LESSON 14- Back To Where It Started

2127 Words
                “CANDICE…” Napapitlag si Candice nang hawakan siya ni Samuel sa balikat. Napatingin siya sa nobyo. May pag-aalinlangan sa mga mata niya. Nahahati sa dalawa ang utak niya. Sasabihin ba niya kay Samuel ang tungkol kay Aliyah o hindi? Ayos lang na hindi niya sabihin pero paano niya ipapaliwanag ang mga narinig nito kanina? Ang hirap magsinungaling lalo na at tila hinahalukay siya ng mga titig ni Samuel. “Boyfriend mo ako, Candice. Mapagkakatiwalaan mo ako. Sino si Aliyah at bakit kailangan ninyong masiguro na patay na siya?” “S-samuel…” Natigilan siya sandali nang akmang magsasalita na siya. Hanggang sa natagpuan na lang niya ang sarili na sinasabi kay Samuel ang tungkol kay Aliyah. Sinimulan niya sa pagdating nito sa buhay niya noong high school siya. Hindi rin niya kinalimutan nang talunin siya nito sa isang beauty pageant sa kanilang eskwelahan. Iyon ang ugat ng lahat. Sinabi niya kay Samuel hanggang sa ginawa nilang pagpatay kay Aliyah… Hindi magawang maniwala ni Candice na buhay pa pala si Aliyah. Ang buong akala niya ay patay na ito dahil wala na itong pulso kanina. Pero ngayon ay nakadilat ang mata nito habang titig na titig sa kaniya. “T-tulungan ninyo ako… P-please…” patuloy na pakiusap ni Aliyah sa kanila pero sa kaniya lang ito nakatingin. “G-gusto ko pang m-mabuhay.” Napailing siya sabay tayo. “A-ano nang gagawin natin?” Nalilito niyang tanong. “Dalhin na natin siya sa ospital, please!” Umiiyak na si Jillian ng sandaling iyon. “Pwede pa siyang mabuhay kung madadala natin siya agad!” “Hindi!” Mabilis na sabi ni Rocco. “Magsusumbong iyan at mayayari tayo!” “I agree! We should let her die!” segunda ni Destiny. “Die? Hindi tayo killer!” Hindi makapaniwalang sabi ni Jillian. Humarap ito sa kaniya at hinawakan siya sa magkabilang balikat. “Candice, sabihin mo sa kanila na dadalhin natin si Aliyah sa ospital! Ayokong pumatay ng tao! Ayoko!” Naguguluhan pa rin si Candice. Hindi niya alam kung sino ang kaniyang susundin. Alam niyang siya ang hinihintay ng lahat na magdesisyon kung ano ba ang gagawin nila kay Aliyah. Nilapitan siya ni Rocco at tinabig nito si Jillian. Yumukod ito at pagtayo ay may hawak na itong sanga ng puno. Pinutol niyon sa gitna kaya naging dalawa iyon. Itinapon nito ang isa. Ang itinira nito ay iyong may matulis na dulo. “Kailangan nating patayin si Aliyah. Mag-isip ka! Kapag nabuhay pa `yan, magsusumbong iyan at iyon na ang katapusan natin!” Mariing sabi ni Rocco sa kaniya. “H-hindi… Pangako, h-hindi ako magsusumbong… S-sasabihin ko na naaksidente ako, na nadulas lang ako. Parang awa niyo na…” Napatingin si Candice kay Aliyah nang magsalita itong muli. Mabilis naman nahinawakan ni Rocco ang mukha niya at iniharap siya nito dito. “Nagsisinungaling ang babaeng iyan. Magsusumbong iyan!” giit nito. Kinuha ni Rocco ang isa niyang kamay at inilagay doon ang sanga. Ipinahawak nito iyon sa kaniya. Iginiya siya ng lalaki palapit kay Aliyah na walang tigil ang pag-iyak. Isang malaking takot ang nakikita niya sa mukha ng babae. Lumuhod sila ni Rocco sa may bandang ulo ni Aliyah. Natitigalgalan pa rin siya. Hindi niya pa rin alam kung ano ba ang dapat niyang gawin. “Patayin mo na siya, Candice. Gawin mo para sa ating lahat,” himok pa ni