"Wow! I have never seen a pink horse before!" Pumapalakpak na usal ng kapatid ko. "Kuya, let's go and feed the horse!"
Wala akong nagawa nang hatakin niya ako palapit sa mga kabayo. Tuwang-tuwa siya sa mga ito lalo na at iba-iba ang mga kulay. Gustong-gusto ko sanang lapitan iyong malaki at kulay puti kaso, ayaw ni Kelly dahil natatakot siya. Mas pinipili niyang lapitan ang mga maliliit na hayop.
Nagpakuha rin kami ng litrato sa isang asong malaki na nakaupo sa bench. Sobrang haba ng fur nito at mukhang malambot. Hindi ko alam kung malambot nga dahil hindi ko naman hinawakan sa sobrang takot na kagatin ako kahit na sinabi naman ng bantay na mabait ang aso. Ang hirap kaya magtiwala ngayon, 'no. Hindi mo alam kailan ka tatrayduhin ng isang tao o maging hayop kaya kailangan maging maingat at mapagmatyag.
"Kumain na muna tayo bago magpunta sa Mines View, okay?" Hawak kamay kami ni Kelly habang naglalakad pabalik sa sasakyan.
Buong hapon namin ay iginugol namin sa paglilibot at pagkuha ng mga litrato. Gabi na nang makarating kami sa bahay at agad na akong nakatulog. Hindi ko na nga nakuhang maligo pa at nakatulog na agad nang hindi nakakapagbihis sa sobrang pagod.
Maaga akong nagising kinabukasan at agad na naligo. Baka kung patatagalin ko pa ay mangati ako ng bongga. Pagkatapos magbihis ay kinuha ko ang iba't ibang platic kung saan nakalagay ang mga pinabili ko kina Mama kahapon. Bumili ako ng keychains para ibigay kina Liana kasama na ang dalawang ate niya at t-shirts naman na may malaking sulat na Baguio anh ibinili ko para sa parents niya.
Pinagsama-sama ko ang mga iyon sa isang magandang paperbag na kulay pink at saka binitbit pababa. Hindi ko alam kung gising na si Papa pero sigurado akong gising na si Mama dahil sa amoy na umaalingasaw sa bahay. Amoy ng ginigisang bawang.
"Good morning po." Inilapag ko ang paperbag sa mesa at saka dumiretso na sa kung saan nakalagay ang electric kettle namin para makapagtimpla na ako ng hot chocolate. "Ma, 'yung pinabili ko po palang strawberry jam at peanut brittles?"
"Nasa ref. Pupunta ka ba sa kaibigan mo ngayon?" Tumango lang ako at naupo na sa pwesto matapos maitimpla ang inumin. "Mag paalam ka sa Papa mo. Walang maghahatid sa iyo kung papayagan ka, ayos lang ba iyon?"
"Opo. Mag tatricycle na lang po ako." O aabangan si Aling Carol dahil araw-araw rin namang nagpupunta kina Liana iyon. Hindi ko nga lang alam kung anong oras.
Mag-isa lang akong kumain ng almusal dahil inaantok pa raw si Mama kaya nagpasya siyang bumalik sa pagtulog. Ibinilin niyang isarado ko ang pintuan kung aalis na kahit na sinabi niyang magpaalam muna kay Papa. Mukhang siya na rin naman ang magsasabi kaya naman pagkatapos kong kumain ay hinugasan ko na kaagad ang pinagkainan ko at kinuha ang mga pinamiling pagkain sa ref saka umalis.
Inismiran ako ng kapitbahay naming minsan ng makaaway ni Papa dahil sa sobrang lakas magpatugtog kaya naman inismiran ko rin siya. Hindi naman ako papatalo, ano.
Habang naglalakad ay inililinga-linga ko ang tingin sa paligid para kung makita ko man si Aling Carol ay makasabay ako. Gusto ko sanang sumakay na lang ng tricycle ngunit hindi ako nakahingi ng pambayad kay Mama kanina kaya kung hindi ko man makita si Aling Carol, wala akong choice kundi ang maglakad. Malayo pero wala akong magagawa.
"Psst, ganda naman ng katawan mo, Kuya!" Nagtawanan ang tatlong babae na nakasakay sa isang single na motor habang nakatitig ang dalawa sa lalaking kasabay kong naglalakad.
"G*go." Bulong ng lalaki. Binilisan ko pa ang lakad ko at talagang sinabayan na siya.
Kapansin-pansin naman kasi ang laki ng katawan niya dahil nakasando lang siya at jogging pants na may tatak ng isang kilalang university rito sa amin. "Kuya, masamang magmura." Usal ko saka siya nginitian.
Sa totoo lang, natatakot ako sa kaniya. Mukha siyang lalaking nasasangkot palagi ng gulo. Sobrang dami ng tattoo niya sa katawan at ang mga muscles niya ay malalaki. Si Kuya ay may muscles din pero hindi kasing laki ng sa lalaking ito.
"Masama rin naman ang ginawa nila? Paano kung sa kanila ko sabihin iyon, anong gagawin nila? Ipakulong ako at sabihing binabastos sila? Tapos pag mga lalaki ang nakakaranas ng ganoon, hindi pwedeng magsumbong?"
Dama ko ang sama ng loob niya habang patuloy na nagsasalita. Kailangan ko ng lumiko ng kanto ngunit hindi ako makapagpaalam sa kaniya dahil hindi siya tumitigil. "Mga leche sila. Hindi ba sila naturuan ng golden rule ni Confucius?"
"Uhh, Kuya, saka na lang po natin ituloy ang chikahan. Dito na po ako." Alangan kong usal. Tumango siya at ngumiti saka kumaway sa akin. Kinuha kong sign iyon para mabilis na umalis. Halos takbuhin ko na ang daan para lang makarating agad sa bahay ng kaibigan.
May punto naman ang lalaki. Marami nga ngayon na napaka-judgemental na akala mo walang nagawang mali sa tanang buhay nila. May mga tao ring wagas kung makalait o makabastos sa iba pero kung gagawin sa kanila, ayaw naman nila at nagagalit sila. So, sana nila gustong lumugar ang ibang tao?
"Liana!" Sigaw ko nang matanaw siya sa harapan ng bahay nina Paolo. Kausap niya ang lalaki at naputol lang dahil sa pagtawag ko. Bakas pa ang tawa sa mukha ng dalawa na animo'y nakakatuwa ng sobra ang pinag-uusapan. "May pasalubong ako."
Imbes na dumiretso sa kanila ay huminto ako sa katapat mismo ng bahay nila Liana. Gusto ko sanang lumapit sa kanila kaso, naalala ko pa rin ang kakapalan ng mukha ko noong isang araw.
"Ano iyan? Nag abala ka pa." Inabot ko ang pink na paperbag sa kaibigang nakalapit na. Imbes na sagutin siya ay pinanood ko ang pagpasok ni Paolo sa loob ng bahay nila.
"Ano kaya ang itsura ng loob ng bahay nila?"
"Huh?" Napatalon ako ng bahagya nang magsalita si Liana sa harapan ko. Bakas sa mga mata niya ang pagtataka at pagkalito.
Tinaasan ko siya ng kilay. "Ano?"
"Anong ano eh ikaw itong may sinasabi riyan?"
Huh? Gaya niya ay lito ko na rin siyang tinignan. Wala naman akong sinasabi kanina, ah? Sabay kaming pumasok sa loob ng bahay nila at agad na nagmano nang makita si Tita na nagdidilig habang sa tabi niya ay si Aling Carol na may hawak na sandwich. Sabi ko na magpupunta siya rito, eh. Ngunkt hindi ko inasahan na maaga siyang nagpupunta rito.
"May pasalubong po ako galing Baguio. Nandoon sa hawak na paperbag ni Liana." Usal ko bago nagpaalam para makapasok na sa loob.
Sa labas pa lang ay dinig ko na ang tili ni Ate Kristine at pagpasok ko ay mahigpit na yakap ang isinalubong niya habang hawak sa isang kamay ang peanut brittle. "Salamat, Ron! Paborito ko ang peanut brittle kaya huwag kang magalit kung sosolohin ko ito, huh?"
Ngumiti at tumango ako. Bakit naman ako magagalit gayong ibinigay ko naman talaga iyon para sa kanila? Kung ang isang bagay o pagkain ay ibinigay na sa iyo, tingin ko ay nasa saiyo na ang karapatan sa kung anong gusto mong gawin sa ibinigay sa iyo.
Pagkatapos nilang mag-agawan sa mga dala ko ay nagpasya silang manood ng nakakatawang palabas kaya naman nakisali na rin ako. Tuwang-tuwa ako sa batang lalaki na napakakulit at kung ano-anong kalokohan ang ginagawa niya na nagpapahamak sa mga taong nasa paligid niya.
"Ronald, hawig kayo!" Todo ilag ang ginawa ko para lang hindi tamaan ng mga hampas ni Liana sa braso ko. Kanina pa iyan. Tuwing tumatawa ay may kasamang hampas at kung hindi braso, hita ko naman ang tinatamaan. May pagkakataon pa na pati ang maganda kong mukha, tinamaan niya.
"Ang ganda naman noya kung kamukha ko siya, huh?" Wala ni isa sa kanila ang pumansin sa sinabi ko. Ang kakapal. Pagkatapos ko silang pagdala ng pasalubong ay iignorahin lang nila ang gand ako?
Natapos ang pinapanood namin saktong tanghalian na. Inasahan kong sasabay sa amin si Aling Carol ngunit mag-isa lang ang Mama ni Liana na pumasok sa loob.
Inilapit ko ang sarili sa kaibigan saka ito binulungan. "Si Aling Carol?"
"Baka umuwi. Ganoon iyon minsan, maaga pupunta pero uuwi pagdating ng tanghalian."
Tumango-tango ako. Hindi naman pala sobrang kapal ang mukha ni Aling Carol. May natitira pa naman sigurong kahihiyan kaya ganoon hindi gaya ko na kapag napunta na rito ay hirap ng pilitin ang sarili para sa pag-uwi.
Ipinagpatuloy namin ang panonood ng palabas pagkatapos kumain ngunit dahil boring ang napili nila, tumayo ako at nagpasyang lumabas bitbit ang barbie ni Liana. Pumwesto ako sa hardin nila dahil doon ang malilim. Gaya ng dati, purong bahay-bahay lang ang nilalaro ko hanggang sa samahan na ako ni Liana na bagong ligo.
"Hindi ka maglala-oh? Ano iyang suot mo? Ang pangit."
Isamg malaking itim na t-shirt ang suot niya na tinernohan niya ng malaking jogging pants na kung titignan ng biglaan ay aakalain mong pagmamay-ari ng Papa niya. "Nasaan ba ang damitan mo at ako ang pipili ng susuotin mo?
Nagpaalam kami sa Mama niya na umakyat sa kwarto para manguha ng damit at pinayagan naman kami. Ganoon talaga kapag maganda, agad pinapayagan. Charour sabi ng dinosaur.
Nilapitan ni Liana ang isang plastic na lalagyanan ng damit kaya lumapit na rin ako roon at nagsimulang maghalungkat ng mga susuotin niya. Marami siyang damit na magaganda ngunit sa tuwing may napipili ako, tinatanggihan naman niya.
"Ano ba? Pumayag ka na ako ang pipili ng damit mo tapos ngayon lahat ng napipili ko ay ayaw mo naman?" Inis kong ibinato ang isnag kulay pink na dress sa kama.
"Paano ba naman kasi, purong pang-alis ang pinipili mo eh hindi naman ako aalis!"
Tatlong damit ang itinaas ko sa harapan niya. Isnag kulay blue na bistida, kulay puting t-shirt na tinernohan ko ng shorts, at ang kulay pink na dress na pwedeng suotin kung imbitado ka sa binyag.
"Pinipili mo lang yata ang mga iyan dahil gusto mo silang suotin, eh." Usal niya matapos hablutin ang tshirt at shorts sa kamay ko. Nagkaroon tuloy ako ng idea kaya naman matapos niyang magbihis ay ako naman ang sumunod.
Pinagdiskitahan ko ang mga damit niya at nahuli pa ng Ate Lea niya kaya ang ending, pinagrampa nila ako mula sa itaas pababa ng hagdanan nila. Napuno ng tawanan ang bahay nila at iyon ang nagpalambot ng bongga sa puso ko.
Kaya gustong gusto kong nagpupunta rito, eh. Malaya ako at ramdam ang pagmamahal at pagtanggap nila ng walang alinlangan. Hindi nila ako itinuturing na ibang tao at hindi sila nagagalit kung mas maganda at mas malambot ako sa kanima bagkus ay ikinatutuwa pa nila iyon. Sana si Papa rin ay ganito.
"Make up-an kaya kita?" Ang ideyang iyon ni Ate Lea ay nagparamdam sa akin ng kakaibang excitement. Papayag na sana ako ngunit ang matinis na boses ni Aling Carol ang nangibabaw at halos madapa ako sa hagdanan kakamadali kasabay pa ng matinding pagtulak ni Liana sa akin.
Ngunit syempre, ayon sa nabasa ko, kakambal ng kasiyahan ang kalungkutan. Nagkatinginan kami ni Aling Carol at kapansin-pansin ang pagbaba ng tingin niya mula sa mukha ko hanggang sa suot kong bistidang kulay pink.
"Lagot ako kung magsumbong si Aling Carol, Liana!" Bulong ko habang walang alinlangang hinubad ang damit.
"Tingin ko naman ay hindi ka niya nakita. Maglaro na lang tayo sa ibaba." Tumango ako kaya naman pagkatapos kong magbihis ay dumiretso na ulit kami sa hardin nila kung sana namin iniwan ang barbie at mga robot na laruan.
Nasa labas din sina Aling Carol kasama ang mama ni Liana at isang kapitbahay nilang ngayon ko lang nakita. Panay ang sulyap ko sa kanila at panay ko eing nahuhuli si Aling Carol na nakatingin sa akin. "Huwag mo ng pansinin. Hindi iyan magsusumbong, ako ang bahala. Kakausapin ko si Mama para siya ang kakausap kay Aling Carol."
Sinunod ko ang payo ng kaibigan at inabala na ang sarili sa paglalaro. Nagawa kong ignorahin ang babae at nag enjoy sa paglalaro kasama ang kaibigan. Binihisan kong muli ang mga barbie ay iniba ang ayos ng buhok nila. Maging ang dollhouse ay iniba ko ang ayos.
Hindi gaya nitong nakaraan tuwing pumupunta ako rito, maaga akong umuwi ngayon dahil hindj nakapagpaalam kanina. Pagkatapos amg miryenda ay nagpahatid na ako sa Papa ni Liana na siyang ikinagulat nila ngunit sinunod din ang gusto ko.
Hindi sumama si Liana dahil isinabay lang ako ng Papa niya at didiretso na siya sa pamamasada kaya todo pasalamat ako at hindi na nagpahatid sa mismong tapat ng bahay namin.
Nilakad ko ang pagitan ng pinagbabaan ko ng bahay namin na hindi naman kalayuan. Nang makalapit ay dumagundong ng sobra ang puso ko dahil kasama ni Papa si Aling Carol sa labas ng gate namin.
Nabaling ang atensyon sa akin ng dalawa na siyang nagpakaba sa akin lalo na maging simpleng ngiti at tango ni Aling Carol bilang pagbati ay hindi ko maatim. Pakiramdam ko ay sinasabi niya kay Papa ang mga bagay na ginagawa ko kina Liana.
"Ronaldo, bilisan ang lakad at mainit." Walang alinlangan kong sinunod si Papa at patakbong pumasok sa loob. Kasunod ay ang pagpapaalam ni Aling Carol at pagpapasalamat naman ni Papa. Sana talaga ibang chismis ang sinabi ni Aling Carol kung hindi, hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin.