LESSON 09- Unexpected Tragedy

2205 Words
                  TIGALGAL si Aliyah nang mula sa kung saan ay lumabas sina Jillian, Nikki at Destiny. Kung ganoon, pati ang mga ito ay nasundan sila ni Rocco? Ngunit paano? Sa pagkakatanda niya ay nakita niyang pumasok ang mga ito sa bus. Imposibleng pinayagan ito ni Teacher Annie na lumabas. O baka tumakas ang mga ito? Ah, hindi niya alam! Napayakap siya sa sarili upang takpan ang dibdib na tanging bra ang saplot. Si Rocco ay kinuha ang polo at muling isinuot. Nakakapagtakang hindi kakabakasan ng pagkabahala ang mukha ng lalaki kahit may nakakita sa kanilang gagawin sana kanina. “Ano, Aliyah? Tulala lang?” Nakakalokong untag ni Candice. Napatingin siya dito. Inalis niya ang pagkabahala sa mukha at pilit na pinatapang ang sarili. Ayaw niyang makita ni Candice na nabahala siya. “Hoy, kayo! Paalisin niyo nga ang babaeng iyan! Ngayon na!” pasigaw na utos niya kina Destiny. Bakit walang ginagawa ang mga ito at nakatayo lang sa likuran ni Candice? Hindi pa rin kumikilos ang tatlo. “Mga bingi ba kayo?!” bulya ni Aliyah. “Mga wala kayong silbi!” Kung hindi kikilos ang mga ito ay siya na lang. Kayang-kaya naman niya si Candice lalo na at wala itong kakampi ngayon. Ang lakas din talaga ng loob nito. Hindi ba ito natatakot na mag-isa lang ito at lahat ng nakapaligid dito ngayon ay kakampi niya? Ngumisi siya at humakbang palapit kay Candice. Sisirain niya ang video camera nito. Babasagin niya iyon sa pagmumukha ni Candice para makita nito ang hinahanap nitong sakit ng katawan. Isang hakbang na lang at malalapitan na niya sana si Candice pero humarang sa harapan niya sina Jillian, Destiny at Nikki. Seryoso ang tatlo habang nakatingin sa kaniya. “Anong ibig sabihin nito? Umalis nga kayo diyan!” Naiinis na siya sa tatlo. Hindi niya maintindihan ang ikinikilos ng mga ito. Pati si Rocco ay nanonood lang at walang ginagawa para ipagtanggol siya. “Hindi kami aalis dito. We’re always here para protektahan ang queen!” Walang emosyon na sagot ni Destiny. “Queen? Hindi ba’t ang sabi ko ay Your Highness ang itatawag ninyo…” Hindi na naituloy ni Aliyah ang sasabihin nang tila mapagtanto na niya ang nangyayari. Napaatras siya. “Huwag ninyong sabihin sa akin na—” Malakas na pumapalpak ng isa si Candice. “Tama na nga `yan! Tumatagal pa ang usapan, e. Okay, Aliyah. Isasampal ko na sa iyo ang katotohanan.” Hinawi ni Candice ang tatlo at walang babala na sinampal siya nito sa kaliwang pisngi. Halos mapangiwi siya sa lakas ng pagkakasampal nito. Nanggagalaiti sa galit na hinarap niya ang babae. Gusto niyang gumanti dito pero mukhang nagkamali siya. Mukhang siya pala ang walang kakampi dito at siya ang mag-isa. Iniabot ni Candice ang video camera kay Destiny at ang babae na ang kumukuha ng video. Nakatutok sa kaniya ang video camera. “Kung ano man ang iniisip mo, hindi ka nagkakamali!” sabi pa ni Candice. “Ang pakikipag-kaibigan nina Destiny, Jillian at Nikki sa iyo ay isa lamang palabas! Pati ang pakikipagrelasyon sa iyo ni Rocco, joke lang iyon. Para paasahin ka at ipahiya!” Nanlaki ang mga mata ni Aliyah nang lumapit si Rocco kay Candice at naghalikan ang mga ito mismo sa kaniyang harapan. May naramdaman siyang kirot sa puso. “Mga hayop kayo! Niloko niyo ako! Pinagkaisahan niyo akong lahat!” Galit niyang sabi. Pakiramdam niya tuloy ay sobrang tanga niya. Isang uto-uto. Bakit hindi niya naramdaman na niloloko lang siya ng mga ito? “At nagpaloko ka naman?” Malakas na tumawa si Candice. “Ipinahiya mo ako sa lahat. Hindi mo ba alam ang pakiramdam niyon? Pwes, ngayon ay mararamdaman mo na!” May inilabas na tali si Candice mula sa bulsa nito. Isang kulay itim na lubid. “Girls, hawakan ninyo ang uto-u***g `yan!” Napaatras si Aliyah. “A-anong gagawin ninyo sa akin?” Kabadong tanong niya. Hindi niya gusto ang pagkakangiti nina Candice at ng mga kaibigan nito habang papalapit sa kaniya. Alam niya na hindi maganda ang gagawin ng mga ito. Biglang hinablot ni Rocco si Candice sa braso. “Anong gagawin niyo sa kaniya?” “Itatali at huhubaran. Kukunan ng video at pictures tapos ipapakalat sa buong school!” Walang gatol na sagot ni Candice. “Naisip ko kasi na hindi siya ganoon mapapahiya kung malalaman ng mga nasa RNHS na naloko natin si Aliyah. Kaya habang papunta kami dito ay nakaisip ako ng bagong plano. Iyong mapapahiya talaga siya ng sobra! Sa sobrang kahihiyan ay baka magpakamatay pa siya!” “Wala iyan sa usapan natin, Candice!” ani Rocco. “Dahil kanina nga lang namin plinano. Hindi ka ba nakakaintindi? At saka bakit parang concern ka sa babaeng iyan?! Huwag mong sabihin na nagkagusto ka na talaga sa pangit na iyan?!” “Hindi naman sa ganoon—” “Then back off! Kung hindi mo kami tutulungan, huwag ka na lang makialam!” Muli siyang hinarap nina Candice. Mabilis na kumilos sina Destiny at Nikki. Nahawakan agad ng dalawa ang magkabila niyang kamay. Nagpumiglas siya pero mas malakas ang dalawa kesa sa kaniya. Ibinigay ni Candice ang lubid kay Jillian at inutusan itong itali ang mga kamay at paa niya. Nagmamakaawang tiningnan niya si Rocco. “Rocco, t-tulungan mo ako. Parang awa mo na. Alam ko, mahal mo ako. Parang awa mo na…” Mangiyak-ngiyak niyang sambit. “Hoy! Ambisyosa ka! Anong mahal?! Palabas lang ang lahat! Umaarte lang si Rocco kaya huwag kang ilusyunada! Ako ang mahal ni Rocco at hindi ikaw na hayop ka!” Sa gigil ni Candice ay sinugod siya nito at pinagsasampal. Nakatikim pa siya dito ng sabunot. Huminto lang ito nang hatakin ito ni Rocco. “Tama na! Kung itatali niyo siya, itali niyo na lang. Huwag niyo nang saktan!” ani ng lalaki. Hindi makapaniwalang tiningnan ni Candice si Rocco. “So, concern ka nga sa babaeng ulikba na iyan, Rocco. Umamin ka nga, gusto mo ba siya?” Nanlilisik ang mga mata nito. Umiling si Rocco. “Hindi! Bahala na nga kayo! Gawin niyo na ang gusto ninyo sa kaniya!” “Ano ba? Hindi pa ba natin itatali si Aliyah? Baka hinahanap na tayo ni Teacher Annie!” singit ni Nikki. “Tumigil ka diyan!” bulyaw dito ni Candice. “Hindi pa ako tapos sa lalaking ito!” Naramdaman ni Aliyah na hindi na ganoon kahigpit ang pagkakahawak sa kaniya nina Destiny at Nikki. Marahil ay naisip ng mga ito na hindi na siya magpupumiglas kasi hindi na siya gumagalaw. Nakatalikod sa gawi niya si Candice at kausap si Rocco. Si Jillian naman ay wala rin sa kaniya ang atensiyon kundi na kina Candice. Ito na siguro ang pagkakataon niya para makatakas! Bigla siyang binitiwan ni Nikki at tinampal nito ang hita. “Ang daming lamok!” Hindi na nagdalawang-isip pa si Aliyah ngayong malaya na ang isa niyang kamay. Malakas niyang sinuntok si Destiny sa mukha at kinalmot niya ang kamay nito na nakahawak sa kaniya. Nang mabitawan siya nito ay saka siya tumakbo ng mabilis. “Anong nangyari?! Bakit niyo pinakawalan?!” Dinig niya ang sigaw ni Candice habang papalayo siya sa mga ito. “Habulin ninyo!!!” Sandaling huminto si Aliyah para lingunin ang mga ito at napatakbo siya ulit nang makitang hinahabol na siya ng lahat. Takbo lang siya nang takbo kahit hindi niya alam ang kaniyang pupuntahan. Wala siyang pakialam kahit madilim. Ang tanging nasa isip niya ay ang makatakas kina Candice. Oras na makabalik siya sa bus ay magsusumbong agad siya kay Teacher Annie. Tingnan lang niya kung hindi mapatalsik ang mga ito sa RNHS! Isang malaking pagkakamali na naniwala agad siya kina Destiny, Nikki at Jillian. Lalong-lalo na kay Rocco. Niloko siya ng mga ito. Lahat ng mga ito ay taga-sunod ni Candice! Ano bang meron ang babaeng iyon at sinusunod ito ng mga iyon? Napaka hayop talaga ni Candice! Kasalanan ba niya na siya ang mas pinaboran ng mga hurado sa nakaraang beauty pageant? Hindi ito marunong tumanggap ng pagkatalo! Makalipas ang ilang minuto na pagtakbo ay naramdaman na ni Aliyah ang pagod. Nanghihina na ang kaniyang mga binti at paa. Sa tingin niya, kapag tumakbo pa siya ay baka hindi na niya kayanin. Kailangan na niyang magpahinga. Hanggang sa makakita siya ng isang malaking puno. Mabilis siyang pumunta sa likuran niyon at hinihingal na nagtago. Sumandal siya sa katawan ng puno at pilit na pinipigil ang paghingal sa takot na marinig siya nina Candice. Pinakiramdaman niya ang paligid at wala na siyang ingay na naririnig na kaluskos o kung ano man kundi ang mga huni lang ng mga ibon at insekto na panggabi. Napayakap siya sa sarili dahil sa lamig ng hangin na humahaplos sa kaniyang balat. Matagal na nakasandal si Aliyah sa puno. Para siyang hihimatayin sa sobrang pagod. Humanda sa kaniya sina Candice oras na makabalik siya sa bus! Ilang sandali pa ay nabawasan na ang pagod ni Aliyah. Sa tingin niya ay huminto na rin sina Candice sa paghabol sa kaniya. Marahil ay sumuko na ang mga ito dahil hindi na siya nakita. Pero hindi siya dapat magpakampante kaya maingat siyang sumilip sa kaniyang pinanggalingan. Marahan niyang inilabas ang ulo sa puno at ganoon na lang ang gulat niya nang may kamay na humablot sa kaniyang buhok. Hinila siya nito palabas ng punong pinagtataguan at doon ay nalaman niyang si Candice pala ang sumabunot sa kaniya! Kung ganoon, kanina pa siya nito hinihintay na lumabas sa pinagtataguan. Alam na nito kanina pa kung saan siya nakatago. “Akala mo ba ay matatakasan mo kami?! Hindi ka pwedeng makatakas hangga’t hindi ko nagagawa ang gusto ko sa iyo!” gigil na sigaw ni Candice habang sabunot ang kaniyang buhok. “Bitiwan mo ako! Wala akong ginagawa sa iyo! Hayop ka!” “Anong wala?! Inagaw mo sa akin ang korona sa Miss RNHS!” “Masyado kang insecure sa akin! Bitawan mo ako!” Pilit niyang inaalis ang pagkakasabunot ni Candice sa kaniya ngunit sadyang mahigpit ang pagkakahawak nito sa kaniyang buhok. “Anong tinitingin-tingin ninyo diyan?! Talian niyo na ang bruhang ito!” sigaw na utos ni Candice sa mga kasama sabay harap sa kaniya. “At ikaw, ang kapal din ng mukha mong sabihin na insecure ako sa iyo! Ikaw ang insecure sa akin, Aliyah! Ikaw ang inggit na inggit sa akin!” Mas lalong natakot si Aliyah. Kapag natalian na siya ng mga ito ay wala na siyang laban. At hindi niya gusto ang gagawin ng mga ito sa kaniya. Isa iyong malaking kahihiyan. Naglaban sila ng titigan ni Candice. Pilit niyang pinapatapang ang kaniyang sarili. Maya maya ay ngumisi siya. “Bakit naman ako maiinggit sa iyo, Candice? Bakit ako maiinggit sa isang babae na pinagsasamantalahan ng kaniyang tiyuhin?” Isang mapang-asar na ngiti ang pinakawalan niya. Natigalgal si Candice sa sinabi niya. Tila naumid ang dila nito at hindi nagawang makapagsalita. Mas lalong lumakas ang loob ni Aliyah na asarin si Candice. “O, bakit natameme ka diyan? Dahil ba totoo ang sinabi ko? Tama ako, `di ba? Pinagsasamantalahan ka ng tito mo na kasama mo sa bahay!” Alam niya ang tungkol sa bagay na iyon dahil minsan na naglalakad siya pauwi ay nakita niya si Candice na naglalakad mag-isa. Hindi niya alam kung bakit niya ito sinundan hanggang sa bahay nito. Pagdating nito sa tinitirahan nito ay na-curious siya sa kung ano ang buhay nito kapag wala sa school kaya pasimple siyang sumilip sa bintana ng bahay nina Candice. Doon ay nakita niya kung paano pinagsamantalahan si Candice ng tito nito. Kita niya sa mukha ni Candice ang pagtutol pero tila hindi nito kayang tumanggi. “Hayop ka!!!” gigil na turan ni Candice. Malakas siya nitong itinulak at napaupo siya sa lupa. Nakita niyang galit na sinaklit ni Rocco si Candice sa braso. “Totoo ba ang sinasabi niya? Ibig sabihin, hindi lang ako ang gumagalaw sa iyo?!” Hindi makasagot si Candice. “Sumagot ka!” Imbes na sumagot ay ipiniksi ni Candice ang braso. At nang makawala ito sa pagkakahawak ng lalaki ay galit na galit siya nitong nilapitan. Sinabunutan siya nito at hinila patayo. Nanlaban siya. Nakipagsabunutan din siya dito at nang makawala siya kay Candice ay muli niyang sinubukan na tumakas. Tumalikod siya at inumpisahang tumakbo. Ngunit hindi pa man siya nakakadalawang hakbang ay sinunggaban na siya ni Candice sa kaniyang likuran. Naging dahilan iyon ng pagkakadapa niya at naramdaman niya ang pagtama ng noo niya sa isang matigas na bagay. Pagkatapos niyon ay nagdilim ang kaniyang paligid at wala na siyang naalala pa…   HUMIHINGAL sa galit si Candice matapos niyang dambahan sa likod si Aliyah nang akto itong tatakas ulit. Sa lakas ng pagkakadamba niya ay padapa itong natumba at hindi pa rin bumabangon o gumagalaw man lang. Hindi niya alam kung paano nito nalaman ang pananamantala ng sarili niyang tiyuhin sa kaniya. Binigyan pa talaga siya nito ng problema. Paano niya iyon ipapaliwanag sa mga kaibigan niya lalo na kay Rocco? Paniguradong pandidirihan na siya ng mga ito ngayon. “Magsabi ka nga sa amin, Candice. Totoo ba ang sinabi ni Aliyah?” usig ni Destiny sa kaniya. “At talagang maniniwala kayo sa sinasabi ng babaeng iyan? Wala `yong katotohanan!” tanggi ni Candice. Nakatalikod siya at hindi magawang humarap sa mga ito. “Alam ko, nagsasabi ng totoo si Aliyah!” Nagulat siya nang iharap siya ni Rocco. “Umamin ka na, Candice!” Nangilid ang luha niya. Marahil ay wala na siyang magagawa para itanggi pa ang bagay na iyon. “Oo! Totoo! Ginagahasa ako ng tito ko! Ano? Lalayuan niyo na ako?!” Naiiyak niyang sambit. Walang nakapagsalita sa mga kasama niya. Walang nagtangkang umimik hanggang sa may mapansin si Jillian kay Aliyah na nakadapa pa rin. “Guys, bakit hindi pa rin gumagalaw si Aliyah?” Nagtataka nitong tanong. Tiningnan niya si Aliyah at nilapitan ito. Siya na ang nagkusang itihaya ito. Nang ihiga niya ito ay napasinghap siya nang makitang puno ng dugo ang mukha nito dahil sa malaking sugat nito sa noo. Sa pinagdapaan nito ay nakita niya ang isang bato na may matulis na dulo na may bakas pa ng dugo. Mukhang napatay pa niya si Aliyah dahil tila hindi na ito humihinga!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD