Chapter 6

2137 Words
Chapter 6 Napatingin siya sa kanilang guro nang tawagin siya nito. Naglakad palapit sa lamesa si Alastor at pinatay nito ang sindi sa kandila. “Pasensiya na po sa paghihintay!” Naupo na si Kasimiro at si Leopold nang dumating si Philiph. Tiningnan niya ang huli, maayos naman ang kulay ng mukha nito at hindi na mapulta di tulad nang nakaraan. Nang mapansin ni Philiph na nakatingin siya ay lumingon ito. Magkalinya lamang sila ni Philiph ng upuan ngunit nasa kabilang row ito. “May problema ba, Evan?” tanong nito sa kaniya. Umiling siya, “Wala naman, naisip ko lang kung maayos na ba ang pakiramdam mo?” Bumaba ang tingin niya sa kamay ni Philiph, nakita niya ang tatlong tusok sa palad nito. Nakaramdam siya ng pag-aalala, higit sa lahat ng kaniyang mga kapatid ay si Philiph ang malapit sa puso niya. Para kasing ito ang isang kapatid niya noon sa dating buhay. Si Mark ay sakitin rin, ang ika-anim sa kanilang magkakapatid. Madalas na dalhin sa ospital si Mark noon upang ipagamot. Nakikita niya ang kaniyang Kuya Mark kay Philiph ngayon. “Huwag kang mag-alala, Evan, bumuti na ang pakiramdam ko pagkatapos akong gamutin ni Telo, hindi kasi ako nakatulog ng maayos kagabi kaya’t hindi naging maganda ang timpla ng katawan ko kanina paggising, pero ngayon ay maayos na ako.” Napanatag siya nang makita ang ngiti ni Philiph sa kaniya. Isa sa dahilan kung bakit ganito kalapit sa kaniya si Philiph ay dahil palagi itong nakaabang noon na makita siya noong sanggol pa lang siya. Natandaan niya, ito ang kauna-unahan niyang nakita sa lahat ng mga kapatid niya. Si Philiph iyong palaging naroon upang makasama siya at makalaro. Nang mapunta siya sa mundong iyon bilang si Evan ay ito ang ikalawa sa nilalang na nakita niya bukod sa kanilang ina. “Mama, nakangiti sa akin si Evan! Nakita mo po iyon? nakakatuwa... marunong na siyang ngumiti?” sabi ng batang si Philiph. “Natutuwa siya sa iyo, Philiph, palagi mo kasing dinadalaw ang kapatid mo,” sagot naman ng reyna. Naalala niya pa ang sinabi noon ng kanilang ina, sinabi nito na palaging naroon si Philiph upang hintayin na magising siya para makalaro nito. Kaya’t noon pa man ay napakagaan na ng loob niya dito. Sila rin ang madalas na magkasama noon, naglalaro at nagbabasa ng libro. Marami kasi silang pagkakatulad ni Philiph. Naging kasundo lang niya sina Leopold at Kasimiro nang lumaki-laki na siya. Bukod sa tatlong nakatatanda nilang mga kapatid at silang apat ang madalas na nagkakaunawaan at magkakasama. Sina Osvar, Plavo at Jermiah ay mga seryoso. Bukod kay Osvar ay kinatatakutan rin ni Leopold at ni Kasimiro si Plavo pati na si Jerimiah. Wala ring pinagkaiba ang ugali ng dalawa nilang kapatid na iyon kay Osvar. Ang tatlong matatanda ay puro trono ang nasa isip samantalang silang apat naman na mga bata ay ang nasa isipan kung ano ang makakapagpasaya sa kanila. Lalo na si Leopold na ang gusto talaga ay maging isang doktor. Mahilig itong magbasa ng libro tungkol sa medisina. Nagpupuslit rin ito ng mga herbal medicine sa silid na ito. Nang mahuli ito noon ni Osvar ay sinampal nito si Leopold. Isa siya sa pumigil kay Osvar noon dahil iyak ng iyak si Leopold. Alam kasi ni Osvar na walang lakas ng loob magsumbong ang mga kapatid nila sa mga magulang nila kaya’t patuloy itong nananakit. Walong taong gulang na siya, si Kasimiro ay labing tatlo at si Leopold ay siyam. Sa loob ng mga taong iyon ay nanatiling tahimik ang mga ito sa p*******t ni Osvar na kinaiinis niya. Kaya’t kahit na pito silang magkakapatid ay hati sila sa dalawang grupo dahil sa takot ng dalawa kay Osvar, Plavo at kay Jeremiah. Hindi ganoon ang klase ng pamilya na kinalakihan niya noon bilang si Mikaelo at ayaw na ayaw niya ng nagkakasakitan. Ayaw niya ng may nadedehado. Kaya noon ay sinasaktan siya ni Osvar. Bukod sa dahilan na naiinis ito sa kaniya dahil sa galing niya ay dahil na rin sa ipinagtatanggol niya si Kasimiro at si Leopold. Sa tuwing makikita naman ni Philiph na sinasaktan siya ni Osvar sa kaniyang silid ay pinipigilan nito ang panganay na kapatid. “Wala akong masyadong ipapagawa sa inyo ngayong araw.” Napatingin si Evan sa kanilang guro na si Alastor. May hawak itong apat na kandila. Naglakad ito at isa-isang inabot sa kanila iyon. Naalala niya ang kanila na may sindi na nasa ibabaw ng lamesa kanina. Alam niya na kaya siya tinawag ni Alastor ay dahil binawal siya nito sa ginagawa niya. Ramdam naman niya iyon. “Ibig sabihin ay maaga mo kaming pagpapahingahin?” tanong ni Kasimiro nang lumapit rito si Alastor. Kinutusan naman ni Alastor si Kasimiro, “Ikaw talaga. Hindi pa nga tayo nagsisimula ngayong araw ay pahinga na kaagad ang nasa isip mo.” Natawa si Leopold sa sinabi ng kanilang guro at siya naman ay napatingin sa kaniyang mga kamay. Nitong mga nakaraan ay naramdaman niya na mas lumalamig iyon kaysa sa dati. Hindi naman taglamig ang klima sa lugar nila. “Ito ang sa iyo, Evan,” sabi ni Alastor. Kinuha niya ang kandila. Tinitigan lamang niya iyon. “Itayo ninyo ang mga kandila sa lamesa sa inyong harapan. Wala kayong ibang gagawin kung hindi ang itayo iyan.” Sinunod nilang tatlo ang sinabi ng kanilang guro. Ibinaba ni Evan sa gilid ng kaniyang upuan ang libro na nasa ibabaw ng lamesa at itinayo ang kandila niya. Ano naman kaya ang gagawin nila ngayong araw? Nang nakaraang dalawang araw kasi ay palpak siya sa ipinagawa ng kanilang guro. Hindi niya nasunod ang ipinapagawa nito at siya lamang sa kanilang tatlo ang nagkamali. Hindi siya sanay dahil noon ay palagi niyang sinsiguro na lahat ng palatuntunin ay masusundan niya. Ibang-iba llang sa paggamit ng mahika. Kahit nasa isip ko na kung ano ang gagawin ko, sa oras na lumabas ang mahika sa aking kamay ay hindi nasusunod ang dapat kong gagawin. “Okay, makinig kayo sa akin,” sambit ni Alastor at kinuha nito ang kandila na nasa lamesa. May sindi ang kandila na hawak nito samantalang ang kanila ay wala. Itinuro ni Alastor ang mga kandila nila at bawat isa iyong nagkaroon ng apoy. “Wow...” sabi ni Kasimiro. “Lumayo kayo ng isang metro sa bawat kandila ninyo.” Kaagad silang sumunod. “Ngayon bibigyan ko kayo ng labing-limang minuto para mapatay ang kandila na iyan nang hindi ginagamit ang inyong mga kamay.” Napatingin silang tatlo kay Alastor dahil sa sinabi nito. “Guro, hindi ata posible iyon? napakahirap naman patayin ang kandila na iyan na hindi ginagamit ang aming mga kamay— “Bawal ninyo rin na gamitin ang inyong bibig.” “Huwag ka nang magreklamo, Kasimiro, hindi ko iyan ipapagawa sa inyo kung hindi posible. Huminga kayo ng malalim at ituon ninyo ang buo ninyong atensyon sa kandila. Mag-concentrate kayo at huwag kayong titingin sa iba. Kailangan ang buong atensyon ninyo ay nasa apoy ng kandila lamang.” Ipinikit ni Evan ang kaniyang mga mata. Ganoon ang ginawa niya kanina sa kandila sa ibabaw ng lamesa. Iyon ay noong binawal siya ni Alastor sa kaniyang ginagawa. “Magsimula na kayo.” Nang maghudyat na ang kanilang guro ay idinilat niya ang kaniyang mga mata at itinuon ang buong atensyon sa apoy sa kaniyang kandila. Ngunit hindi katulad kanina ay na gumagalaw ang apoy sa kandila na nasa ibabaw ng lamesa, ang kandila niya ay nanatili lamang at hindi gumagalaw. Lumalabas na ang pawis niya at ganoon na rin sina Philiph, Leopold at Kasimiro. Pare-parehas na hindi gumagalaw ang apoy sa kanilang mga kandila. Napahinga siya ng malalim. Hindi sila maaaring gumamit ng kamay upang bumuo ng hangin at hindi rin nila maaaring gamitin ang kanilang mga bibig upang umihip at mamatay ang apoy. Paano nila mapapatay ang mga apoy gamit ang kanilang mga mata? “Limang minuto na ang nakalipas, mayroon pa kayong sampung minuto.” “Ahhh, ang hirap naman nito. Mas mahirap pa ito kaysa sa ipinagawa mo sa amin noong nakaraan—aray!” Binatukan ni Alastor si Kasimiro nang magsalita ito. “Huwag puro reklamo, Kasimiro, mag-pokus ka sa apoy ng kandila mo.” Muling tumahimik sa buong silid. Habang nakatuon ang kaniyang mga mata sa apoy sa kandila ay napansin niyana gumalaw iyon ngunit hindi sapat upang mamatay ang apoy. Ngunit mayroon siyang napansin. Ang gilid ng kandila ay nagkaroon ng kaunting yelo. Nang mapatingin siya kay Alastor ay nakita niya ito na nakatingin rin sa kaniyang kandila. Nang magtama ang mga mata nila ay tumango ito sa kaniya at ngumiti pagkatapos ay tumingin ito sa hawak nitong sand timer. “Mayroon na lang kayong walong minuto.” Tumatakbo ang oras at kahit isa sa kanilang apat ay wala pa rin nakakapatay sa apoy sa kanilang mga kandila. Malapit nang sumuko si Kasimiro at si Leopold dahil sa tingin nila ay imposible ang ipinapagawa ng kanilang guro, samantala, si Philiph naman ay napangiti nang muntik nang mamatay ang apoy sa kaniyang kandila. “Apat na minuto.” Nang mapatingin si Alastor sa kandila ni Philiph ay napalapit siya rito, napansin niya na muntikan nang mamatay ang apoy sa kandila nito at bago pa man niya mabati si Philiph ay namatay na ang apoy sa kandila nito. Napangiti si Alastor sa nakita. Hindi naman nagsalita si Philiph. Hinayaan nito ang mga kapatid na gawin ang kanilang aktibidad sa araw na iyon. Nang lingunin ni Alastor si Kasimiro at Leopold ay ganoon pa rin at kahit paggalaw ay hindi nangyayari sa apoy sa kandila ng mga ito. Ngunit nang mapatingin siya sa kandila ni Evan ay nagulat ang guro. Mahina na ang apoy sa kandila ni Evan at hindi na iyon kasing lakad ng kanina. Napangiti si Alastor nang makita ang mga yelo sa palibot ng kandila. Ang yelo ang nagpapahina sa apoy at alam ng guro na bago pa man matapos ang oras na ibinigay niya ay patay na ang apoy sa kandila nito. Tumalikod si Alastor. Iba ang lakas ng mahika ni Evan at iba ito mag-isip. Sa kaniyang pagoobserba ay ito at si Philiph ay maaari nang ihanay sa kakayahan ng mga kapatid ntong si Osvar, Plavo at Jeremiah. Ang lakas ng dalawang prinsipe ay maihahalintulad na sa tatlong mga nakatatandang kapatid ng mga ito. Nang makita ni Alastor na namatay na ang apoy sa kandila ni Evan ay napangiti siya. Kakaiba ang ginawang stratehiya nito. Hindi ito nagfocus sa pagpatay ng apoy sa pamamagitan ng hangin na maaari nitong magawa dahil sa mahika nito. Bagkus, pinalibutan nito ng yelo ang paligid ng kandila upang mamatay ang apoy unti-unti. Mukhang mas lalakas pa ang mahika nito sa mga susunod na taon. Kaya na nitong magpakawala ng ice magic sa pamamagitan lamang ng pagtingin sa ibang bagay. Ang hari pa lang ang naririnig ko na kayang makagawa non. Kahit na si Osvar, Jeremiah at si Plavo na tinuruan ko noon ay hindi nagtagumpay na mapatay ang apoy sa kandila. Napatingin si Alastor kay Philiph at kay Evan. Ngunit sa tingin ko ay wala sa isipan ni Evan na pamunuan ang mundong ito. Nakikita ko sa mga mata niya na sumusunod lamang siya dahil kagustuhan ng kaniyang mga magulang. Hindi ko nakikita sa kaniya na nais niyang maging isang hari sa hinaharap. Ngayon ay siya at si Philiph ang sa tingin kong mas may posibilidad na maging susunod na hari ng Doumentry kingdom. Hindi hanga si Alastor kay Osvar kahit na ito ang pinaka matanda sa pitong magkakapatid. Ganoon na rin kay Plavo at Jeremiah. Hindi matalino sa laban at lalong hindi sapat ang lakas. Ginagamit lamang ng mga ito ang kapangyarihan bilang prinsipe upang manuhol at manakot. “Magaling, Philiph at Evan, nagawa ninyong patayin ang apoy sa kandila. Ilapit na ninyong muli ang inyong mga bangko. Ganoon rin kayo, Kasimiro at Leopold.” Sumunod si Evan pati na ang tatlo niyang mga kapatid. Nang makalapit siya sa kandila niya ay nakita niya ang yelo sa palibot ng pisi ng kandila. Kaya namatay ang kaniyang apoy ay dahil nagyelo ang paikot ng kandila at hindi dahil sa hangin. Hindi niya inaasahan na kaya niyang magpakawala ng mahika gamit lamang ang kaniyang pagtuon ng pansin sa isang bagay. “Ano ang napansin ninyo?” Umangat ang tingin niya kay Alastor. Katulad ng sinabi nito kanina, hindi nito iyon ipapagawa sa kanila kung alam nitong hindi naman nila kayang gawin. Ibig sabihin alam nito na kaya nilang makapagpakawala ng mahika gamit lamang ang kanilang mga mata. Pero sa tingin niya ay delikado iyon. Paano kung matutunan nila ang tamang paggamit? Maaaring kung hindi nila ma-kontrol ay mahika ay magiging yelo ang lahat ng bagay na matitingnan nila. “Ako po muna ang sasagot,” sabi ni Philiph. Tumango si Alastor kay Philiph.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD