LESSON 11- Trick Or Threat

2099 Words
“HUWAAAG!!!” Sa pagsigaw na ginawa ni Candice ay napahinto si Rocco sa akmang pagsuntok nito kay Trevor. Malalaki ang mga hakbang na nilapitan niya ang dalawa. Itinulak niya si Rocco palayo sa lalaki. Tinulungan niyang tumayo si Trevor. Nanginginig ito sa takot at maluha-luha. Kahit pala bully ito ay nakakaramdam din ito ng takot. Sabagay, sa laki ba naman ng kamao ni Rocco ay talagang dapat itong matakot na masuntok. Baka masira pa ang mukha nito kapag nagkataon. “Okay ka lang ba? Hindi ka ba nasaktan?” Ipinakita niya kay Trevor na nag-aalala siya para dito. Hinawak-hawakan pa niya ito sa braso na tila chine-check kung hindi ba ito nasaktan. Siya naman ang sinaklit ni Rocco sa braso. “Anong ginagawa mo?! Bakit mo tinutulungan ang Trevor na iyan?” Inilapit nito ang mukha at mahinang nagsalita. “Kailangan nating patayin ang lalaking iyan kundi sasabit tayo. Alam mo naman siguro ang mangyayari oras na magsumbong `yan kay Teacher Annie, `di ba?” Matiim siyang nakipagtitigan sa nobyo. “May plano ako…” turan niya. Marahang lumuwag ang pagkakakapit nito sa kaniyang braso hanggang sa tuluyan na siya nitong mabitawan. Ngumisi siya sabay harap kay Trevor. “May i-o-offer kami sa iyo, Trevor. One hundred thousand kapalit ng pananahimik mo.” Natameme ito sa sinabi niya. Kilala niya si Trevor at ang pamilya nito. Mahirap at naghihikahos ito sa buhay. Alam din niyang hindi nito kayang tanggihan ang perang inaalok niya. “At saan naman tayo kukuha ng ganoong pera? Wala tayong trabaho!” singit ni Nikki. “Gagawan natin ng paraan. Mag-aambag-ambag tayo. Iyang sina Rocco at Destiny, mayayaman naman ang mga iyan, e. Kahit nga silang dalawa lang, kaya na nila!” “I can provide the half…” Itinaas ni Destiny ang isang kamay. “A-ayokong makulong. Pero payag ka na ba, Trevor? Hindi biro ang hundred thousand. Malaki na ang magagawa no’n sa iyo and to your family, right?” Lahat sila ay nakatingin na kay Trevor na hindi pa rin nagsasalita. Walang ekspresiyon ang mukha nito. Tila nag-iisip ng malalim. Hanggang sa maya maya ay unti-unting ngumisi ito at nauwi iyon sa malaking ngiti. “Deal!” Sa wakas ay sagot nito. Nawala na ang takot sa mukha nito. Napalitan na iyon ng malaking mga ngiti. “Madali naman akong kausap basta tutupad kayo sa usapan. So, one hundred thousand ang ibibigay ninyo sa akin at safe na safe ang secret ninyo sa akin. Walang makakaalam!” Umakto pa ito na parang zini-zipper ang bibig. Gigil na nilapitan ni Rocco si Trevor. “Siguraduhin mo lang na tutupad ka sa usapan dahil ako talaga ang papatay sa iyo!” pagbabanta pa ng nobyo niya. Itinaas ni Trevor ang dalawang kamay. “O, napaghahalataan naman na madali lang talaga sa inyo ang pumatay sa sinasabi mo, Rocco!” Nilabanan nito ang pagtitig ng boyfriend niya. “Sa susunod na linggo, gusto ko ay makuha ko na ang pera nang buo. Kaya niyo ba?” “K-kaya namin,” sabay na sagot nina Destiny at Jillian. “Very good! Sige, bahala na kayo diyan. Aalis na ako—” “At saan ka naman pupunta?” Hinawakan ito ni Rocco sa braso. “Bitiwan mo nga ako! Tapos na ang business ko sa inyo kaya babalik na ako sa bus!” “Sa tingin mo ba ay ganoon lang kadali ang gagawin mo para magkaroon ng malaking halaga ng pera?” Ngumisi si Rocco sabay iling. “Nagkakamali ka!” “Ano bang ibig mong sabihin?” “May hinahanap kami. Tutulungan mo kaming hanapin iyong balon. Doon namin balak itago ang bangkay ni Aliyah!” Umaktong nag-iisip si Trevor. Maya maya ay pumalatak ito. “Iyon lang pala, e! Tara, sumunod kayo sa akin. Alam ko ang tinutukoy ninyong balon! Nadaanan ko iyon kanina at natatandaan ko pa kung nasaan `yon!” May pagmamalaki pang sabi nito. Ipiniksi ni Trevor ang braso at nabitawan ito ni Rocco. Nauna na ito sa paglalakad sa kanila habang silang magkakaibigan ay nagkakatitigan. “Dapat ba talaga tayong magtiwala sa kaniya?” halos pabulong na tanong ni Nikki. “Wala naman tayong pagpipilian kundi ang magtiwala kay Trevor. Hawak niya ang sikreto natin,” sagot ni Candice. Huminto si Trevor sa paglalakad at sinigawan sila. “Hoy! Ano ba? Tutunganga na lang ba kayo diyan?! Buhatin niyo na si Aliyah at sumunod na kayo sa akin! Ang bagal ninyong kumilos!” iiling-iling pa ito at muling nagpatuloy sa paglalakad.   HINDI namalayan ni Candice na nakuyumos na niya ang litratong hawak sa kaniyang mga kamay nang maalala niya ang parteng iyon ng kaniyang nakaraan. Bumalik lang siya sa sarili nang may maamoy na nasusunog. Iyon pala ay napabayaan na niya ang nilulutong sinangag dahil sa lalim ng pag-iisip. Mabilis niyang pinatay ang apoy. Siyang paglabas naman ni Samuel mula sa banyo. Nakatapis ito ng puting tuwalya. Suminghot-singhot ito. “Ano `yon? Amoy sunog…” “Sorry, hon. Nasunog ko `yong sinangag. May kinuha kasi ako sa kwarto tapos hindi ko namalayan na napalakas ang apoy. Itatapon ko na lang,” aniya. Kukuha na siya ng pot holder nang mabilis na lumapit si Samuel at hinawakan siya sa kamay. Umiling ito. “Huwag na. Kakainin ko pa rin iyan kasi luto mo. Sunog man iyan o hilaw, basta ikaw ang nagluto ay masarap para sa akin.” Nakangiti nitong sabi. Napuno ng kasiyahan ang puso niya sa sinabing iyon ni Samuel. Ngayon lang siya nakaramdam na na-a-appreciate ng isang lalaki. Hindi niya ito naramdaman sa tito niya o kahit noong sila pa ni Rocco. Ang ipinagtataka lang niya ay kung bakit hanggang ngayon ay si Rocco pa rin ang nasa puso niya. Bakit hindi niya magawang mahalin nang totoo si Samuel sa kabila ng kabutihan nito sa kaniya? Marahil ay hindi nga pwedeng maturuan ang puso. Mamahalin nito ang tao kahit ayaw mo. “Sigurado ka ba?” Tumango si Samuel. “Kung ganoon, sasaluhan kita sa sunog na sinangag!” At nagkatawanan silang dalawa dahil sa kaniyang sinabi.   MAG-ISA na naman si Candice sa apartment. Kakaalis lang ni Samuel. Ito na ang oras niya para maglinis ng bahay o hindi kaya ay maglaba. Pero uunahin niya muna ang pinagkainan nila. Huhugasan niya iyon at pagkatapos ay balak niyang maglabas. Sayang kasi ang init ng panahon. Madaling matutuyo ang mga labahan niya kapag ganito ang panahon. Iniligpit na niya ang mga ginamit nila ni Samuel sa pagkain kanina. Dadalhin na niya sana ang mga iyon sa lababo nang makita niya sa sahig ang kinuyumos niyang picture ni Aliyah. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya alam kung sino ba ang nagpadala niyon. Wala siyang ideya kung sino. Inilagay muna niya sa lababo ang mga dala at kinuha ang picture ni Aliyah. Itatapon niya sana iyon sa basurahan sa ilalim ng lababo pero tila may pumigil sa kaniya. Natigilan si Candice. Matagal na tinitigan ang kinuyumos na picture ni Aliyah. Inalis niya ang pagkakakuyumos niyon at nakita na naman niya ang mukha ng babaeng iyon. Binaligtad niya ang litrato at noon lang niya nalaman na may nakasulat pala sa likuran ng litrato. “Malapit na ang aking pagbabalik. Iisa-isahin ko kayo…” Mahinang basa ni Candice sa nakasaulat. Gumapang ang walang hanggang kilabot sa buong katawan niya. Nahihintakutan niyang pinagpupunit ang litrato at tuluyang itinapon iyon sa basurahan. Bakit ganoon ang pakiramdam niya nang basahin niya ang nakasulat sa picture? Bakit parang naririnig niya ang boses ni Aliyah na sinasabi ang mga katagang iyon? “Hayop ka! Babalik ka pa, e, patay ka nang bruha ka!” gigil na turan ni Candice. Napapitlag siya sa gulat nang may biglang kumatok sa pinto. Sino naman kaya iyon? Wala siyang inaasahang bisita ngayong araw. Hindi kaya si Samuel? Baka may nakalimutan ito at bumalik. Kaya nagmamadali siyang nagpunta sa pinto upang buksan iyon. Pagbukas niya ay nagulat siya nang hindi si Samuel ang bumungad sa kaniya kundi dalawang mukha na hindi niya pwedeng makalimutan habang siya ay nabubuhay. Walang iba kundi sina Nikki at Jillian. “Candice…” Ngumiti si Jillian sa kaniya. Parang nangliit siya nang husto dahil kung ikukumpara siya sa dalawa ay malayong-malayo siya sa mga ito. Halatang mamahalin ang suot nina Nikki at Jillian. Puro pa alahas ang dalawa at mas lalong gumanda ang mga ito. Habang siya, mas lalong naghirap. Malaking t-shirt ang suot niya na medyo amoy pawis na at may butas pa. “Anong ginagawa ninyo dito? Paano ninyo nalaman kung saan ako nakatira?” Malamig niyang tanong imbes na papasukin ang dalawa. “We have our ways. At talaga bang iyan ang isasalubong mo sa amin after five long years, Candice? Papasukin mo naman kami muna kasi ang init-init dito sa labas!” Napataas ang isang kilay niya sa sinabi ni Nikki. Hindi pa rin talaga nawawala ang pagiging maldita nito. Tinitigan niya nang masama si Nikki bago niya nilakihan ang pagkakabukas ng pinto. Makalipas ang limang taon ay magpapakita ulit ang mga ito na parang walang nangyari. Bukod kay Rocco, maging ang tatlong kaibigan niya ay iniwasan na rin siya nang malaman ng mga ito na pinagsasamantalahan siya ng kaniyang tiyuhin. Pinandirihan siya ng mga ito. Nilayuan hanggang sa tuluyan nang hindi pinansin. Nagtapos siya ng high school nang walang kaibigan. Masakit para sa kaniya na iniwasan siya ng mga taong inakala niyang makakaintindi sa kaniya. Sa isang iglap ay nagbago ang lahat… “Pasok kayo.” Malamig niyang anyaya. Pumasok ang dalawa sa maliit nilang apartment. Magkatabing umupo ang dalawa sa maliit na sofa na meron siya. “Wala namang surot dito, right?” tanong ni Nikki. “Sana nga meron pero wala, e,” inis niyang sagot sabay upo sa pang-isahang upuan sa harapan ng dalawa. “Ngayon, baka pwedeng sagutin niyo na ang tanong ko kanina.” “Before anything else, gusto ka naming kumustahin, Candice. How’s life?” Sa dalawa, si Jillian lang ang nararamdaman niyang may pakialam sa kaniya. “Nakikita niyo naman siguro ang tinitirahan ko. Masasabi niyo na kung anong buhay ang meron ako ngayon. Pero mas masaya ako ngayon kumpara noon. Nabawasan kasi ng mga fake na tao ang buhay ko,” may pait niyang sagot. “Alam ninyo, sabihin niyo na ang pakay ninyo sa akin. Marami pa akong gagawin. Kung kayo, wala. Ako, marami.” Maarteng itinirik ni Nikki ang mga mata. Binuksan nito ang shoulder bag na dala at isang pamilyar na sobreng puti ang inilabas nito. Iniabot nito iyon sa kaniya. Hindi siya nakapagsalita dahil katulad iyon ng sobreng natanggap niya kanina lang na ang laman ay picture ni Aliyah. “Ano ito?” sa wakas ay tanong niya. “Open it. Nang malaman mo!” ani Nikki. “I bet, ikaw ang nagpadala niyan sa amin. Are you scaring us? Akala ko ba kakalimutan na natin ang tungkol sa bagay na `yan?” Panay ang putak ni Nikki habang binubuksan niya ang sobre. Hindi siya nagkamali. Picture nga ni Aliyah ang laman niyon at may nakasulat sa likod na katulad ng sa natanggap niya. Kung ganoon, hindi lang siya ang nakatanggap niyon kundi pati ang mga dati niyang kaibigan. “Meron din ako niyan…” Ipinakita ni Jillian ang puting sobre. “So, ano na, Candice? Ano itong palabas mo at pinadalhan mo kami niyan?” akusa ni Nikki. Tumiim ang bagang niya sa pambibintang ni Nikki. Kung hindi lang siya nakakapagpigil, kanina pa niya nasapak ang bunganga nito. “Dahan-dahan ka sa pagsasalita mo, Nikki. Huwag kang magbibintang dahil kahit ako ay nakatanggap din niyan!” Tumayo siya at pumunta sa kusina. Kinuha niya sa basurahan ang piraso ng pinunit niyang picture. Ibinato niya iyon sa may hita ni Nikki. Kinuha ni Jillian ang mga piraso at pilit na binuo sa palad. Napamaang ito nang malaman na magkakatulad ang picture na natanggap nila. “Ngayon mo sabihin na ako ang nagpadala niyan sa inyo. Hindi ko nga alam kung nasaan na kayo, e!” Patuloy niyang sabi. Natahimik silang tatlo. Tila pare-parehas sila ng tumatakbo sa kanilang mga utak. At iyon ay kung sino ang may kagagawan niyon. “H-hindi kaya buhay si Aliyah at siya ang nagpadala sa atin? B-baka tinatakot niya tayo—” “Pwede ba, Jillian?! Huwag mo nang ipilit na buhay si Aliyah!” bulyaw ni Nikki sa katabi. “Sa tingin mo ba ay mabubuhay pa iyon after ng ginawa natin sa kaniya? Na nagawa natin because of that b***h!” sabay tingin ni Nikki. “Excuse me! Hanggang ngayon ba ay ako pa rin ang sinisisi ninyo?” “Bakit? Sino ba ang dapat sisihin? Sino ba ang ay personal na galit kay Aliyah?!” “Baka nakakalimutan mong nasa pamamahay kita, Nikki! At baka hindi mo rin alam na marami akong kutsilyo sa kusina. Mga bagong hasa! Kanina pa ako nanggigigil sa iyo, ha. Pasmado `yang bibig mong babae ka!” Hindi na niya napigilan ang sarili na pagsabihan ng hindi maganda si Nikki dahil sa mga sinasabi nito sa kaniya. “Tama na `yan! Hindi dapat tayo nag-aaway!” awat ni Jillian. “Okay. Kung hindi buhay si Aliyah, baka naman may nananakot sa atin. Isang tao na may alam ng nangyari noon…” Nag-isip silang tatlo. “Si Trevor!” sabay-sabay nilang bulalas. Tama. Si Trevor! Bukod sa kanila ay ito lang ang nakakaalam ng ginawa nila noon kay Aliyah. “Pero we already paid him sa pananahimik niya,” ani Nikki. “What if, gusto niya ulit na bayaran natin siya…” Ani Jillian. “Teka, sa tingin niyo ba ay nakatanggap din ng picture ni Aliyah sina Destiny at Rocco? Hindi kaya dapat ay kausapin din natin sila tungkol dito?” suhestiyon pa ni Jillian. Kakausapin nila si Rocco? Ibig sabihin ay magkikita na ulit sila ng kaniyang ex?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD