NAGKASUNDO sina Candice, Jillian at Nikki na makipagkita kina Rocco at Destiny para alamin kung katulad nilang tatlo ay nakatanggap din ang mga ito ng litrato ni Aliyah na may pagbabantang sulat sa likuran. Dahil sa may contact pa dito sina Jillian at Nikki ay naging madali ang lahat. Ayaw nilang sabihin sa telepono ang kanilang pakay kaya sinabi nila na sa personal na lang sasabihin. Pumayag naman sina Rocco at Destiny. Bukas na bukas din ay magkikita-kita silang lahat sa isang restaurant na malapit lang. Hindi doon masyadong matao kaya magandang doon sila magkikita.
Excited si Candice sa pagkikitang magaganap dahil makikita na niya ulit si Rocco makalipas ang ilang taon. Hindi tuloy siya makatulog ng gabing iyon. Nakahiga na sila ni Samuel pero siya ay nakatitig sa kisame at iniisip kung ano ang magiging reaksiyon ni Rocco kapag nakita siya. Hiling niya ay hindi na ito nandidiri sa kaniya. Sana ay naka-move on na ito sa pangyayaring iyon sa buhay niya.
Maya maya ay naramdaman niya ang kamay ni Samuel sa kaniyang tiyan. Hinimas-himas nito ang tiyan niya hanggang sa gumapang ang kamay nito sa kaniyang dibdib. Alam na niya ang ibig nito—gusto nitong makipagtalik sa kaniya.
Hinawakan ni Candice ang kamay ng nobyo. “Samuel, wala ako sa mood. Sorry…” Pigil niya.
“Ganoon ba? Ayos lang.” Umayos ito ng higa. Tumagilid paharap sa kaniya. “Bakit gising ka pa pala? May iniisip ka ba? Problema?”
Tumingin siya kay Samuel. “Wala. Hindi lang talaga ako makatulog… Oo nga pala, magpapaalam ako sa iyo. May lakad ako bukas. Magkikita-kita kami ng mga kaibigan ko noong high school diyan lang sa malapit na restaurant. Tanghalian.” Pagpapaalam niya.
“O? Talaga? Sila iyong nakwento mo noon sa akin, `di ba? Baka pwede mo akong ipakilala sa kanila.”
“Naku, huwag na. Gusto kasi nila na kami-kami lang. Sa susunod siguro. Pwede naman.”
“Okay. Basta mag-text ka sa akin para hindi ako nag-aalala sa iyo. Alam mo naman na ayaw kong mapapahamak ka.” Kinabig siya ni Samuel at niyakap. Hinalikan pa siya nito sa noo.
“Salamat…” tugon ni Candice.
Bakit kaya ganito? Palaging ipinapakita ni Samuel sa kaniya na mahal siya nito at ayaw siya nitong masasaktan pero may pakiramdam siya palagi na parang hindi siya ligtas. Nitong mga huling araw niya lang iyon naramdaman. Iba ang tingin ni Samuel sa kaniya nitong huli. Parang kakaiba. Parang… gusto siyang patayin!
PAGKAALIS ni Samuel ay nagsimula na si Candice na mag-ayos ng sarili. Nais niyang maging maganda ngayon dahil magkikita na ulit sila ni Rocco. Nahumaling na ito sa kaniya noon at hindi malabong mangyari ulit iyon ngayon. Lalo na’t walang nabanggit sina Jillian at Nikki na meron na itong nobya o asawa. Kaya inisip niya na single pa rin ito. At kung sakaling makipagbalikan ito sa kaniya ay handa siyang talikuran si Samuel. Ito naman talaga ang mahal niya noon pa. Kinailangan lang niya talaga si Samuel para makatakas sa poder ng kaniyang demonyong tiyuhin.
Naligo siya. Tinagalan niya. Nagkuskos siya ng mabuti. Inayos niya ang buhok at isinuot niya ang pinaka maganda niyang damit. Isang bestida na cream ang kulay na may naka-print na maliliit na bulaklak. Naglagay din siya ng kaunting make-up at pabango. Isinuot niya ang maayos niyang sapatos.
Handa na siyang umalis. Nag-text na si Jillian sa kaniya na naroon na ang mga ito at siya na lang ang hinihintay.
Paalis na sana siya nang maalala niya na wala nga pala siyang pera. Hindi iyon problema dahil may nakatagong pera si Samuel sa damitan nito. Nakikita niya na nag-iipon ito doon. Kukuha muna siya kahit kaunti. Sasabihin na lang niya na kumuha siya pagdating nito mamaya.
Binuksan ni Candice ang aparador ng mga damit ng nobyo. Isa-isa niyang inangat ang mga damit hanggang sa nakita niya ang pera. Kumuha siya ng dalawang libo. Baka kasi mag-ambagan sila sa kakainin. Dapat lang na may pang-ambag siya.
Ibinalik na niya ang ibang pera. Isasarado na sana niya ang aparador nang may mahagip ang mata niya sa gilid ng mga damit na magkakapatong. Isang bagay na parang pamilyar sa kaniya. Isang picture!
Nanlamig ang katawan ni Candice. Nanginginig ang kamay na kinuha niya ang picture at ganoon na lang ang kilabot na bumalot sa kaniya nang makitang si Aliyah ang nasa picture.
“Papaano ka napunta dito?” Nagtataka niyang tanong.
Kung ganoon, nakakapasok sa bahay nila ang taong gumawa niyon? Mas lalo tuloy siyang natakot sa naisip. Napalinga siya dahil baka naroon pa ang tao na naglagay ng picture ni Aliyah sa aparador ng kaniyang nobyo.
Wala naman siyang nakitang senyales na may ibang tao sa paligid.
Tinitigan niya nang maigi ang picture ni Aliyah at kinuyumos iyon sabay tayo. Malalaki ang hakbang na tinungo niya ang basurahan sa kusina at doon niya itinapon ang picture.
Hinding-hindi siya makakapayag na masira ni Aliyah ang araw na ito. Dapat ay good vibes lang siya dahil muli silang magkikita ni Rocco.
KINAKABAHAN na may halong excitement ang lumulukob kay Candice pagkababa niya ng tricycle na sinakyan niya. Nasa harapan na siya ng restaurant kung saan sila magkikita ng dating mga kaibigan. Pwede niya iyong lakarin pero dahil sa baka mahulas ang make-up niya ay nag-tricycle na siya. Dapat ay hindi siya haggard dahil makakaharap niya ulit si Rocco matapos ang ilang taon. Mas interesado pa nga siya kay Rocco kesa sa tunay na dahilan kung bakit sila magkikita-kita.
Huminga muna siya nang malalim bago tuluyang naglakad papasok ng restaurant.
Pagpasok niya ay iginala niya ang mata. Hindi siya nahirapang hanapin ang table nina Rocco dahil ito lang ang naroon. Walang ibang tao kundi ang apat niyang kaibigan.
Si Jillian ang unang nakakita sa kaniya. Tumayo ito at kinawayan siya. “Candice! Nandito kami!” anito. Kitang-kita niya ang malaki nitong ngiti.
Napailing na lang siya kay Jillian. Hindi siya tanga para hindi makita ang mga ito. Naglakad na siya palapit sa mga ito. Nakatuon ang mata niya kay Rocco na tila hindi siya nakita. Abala ito sa pakikipag-usap kay Destiny na katabi nito.
Bakit hindi siya nito tinitingnan? Narinig naman siguro nito ang sinabi ni Jillian na nandito na siya, `di ba?
Sa bakanteng upuan sa tabi ni Rocco siya umupo. Pinagitnaan nila ito ni Destiny.
Ang lakas ng kabog ng dibdib ni Candice. Mas lalong gumwapo si Rocco. Matured na ang hitsura nito. May mumunting bigote at balbas ito. Bagay din dito ang gupit ng buhok nito. Mas lalo itong nagmukhang lalaki. At ang bango nito. Kung silang dalawa lang siguro ang naroon ay kanina pa niya ito niyakap at pinupog ng halik. Ganoon niya ka-miss ang dating nobyo.
“So, nandito na tayong lahat. Shall we start?” Panimula ni Nikki.
“Pwede bang um-order muna tayo? Pwede naman sigurong mag-usap tayo habang kumakain,” ani Jillian.
“I agree. Gutom na rin ako, e!” Maarteng sabi ni Destiny. Hindi man lang siya nito tinitingnan. “Don’t worry dahil sagot ko. Baka kasi walang pera `yong iba diyan, e.”
Nagpanting ang tenga ni Candice sa sinabi ni Destiny. Halatang siya ang pinaparinggan nito. Sa kanilang lima, siya lang ang walang pera at mahirap. Tanggap niya iyon pero huwag naman sana na ipapamukha pa nito sa kaniya. Samantalang noon kung sambahin siya nito ay para siyang diyos.
Naglaban sila ng tingin ni Destiny. May pagtaas pa ito ng isang kilay.
“Ah, e, order na tayo, guys…” Pag-iiba ni Jillian ng usapan. Kumaway ito. “Waiter! Oorder na kami!” Malakas nitong sabi sabay lapit sa kanila ng lalaking waiter.
Pagkatapos nilang um-order at ma-i-serve sa kanila ang pagkain ay nagsimula na silang mag-usap habang kumakain.
“So, ano bang meron at nagkita-kita tayo?” tanong ni Destiny.
Natahimik si Candice pati sina Jillian at Nikki.
“Dahil kay Aliyah,” sabi ni Nikki nang walang sumagot sa kanila.
“`Di ba, nagkasundo tayo na hindi na natin babanggitin ang pangalan na `yan?” naiinis na wika ni Rocco. “Kung iyan lang ang pag-uusapan natin, aalis na lang kami ni Destiny!”
Mabilis na inilabas ni Jillian ang picture ni Aliyah. “Nakatanggap din ba kayo nito?” Iniabot nito iyon kay Rocco at nakitingin din doon si Destiny.
Nagkatinginan sina Destiny at Rocco.
“N-nakatanggap din kami,” nag-aalangan na sagot ni Destiny. “Big deal ba iyan sa inyo? I mean, si Trevor lang ang gagawa niyan. For sure, tinatakot lang tayo ng lalaking iyon para perahan. Hayaan ninyo, once na manghingi siya ng pera, ako na lang ang magbibigay.”
“What if, hindi si Trevor? What if si Aliyah?”
“Jillian, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Anong si Aliyah? That girl is dead long time ago. Kalansay na lang siya ngayon doon sa balon.” Mahinang sabi ni Destiny.
Nakikinig lang si Candice sa pag-uusap ng mga dating kaibigan. Nakatingin lang siya kay Rocco dahil hindi pa rin siya makapaniwala na katabi niya ito ngayon. Sana ay magkaroon siya ng pagkakataon para makausap ito. Gusto niyang malaman kung meron pa ba silang pag-asa na magkabalikan.
Napahawak si Jillian sa noo. “I don’t know. Hindi ko alam kung paranoid lang ba ako or what pero I have a feeling na hindi nagbibiro ang nagpadala ng picture sa atin ni Aliyah…” Halata ang takot sa mukha ni Jillian.
“Girl, you’re just paranoid. Hindi si Aliyah ang gagawa nito sa atin. Si Trevor. Siya ang dapat nating hanapin. Okay?” sagot pa ni Destiny.
Biglang tumayo si Rocco. “Punta lang ako sa labas. Hindi ko gusto ang pinag-uusapan ninyo,” anito at walang lingon-likod itong umalis sa table nila.
Ito na ang pagkakataon ko! Tili ng utak ni Candice.
“Pupunta lang ako sa CR,” pagpapaalam niya.
Tumayo na rin si Candice at imbes na sa CR pumunta ay dumaan siya sa likuran ng restaurant. Lumabas siya at pinuntahan si Rocco. Nakita niya itong nakatayo sa gilid ng restaurant at naninigarilyo. Mukhang balisa ito at hindi mapakali.
“Hi!” Bati niya dito nang makalapit siya.
Tiningnan lang siya ni Rocco at bumuga ng usok. “Anong ginagawa mo dito?” malamig nitong tugon. Hindi niya maramdaman na na-miss siya nito gaya ng nararamdaman niya ngayon.
“Hindi lang ako makapaniwala na magkikita tayo ulit. Masaya lang ako, Rocco.”
“Okay.”
“Ikaw ba? Hindi ka ba masaya na nagkita tayo ulit? Ang tagal din ng five years. Kumusta ka na? Ano na ang balita sa iyo? M-may asawa ka na ba?”
“Wala.” Mabilis na sagot ni Rocco. Labis siyang nasiyahan sa sagot nito. “Pero meron na akong girlfriend!” Bumagsak ang balikat ni Candice.
“S-sino?”
“Si Destiny. Kami na. Matagal na. Bakit? May problema ka?” Pabalang nitong sagot.
Hindi nakasagot si Candice sa sinabi ni Rocco. Natulala siya at maang na napatingin dito. Ngumisi ito at itinapon sa kung saan ang upos ng sigarilyo sabay alis. Naiwanan siyang nakatulala at hindi alam kung maniniwala sa sinabi ni Rocco na girlfriend na nito si Destiny. Paano nangyari iyon? Hindi naman niya naramdaman noon na gusto ng dalawa ang isa’t isa.
Kaya ba palaging nag-uusap ang dalawa kanina at magkatabi pa ito?
Tumiim ang bagang ni Candice. Napalitan ng galit ang kaniyang pagtataka. Kung ganoon ay nagkaroon siya ng kaibigan na ahas at walang iba iyon kundi si Destiny. At ito pa ang may ganang tarayan siya ngayon! Hindi ba ito kinikilabutan na dati niyang nobyo si Rocco pero pinatulan pa rin nito?
Naikuyom niya ang kamao at bumalik na siya sa loob ng restaurant. Hindi siya umupo. Tumayo siya sa may tabi ni Destiny at tinitigan ito ng masama.
Mataray siya nitong tiningnan. “Anong ginagawa mo diyan?” Nagtataka nitong tanong.
“Totoo ba na boyfriend mo na si Rocco?” diretso niyang tanong.
“Yes! Two years na kami at engage na kami. Ikakasal na kami next year!” proud na proud pa nitong ipinakita ang suot na singsing.
“Hayop ka. Ahas!” mariin niyang sabi.
“Excuse me! Hindi ko inahas si Rocco sa iyo. Break na kayo nang maging kami. At saka ano bang ikinakagalit mo, ha? Hindi mo ba matanggap na wala nang pag-asa na magkabalikan kayong dalawa? Girl, wake up! Hindi ka na kayang balikan ni Rocco dahil madumi ka na! You know what I mean…”
Mas lalo siyang nangigil sa pinagsasabi ni Destiny. Mabuti na lang at napipigilan niya ang sarili kahit papaano dahil kung hindi ay kanina pa niya sinabunutan si Destiny at iniuntog ang mukha sa ibabaw ng lamesa. Gusto niyang basagin ang mukha nito!
Tumayo si Jillian at hinawakan siya sa braso. “Candice, umupo ka na, please. May mas importanteng bagay pa tayong dapat pag-usapan, `di ba?” anito.
Umupo siya pero hindi niya inaalis ang matalim na tingin kay Destiny. Habang ito ay parang wala lang na nakataas pa rin ang isang kilay. Tila mas lalo siya nitong iniinis.
“Nagkasundo kami ni Jillian na puntahan si Trevor,” ani Nikki. “Para itanong sa kaniya kung siya ba ang nagpadala ng pictures sa ating lima at kung kailangan niya ng pera para manahimik!”
“Kung nakinig kasi kayo sa akin na patayin na natin ang Trevor na iyan, wala na tayong problema ngayon,” ani Rocco na para bang napakadali lang dito ang kumitil ng buhay ng tao.
“Sino ba ang pumigil sa iyo? `Di ba, `yong ex mo? `Di ba, siya `yong nakaisip na sulsulan si Trevor?” Patuloy na pagtataray ni Destiny sa kaniya.
“Ikaw babae ka, tumigil ka na, ha! Baka gusto mong ingudngod ko `yang nguso mo sa mainit na sabaw para matigil ka?!” Hindi na niya napigilan na pagbantaan ito. Masyado na kasi itong sinasabi na hindi niya nagugustuhan at mukhang wala itong balak na tumigil hanggang hindi siya sumasabog sa inis!