“BILISAN ninyo! Baka may makakita sa atin, e!” Puno ng kaba ang dibdib ni Candice pero hindi niya iyon pinapahalata sa mga kasama. Ayaw niyang ipakita sa mga ito na nagsisisi siya sa ginawa nila. Gusto niyang ipakita sa lahat na sa kabila ng nangyari ay matapang pa rin siya at kaya niyang panindigan ang nagawa.
Lahat sila ay natataranta at tuliro na. Madilim sa gubat at malamig ang hangin. Ngunit nagpapasalamat na rin siya dahil madilim dahil kung hindi ay baka may nakakita na sa kanila.
“Nasaan na ba iyong balon? Malayo pa ba?” Mangiyak-ngiyak na tanong ni Jillian.
“Destiny! Ano na?” pinanlakihan niya ito ng mata. Ito kasi ang may sabi na natatandaan nito ang balon kung nasaan iyon. Doon kasi nila balak na itapon ang katawan na pinagtutulungan nilang buhatin.
“D-diretso lang. Malapit na tayo!” sagot nito kahit may pag-aalinlangan sa mukha.
Sa may ulo nakahawak si Candice kaya puno na ng dugo ang kamay niya. Umaagos ang dugo ni Aliyah mula sa malaking sugat nito sa noo. Kinikilabutan na siya sa dugong nakayakap sa kaniyang mga kamay. Puno na ng pawis ang kaniyang mukha..
Lahat sila ay natigilan nang mula sa kung saan ay may marinig silang kaluskos. Sinundan iyon ng tunog ng mga tuyong dahon at sanga na natapakan.
“M-may t-tao!” Kinakabahan at takot na takot na bulalas ni Rocco.
AKALA mo ay kinakapos ang hininga nang napabalikwas ng bangon si Candice mula sa pagkakatulog. Nahihintakutang luminga siya sa paligid at ganoon na lang ang pagpapasalamat niya nang mapagtanto niyang nasa silid pa rin niya siya. Madilim pa rin sa labas. Kung hindi siya nagkakamali ay madaling araw pa lamang.
“Panaginip lang ang lahat… Panaginip lang…” Paulit-ulit na pangungumbinse niya sa sarili. Laking pagpapasalamat niya na nagising at hindi na nagpatuloy pa ang panaginip na iyon.
Oo, panaginip nga lang iyon pero ang pangyayaring iyon ay totoong nangyari. Limang taon na rin ang nakakalipas. Isang pagkakamali ang nagawa nila na hanggang ngayon ay itinatago pa rin nila.
Nasapo niya ang ulo at napatulala. Sinuklay niya ang buhok gamit ang mga daliri. Tiningnan niya si Samuel na mahimbing pa rin na natutulog sa kaniyang tabi. Hindi man lang ito natinag sa pagbalikwas niya kanina. Marahil ay pagod na pagod ito sa maghapong pagtatrabaho sa pabrika.
Si Samuel ay ang kaniyang nobyo ngayon. Matanda ito ng ilang taon sa kaniya pero hindi iyon naging hadlang para sa kanilang pagsasama. Hindi pa ganoon katagal ang kanilang relasyon. Siyam na buwan pa lang ang kanilang relasyon. Magkasama sila sa iisang apartment na pinagtutulungan nilang bayaran buwan-buwan.
Matapos malaman noon ni Rocco na ginagahasa siya ng kaniyang tiyuhin ay nakipaghiwalay ito sa kaniya. Anito, hindi nito kaya ang katotohanan na may ibang lalaking gumagamit sa kaniya bukod dito. Halos gumuho ang mundo niya noon. Gabi-gabi siyang umiiyak. Hindi na rin siya nagpatuloy sa pag-aaral dahil sa nawalan na siya ng gana sa lahat. Pati kasi ang mga kaibigan niya ay umiwas sa kaniya. Para bang isa siyang nakakadiring bagay na dapat iwasan.
Ilang taon ang lumipas at nanatili siya sa poder ng kaniyang tiyuhin. Tiniis niya ang lahat ng pambababoy nito para lang mabuhay.
Natuto siyang magtrabaho. Ang una niyang trabaho ay sa isang eatery. Sa cashier siya. Doon niya nakilala si Samuel. Simula nang makita siya nito sa eatery ay madalas na itong kumakain doon. Hanggang sa nagkakausap na sila. Hinihintay na rin siya nito kapag pauwi siya. Inihahatid. At tuluyan na siyang niligawan ng lalaki.
Sa totoo lang, hindi niya gusto si Samuel. Si Rocco pa rin ang mahal niya at walang kahit na sino ang makakapalit dito sa kaniyang puso. Pero nang sabihin sa kaniya ni Samuel na handa siya nitong alisin sa tiyuhin niya ay sinagot na niya ang lalaki. Matagal na niyang gustong mangyari iyon kaya sinunggaban na niya ang pagkakataon.
Tinupad ni Samuel ang pangako nito sa kaniya. Itinakas siya nito sa kaniyang tiyuhin at tumira sila sa isang apartment. Hindi man niya mahal si Samuel, masaya na rin siya na nakawala na siya sa impyernong buhay niya sa piling ng kaniyang tiyuhin.
Bumangon si Candice sa higaan at nagtungo sa kusina. Alam niya kasi na hindi na siya makakatulog kaya mas mabuting magluto na siya ng almusal. Tutal ay ilang minuto na lang ay magigising na si Samuel. Papasok na ito sa trabaho.
Tiningnan niya kung ano ang pwede niyang lutuin. May itlog pa sila sa ref at merong natirang kanin kagabi. Naisipan niyang gawing sinangag ang kanina. Bibili na lang siya ng pandesal sa panaderya para mabusog nang husto si Samuel.
Lumabas siya ng bahay para bumili ng pandesal ngunit natigilan siya nang may makita siyang isang kulay puting sobre sa bungad ng pinto. Napakunot siya ng noo habang yumuyuko para damputin ang sobre. Binuksan niya iyon at isang litrato ang nakita niyang laman.
Inilabas niya ang litrato at kinilabutan siya nang makitang picture iyon ni Aliyah noong nakalaban niya ito sa Miss RNHS!
“M-may tao!” Lahat sila ay napahinto sa sinabing iyon ni Rocco.
Naging malikot ang mata ni Candice. Tama ang sinabi ni Nikki. May tao dahil sa kaluskos na naririnig nila. Mga yabag ng paa na papalapit sa kinaroroonan nila. Kinakabahan na siya. Kung totoo ang hinala nila na may tao nga, ito na ang katapusan nilang lahat!
Sandaling ibinaba nilang lahat ang katawan ni Aliyah na bitbit nila. Hinubad ni Rocco ang polo na suot nito at itinakip iyon sa katawan. Pinalibutan nila ang katawan habang panay ang lingon sa kanilang kapaligiran. Nararamdaman niya na papalapit na sa kanila kung sino man ang taong iyon!
Nanginginig ang mga kamay na kinuha ni Candice ang nakaipit na flashlight sa tagiliran ni Rocco at tinanglawan ang paligid.
Mabilis niyang itinutok ang ilaw ng flashlight nang may marinig siyang kaluskos sa unahan nila. Lahat sila ay nagulat nang may makita silang isang lalaking naglalakad palapit sa kanilang kinaroroonan. Tigalgal silang lahat at hindi alam ang gagawin.
“S-sino iyan?” Kulang sa lakas na tanong ni Candice sabay tutok ng ilaw sa mukha ng lalaki.
“Trevor?!” sabay-sabay na bulalas nilang lahat nang makilala ito.
Itinakip ni Trevor ang isang kamay nito sa mukha dahil sa nakakasilaw na liwanag mula sa flashlight. “Alisin mo nga `yan sa mukha ko!” Naiiritang utos nito sa kaniya sabay tigil sa paglapit.
Tahimik lang sila. Alam niyang katulad niya ay kinakabahan din ang mga kaibigan niya na naroon si Trevor. Kaya naman pumunta silang lahat sa unahan ng katawan na nasa lupa para hindi iyon makita ni Trevor na parang nahalata nang may itinatago sila. Tila gusto kasi nitong silipin kung ano ba iyong nasa likuran nila. Nagkakanda-haba ang leeg nito sa pagsilip.
“Bakit ka nandito? Anong ginagawa mo dito sa isla?” tanong ni Rocco. Halatang pinipilit nitong gawing normal ang tono ng pananalita.
“Excuse me? Kayo yata ang dapat kong tanungin niyan. Kanina pa kayo hinahanap ni Teacher Annie. Hindi niya kayo nakita dito sa gubat kaya sa may kalsada na siya naghahanap.” Nameywang ito. “Teka, ano bang ginagawa ninyo dito sa gubat?” Sa pagtatanong nito ay tila nang-uusig ito.
Humakbang siya ng isa. “Wala ka nang pakialam. Gusto naming pumunta dito, e! Hindi naman sa inyo ang gubat na ito. Walang nagmamay-ari nito! Umalis ka na nga!” Pagtataboy ni Candice dito. Kailangan na nila itong mapaalis bago pa nito malaman ang itinatago nila sa kanilang likuran.
Ngumisi ito. “Ayoko nga. Sabay-sabay na tayong bumalik sa bus. Saka… ano ba `yang itinatago ninyo sa likuran ninyo? Ano iyan?” curious nitong tanong.
“W-wala ito. Umalis ka na nga!”
“Grabe ka naman sa akin, Candice! Ayaw ninyong sabihin? Ako na lang ang lalapit!”
Naglakad na ito palapit sa kanila. Marahan. Doon na siya kinabahan nang husto. Desidido talaga itong alamin ang itinatago nila. Kumilos naman agad sina Destiny at Nikki. Humarang ito sa daraanan ni Trevor. Matiim na nakipagtitigan si Trevor sa dalawa niyang kaibigan.
“You can’t get through us! Get lost, Trevor!” Mataas ang boses na turan ni Destiny.
“Wala naman kaming itinatago, so, umalis ka na. Please!” pakiusap ni Nikki.
“May itinatago kayo. Halata sa mga mukha niya. Lahat kayo ay kinakabahan!” Seryosong sabi ni Trevor. Ikinuyom niyo ang isang kama at pinatunog. “Aalis ba kayong dalawa diyan o susuntukin ko kayo? Kilala niyo ako, kaya ko kayong lahat kahit mag-isa lang ako.”
Tinabig ni Trevor sina Destiny at Nikki. Walang nagawa ang dalawa nang hawiin ito ni Trevor. Dire-diretso itong naglakad palapit sa kanila. Pero napahinto ito nang siya na ang humarang. Nakipagtitgan siya dito. Naglaban ang kanilang mga mata.
“Umalis ka na.” Mariin niyang sabi. Nasa likuran lang niya ang katawan ni Aliyah. Sumilip si Trevor sa gilid niya kaya malakas niya itong itinulak. “Ang kulit mo! Umalis ka na sabi!” bulyaw pa ni Candice sa makulit na kaklase.
Napaatras si Trevor. “Talagang binibigyan niyo lang ako ng dahilan para alamin iyang nasa likuran niyo!” Patakbong lumapit ito sa kaniya sabay tulak sa kaniya.
Siya naman ang napaatras. Naapakan niya ang katawan sa likuran niya na naging dahilan para matumba siya. Mabilis na naglakad palapit si Trevor. Wala nang nagawa Rocco dahil nahawakan na ni Trevor ang itinakip na damit ni Rocco sa katawan ni Aliyah. Hinila iyon ni Trevor at lumantad dito ang itinatago nilang magkakaibigan!
Nagulat si Trevor nang makita nito ang duguang katawan ng isang babae. Napanganga ito at sandaling hindi nakapagsalita. Pinakatitigan nito ang mukha ng babae na tila kinikilala nito iyon. “A-aliyah?” Hindi makapaniwalang bulalas nito nang sa wakas ay makilala na nito ang babae. “T-tama ba ako? Si Aliyah `yan?” Tuluyan nang nilapitan ni Trevor ang itinatago nilang katawan. Pinakatitigan nito ang duguan mukha ni Aliyah. Nahihintakutan itong tumayo at tumingin sa kanilang lahat. “A-anong ginawa ninyo sa kaniya? Pinatay niyo siya?!” akusa nito.
Sinubukang lumapit ni Candice dito. “N-nagkakamali ka! Hindi namin siya—”
Umatras si Trevor. “Huwag kang lalapit! Huwag niyo akong lalapitan kahit na isa sa inyo! Mga killer! Paano ninyo nagawa iyan kay Aliyah?!” Malakas nitong sigaw.
Hinawakan siya ni Rocco sa isang braso at binulungan. “Ano nang gagawin natin ngayon, Candice? Ikaw ang may kagagawan nito kaya ikaw ang mag-isip kung paano natin mapapatahimik si Trevor!” matiim nitong sabi.
Hindi muna inintindi ni Candice si Rocco. Si Trevor muna ang hinarap niya dahil tila walang gustong kumausap dito sa mga kasama niya. Lahat ay natataranta at kinakabahan na. “T-revor,, h-hindi namin sinasadya na mapatay si Aliyah, okay? A-aksidente lang ang lahat. Wala kaming kasalanan!” tanggi niya.
Kumunot ang noo ni Trevor. “Aksidente? Sa tingin niyo ba ay maniniwala ako sa inyo? Alam kong galit na galit kayong lahat kay Aliyah!” anito na ikinatahimik niya.
Habang nananahimik silang lahat ay umatras nang marahan si Trevor. “Kaya huwag mong sasabihin na aksidente ang pagkakapatay ninyo kay Aliyah!” ngumisi ito. “Ngayon, humanda kayong lahat dahil mananagot kayo sa batas! Isusumbong ko kayo sa mga pulis! Dapat itong malaman ni Teacher Annie!”
Patakbo na sana si Trevor pero mabilis na tumakbo rin si Rocco para habulin ito. Napasigaw si Trevor nang mahawakan ito sa braso ng kaniyang nobyo. Malakas na hinila ni Rocco na naging dahilan para matumba ito at mapaupo sa lupa.
Tumaas sa ere ang kamao ni Rocco na pasuntok na sa mukha ni Trevor. Sa labis na pagkabigla ng lalaki ay hindi na nito nagawa pang makasigaw o makapalag man lang.
“Huwaaag!!!” sigaw ni Candice para pigilan ang pagsuntok ni Rocco.
“Hon, ano `yan?”
Napapitlag si Candice nang marinig niya ang boses ni Samuel mula sa kaniyang likuran. Naputol sa bahaging iyon ang kaniyang pagbabalik-tanaw sa nangyari sa gabing iyon ng kanilang school trip. Mabilis niyang ibinalik sa sobre ang picture bago humarap sa nobyo.
“W-wala.” Tarantang sagot niya.
Walang alam si Samuel sa nagawa nila noon kay Aliyah. Wala siyang tiwala na sabihin kahit kanino ang tungkol sa bagay na iyon. Isa pa, nagsumpaan silang magkakaibigan na itatago nila iyon. Isang sikreto na habangbuhay nilang itatago at hindi sasabihin kahit kanino.
Lumapit ito sa kaniya. Nakita ni Samuel ang hawak niyang sobre. Akmang kukunin nito iyon pero iniiwas niya. Nagtatakang tinapunan siya nito ng tingin.
“Ano ba `yan?”
“Ano… Bill ng tubig.”
“Bill ng tubig? Nakalagay sa sobre?”
“Oo. Ewan ko. Baka sa ganito na nila inilalagay para hindi magusto, hon.” Pilit siyang ngumiti para hindi ito magduda. “Bibili lang pala ako ng pandesal, hon. Maghiwa ka pala ng bawang para pagbalik ko ay makakapagluto na ako ng sinangag.”
Hindi na hinintay ni Candice ang isasagot ni Samuel. Tinalikuran na niya ito at malalaki ang hakbang na naglakad papunta sa bilihan ng pandesal.
Habang naglalakad ay hindi mawala sa utak niya ang katanungan na kung sino ang nagpadala sa kaniya ng picture ni Aliyah. Talagang kinilabutan siya nang makita ang litratong iyon. Sino ba namang hindi lalo na at ilang taon nang patay si Aliyah. Isa pa, may kinalaman sila sa pagkamatay nito.
Mabilis siyang nakabili ng pandesal. Pagbalik niya sa apartment ay naabutan niyang nagluluto na si Samule ng sinangag.
“Hon, ako na magtatapos niyan. Maligo ka na para makapag-asikaso ka sa pagpasok mo sa trabaho. Baka ma-late ka pa, e.” Inagaw niya dito ang pagluluto.
Masuyo siyang niyakap ni Samuel at mabilis na hinalikan sa labi bago ito pumasok sa banyo para maligo. Nang wala na ito sa harapan niya ay muli niyang inilabas ang sobre. Tiningnan niya ulit ang litrato ni Aliyah. Nakangiti ito habang suot ang korona ng Miss RNHS. Korona na inagaw nito noon sa kaniya!