong dalawa!”
Nang lumipas ang oras at dumating na ang kanilang guro ay naupo na silang apat. Nakinig sila sa discussion nang araw na iyon. Walang pagsasanay na magaganap dahil mga basic na atake muna ang pinag-usapan nila at sa susunod na araw na lamang sila magkakaroon ng pagsasanay sa mga atake na napag-usapan.
“Maraming salamat po, guro!” sabay-sabay nilang sabi pagkatapos ay lumabas na sila ng fencing room.
Lumabas na sila ng silid. Napansin niya na hindi pa rin maganda ang mood ni Philiph kaya’t umatras siya at pinantayan ito sa paglalakad.
“Naiinis ka pa rin?” tanong niya.
Dahan-dahan na tumango ito.
“Hindi mawala, siguro dahil pagkatapos kong magamot ay ilang beses ko nang narinig ngayong araw ang tungkol sa mahina kong katawan,” sagot ni Philiph sa kaniya.
“Pero alam mo naman na hindi iyon hadlang para magawa ang mga gusto mo, hindi ba?”
Huminto si Philiph sa paglalakad at ganoon rin siya. Nakayuko ito at hindi nakatingin sa kaniya.
“Ang mga sasabihin ng mga tao ay palaging nariyan, Philiph. Hindi mo mapipigilan ang mga opinyon nila sa ‘yo lalo na kung nag-aalala ang mga tao sa iyo. Ako, aminado ako na ayoko rin na masyado kang nagsasanay dahil natatakot ako na baka may hindi magandang mangyari sa ‘yo. Pero ang nais ko ay masigurado ang kaligtasan mo. Hindi ko intensyon na isipin mo na mahina ka dahil sa katawan mo.”
“Ang totoo niyan ay hanga ako sa ‘yo, Philiph.”
Umangat ang tingin nito sa kaniya.
“Ha? B-bakit? Sa akin?”
Tumango siya.
“Oo, dahil mahina man ang katawan mo napakatapang naman ng kaisipan mo. Nakita ko kung paano mo nilalabanan ang mga negatibong pakiramdam na ipinaparanas sa iyo ng katawan mo at naniniwala ako na darating ang taon na hindi ka na magkakasakit o manghihina. At dahil iyon sa tapang ng isipan mo.”
“Evan...”
“Ang mahalaga, Philiph ay kung ano ang opinyon mo sa sarili mo. Tandaan mo, hindi ang opinyon ng iba ang makakapagpabago at makakatulong sa iyo, kung hindi ang iniisip mo at tingin mo sa sarili mo.”
Nang sumapit ang gabi ay bumalik na sila sa kaniya-kaniya nilang silid. Alas siyete ang oras ng kain nilang pamilya at sabay-sabay silang maghahapunan. Nang makapasok sa kaniyang silid si Evan ay ibinaba niya ang libro na ibinigay sa kaniya ni Philiph kanina. Babasahin niya iyon mamaya bago siya matulog.
Pumunta siya sa lagayan ng mga damit at naghanda na siya ng pamalit. Naaamoy na niya ang kaniyang sarili dahil sa pagiging abala sa maghapon na iyon dahil sa pagsasanay. Alas otso ng umaga sila nagsimula at natapos ng alas sais. Nakakapagod para sa kanila ngunit wala silang magagawa dahil kailangan nilang sundin ang kanilang ama.
Paghahanda iyon sa kanila sa darating na paglalaban sa trono ng susunod na magiging hari ng Doumentry Kingdom.
“Paglalaban ang trono...”
May mga libro na siyang nabasa tungkol sa ganoong kwento sa isang kaharian nang nasa dating buhay pa siya bilang si Mikaelo. Alam niya na kapag tungkol sa pinakamataas na posisyon ay hindi magiging madali ang lahat ng kahaharapin nila. Magkakapatid sila, pero ngayon pa lang ramdam na niya ang tensyon.
Walang tulungan na mangyayari pagdating ng panahon. Ngayon siguro ay magkakalapit pa sila nila Kasimiro, Leopold at ni Philiph. Pero pagdating ng nakatakdang edad upang maglaban-laban sila ay tiyak na magkakaroon na ng harang sa relasyon nilang lahat.
Iyon ang hindi niya nais.
Kung maaari lang na umatras ay gagawin niya ngunit malaki ang ekspektasyon sa kaniya ng mga tao. Hindi lang ng kaniyang mga magulang pati na rin sa mga nakakakilala sa kaniya lalo pa at dala-dala niya ang pangalan ng mga naging hari ng Doumentry Kingdom.
“Iiwan ko lang sandali ang kapatid mo sa iyo, Osvar, bababa lang ako para kausapin ang inyong ama. Sandali lamang ito,” sabi ng reyna.
“Sige po, mama, wala pong problema,” sagot naman ni Osvar.
Isang taong gulang pa lang si Evan noon. Hindi siya tumitingin sa panlabas na anyo ng isang tao ngunit sa kaniyang isip ng mga oras na iyon habang nakatingin sa panganay na anak ng hari at reyna ay alam niyang may itinatago itong masamang ugali.
“Evan Ignatius Rozel,” bigkas nito sa kaniyang pangalan.
Kunwaring naglalaro lamang siya pero patingin-tingin na siya sa kaniyang kapatid ng mga oras na iyon.
“Bakit sa ‘yo pa ibinigay ang pangalan na iyan at hindi sa akin? ako ang panganay, dapat ako ang nagdala ng pangalan na iyan.”
Walong taon pa lang si Osvar pero rinig na rinig niya ang inggit sa boses nito dahil lamang sa pangalan niya.
“Hindi ko hahayaan na makuha mo ang loob ng mga magulang natin paglaki mo, Evan. Hindi ko hahayaan na makuha mo ang atensyon ng lahat sa kaharian na ito.”
Tumingin siya kay Osvar at ngumiti siya. Mukhang mas naasar pa ito sa ginawa niya. Pumalakpak siya upang mas mainis ito. Nang duruin siya nito ay humalukipkip siya. Nais noon matawa ni Miakelo sa mga pinaggagawa niya bilang si Evan dahil inis na inis na sa kaniyang harapan ang panganay nilang kapatid.
“Huwag kang ngumiti! Hindi ako nagbibiro! Papatunayan ko na wala sa pangalan ang basehan upang maging isang hari! Puputulin ko ang kaisipan na iyon ng mga tao! Sisiguruhin ko na hindi ikaw ang susunod sa yapak ng papa!”
Harap-harapan niyang narinig ang mga masasamang salita ni Osvar sa kaniya. Dahil nga siya si Mikaelo, dalawampu at pitong taong gulang, naiintindihan niya ng malinaw ang sinasabi ni Osvar sa kaniya. Inasar pa niya ito sa pamamagitan ng pagsayaw at pagpalakpak.
Lumabas naman ng silid si Osvar at ang sumunod na pumasok sa loob ay ang katulong. Mukhang nasagad niya ang pasensiya nito at ipinabantay na lamang siya sa isang katulong.
Nang makatapos siya maligo at makapagpalit ng damit ay lumabas na siya ng kaniyang silid. Katapat lamang niya ang silid ni Philiph at sabay pa sila sa paglabas. Nginitian siya ni Philiph at gumanti rin siya ng ngiti dito. Pagkatapos ng pag-uusap nila kanina ay naging maayos na ulit ang mood nito.
Bago sila maglakad ay nilingon niya ang dalawang silid sa dulo. Iyon naman ang silid ni Kasimiro at ni Leopold.
“Sandali lang, Philiph, kakatukin ko lang iyong dalawa,” sabi niya.
“Nauna na si Kasimiro at si Leopold. Kumatok sila sa kwarto ko kanina at sinabi ko na ako na ang maghihintay sa ‘yo. Mukhang nasa banyo ka kanina nang kumatok sila sa pinto mo.”
“Ahh, sige, tayo na.”
Nagpunta na sila sa hapagkainan. Nang makarating sila ay kumpleto na ang lahat. Naroon na ang kanilang ama at ina. Naroon na rin si Plavo, Osvar at si Jeremiah pati na si Kasimiro at si Leopold. Sila na lang ni Philiph ang hinihintay.
Sa mahabang lamesa ay sa tapat ni Osvar siya naupo. Sa tabi naman niya ay si Philiph at si Kasimiro. Ang matatanda naman ang magkakatabi.
“Maganda ang resulta ng pagsusulit ninyo sa araw na ito, Kasimiro, Philiph, Leopold at Evan.”
Napatingin sila sa kanilang ama nang magsalita ito.
“Evan, sinabi sa akin ni Alastor na napagtagumpayan ninyo ni Philiph ang isa sa pinakamahirap na pagsusulit na ipinagawa niya.”
“Opo, papa,” sagot niya.
“Isa sa pinakamahirap na pagsusulit?” tanong ni Plavo.
Tumingin ang hari kay Plavo at tumango. Bago ito sumubo ng pagkain ay sinagot nito ang tanong ng anak.
“Ang pagpapatay ng apoy sa kandila. Noong nagsasanay ako noon na gawin iyon ay nahirapan ako ngunit nagawa ko rin. At hindi ba, sa inyong tatlo, Osvar, Plavo at Jeremiah ay hindi ninyo nagawa ang pagsusulit na iyon ni Alastor?” sabi ng kanilang ama.
Napatingin siya sa mga matatanda nilang kapatid. Napansin niya ang paghigpit ng hawak ni Osvar sa kubyertos. Ibinaba nito ang mga kubyertos na hawak at uminom ng tubig pagkatapos ay tumingin ito sa kanilang ama.
“Ngunit mayroon rin kaming napagatagumpayan na mahihirap na pagsusulit noon mula kay Alastor, papa. Maaaring hindi na kasing hirap ang ibinigay nito kaya’t nagawa ng aming mga nakababatang kapatid,” sagot ni Osvar.
Ayaw niya talaga na nalalamangan. Masakit ba na marinig na nagawa namin ni Philiph ang hindi mo nagawa noon, Osvar?”
“Tama si Osvar, papa, iba naman ang noon at ngayon—"
“Noon nang ibigay sa inyo ni Alastor ang pagsusulit ay nasa edad labing dalawa ka, Osvar, ngunit si Philiph ay siyam lamang at si Evan ay walo. Nakarating pa sa akin ang pambihirang ginawa ni Evan, hindi ko na iyon babanggitin pa dahil mayroon kaming usapan ni Alastor,” sabi ng hari.
Napatingin sa kaniya si Osvar. Nakita niya ang inis sa mga mata nito. Sumubo siya ng pagkain nang hindi inaalis ang tingin sa panganay nilang kapatid. Sagad na naman ang inis nito sa kaniya at ramdam na ramdam niya iyon sa tingin pa lang.
Nang hindi na sumagot si Osvar at si Plavo ay nagpatuloy na lamang sila sa pagkain. Tahimik ang hapagkainan hanggang sa magsalitang muli ang kanilang ama.
“Evan. Sa makalawa ay aalis ako at isasama kita.”
Lahat silang magkakapatid ay napatingin sa hari nang magsalita ito. Nakita niya ang gulat sa mukha ni Osvar, Plavo at ni Jeremiah. Alam niya kasi na kahit sa anong lakad ng hari ay hindi pa nakakasama ang mga ito.
“P-Papa, saan naman? Hindi ba at mas mabuti kung isa sa aming tatlo nila Osvar at Plavo ang isama mo?” tanong ni Jeremiah.
Pinunasan ng hari ng tela ang gilid ng mga labi nito bago nagsalita.
“Pupunta ako sa wereniya nais kong bisitahin ng personal ang mga magsasaka ng ating lupain. Nais kong tingnan ang mga gulay, palay at iba pang mga pananim at gusto ko sanang isama si Evan sa pagpunta doon. Hindi naman nalalayo ang wereniya sa ating lupang sakop kaya’t ligtas na isama ko siya.”
“Isa pa, ako na hari ang kasama niya, hahayaan ko ba na may mangyaring masama sa aking bunsong anak?”
Double kill para kay Osvar ang sinabi ng hari. Habang si Evan naman ay nasisiyahan sa nangyayari. Hindi na niya kailangan magsalita para makuha ang inis ni Osvar pati na ni Plavo at ni Jremiah. Mismong ang hari na ang gumagawa ng paraan para mainis ang mga ito.
“Masusunod po, papa, pahinga po namin iyon at walang ibang pagsusulit kaya’t maaasahan ninyo ako,” sagot niya.
Marahas ang pagtingin sa kaniya ni Osvar. Nang hindin nito kinaya ang nangyayari ay tumayo ito. Napatingin silang lahat kay Osvar.
“Tapos na po akong kumain, papa, mama, magbabasa pa po ako ng libro kaya’t babalik na ako sa aking silid,” sagot ni Osvar. Nang tumango ang hari ay naglakad na paalis si Osvar ngunit binigyan siya nito ng masamang tingin.
“Ako rin, papa, tapos na po akong kumain, magbabasa rin po ako ng libro kaya mauna na po ako,” sabi naman ni Plavo.
“Ako rin po, papa,” pag segunda ni Jeremiah.
Ramdam na ramdam niya ang inggit sa mga nakatatandang kapatid. Ngunit hindi niya naman iyon desisyon. Desisyon iyon ng kanilang ama na siya ang isama. Masakit lamang para sa mga ito dahil may tinatagong inggit ang tatlo sa kaniya.
Ngunit kung katulad ito ni Philiph at ng dalawa na si Kasirmiro at si Leopold ay tiyak na hindi naman ganoon ang magiging reaksyon ng mga ito.
Nilingon niya si Philiph na patuloy na kumakain. Nang mapansin nito na nakatingin siya ay ngumiti ito sa kaniya.
“Tapos ka na? kain ka pa, Evan, marami pa ang mga pagkain,” sabi ni Philiph.
Nasulyapan niya si Kasimiro at Leopold na patuloy pa rin na kumakain. Napangiti siya. Wala siyang dapat na isipin dahil ang mga matatanda lamang ang ganoon ang akto sa kaniya. Mamaya ay magsasama-sama silang apat muli upang magkwentuhan. Gawain na nilang apat iyon bago bumalik sa kani-kanilang silid upang matulog.
“Mahal, ayos lang ba na isama mo si Evan?” tanong ng reyna.
Narinig iyon ni Evan kaya’t napatingin siya sa mga magulang. Magkalapit ang mga ito sa upuan.
“Huwag kang mag-alala sa kaligtasan niya, gwardyado ng mga kawal ang paligid ng Doumentry Kingdom. Ang wereniya ay nasa dulo man na bahagi ngunit sakop pa rin ng ating lupain. Isa pa ay kasama ako, wala kang dapat na ipangamba, Rozwelle.”
Nang matapos ang kanilang hapunan ay nagpaalam muna siya sandali sa tatlong mga kapatid na kukuhanin niya ang libro na ibinigay ni Philiph bago siya pumunta sa silid nito para makapaglaro sila.