Rocco. Nang hindi siya kumilos ay muli nitong hinawakan ang isa niyang kamay na may hawak sa sanga. Iginiya nito iyon papunta kay Aliyah. Itinutok nito ang matulis na dulo ng sanga sa gilid ng leeg ng babae. “`W-wag! Maawa kayo!” Dumiin ang pagkakahawak ni Rocco sa kamay niya at marahan nitong ibinaon ang sanga sa leeg ni Aliyah. Nang tuluyang bumaon ang dulo ng sanga ay may lumabas na dugo doon. Mas lalong nanlaki ang mga mata ni Aliyah. Binitawan na siya ni Rocco. Tuluyan na niyang ibinaon ang sanga sa leeg ni Aliyah. Nangalahati na iyon. Nang hugutin niya ay pumulandit ang masaganang dugo sa sugat nito. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nagawa. Napaiyak siya at itinapon ang sanga. Nahihintakutan siyang napatingin sa kaniyang kamay na may dugo ni Aliyah. Napatulala na lang siya at hindi na nakakilos. Agad na gumalaw sina Rocco at Trevor. Pinagtulungan ng dalawang lalaki na buhatin ang katawan ni Aliyah at inihulog iyon sa balon. Maya maya pa ay tinatakpan na ng dalawa ang balon hanggang sa tuluyan iyong maisara ulit. “Simula ngayon, ibabaon na natin sa hukay ang pangyayaring ito. Hindi na natin pag-uusapan ang bagay na ito kahit kailan!” Matiim na turan pa ni Rocco sa kanilang lahat. “Ikaw ang pumatay kay Aliyah?” Mariin at mabilis na umiling si Candice sa tanong na iyon ni Samuel. “H-hindi! Hindi ko siya pinatay. Inudyukan lang ako nina Rocco. S-sila ang pumatay kay Aliyah. Ginawa lang nila akong kasangkapan!” Pagbibigay niya ng katwiran. “Pero ikaw ang sumaksak sa kaniya ayon sa kuwento mo, hon.” “Alam ko pero…” Naguguluhan niyang sinabunutan ang sarili. “Hindi ko alam, Samuel. Bata pa ako noon, magulo ako mag-isip at madali akong madala sa sinasabi ng mga taong nasa paligid ko. Oo, ako ang dahilan kung bakit nalagay si Aliyah sa ganoong sitwasyon pero hindi ko balak na patayin siya. Tatakutin ko lang siya at ipapahiya. Iyon lang! Hindi ko siya gustong mamatay. Aksidente lang ang lahat!” Tuluyan nang bumagsak ang emosyon ni Candice. Napahagulhol na lang siya. Niyakap siya ni Samuel. Ikinulong siya nito sa mga bisig nito. Ipinaramdam nito sa kaniya na wala siyang kasalanan. “Shhh… Tahan na. Naniniwala ako sa iyo. Wala kang kasalanan, hon. At huwag mong isipin na mababawasan ang pagmamahal ko sa iyo dahil sa mga sinabi mo. Mas lalo pa nga akong humanga sa iyo dahil naging tapat ka sa akin…” pag-alo ni Samuel. “A-ayokong makulong. Ayoko…” “Hindi ka makukulong. Marahil ay makakabuti ngang pumunta kayo sa pinagtaguan ninyo ng katawan ni Aliyah para masiguro na patay na siya.” Kumalas ito sa pagkakayakap sa kaniya. “At sasama ako sa inyo.” “Ano? B-bakit kailangan mo pang sumama?” “Dahil ayokong maiwanan dito nang mag-isa habang nag-iisip kung ano na ba ang nangyayari sa iyo doon. Mas mabuting kasama mo ako para may magliligtas sa iyo kapag may hindi magandang nangyari.” “Hon, hindi mo na naman kailangang sumama. Walang mangyayari sa amin doon na hindi maganda. Titingnan lang namin ang balon kung patay ba talaga si Aliyah o hindi.” “Hon, sige na. Hindi rin kita papayagan na umalis kung hindi ako kasama. Hayaan mo na lang ako. Sabihin mo na lang sa mga kaibigan mo na mapagkakatiwalaan ninyo ako. Okay? Magkasintahan tayo. Partner tayo. Kaya kung ano ang problema mo ay problema ko na rin. Sasama ako sa iyo, sa ayaw o gusto mo.” Mukhang desidido talaga itong sumama sa kanila sa Quezon Province. Kung sasama si Samuel, paano siya magkakaroon ng pagkakataon para makausap si Rocco ng masinsinan? Pero kilala niya si Samuel. Kapag sinabi nito ay gagawin talaga nito. Marahil ay gagawa na lang siya ng paraan para makausap si Rocco. Tumango siya. “S-sige. Sumama ka na sa amin. Maraming salamat, hon…” aniya dito.   