“JILLIAN! Anong tinitingin-tingin mo diyan? Kumilos ka at tulungan mo kami dito!” Napapitlag si Jillian nang magsalita si Candice. Hawak nito ang isang paa ni Aliyah.
Hindi niya mapigilan ang mapatulala nang makita ang duguan ulo at mukha ni Aliyah. Sa dami ng dugo ay halos natabunan na niyon ang buong mukha ng babae.
Ang bilis ng pangyayari. Balak lang talaga nila na kuhaan ng video si Aliyah habang wala itong saplot at ipakalat iyon sa buong school. Para lamunin ito ng kahihiyan. Iyon ang pagganting naisip ni Candice. Sino bang mag-aakala na mauuwi sa ganito ang lahat? Namatay si Aliyah nang hindi sinasadya. Kahit ba si Candice lang ang may kagagawan ng pagkaka-untog nito sa bato ay damay na rin silang lahat.
Iniisip niya, kung ano ba ang mangyayari sa kanilang lahat oras na may makaalam ng nagawa nila? Makukulong ba sila? Ah, hindi. Menor de edad pa sila. Ngunit siguradong lalayuan sila ng lahat kapag nalaman ng mga ito na nakapatay sila. Hindi man sila makulong ngayon pero baka sa hinaharap at kapag nasa hustong edad na sila ay mangyari iyon.
“f**k, Jillian! Move!” pigil ang inis na sigaw ni Destiny.
Kumurap-kurap si Jillian. “A-anong gagawin ko?” Natataranta niyang tanong.
“Tulungan mo kami. Okay lang ba sa’yo?” sarkastikong sabi ni Candice.
Tumango siya kahit `di sigurado sa gagawin. Hinawakan niya ang isang paa ni Aliyah. Mainit pa iyon pero kung titingnan ito ay mukhang patay na talaga. Hindi na nila makita na gumagalaw ang dibdib nito. Indikasyon na wala na itong hininga.
Pikit-matang tumulong si Jillian kahit kinikilabutan siya na humawak ng patay. Silang dalawa ni Candice sa magkabilang paa. Sina Trevor at Destiny sa dalawang braso. Habang sina Rocco at Nikki ay nakaalalay sa katawan ni Aliyah. Itinuturo ni Trevor ang daan papunta sa balon kung saan nila balak itapon ang bangkay ni Aliyah. Doon kasi ay hindi ito makikita.
“Malayo pa ba, Trevor? Kailangan na nating makabalik sa bus!” Alam niyang kinakabahan si Candice na makita sila ni Teacher Annie.
“Chill lang. Malapit na tayo. O, `ayon na `yong balon!” Malakas na sabi ni Trevor.
“Bunganga mo naman! Baka may makarinig sa atin!” inis na sita ni Destiny.
Sa hindi kalayuan ay natatanaw na niya ang balon. Medyo binilisan na nila ang pagkilos hanggang sa makarating na sila sa may tabi ng balon. Hinihingal na inilapag nila ang katawan ni Aliyah sa tabi niyon. “Ano na ang g-gagawin natin?” tanong ni Jillian.
“Alisin ninyo ang takip ng balon para maitapon na natin ang babaeng `yan!” ani Candice. Ang takip ng balon ay yari din sa semento.
“T-tama ba itong gagawin natin? B-baka may makaalam…”
“Stop being a p***y, Jillian! Mas gugutuhin ko pang mabulok ang Aliyah na `yan sa balon na iyan kesa makulong, `no!” turan ni Nikki.
“Tama na nga `yang pagbabangayan ninyo!” singit ni Rocco. “Hoy, Trevor! Tulungan mo akong alisin ang takip ng balon!”
Tumalima naman agad si Trevor at tinulungan nito si Rocco sa pag-alis ng takip ng balon habang silang mga babae ay pinapanood ang dalawang lalaki. Napatingin si Jillian sa katawan ni Aliyah. Kahit papaano ay nakikita niya ito dahil sa liwanag ng buwan. May awang humaplos sa puso niya para sa babae. Ang bata pa nito para mamatay. Kaaway man nila ito, kahit minsan ay hindi niya inisip na mamatay ito at sa ganitong paraan pa.
“Ihulog niyo na. Bilis!” Narinig niyang sabi ni Rocco. Iyon pala ay wala na ang takip ng balon.
Bago pa kumilos ang lahat para buhatin ulit si Candice ay may naramdaman si Jillian na kakaiba sa paligid. Iyong pakiramdam na parang may nanonood sa kanila, may matang nakamasid sa kanilang ginagawa. Niyakap niya ang sarili habang lumilinga sa paligid. Wala naman siyang nakitang kahina-hinala. Baka nagkakamali lang siya. Baka nararamdaman lang niya iyon dahil sa natatakot siya na may makahuli sa kanila.
“Jillian!” sita ni Candice. Hinihintay na pala siya ng mga ito na tumulong.
“S-sorry…” aniya sabay yukod. Sa kamay niya hinawakan si Aliyah para hilahin ito pero malakas siyang napatili at napaupo nang maramdaman niya na gumalaw ang mga daliri nito.
“What the f**k?!” Nilapitan siya ni Destiny at sinabunutan. “Ang ingay mo! Gusto mo bang may makakita sa atin?!”
“I-iyong kamay ni Aliyah…” Nanginginig niyang sabi. “G-gumalaw!”
“WE’RE here! Finally!” Naputol ang pagbabalik-tanaw ni Jillian sa pangyayaring iyon nang marinig niya ang pagsasalita ni Nikki sa tabi niya. Sakay sila ng kotse nito. Ito ang nagda-drive at katabi siya nito.
Tumingin siya sa labas ng bintana. Maraming bahayan sa tabi ng kalsada. Mga kubo at ang ilan ay barung-barong. Mahahalata agad ang kahirapan sa lugar na iyon. Inihinto ni Nikki ang sasakyan sa gilid ng kalsada dahil wala doong parking lot. Magkasabay silang bumaba.
Napasimangot si Nikki. “Kung hindi ko lang talaga mahal ang life ko, hindi ako pupunta sa lugar na ito!” reklamo nito. “Sure ka ba na dito nakatira si Trevor?”
“Oo. There…” itinuro niya ang isang bahay sa tabi nila. Ang dingding ay yari sa plywood na may tagpi ng piraso ng kahoy. Habang ang bubong ay kalawanging yero. Maliit lang iyon. “`Yong number ng bahay na iyan, `yan iyong nandoon sa school record ni Trevor.”
Nanlaki ang mata ni Nikki. “What?! Sa school record mo talaga kinuha ang address ng bahay ni Trevor? Old record na iyon, girl. What if lumipat na siya? Nag-iisip ka ba? Saka hindi mo ba naaalala na after na makuha ni Trevor ang pera na ibinayad natin sa kaniya ay umalis na siya ng RNHS? Remember? Hanggang ngayon ba ay tatanga-tanga ka pa rin, Jillian?” anito.
“Nikki, iyon lang ang alam kong pwede nating pagkunan ng address ni Trevor. Mabuti pa siguro ay kausapin na lang natin ang nasa address para malaman natin.”
“Ano pa nga ba? Mauna ka na!”
Napailing na lang si Jillian. Nagpatiuna na siya sa paglalakad at kumatok sa pinto ng bahay. Isang may edad na babae ang nagbukas ng pinto.
“Sino kayo? Anong kailangan ninyo?” sabi ng babae.
“Magandang umaga po. Magtatanong lang po sana kami. Dito po ba nakatira si Trevor? Nakalimutan na po namin ang apelyido niya, e.”
“Anak ko siya.” Mabilis na sagot ng babae na nanay pala ni Trevor. “Ano ang kailangan ninyo sa anak ko? Kaano-ano niya kayo?”
“Kaklase niya po kami—”
Tinabig siya ni Nikki at ito ang humarap sa babae. “Nasaan si Trevor? Tell us!”
“Wala dito ang anak ko. Matagal na siyang hindi umuuwi dito sa bahay.”
“Ano pong ibig ninyong sabihin?” kumunot ang noo ni Jillian.
“Limang taon na simula nang umalis dito si Trevor. Ang sabi niya ay magbabakasyon siya sa Quezon Province. May pera daw siya at iyon ang gagamitin niya. A-at simula nang pumunta siya sa Quezon ay hindi na siya umuwi. H-hindi ko alam kung naglayas ba siya o nawawala dahil kahit ang mga pulis ay hindi na alam kung nasaan ba talaga ang anak ko at kung ano na ang nangyari sa kaniya.” Nangingilid ang luha na pagkukwento ng nanay ni Trevor.
Bago pa tuluyang pumatak ang luha nito ay pinalis na nito iyon.
“Kaya pala hindi na siya pumasok noon?” tanong ni Jillian.
“Oo. Ano ba talaga ang kailangan ninyo sa anak ko?”
“May reunion po kasi kami na magkaklase. Sige po, mauna na kami.” Pagsisinungaling ni Jillian. Umalis na sila agad ni Nikki dahil mukhang wala na silang makukuha doong impormasyon kung nasaan ba talaga si Trevor.
“HON? Ayos ka lang ba? Wala ka yatang ganang kumain. E, paborito mo naman ang ulam natin. May problema ba?” Maang na napatingin si Candice kay Samuel nang punahin nito ang pagkakatulala niya habang sila ay naghahapunan.
Umiling siya. “W-wala ito. May naisip lang ako bigla. I-iyong bayarin natin sa tubig kasi…” Pagsisinungaling niya.
Ang totoo kasi ay hindi pa rin siya makapaniwala na magkasintahan na sina Rocco at Destiny. At ang masakit pa ay ikakasal na ang dalawa. Walang kwenta rin pala ang limang taon na pag-aasam niya na darating ang araw na magkakabalikan sila ni Rocco. Nawala na ang lahat. Huli na siya dahil may ibang mahal na si Rocco at si Destiny iyon. Kaya ganoon na lang makapagmalaki si Destiny sa kaniya noong nagkita-kita sila noong nakaraan. Ang taas siguro ng tingin nito sa sarili dahil ito na ang mahal ngayon ni Rocco.
“Kung may problema ka, magsabi ka—”
Hindi naituloy ni Samuel ang sasabihin sa biglang pagtunog ng kaniyang cellphone. Hinugot niya iyon sa bulsa ng palda at nakita sa screen na si Jillian ang tumatawag. “Sandali lang. Sasagutin ko lang ito.” Mabilis siyang tumayo at lumabas ng bahay. Hindi pwedeng marinig ng kahit na sino ang pag-uusapan nila ni Jillian. Kahit na ni Samuel. Alam niya kasi na ang pag-uusapan nila ay tungkol kay Aliyah at Trevor.
Marahil ay nakapunta na ang mga ito sa bahay ni Trevor at babalitaan siya nito.
Pinindot na niya ang receive button sabay lagay ng cellphone sa kaniyang tenga. “Hello. Ano na ang balita?” Agad niyang tanong.
“Wala si Trevor sa bahay nila,” sagot ni Jillian sa kabilang linya.
“Lumipat na sila?”
“No. Doon pa rin sila nakatira sa address na nakuha ko sa old school record pero ang sabi ng nanay niya ay matagal nang hindi umuuwi doon si Trevor. Pumunta daw ito ng Quezon Province at hindi na bumalik pa.”
“At ano naman ang gagawin niya sa Quezon Province?”
“Hindi rin namin alam. Kahit ang nanay niya ay hindi alam. Nakausap na namin ni Nikki sina Destiny at Rocco regarding this at may plano sila…”
“Ano?”
“Gusto nila na pumunta tayo ng Quezon Province. Actually, ako ang nag-suggest sa kanila ng planong ito, Candice. Gusto kong pumunta kung saan natin itinapon ang bangkay ni Aliyah!”
Sa sinabing iyon ni Jillian ay mabilis na bumalik ang diwa ni Candice sa nakaraan…
“Gumalaw siya! Swear to God! Hindi ako nagsisinungaling!” Mangiyak-ngiyak na turan ni Jillian. “B-buhay pa siya!”
Ayaw paniwalaan ni Candice ang pinagsasabi ni Jillian pero para makasiguro ay nilapitan niya ang katawan ni Aliyah na nabitawan nilang lahat dahil sa paghihisterikal ni Jillian. Lumuhod siya sa tabi ni Aliyah at kinuha ang isa nitong pulso. Pilit niyang dinadama kung may pulso ito.
Nalilito siya. Hindi niya malaman kung may pulso ba ito o wala na. Mas maigi siguro kung sa leeg niya ito hawakan.
Akmang dadamhin niya ang leeg ni Aliyah nang biglang bumukas ang mata nito sabay sagad ng hangin na para bang nalulunod. Napaatras siya at napaupo sa lupa sa gulat. Lahat sila ay gulat na gulat nang muling magkaroon ng malay si Aliyah. Paanong nangyari iyon? Patay na ito kanina!
Nanatiling nakanganga ang bunganga ni Aliyah na para bang nahihirapan itong huminga. Bilog na bilog ang mata nito na nakatingin nang diretso sa kaniya. Ganoon na lang ang kilabot niya nang hawakan nito ang kaniyang binti. Sa gulat niya ay naisipa niya ang paa at tinamaan sa may bandang ulo si Aliyah. Dahil doon ay muling dumugo ang sugat nito. May umagos ulit na malapot na dugo sa buong mukha nito.
“T-tu… l-long…” Nahihirapan nitong samo. “P-parang a-awa n-niyo na…” Kitang-kita niya ang pagkislap ng luha sa mga mata ni Aliyah. Hirap na hirap ito.
“My God!” bulalas ni Jillian. Nilapitan nito ni Aliyah at hinawakan ang isang kamay. “Buhay pa siya. Kailangan natin siyang madala sa ospital, guys!”
Lahat sila ay natigilan. Kahit si Candice ay hindi alam ang gagawin. Buo na ang loob niya na itapon sa balon si Aliyah kanina dahil ang akala niya ay patay na ito. Pero ngayong buhay pa pala ito ay nagdadalawang-isip na siya.
“Candice? Are you still there?” Ang boses ni Jillian ang nagpabalik kay Candice sa kasalukuyan.
Kumurap-kurap siya. “Nandito pa ako. Ano nga ulit iyon?” Hindi na niya natatandaan ang sinabi nito dahil sa lalim ng kaniyang iniisip.
“Bukas ay balak namin na pumunta sa lugar kung saan natin itinapon ang bangkay ni Aliyah. Just to make sure na patay na siya at hindi siya ang gumagawa ng pananakot sa atin. Sa tingin ko kasi ay imposibleng si Trevor dahil nasa Quezon Province siya. Wala siya dito sa atin. Sumama ka, ha?”
“O-oo naman. Sasama ako. Gusto ko rin makasiguro na hindi buhay si Aliyah…”
Matapos iyon ay nagpaalam na si Jillian. Susunduin na lang daw siya bukas. Sasakyan ni Rocco ang gagamitin. Mabilis siyang nagdesisyon na sumama sa mga ito dahil kasama si Rocco. Baka magkaroon pa siya ng pagkakataon na makausap ito at maagaw kay Destiny. Hindi pa naman kasal ang dalawa kaya meron pa siyang pag-asa kahit papaano. Ang kailangan lang siguro nila ni Rocco ay makapag-usap ng masinsinan. Baka ma-realize pa nito na siya pa rin talaga ang mahal nito.
Huminga nang malalim si Candice sabay harap sa likod. Muntik na siyang mapasigaw sa gulat nang malaman na nakatayo si Samuel malapit sa pinto. Ang akala niya kasi ay nasa kusina ito at kumakain.
“S-samuel! Kanina ka pa ba diyan?” Medyo kinakabahan niyang tanong. Paano kung narinig nito ang pinagsasabi niya habang kausap si Jillian. Paniguradong magtatanong ito.
“Medyo…” Naglakad ito nang marahan palapit sa kaniya. Huminto ito sa harapan niya. “Sino si Aliyah? Bakit kailangang masiguro ninyo na patay na siya?” Puno ng kuryusidad ang mata ng nobyo.
Hindi makapagsalita si Candice. Kung ganoon ay tama ang hinala niya na narinig nito ang mga sinabi niya. Sasabihin ba niya dito ang totoo? Mapagkakatiwalaan ba niya si Samuel?