SABOG ang buong kotseng sinasakyan ni Ana ngunit himala na nakaligtas ito. Nagtamo ito ng second dgree burn sa mukha at kanang bahagi ng katawan at ilang galos at paso sa kaliwang bahagi. Marahil sinubukan nitong lumabas ng sasakyan pero huli na dahil sumabog na ang kotse. Wala pa itong malay at ilang oras nang nasa loob ng ICU.
Ayon kay Don ay hindi na siya isinama ni Ana. Masama ang loob nito nang umalis at gusto daw mapag-isa. At alam ni Cupid ang dahilan. Masama ang loob nito pagkatapos ng namagitang sagutan sa kanila ni Allen.
Nag-imbestiga ang pulis at napag-alaman nilang may nakatanim na bomba sa sasakyan. Sa oras na tumakbo iyon ay gagana ang bomba at sa oras na tumigil ay sasabog pagkatapos ng ilang segundo.
Panay ang iyak nina Elena at Avril habang si Allen ay hindi mapakali. Kung hindi si Ana, sino na ang nagbabalak sa kanila?
“Allen,” untag niya dito sabay abot ng tubig.
“This is getting messier.” His sounded hopeless.
“Malalaman din natin kung sino ang may kagagawan ng lahat,” pampalakas-loob niya.
Tiningnan siya nito. “Kailan pa? Kapag naubos na kami? Kapag may napahamak na naman?” Alam niyang hindi siya sinusumbatan nito pero masakit na marinig iyon mula sa binata.
“Gagawin ko lahat para mahuli natin siya. Huli na si Ana sa mapapahamak,” pangako niya dito sabay hawak sa kamay nito.
Nilingon siya nito at gamit ang isang kamay ay hinapit siya nito. Umubob ito sa balikat niya at tahimik na nanangis. Hindi man maganda ang trato dito ni Ana, Allen still cared for her. At gagawin niya lahat para matulungan ito.
MINABUTI muna ni Cupid umuwi ng mansion para kumuha ng gamit nina Allen. Ayaw ng mga itong umalis ng ospital lalo pa at napatunayan nilang may nagbabanta talaga sa buhay nila. Pinasasama sa kaniya ni Allen si Chunk pero pinili niyang iwan ito. Mas kailangan nila ng mas maraming bodyguard habang siya ay mas makakakilos ng ayos kapag mag-isa.
Tahimik ang buong mansion nang dumating siya. Isang maid lang ang nakita niya na siya ring nagbukas sa kaniya ng gate. Pagkababa ng sasakyan ay dumiretso siya sa surveillance room ng bahay. Nalaman niya kay Allen na may mga CCTV na nakakabit sa paligid ng bahay. May ilan ding hidden camera sa loob ng bahay pero tanging si Allen lang ang nakakaalam. Humingi siya ng kopya noong nakaraan at kapag nasa opisina siya nito o sa bahay ay iyon ang pinagkakaabalahan niyang panoodin. Ngunit ang nakakapagtaka, may ilang footage na wala. Ayon kay Allen, hindi maiiwasan iyon lalo kapag nagkaka-problem ang system. Alam niyang hindi imposible iyon ngunit naniniwala siyang may mas malalim pang dahilan kung bakit.
Walang tao sa surveillance room nang pumasok siya. Sinamantala niya iyon at muling binalikan ang mga footage na may bahaging nawawala ngunit wala talaga siyang natagpuan. Sunod niyang tiningnan ang footage nang naganap kanina. Makikita na magkausap sina Don at Ana sa garahe. Halata sa mukha ni Ana na galit na galit ito habang nagsasalita. Si Don naman ay kampante lang. May sinabi ito kay Ana bago padabog na sumakay ang huli sa kotse. Pinaandar ni Ana ang kotse habang nakatanaw lang si Don dito. Nang makalabas ang sasakyan ng gate ay tumalikod si Don dahilan para makita ng maayos ang mukha nito. At kitang-kita niya ang pagsilay ng ngiti sa labi nito.
‘Smile of the devil…’
Lumapad ang ngiti nito nang sumabog ang kotse na kaagad napalitan ng nag-aalalang ekspresyon sabay takbo palabas habang sumisigaw.
“This can’t be…” bulong niya.
Pinagala niya ang tingin sa iba pang monitor. Napakunot-noo siya nang sa hallway, malapit sa silid ng magkakapatid ay nakita si Don at Evan na magkausap at mukhang may pinagtatalunan. Mabilis ang kilos na lumabas siya ng silid.
“TAMA na! Tumigil ka na!”
Hindi makapaniwala si Don habang nakatingin kay Evan na sumisigaw sa kaniya. Sa ilang taon nitong nakatira sa mansion ng mga Mason ay hindi pa rin nagbabago ang paraan nang pananamit nito. Siguro kapag ito na ang naging may-ari ng La Belle ay magbabago na ito. Hindi na ito kakawawain ng ibang tao.
“Ginawa ko lang iyon para sa’yo,” pangangatwiran niya.
Marahas na umiling ito. “Nasaktan si Ate Ana! Wala pang kasiguruhan kung anong kumusta siya o magigising ba siya. Nakita ninyo ba kung anong nangyari sa kaniya? Kung anong hitsura niya?”
“Hindi ba’t bagay lang sa kaniya iyon? Palagi ka niyang inalipusta! Sinasabi kang sampid lang dito! Nilalait ang pananamit mo!” Buong akala niya ay matutuwa ito sa ginawa niya pero mali siya.
“Hindi… Mali ang ginawa ninyo… Mali…” Nagsisimula nang umagos mula sa likuran ng makapal na salamin nito ang luha.
“Pero si Allen dapat ang sisihin mo. Kung umalis siya ay hindi mapapahamak si Ana.”
“Naririnig ninyo po ba ang sinasabi ninyo?” nahihindik na turan nito. “Naging mabuti sa akin sina Mommy Elena at Kuya Allen. Ano pa po bang gusto ninyo? Kung hindi ako inampon ni mommy ay wala ako sa kinalalagyan ko ngayon.”
“Pero higit pa doon ang pwede mong makuha. Tama! Ang La Belle ay mapapasa’yo kung mawawala—“
“Nagmamakaawa ako, itay.Tama na… Tama na…” Parang binibiyak ang dibdib ni Don nang makitang lumuhod si Evan sa harapan niya. Ngunit hindi naiintindihan ng anak niya na para dito lang ang lahat nang ginagawa niya.
NAKAAWANG ang labing sumandal si Cupid sa dingding pagkatapos marinig ang usapan nina Don at Evan. Hindi siya makapaniwala na wala sa magkakapatid ang gumagawa ng lahat ng gulo. Ngunit isa sa kanila ang dahilan.
“Kailangang malaman ito ni Allen,” bulong niya. Tumuwid siya ng tayo at akmang aalis sa kinatatayuan nang marinig niya ang malakas na sigaw ni Avril.
“How dare you?” Namilog ang mga mata niya nang makitang umiiyak na tumatakbo ito patungo kay Don. “You hurt my sister!” Nagawa nitong lapitan si Don at pinaghahampas nito iyon. Hinawakan ni Don ang dalawang kamay nito at walang sabi-sabing itinulak ito.
Bumagsak si Avril sa sahig at kaagad itong dinaluhan ni Evan. “Tama na, itay. Huwag naman pati si Avril.”
“Umalis ka diyan, Evan,” nagbabanta ang tinig ni Don sabay labas ng baril mula sa loob ng jacket. “Magandang oportunidad ito para ubusin sila.” Inuumang nito ang baril kay Avril. Nanghihilakbot na napaurong ang dalawa.
“Hindi na ako papayag na may masaktan pa kayong kapatid ko,” sigaw ni Evan sabay harang ng sarili upang itago si Avril.
“Alis diyan, Evan! Kung ayaw mong pati ikaw ay masaktan.”
“Matagal ninyo na akong sinasaktan, itay. Nang sinaktan ninyo sila, sinaktan ninyo na din ako.”
Naningkit ang mga mata ni Cupid. Hawak ang baril ay lumabas siya mula sa pinagtataguan. “Ibaba mo ang baril mo kung ayaw mong masaktan,” matigas niyang wika habang nakaaro kay Don ang baril.
Gulat na napalingon sila.
“Cupid!” gulat na sambit nina Evan at Avril.
“Inilabas mo na din kung sino ka,” nakangising saad ni Don sabay paling sa gilid upang nakikita sila ng malaya. Salitan nitong itinututok sa kaniya at kay Avril ang baril.
Tumaas ang sulok ng labi niya habang palapit dito. “At least, alam ko na ngayon kung sinong sisingilin ko sa pagkasira ng kotse ko. Bakit nga ba hindi ko naisip na ikaw iyon?”
Mayabang na ngumiti ito. “Mapanlinlang man ang matsing napaglalamangan din.”
“What a pity,” bulong niya haban matiim ang tingin dito.
“Tama na ang walang kwentang usapang ito. Wag ka nang makialam at labas ka rito. Hindi ka naman totoong girlfriend ni Allen.”
Ikiniling niya ang leeg. “Hindi pa sa ngayon pero malay mo naman,” matapang na aniya.
“Kung mabubuhay ka pa!” sigaw nito at pinaputukan siya.
Sa isang kisapmata ay nagawa niyang tumalon at gumulong para makaiwas. Pinaputukan niya ito pero mabilis itong nakapagtago.
“Magtago kayo,”utos niya kina Evan at Avril na tatakbo na sana patungo sa hagdanan. Ngunit dahil mas malapit dito si Don ay nahablot nito sa Avril at naitulak nito si Evan na napaupo sa sahig.
“Subukan mong gumalaw at sabog ang utak nito.”
Lumabas siya sa pinagtataguan. “Duwag lang ang nagtatago sa likuran ng babae.”
“Duwag na kung duwag pero mas mahalaga sa akin ang kinabukasan ng anak ko.”
“At sa palagay mo ay natutuwa si Evan sa ginagawa mo? Sa palagay mo ba ay magiging proud siya na ang ama niya na sa halip buhayin siya sa marangal na paraan ay ganiyan ang ginagawa? Naninira ng buhay ng iba!”
“Manahimik ka! Wala kang alam!”
“Siguro nga pero sapat nang kaalaman na tinanggap nina Allen at Madam Elena si Evan na parang kapamilya, binihisan at binigyan ng magandang kinabukasan pero sinisira ng kaniyang sariling ama!”
Ang kaninang galit na nakikita ni Cupid kay Don ay mas nag-alab. “Sinabi nang manahimik ka!” Galit nitong bulyaw at walang habas na nagpaputok. Maagap na kumilos siya. Naiwasan niya ang ilang bala pero may naramdaman siyang sumigid na init at sakit sa may tiyan. Ininda niya iyon at paupong nagtago sa isang mesa.
“Tama na, itay!” sigaw ni Evan at walang sabi-sabing dinaluhong ang ama. Nabitawan nito si Avril na kaagad tumakbo pababa ng hagdan. Paglabas ni Cupid ay nag-aagawan ang mag-ama sa baril. Sinamantala niya iyon at inasinta ang binti ni Don. Napaigik ito at bumagsak sa sahig.
“Sorry, Evan.” Nanghihinang aniya habang ang baril ay nakaaro kay Don at ang isang kamay ay nakahawak sa bewang. Umaagos doon ang masaganang dugo.
Nakuha ni Evan ang baril mula sa ama. “Hindi! Tama na, itay. Mali ang lahat ng ito.”
“Gusto ko lang magkaroon ka ng magandang kinabukasan, Evan.”
“Masaya ako sa pamilyang ito. Aanhin ko ang napakaraming salapi kung wala ang pamilya ko… kung wala ka… ”
Sa sinabi ng anak ay humahagulhol na napalugmok si Don. Humakbang siya palapit sa mag-ama. Kinuha niya ang baril sa nanginginig na si Evan.
“Enlighten him,”nanghihinang aniya. Napasandal siya sa railings. Pakiramdam niya ay gumegewang ang mundo niya nang pumailanlang ang tinig ni Allen. “Cupid!”
Ngumiti siya. Mukhang nagdedeliryo na siya at naririnig niya ang tinig nito. Pero at least, natupad niya ang pangako niya ditong malalaman nila kung sino ang nasa likod ng lahat ng gulo. Hindi na ito masasaktan o kahit si Madam Elena at Avril.
“Heck, Cupid! Why you didn’t wait for me?” nag-aalala ang tinig ni Allen habang buhat ang nanghihina na si Cupid. “Kahit kailan ang tigas ng ulo mo!” Naranasan na ni Allen na matakot para sa buhay ng mga mahal sa buhay pero iba talaga ang ipinaparamdam ni Cupid sa kaniya.
“Y-you’re safe now,” pautal-utal na usal nito habang itinataas ang duguang kamay.
“Keep quiet. Maliligtas ka. Hindi mo ako pwedeng iwan!” sunod-sunod niyang sigaw habang isinasakay ito sa kotse. Walang naging tugon si Cupid kundi isang ngiti. “Don’t smile at me, dear. I can’t bear to lose you.” Pero wala na siyang nakuhang reaksyon mula kay Cupid.
Dala ang magkahalong galit, takot at pag-aalala, humahaigibis na pinatakbo niya ang kotse.