LESSON 16- Click, Click!

2147 Words
                “OMG! `Yong phone ko! s**t!” Napalakas ang pagmumura ni Nikki nang makita niyang nalaglag ang kaniyang cellphone. May ilaw sa labas ng bahay kaya nakita niya kung saan iyon nalaglag. Sa may damuhan sa gilid ng bahay. Sa tingin niya ay ayos pa naman ang cellphone dahil meron pa iyong ilaw. “Ano ba, Nikki?! Ang ingay mo! Sa labas ka na nga lang matulog!” Naiiritang sita ni Destiny. “`Yong phone ko kasi… nahulog—” “I don’t care! Just shut your mouth!” anito sabay balik ulit sa pagtulog. Napanguso na lang si Nikki sa sobrang pagka-inis kay Destiny. Hindi na siya nagsalita at lumabas na siya ng kwarto upang kunin ang cellphone sa labas. Siguro naman ay hindi pa iyon nasira. Pagbaba niya ay nakita niya si Alexander sa may salas. Nakahiga sa sofa at mahinang humihilik. Nagdahan-dahan siya sa pagbukas ng pinto at nakakahiya kung magigising pa niya ang may-ari ng bahay. Papalabas na sana siya nang may marinig siyang parang boses ng babaeng sumisigaw. Natigilan siya at pinakinggan iyon ng maigi. Ang hirap malaman kung totoo ba ang sigaw na naririnig niya o gunu-guni lang. Ikinibit niya ang balikat at tuluyang lumabas ng bahay. Sumalubong kay Nikki ang malakas na hangin. Mabilis niyang isinara ang pinto. Doon niya nahinuha na baka dahil sa lakas ng hangin ay umuugong iyon at iyon ang naririnig niyang parang sigaw ng isang babae. O kung hindi man iyon hangin, baka humahalinghing na naman si Destiny dahil nagtatalik na naman ito at si Rocco. Mabilis na kumilos si Nikki at pinuntahan niya ang spot kung saan nahulog ang kaniyang cellphone. Pero ganoon na lang ang pagkakatak niya nang walang cellphone siyang nakita. Tumingala siya at nasa tapat siya ng bintana ng kwarto nila nina Destiny. Kaya paanong nawala iyon? “Where is that s**t?” Inis niyang tanong. Wala siyang pakialam kahit nababasa na siya ng ulan. Patuloy lang siya sa paghahanap habang nakayuko. Kahit imposible, inisip niyang baka hinangin ang cellphone at kung saan na napunta. Bahagya siyang nagulat nang marinig niya ang tunog ng flash ng kaniyang cellphone kapag may kinunan siyang litrato. Napaangat ang ulo niya at isang tao ang nakita niyang nakatayo malapit sa kaniya. Hawak nito ang cellphone niya at kinukunan siya ng picture. Nakakasilaw ang flash ng cellphone niya kaya napapapikit siya at hindi niya masyadong maaninag kung sino ang taong iyon. “Stop! Ang sakit sa mata! Akin na ang phone ko!” ani Nikki. Nakaharang ang isa niyang kamay sa mukha habang papalapit sa tao. Hindi niya alam kung ano ang trip nito at sinisilaw siya sa flash. Humanda ito sa kaniya oras na makuha niya ang cellphone. Kaya mabilis niyang hinablot ang cellphone niya pero agad nitong iniiwas iyon. Matalim ang mata na tiningnan niya ito. Hanggang sa makilala niya ito. Nakita niya ang mukha nito dahil halos isang dangkal na lang ang layo nila sa isa’t isa. Akmang magsasalita sana si Nikki nang may inilabas na puting panyo ang taong iyon mula sa bulsa ng pantalon nito. Binitawan nito ang cellphone at hinablot siya sa buhok. Hindi na niya nagawang makasigaw dahil itinakip na nito ang panyo sa kaniyang ilong at bibig. May naamoy siyang kakaibang amoy na naging sanhi ng labis na pagsakit ng kaniyang ulo. Nahilo siya nang husto hanggang sa nakaramdam siya ng labis na antok. Maya maya ay tuluyan na siyang nawalan ng malay. Ang huli niyang natatandaan ay nang bumagsak siya sa lupa at muling kinuha ng taong iyon ang kaniyang cellphone.   MAAGANG nagising si Candice ng umagang iyon. Kalat na nag liwanag sa labas at wala na siyang naririnig na patak ng ulan sa bubong. Inaantok na naglakad siya papunta sa bintana. Maaliwalas na ang panahon. May araw na bagaman marami pa ring ulap sa langit. Napahikab siya at nag-inat. Medyo antok pa siya dahil halos hindi siya nakatulog nang maayos. Natatakot kasi siya na baka muli niyang mapanaginipan si Aliyah. Isa pa, hindi siya kumportable sa bahay ni Alexander. Sa tingin niya ay namamahay lang siya. Natutulog pa rin sina Samuel at Jillian. Matapos makasagap ng hangin mula sa labas ay binalikan niya si Samuel. Patabi sana siya dito nang magising na ito. Uminat ito sabay ngiti nang makita siya. Hindi rin nagtagal ay sunod na nagising na rin si Jillian. Nag-ayos sila ng sarili at bumaba na sa kusina para kumain ng almusal. May nakahanda nang almusal sa hapag-kainan. Pritong itlog, hotdog, sinangag at may kape. Naabutan nila si Alexander na inihahain ang mga iyon. “Good morning po, Mr. Locsin!” Masiglang bati ni Jillian dito. “Good morning din sa inyo.” Nakangiti nitong sambit. “Teka. Mr. Locsin talaga? Alexander na lang. Masyado namang pormal ang pagtawag ninyo sa akin. Oo nga pala, nasaan na ang iba niyo pang kaibigan? Gising na ba sila? Mainam na sabay-sabay na tayong mag-almusal.” “Naku, maraming salamat po at isinama ninyo kami sa almusal. Iyong mga kaibigan po namin ay tulog pa po siguro,” ani Samuel. Tumango-tango si Alexander. “Kung gutom na kayo, pwede na tayong mauna na kumain. Gusto niyo ba?” Dahil sa nararamdaman na ni Candice na nag-aaway ang mga bituka niya ay pumayag siya sa suhestiyon ni Alexander. Kumain sila nina Samuel at Jillian kasabay ang may-ari ng bahay. Madalas ay ito at si Samuel ang nag-uusap. Alam niyang ginagawa iyon ng nobyo niya para hindi magduda si Alexander sa totoong pakay nila kung bakit sila nandito. Kinukuha nito ang loob ni Alexander hanggang sa magtiwala ito sa kanila. “Maganda na ang panahon. Pwede na kayong mamasyal sa gubat. May mga ligaw na hayop diyan at mga ibon. Kung nais ninyong mangaso ay meron akong air gun. Ipapahiram ko sa inyo. Iyon nga lang, maputik at umulan kagabi,” sabi ni Alexander sa gitna ng kanilang pagkain. Nagkatinginan sila ni Samuel. “Sa tingin namin ay gusto namin na mangaso. Hindi naman siguro kami maliligaw sa gubat, `di ba?” ani Candice. “Pwede ko kayong samahan—” “No!” Mabilis na tanggi ni Jillian. Pinanlakihan niya ito ng mata. Palihim siyang nainis dito dahil sa reaksiyon nito. “Ang ibig kong sabihin ay huwag na po. K-kaya na siguro namin. Isa pa, ayaw na namin kayong abalahin…” bawi ni Jillian. “Tama po si Jillian. Hindi niyo na kami kailangang samahan,” segunda ni Samuel. “Walang problema kung ganoon…” sandali itong tumahimik at tiningnan sila isa-isa. “Alam ninyo, masaya ako na dumating kayo dito sa aking bahay. Matagal na kasi akong nag-iisa dito simula nang maghiwalay kami ng aking asawa. Actually, hindi kami kasal kaya masasabi kong magkasintahan pa lamang kami. Pero dahil sa nagsasama na kami noon dito ay parang mag-asawa na rin kami…” Bahagyang nagkaroon ng pagtataka si Candice kung bakit nagbabahagi bigla si Alexander ng personal nitong buhay. Hindi naman nila ito tinatanong tungkol doon. Naisip niya ay matagal na talaga itong mag-isa sa bahay nito at ngayon lang ulit ito nagkaroong ng mga kasama kaya nagkukwento ito ng kahit na ano. “Kung hindi niyo po sana mamasamain… Nasaan na ang asawa ninyo? Meron ba kayong anak?” tanong dito ni Jillian. Tumingin muna sa malayo si Alexander bago sumagot. “Ang totoo niyan ay hindi ko alam kung nasaan na siya. Siya at ang anak namin na babae. Buntis kasi siya nang magkahiwalay kami.” Dama nila ang lungkot sa pagsasalita nito. “Bakit kayo naghiwalay?” Walang gatol na tanong ni Candice. Nag-she-share na rin naman ito ay lulubus-lubusin na niya. Naiintriga na rin kasi siya sa buhay ni Alexander. “My fault. Naging marupok ako. Nagkagusto ako sa iba at ako ang nakipaghiwalay sa kaniya…” Bigla na lang natulala si Alexander. Nangilid ang luha nito na para bang maiiyak ito anumang sandali. Sa pagkakataon na iyon ay dumating na sina Destiny at Rocco. Naka-angkla ang braso ng babae sa lalaki na para bang mawawala ito. Ganoon ba talaga ang dalawa o sinasadya lang talaga ni Destiny na maging sweet sa ex niya para asarin at pagselosin siya? “Hello, guys! Wow! Breakfast!” Malakas na sabi ni Destiny. Umupo si Rocco para kumain na. Imbes na sa bakanteng upuan umupo si Destiny ay kumandong ito kay Rocco at malanding humagikhik na akala mo ay kinikiliti ang singit. Nagsubuan pa ang dalawa na akala mo ay mga bagong kasal. Naiiling na inilayo na lang niya ang tingin sa dalawa at ayaw niyang tuluyang masira ng mga ito ang umaga niya. Pero hindi niya mapigilan ang sarili na hindi sulyapan ang dalawa. Nakikita niya pa rin ang mga ito sa gilid ng kaniyang mga mata. Medyo napahiya siya nang makitang nakatingin sa kaniya si Samuel habang nakasimangot. “By the way, nasaan nga pala si Nikki?” tanong na lang niya. “Wala ba siya dito? Paggising namin ay wala siya sa room namin,” sagot ni Destiny. “Baka naman lumabas. Nag-jogging,” ani Jillian. “Jogging talaga? Ang putik sa labas, ha. Iba rin talaga ang trip ng babaeng iyon!” Natatawang sabi ni Destiny at muli itong nakipagharutan kay Rocco habang kumakain. “Oo nga, wala pa pala dito `yong isa ninyong kaibigan. Ipagtatabi ko na lang siya ng pagkain para pagbalik niya ay meron siyang makakain,” sabi ni Alexander sabay ngiti.   NASA may pintuan ng bahay niya si Alexander habang pinapanood ang mga bisita niya na nasa labas ng kaniyang bahay. Ipinahiram niya sa mga ito ang tatlong air gun niya at ngayon ay tine-testing ng mga ito ang paggamit niyon matapos niyang turuan kanina. Nag-suggest kasi siya kanina sa mga ito na maganda ang mangaso o mamaril ng mga hayop at ibon sa gubat. Lalo na ngayon kakatapos lang ng ulan. May mga hayop na lalabas sa mga bahay nito para maghanap ng makakain. Ilang taon na rin pala ang lumipas bago ulit siya nagkaroon ng kasama sa bahay niya. Nakakapanibago ang ingay ng boses ng ibang tao. Sabik din siya na may makausap na iba kaya agad siyang pumayag nang magsabi ang mga ito na baka pwedeng makituloy ang mga ito sa bahay niya kahit tatlong araw lang. Hindi namalayan ni Alexander na habang nakatingin siya sa kaniyang mga bisita ay unti-unti niyang naalala ang araw na kasama pa niya sa lugar na iyon ang kaniyang kinakasama… “Alexander! Nandito na ako!” Ang masiglang boses ng isang babae ang nagpahinto kay Alexander sa pakikipaghalikan sa isang magandang babae sa kwarto nila. Nataranta siya dahil alam niyang papanhik na sa hagdan ang kaniyang asawa. Hindi pa sila kasal nito pero itinuturing na niya itong asawa dahil matagal na rin silang nagsasama sa bahay na ito. Mahina siyang napamura. Ang akala niya kasi ay matatagalan pa ito sa pagbalik. Sabi kasi nito ay magpapa-check up ito sa ospital sa bayan dahil sa ilang araw na itong nahihilo. Nagsusuka pa ito pagkagising. “Nasaan ka, Alexander?” Muli niyang narinig ang boses ng asawa. Hinila niya ang babaeng kahalikan at pinagtago ito sa ilalim ng kama. “Huwag kang maingay. Diyan ka lang, ha? Huwag kang lalabas hangga’t hindi ko sinasabi sa iyo.” Hinalikan pa niya sa labi ang babae bago lumabas ng kwarto. Eksaktong paglabas niya ay papasok na sana ang asawa niya. “`Andito ako.” Pilit ang ngiti na gumuhit sa labi niya. “A-ang bilis mo naman yata. Akala ko ay mamaya ka pa.” “Wala kasing masyadong nagpapa-check up kaya nakabalik agad ako…” Kumunot ang noo ng babae. “Teka, bakit parang hindi ka mapakali diyan? May nangyari ba?” “Ha? W-wala. Wala! Doon na lang tayo sa ibaba.” Inakbayan niya ito at sabay silang naglakad pababa. “Ano nga pala ang sabi ng doktor?” “Alexander, hindi ka makakapaniwala sa sasabihin ko pero tama ang hinala natin…” Napahinto sila sa may gitna ng hagdan. Hinawakan nito ang dalawa niyang kamay at nakipagtitigan sa kaniya. “Buntis ako! Tatlong buwan na ang dinadala ko sa aking tiyan!” Nanlaki ang mata ni Alexander sa sinabi ng kaniyang asawa. Natigalgalan siya at hindi malaman ang sasabihin. “Alexander, buntis ako!” ulit pa nito. Kumurap-kurap siya. “T-talaga? Mabuti naman kung ganoon. Ang tagal natin itong hinintay!” Pilit niyang pinasaya ang kaniyang pagsasalita para hindi ito magduda. “T-tama ka. Matagal na natin itong hinihintay—ang magkaroon nga anak.” Sa totoo lang ay simula ng makilala niya ang babaeng kahalikan niya sa may kwarto kanina ay nagbago na rin ang nararamdaman niya sa kaniyang asawa. Nawala na ang pagmamahal niya dito at nalipat na agad sa bago niyang babae. Balak na nga rin sana niyang sabihin dito na gusto na niyang makipaghiwalay. Pero paano pa niya iyon gagawin ngayong buntis na ito? Mahihirapan na siyang hiwalayan ito dahil meron na siya ditong obligasyon. “Ang saya-saya ko, Alexander! Ang tagal natin itong hinintay, `di ba?” Kumalas ito sa pagkakayakap at nagniningning ang mata na tiningnan siya. “O-oo naman. Masaya rin ako…” “Maaari na rin tayong magpakasal! Sobrang saya ko talaga, Alexander. Magiging isang buong pamilya na tayo!” Natigalan si Alexander. Paano ba niya sasabihin dito na ayaw na niya itong pakasalan? Kinuha nito ang isa niyang kamay at inilagay iyon sa ibabaw ng tiyan nito. “Nandito ang anak natin. Nasasabik na akong makita ang ating anak, Alexander. Alam kong magiging mabuting magulan tayo sa kaniya!” Malapad ang ngiti na turan nito. Napayakap ulit ang asawa niya sa kaniya habang siya ay tumatakbo ang isip kung ano ang dapat niyang gawin. Hanggang sa isang ideya ang naisip niya. Kailangan niyang madispatsa ang bata sa sinapupunan nito. Kapag nagawa niya iyon ay wala na siyang dahilan pa para pakasalan ito. Maaari na niya itong hiwalayan ang makasama ang babaeng itinitibok ng puso niya ngayon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD