"Bring me dahon ng bayabas!" Nagkanya-kanya kami ng takbuhan matapos sumigaw ni Liana. Umiwas ako nang magtangka ang isa sa mga kalaro namin na itulak ako. Sinamaan ko siya ng tingin at agad na napatawa ng biglang lumitaw sa harapan niya si Paolo dahilan kung bakit siya nadapa. Buti nga.
Pareho simang tumigil at tinulungan siya ni Paolo na tumayo. Imbes na sayangin ang oras kakatingin sa kanila, mas pinili ko na lang na mag-focus sa pagtakbo palapit sa puno ng bayabas na nasa bakuran ng kapitbahay nina Liana.
Agad akong tumalon at iti ulak ng bahagya ang babaeng maliit na kasali rin sa laro namin saka mabilis na tumakbo pabalik kay Liana hawak ang dahon ng bayabas. Nasalubong ko si Paolo na nakatitig sa hawak ko at doon ko lang napansin na tatlo iyon kaya iniabot ko ang isa sa kaniya.
Para akong nagkapakpak bigla at mabilis na nakaakyat sa malalambot na ulam nang magtama ang kamay namin dahil sa pag-abot niya ng dahon. Pakiramdam ko hihinatayin ako habang nararamdaman ang magaspang niyang kamay. "Salamat." Imbes na sa ulap ako dalhin ng boses niya ay parang nalagpasan pa namin nag mga iyon.
Wala sa sarili akong tumakbo at huminto sa harapan ni Liana na nakasimangot sa akin. "Hindi raw crush..."
"Huh?" Kinunutan ko siya ng noo ngunit pag-iling lang ang isinagot niya. Sabay niyang kinuha ang dahon ko at ang dahon na iniaabot ni Paolo. "Ayoko na, Liana. Uuwi na ako dahil maga-alas sais na yata."
"Alas sais ang curfew mo?" Dama ko ang paninigas bigla ng katawan ko at ang biglaang pagkabog ng puso ko dahil sa pagsasalita ni Paolo na nakatingin sa akin.
Tumango ako nang hindi siya nililingon. Bahala na kung isipin niyang masungit ako o ano. Hindi ko kayang tignan siya. Kung boses nga lang niya para na akong hihimatayin, ano pa kaya mangyayari kung titignan ko siya at magtama ang tingin namin?
"Minsan wala siyang curfew pero madalas, alas sais kailangan nakauwi na siya. Sama ka? Ihahatid namin siya ni Papa." Pinanlakihan ko ng mata ang kaibigan ngunit inignora niya lang.
Tumawa si Paolo at kitang-kita ko ang pag-iling niya sa gilid ko. Edi don't kung ayaw. Akala mo naman sobrang gwapo kung makatanggi eh ihahatid lang naman ako. Kaasar.
"Hindi ako pwede dahil may mga assignment pa ako na hindi nagagawa at isa pa, walang kasama si Mama at si Kulot."
Ahh, okay, valid reason naman pala. Tumawa ako at saka hinampas ang braso niya. "Ayos lang iyon. Sa susunod mo na lang ako ihatid." Hilaw na ngiti ang iginawad niya at alangang pagtango. Masyado ba akong naging feeling close? "Ah sige na, bye na!" Mabilis kong hinatak si Liana papasok sa gate nila sa sobrang kahihiyan. Siguro nga masyado akong naging feeling close roon base sa reaksiyong ipinakita ni Paolo ngunit sadyang hindi ko lang talaga napigilan.
Iyon ang unang pagkakataon na nakausap ko siya o kinausap niya ako kaya masyado kong ikinagulat iyon. Pasensya naman, ano? Kinabahan lang ng sobra.
"Kumain na muna kayo bago ka umuwi, Ronald." Tumango ako at nakitabi kay Ate Lea sa hapag. Mabilis naman niyang sinalinan ang baso ko ng juice at inabutan ng tinapay. "Maganda 'yung nakikisama kayo sa nga ibang bata riyan sa labas hindi 'yung palaging kayo na lang ni Liana ang naglalaro."
"Boring minsan ng laro nila, 'te. 'Di ko po bet pero kanina, nagustuhan ko ang laro nila kaya nakisali kami." Usal ko bago kumagat sa tinapay.
"Crush niya yata si Paolo, 'te." Nanlaki ang mga mata ko at napatingin kay Aling Carol na nakaupo sa tapat ko. Gaya ko, nanlalaki rin ang mga mata niyang natural namang malaki at laglag pa ang panga niya. Gulat na gulat, 'te gayong ako itong ibinuking?
"Naku, hindi ah! Nagi-imbento lang 'yang si Liana!" Nagpatuloy sila sa pang-aasar sa akin hanggang sa matapos ang kainan. Ayos lang sana ang pang-aasar ngunit ang nagpakaba sa akin ay ang mga titig ng reyna ng mga chismosa na si Aling Carol lalo na't alam na alam kong nakakarating siya sa amin at miminsang nakakausap si Papa. Baka mamaya, siya pa ang magbuking sa kagandahang taglay ko.
Sumabay si Aling Carol sa amin. Magkatabi kami ni Liana sa loob habang siya ay nasa likuran ng Papa ni Liana. "Si Aling Carol, narinig niya na inaasar mo ako kay Paolo. Baka manaya magsumbong siya kay Papa." Usal ko anng hindi tinitignan ang kaibigan.
Hindi naman sa galit ako pero nag-aalala at napapangunahan ako ng takot ko kay Papa. Iba magalit si Papa at alam kong oras na malaman niyang malambot pa ako sa kapatid kong si Kelly, hindi ko alam kung anong mangyayari sa akin.
"Bakit? Hindi ba alam ng Papa mo?"
Umiling ako at bahagyang ngumiti para hindi siya mag-alala. "Hindi. Lahat ng kasama ko sa bahay, hindi nila alam kasi magagalit sila. Kaya sa school, sinusulit ko ang oras para makakilos ayon sa ganda ko pero oras na makauwi ako sa bahay, ang kilos ko, lalaking-lalaki para hindi ako mapalo ni Papa."
Tumango siya at ngumiti. Kapansin-pansin ang awa sa mga mata niya na pinaka-ayokong nakikita sa lahat ng emosyong nararamdaman ng isang tao. Ayaw na ayaw kong kinakaawaan ako dahil lang hindi ko mailabas sa bahay ang totoong pagkatao ko. Ayokong kinakaawaan ako dahil hindi naman ako kawawa.
"Daanan mo ako bukas bago pumasok, ah? Sabay tayo." Tinanguan ko si Liana at niyakap bago bumaba ng tricycle nila. Nagpasalamat ako sa Papa niya saka sinulyapan si Aling Carol na balak pa yatang magpahatid hanggang sa bahay nila. Pinanood ko ang pag-alis nila bago patakbong pumasok sa loob.
Dinatnan ko ang pamilya ko na masayang nagtatawanan habang nanonood ng pelikulang pambata. Kalong ni Papa si Kelly habang nasa pang-isahang sofa naman si Kuya. Si Mama ay nakaupo sa tabi nina Papa at Kelly habang hawak-hawak ang paboritong miryenda ng bunsong kapatid ko.
Sa sobrang saya nila ay hindi man lang nila napansin na nandito na ako. Gusto kong sumigaw o gumawa ng ingay para mapansin nila ngunit ayokong sirain ang tuwa ng kapatid ko. At isa pa, alam ko naman na wala lang sa kanila kung nandito na ako o wala pa. Nagawa nga nilang manood ng movie ng sama-sama at hindi man lang ako naalala.
Tahimik akong umakyat sa kwarto. Hindi nawala sa pandinig ko ang malalkas nilang tawanan lalo na ng bunso kong kapatid hanggang sa maisara ko na ang pintuan ng kwarto ko. "Hindi naman masakit. Medyo nakakainggit lang..." bulong ko habang isa-isang inaalis ang butones ng damit ko.
Nakatulog kaagad ako pagkatapos maligo kaya naman kinabukasan ay maaga akong nagising. Mas maaga pa kaysa sa tunog ng alarm clock ko. Agad akong naligo at nag-ayos saka bumaba na para sa almusal. Balak ko sana na kina Liana na lang kumakin kaso, nakakahiya dahil palagi na lang akong nakikikain doon. Bawas hiya kung magpapalipas muna ako ng ilang araw bago makikain ulit doon. Baka isipin nila, gaya ako ni Aling Carol na nakikikain doon, ang kaibahan lang, naglalaro o nag-aaral ako kasama si Liana at hindi chumi-chismis gaya ni Aling Carol.
"Anong oras ka nakauwi kagabi? Hindi ka namin napansin." Sinulyapan ako ni Mama na abalang nagluluto ng sinangag na may itlog at hotdog.
"Mga bandang six thirty or seven po siguro iyon." Usal ko nang hindi inaalis ang tingin sa elecrric kettle namin. Nang tumunog ay agad kong isinalin ang mainit na tubig sa paborito kong tasa na may chocolate para makagawa ako ng hot chocolate.
"Good morning!" Sigaw ni Kelly na gaya ko ay nakauniporme na rin. Ang aga namang masigla ng batang ito. Halatang sagana sa pagmamahal hindi gaya ko. Charoar. "Oh? I thought you didn't slept here! Did you know that we watched a fantastic and funny movie last night?" Nagpatuloy siya sa masayang pagkukwento ng mga ginawa nila kagabi.
Kung hindi lang ito bata, baka sinupalpal ko na. Masyadong insensitive at hindi man lang napapansin na naiinggit na ako ng sobra dahil sa pagmamahal na natatanggap niya mula sa magulang namin, lalo na kay Papa. Kairita.
"Papa farted so loud because he was laughing nonstop!" Napalingon kami nang mangibabaw ang tawa ni Papa na pababa na sa hagdan. Sabay kaming tumayo ng kapatid ko nang makalapit na siya sa amin at naupo lang nang maupo na siya. Isa ito sa mga kinasanayan namin na kine-question ko na ngayon. Hindi naman kami royal pero kung makaasta tuwing nandiyan si papa, malala pa sa mga royal family.
Nagpatuloy ang pag-uusap nila patungkol sa pinanood nila kagabi na hindi ko naman alam kaya hindi ako maka-relate sa mga sinasabi nila. Laking tuwa ko nang mag-aya na si Kuya para ihatid kami. Nagpababa ako sa bahay nila Liana dahil ayokong maglakad pa kung sa convenience store ako magpapababa.
"Good morning!" Sigaw ni Ate Kristine na saktong palabas ng gate. Napatingin siya sa kuya ko na hindi pa umaalis. "Kapatid mo?"
"Opo, 'te. Kuya, si Ate Kristine, kapatid po ng kaibigan ko. Ate Kristine, kuya ko po." Akala ko ay magkakamayan sila dahil ganoong ang turo ng teacher namin sa school ngunit nagtanguan lang sila saka nagpaalam na ang Kuya ko na umalis.
"Gwapo ng kapatid mo, huh?" Sabay naming pinagmasdan ni Ate ang paglayo ng mga kapatid ko sakay ng motor ni Kuya. "May girlfriend 'yun?"
Umiling ako. "Pero aalis siya, papasok po ng PMA." Tumango lamang siya at ilang sandaling natahimik bago nagpasyang magpaalam na.
Pumasok ako sa loob at doon dinatnan si Liana na kumakain pa lang. Ito ang unang pagkakataon na tinanggihan ko ang pagkain nila kahit na takam na takam ako dahil masarap magluto ang pamilya ni Liana.
Pagdating sa school ay agad kong inasikaso ang mga tanim kong pechay at mani. Nakakatuwa na nagsisimula ng gumanda ang mga mani ko gaya ng sa mga kaklase ko. Tingin ko, epektibo naman ang sinasabi nina Gina na kausapin ko dahil simula nang gawin ko ang technique na iyon, doon sila nagsimulang tumubo ng maganda.
Nagtulungan kami ni Liana sa pagbubuhat ng timba para sa pagdidilig ng mga tanim namin. Inuna namin ang sa akin at pagkatapos ay ang sa kaniya naman. "Hindi ba't malalaki na ang pechay mo noon?" Usal ko nang mapansing may iilang pechay na maliit.
"Oo. 'Yang maliliit, bagong tanim iyan. Hindi ba't sinira mo ang mga dati kong tanim?"
"Ganoon ba?" Tumawa ako. "Maupo ka na lang diyan, Liana. Ako na ang bahalang mag-igib." Mabilis akong tumakbo palayo. Nakakahiya na dahil sa akin kaya kinailangan niyang magtanim ulit ng mga pechay kaya naman kahit hirap, pinilit kong buhating mag-isa ang timba na puno ng tubig.
Tumigil lang kami sa pag-aayos ng garden nang dumating na ang unang teacher namin para sa araw na iyon. Hindi ko alam pero ganado akong nakinig at nakikisali pa sa pagsagot sa board tuwing nagtatawag ang teacher namin kaya naman nang mag lunch break, sobrang ngawin ang likuran at kamay ko sa kakasulat at upo.
"Laro tayo, Ronaldo! Model ulit kayo!" Mabilis akong sumunod kina Gina sa pag-akyat sa stage. "Gaya lang ng dati, ah? Model kayo, ako ang boss."
"Dapat walang boss. Ikaw na lang magpapakilala sa amin." Anang isang kaklas namin na matangkad ngunit hindi kagandahan pero papasa naman bilang modelo. Sadyang nangingibabaw lang ang ganda ko.
"Oh, sige, sige. Una si Ronaldo."
Pumila kami sa bandang dulo ng stage habang si Gina ay nasa harapan, katabi si Liana na tahimik na nanonood. Nakatayo ako sa pinakagitna at nakapamaywang, handa ng lumakad at magpasabog ng ganda.
"Candidaye number one, Ronaldo Alberto!"
Ngumiti ako at nagsimulang lumakad habang ikinekembot ang puwitan. Inuna ko ang pag-pose sa gitna ng stage nang mabaling ang tingin ko sa sumesenyas na si Liana. Itinuro niya ang gate kaya naman ibinaling ko nag tingin doon habang malantong na lumalakad papunta sa kaliwang bahagi ng stage at agad na binago ang estilo ng paglalakad nang matanaw ko si Kuya na naglalakad papasok sa school.
Malakas na nagtawanan ang mga kaklase ko dahil sa biglaang pagbago ng paglalakad ko, mula sa malambot at makembot na puwet hanggang sa matigas at lalaking-lalaking kilos.
"Ayoko na. Boring." Usal ko saka mabilis na naglakad pababa. Hindi naman sila nagalit sa ginawa ko. Sinalubong ako ng kaibigan at sabay kaming lumapit kay Kuya na nakatingin sa mga kaklase kong patuloy na rumarampa sa stage. "Ano pong ginagawa mo rito?"
"Sinusundo kayo. Nasa labas sina Papa, aalis tayo."
Hindi nga ako pumasok sa mga panghapong klase nang araw na iyon dahil sa biglaang pag-alis ng kapatid ko. Kinailangan namin siyang ihatid sa Baguio kaya naman ibinilin ko kay Liana na turuan ako sa mga araling hindi ko mapapasukan.
Malayo ang byahe at pahinto-hinto dahil sa iilang traffic na nadadaanan namin. Walnag tigil sa pagbilin si Mama ng kung ano-ano sa kapatid kong mukhang natatae na hindi mapaliwanag. Gusto ko sana siyang asarin ngunit hindi ko magawa dahil baka ako pa ang mapagalitan kaya idinaan ko na lang sa tulog ang pagkainip.
Nagising na lang ako dahil sa ingay ng plastic ng mga pagkain nila. "Kain ka na." Kinuha ko ang sandwich na iniabot ni Mama sa akin at ang nakaboteng juice na tingin ko ay isinalin lang nila.
Hindi nagtagal ay nakarating na kami sa.lugar kung saan ihahatid si Kuya. Naging emosiyonal si Kelly ngunit agad ding napatahan dahil pinangakuan siya ng Kuya na ibibili ng kahit anong laruan na gusto niya.
"Ikaw Ronaldo, galingan mo sa pag-aaral para pagdatingng tamang panahon, makapasok ka rin sa academy na ito, naiintindihan mo?" Kakaibang pressure ang ibinigay sa akin ng mga matang nakatitig sa akin ngayon at naghihintay ng sagot kaya naman tumango na lang ako. "Gayahin mo ang kuya mo, lalaking-lalaki. Huwag kang tumulad sa mga lalaki riyan na umaastang babae at hindi maganda iyon. Isa iyong kasalanan."
Parang mga kutsilyo ang mga salita ni Papa na dumidiretso sa puso ko at nag-iiwan ng kakaibang sakit. Alam ko na noon pa na hindi tanggap ni Papa ang mga gaya ko ngunit hindi ko lubos akalain na ganito ang pananaw niya. Masyado siyang mapangmata at akala mo alam lahat ng bagay sa mundo.
Masyado siyang naka-focus sa babae at lalaking kasarian na umabot na sa puntong maging sarili niyang anak ay natatakot ng maglabas ng totoong saloobin.
"Makasalanan ang mga taong ganoon kaya huwag na huwag ninyong gagayahin lalong lalo ka na, Ronaldo. Napapansin ko nitong nakaraan na masyado kang mahinhin kumilos at hindi naaayon sa p*********i mo. Ayus-ayusin mo ang buhay mo, naiintindihan mo?" Yumuko ako at tahimik na tumango.
"But being gay is not a sin, daddy. I always see gays at our school and I see them always smile and laugh." Anang Kelly na hindi maidiretso ang salita dahil sa pagkaing nasa bibig.
"You're still a baby kaya hindi mo pa maiintindihan for now, huh?" Hinaplos ni Papa ang buhok ng kapatid saka ibinaling ulit sa akin ang tingin. Akala ko ay magpapatuloy ang mga salita niya ngunit mabuti na lang ay nagpaalam si Kuya kaya naagaw niya ang atensyon ng tatay namin.
Aayusin ko ang buhay ko, Pa. Pangako iyon ngunit pasensiya na, hindi ko magagawa ang buhay na gusto mo pero susundin ko ang puso ko at tutuparin ang mga pangarap ko. Sana lang, balang araw, mabago ko ang pananaw mo para mapalaya ko na rin ang sarili kong maagang nakulong at nagtago dahil sa sobrang takot.