MAAGA pa lang ay dumating na ang mga kaibigan ni Candice. Bago sila umalis ay sinabi niya sa mga ito na alam na ni Samuel ang tungkol kay Aliyah at ang pakay nila sa Quezon Province. Galit na galit sa kaniya sina Rocco dahil dinagdagan lang daw niya ang taong nakakaalam sa kanilang sikreto. Siguraduhin mo lang na hindi tayo sasabit sa boyfriend mo, Candice! Naalala pa niya ang ibinulong ni Rocco sa kaniya bago sila umalis. Sa ngayon ay bumabyahe na sila papuntang Quezon Province. Sakay sila ng van ni Rocco na ito ang nagda-drive. Katabi nito sa unahan ang nobya nitong si Destiny. Sila ni Samuel ay sa unang hanay ng upuan sa likod habang sina Nikki at Jillian ay sa kasunod. Nasa pinaka huli ang mga gamit nila. Kitang-kita niya kung paano magkwentuhan sina Rocco at Destiny. Sweet na sweet ang dalawa at halatang masaya ang mga ito. Sinusubuan pa ni Destiny ng sandwhich si Rocco dahil hindi ito makakain dahil nagda-drive. Hindi niya maiwasan ang hindi magselos pero hindi niya iyon ipinapakita dahil baka makahalata si Samuel. Wala kasi itong alam sa nakaraan nila ni Rocco. Hindi niya sinabi dito na magkasintahan sila noon. Paminsan-minsan ay nagtatama ang mata nila ni Destiny sa rearview mirror at tinataasan siya nito ng kilay at ngumingiti ito nang nakakaloko. Inihilig na lang niya ang ulo sa balikat ni Samuel. Hinayaan niya ang sarili na makatulog para hindi na masaktan sa nakikita.   MAKALIPAS ang mahabang biyahe ay narating na nina Candice ang kanilang pupuntahan. Papalubog na ang araw at malapit nang kumalat ang dilim. Bumaba sila sa tabi ng kalsada. Natatandaan kasi nila na doon sila nagpunta noong nagkaroon sila ng school trip. May mga pagbabago lang na nangyari sa lugar. Malaki na ang mga puno na itinanim nila noon. Meron na ring daan na yari sa pinagdikit-dikit na mga batong lapad. Kung saan patungo ang daan na iyon ay wala silang ideya. Nagkaisa sila na pumasok na sa gubat para puntahan iyong balon kung saan nila inilagay ang bangkay ni Aliyah. Kailangan nilang makita doon ang mga buto ng babae para makasiguro silang patay na talaga ito at hindi ito ang nagpadala ng litrato sa kanilang lahat. Dala na nila ang mga gagamitin nila sa pagbaba sa balon. Meron silang mahaba at matibay na lubid. May baon din silang mga pagkain at damit. Sinundan nila ang daan na bato. Pero dinala lang sila niyon sa isang bahay. Malaki ang naturang bahay at konkreto. May gate iyon na yari sa bakal. Wala iyon noong unang beses silang nakapunta doon. May nakabili na pala ng lupa sa gubat at tinayuan pa ng bahay. “Kinakabahan ako. Paano kung nakita ng may-ari ng bahay na iyan ang balon at ang laman niyon?” Mahinang sabi ni Rocco habang nasa harapan sila ng bahay. Walang nakapagsalita sa kanilang lahat. Hanggang isang lalaking ang lumabas mula sa loob ng bahay. Nang makita sila nito ay naglakad ito palapit sa gate. Matangkad ang lalaki. Maganda ang tindig at may hitsura kahit medyo may edad na. Sa tantiya ni Candice ay nasa late 40’s na ito. Medyo maputi ang balat nito at sa unang tingin ay masasabi niyang may kaya ito sa buhay. “Sino kayo? Anong ginagawa ninyo sa property ko?” Malagom ang boses ng lalaki. Puno ng awtoridad. Humakbang ng isa si Rocco. “Pasensiya na. Namamasyal lang kami. Magka-camping sana kami kaya lang wala kaming lugar na mapagtayuan ng tent.” Pagsisinungaling ni Rocco. “Ganoon ba? Kung ako sa inyo, hindi ako magka-camping. Masyadong matataas ang talahib sa malaking parte ng gubat. Baka may ahas,” turan ng lalaki. Tumango-tango si Rocco. “Okay. Aalis na lang kami— s**t!” Malakas na napamura si Rocco nang walang babalang bumuhos ang malakas na ulan. Nataranta silang lahat dahil hindi nila alam kung saan sila sisilong. Sa lakas ng buhos ng ulan ay parang matagal pa iyon bago huminto. Mabuti na lang ay binuksan ng lalaki ang gate at sinabihan sila na pumasok muna sa loob. “Sa loob na muna kayo. Bilis!” turan nito. Hindi na sila nag-isip pa dahil kapag hindi sila pumasok sa loob ng bahay ay hindi lang sila ang mababasa kundi pati ang mga gamit nila. Nauna na sa kanila ang lalaki habang nakasunod silang lahat dito. Pagkapasok nila sa loob ay binigyan sila ng lalaki ng tuwalya upang magpunas. “Magpatuyo muna kayo. Kung gusto ninyong maligo ay merong banyo sa may gilid ng kusina. Sa tingin ko naman ay mapagkakatiwalaan kayo,” sabi ng lalaki. “Thank you po,” pagpapasalamat ni Jillian. Maayos ang loob ng bahay. Hindi ganoon karami ang gamit kaya mas nagmukhang malaki. May isang hagdan paakyat sa itaas at ilang pinto sa ibaba. Yari sa magandang uri ng kahoy ang sahig. Pati ang sala set ay yari din sa kawayan. Maaliwalas ang buong bahay. “Ako! I want to take a bath. Ang lagkit ng feeling ko, e!” Itinaas pa ni Nikki ang isang kamay at dumiretso na sa may kusina para pumunta sa banyo. Dala nito ang isang bag kung saan nakalagay ang mga gamit nito. “Mag-isa lang kayo dito?” tanong ni Candice sa may-ari ng bahay. “Ah, oo. Ako lang ang nakatira dito. Hiwalay na ako sa asawa ko. Bakit?” “Wala naman. Salamat nga pala. Ako nga pala si Candice.” Isa-isang ipinakilala ni Candice sa lalaki ang mga kasama niya pati na si Nikki na naliligo pa rin sa banyo. “Ako naman si Alexander Locsin. Walang anuman. Ginawa ko lang ang tama. Hindi ko naman matitiis na mabasa kayo. Teka, paano pa kayo makakapag-camping niyan? Ang lakas ng ulan.” “Pwede bang dito muna kami, Mr. Locsin? Sayang naman ang ipinunta namin dito kung hindi kami makakapag-enjoy,” ani Rocco. “Pwede kaming magbayad kahit magkano. Siguro kahit three days lang. Okay lang ba?” Hindi agad nagsalita si Alexander. Isa-isa sila nitong tiningnan na para bang pinag-aaralan nito ang kanilang mga mukha. “Nagkita na ba tayo? Pamilyar kasi kayo. Parang nakita ko na kayo kung saan…” anito. “We are sure hindi. Wala kasi kaming kilalang Alexander Locsin,” singit ni Destiny. Patuloy si Alexander sa pagtingin sa kanilang mga mukha. Maya maya au tumango ito. “Sige, walang problema. Saka na nating pag-usapan ang bayad ninyo sa pagtuloy dito kapag aalis na kayo. Maganda rin iyon para may kasama ako dito sa bahay sa susunod na tatlong araw,” pagpayag ni Alexander.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD