"Doon ka kaya muna sa amin? Hindi pa man naghihilom 'yang mga pasa mo, may bago na naman? Araw-araw na iyan, ah?" Umiling lang ako. "Ayaw mo sa amin?"
Kung pwede nga lang, kahit hindi sabihin ni Liana, baka ako pa ang kusang pumunta sa kanila dahil doon, malaya kong nagagawa ang mga gusto ko. Sa kanila, malaya kong nailalabas kung ano ang nararamdaman ko ng walang natatanggap na panghuhusga.
"Pagpaalam kaya kita sa Papa mo? Kunwari, may project tayo sa science at mahirap gawin kaya kailangang mag sleep over? Ano sa tingin mo?"
Kinuha ko ang maliit na cream sa kamay niya na siyang ginagamit kong pampahid sa mga sugat at pasa ko. "Sa tingin ko, isa iyang masamang ideya. Lalo lang akong mapapahamak at madadamay ka pa. Edi mas nahirapan ako?"
She didn't move and just stared at me like I am some sort of puzzle she cannot solve. Dumating na lang ang teacher namin para sa unang subject ay wala pa rin siyang imik. Hinayaan ko na lang dahil stress na nga ako sa beauty kong nasira na, dadagdag pa ang katahimikan niya? Charoar.
Napansin ng guro ang mga pasa ko ngunit dahil mas pinili kong manahimik, hinayaan na lang din niya ako. Hindi ba't ganoon naman dapat? Kung ayaw magsalota ng isang tao, hindi dapat natin sila pinipilit, hindi ba? Kaya naman nang dumating ang break time at hindi pa rin umiimik si Liana, nagpasya akong puntahan na lang ang mga tanim ko.
Simula bukas ay inaasahan ng guro namin na may ma-harvest na kami sa mga pechay ngunit ang akin ay tingi ko, hindi pa pwede. Hindi ko sigurado pero base sa itsura ng mga pechay ng ibang kaklase ko, masyado pang maliit ang akin. Kumbaga ay masyado pang bata ang mga pechay ko hindi gaya ng sa iba na malalaki at pwede ng anihin.
"Paano kung si Papa ang utusan kong magpaalam para sa iyo? Kilala naman na ng papa mo ang papa ko, hindi ba?" Huminga ako ng malalim at matamang tinitigan ang kaibigang halos matulala sa harapan ko.
Naiintindihan ko na gusto niya akong tulungan at gusto niyang matapos na ang pambubugbog ni papa pero ang mga ideya niya ay lalo lang magpapagalit sa papa ko.
"Liana, ayos lang ako. Nawala lang ang bonggang ganda ko, todo alala ka na? Tandaan mo na kahit buhusan pa ako ng asido, hindi papatalo ang gandang natural ko, okay?"
Tumango siya at hindi na ulit nagsalita. Hindi ko alam kung titigil na ba talaga siya o nag-iisip lang siya ng bagong ideya kung paano ako maiaalis sa bahay kaya siya tahimik pero sana, sadyang pinili na lang niyang manahimik para naman hindi na rin ako mag-alala.
Kanselado ang panghapong klase dahil sa biglaang meeting ng mga guro kaya naman masaya ang halos lahat ng mga estudyante. Habang naglalakad pauwi ay may nakasalubong akong tatlong magbabarkada. Dalawa sa kanila ay mga lalaki at ang isa, babae...yata. Base sa damit ng babae na malaking shorts at t-shirts, sigang lakad, isang agaw pansin na telang headband na nasa noo niya, masasabi kong babae man siya ngunit ang puso niya ay sisiga-siga.
Bahagya ko silang ginawaran ng maganda kong ngiti nang mapansing hindi naaalis sa akin ng tingin nila. Aaminin ko, nakakaramdam ako ng kaba kaya imbes na dumiretso sa paglalakad, nagpasya akong maupo na lang muna sa isang bench na nasa gilid ng maliit na parkeng nadaanan ko. Bahagi ito ng isang maliit na grocery store ngunit kakaunti lang ang taong nandirito. Ang alam ko, ginagawa itong pahingahan o 'di kaya ay waiting area ng store.
"G*go, masyado pang bata. Huwag na." Malakas na usal ng babae habang hinahatak ang isa sa mga lalaking kasamahan niya. "Uy, gags! Ano ba?" Hinatak niya ang itim na tshirt noong lalaki ngunit malakas lang siya nitong itinulak dahilan kung bakit napaatras ang babae.
Luminga ako sa paligid at mabilis na tumayo nang mapansing sa akin nakatingin ang lalaki. Ano bang problema ng mga ito? Kahit masakit ang katawan ay pinilit ko na lang tumakbo palayo sa tatlong iyon. Ano ba kasing trip nila?
Lumiko ako sa kanto namin. Sising-sisi ako na naglakad ako. Sana pala, hinintay ko na lang si Papa na sunduin ako kahit buong hapon ako sa school kaysa naman ito, para akong tanga na tinatakasan ang tatlong taong iyon na hanggang ngayon ay nakasunod sa akin. Nangunguna sa kanila 'yung lalaking naka itim na t-shirt habang pilit naman siyang hinahatak at binabawalan noong babae.
Sinulyapan ko sila at nagtama ang tingin namin ng isa panglalaki na naka-pink. Wala siyang imik at sumusunod lang sa mga kaibigan niya kaya hindi ko alam kung matatakot ako sa kaniya o ano.
"Hoy, bakla!" Ano raw? Hinarap ko sila ngunit hindi ako tanga para tumigil sa pagtakbo kahit patalikod. "Sabi ko na nga ba! Ikaw nga 'yung kinukwento ni Mama!"
Nabaling ang atensyon mo sa baba ng hatakin niya ito. Nagtama ang tingin namin at taliwas sa kunot na noo ko at itsurang nagtataka, siya ay nagpakita ng bahagyang ngiti at paumanhin. "G*go ka talaga! Pati ba bata papatulan mo?" Usal niya sa kasama.
"Tang*na hindi ba kayo nandidiri sa bakla? Ang bata-bata, masyado ng naimpluwensiyahan ng mikrobyo ang utak!"
Bagsak ang panga ko sa narinig. Bakit ba diring-diri sila sa mga gaya ko? Ano ba ang problema nila sa gender ko? Ano, porke ayaw nila required na akong baguhin ang sarili ko kahit na ayaw ko naman? Kailangan ba na kung anong gusto ng society eh 'yun na ang masunod? Bakit pa nagkaroon ng kanya-kanyang buhay kung kokontrolin lang di naman pala nila?
"Anong ibig mong sabihin? Galit ka sa bakla? Para mo na ring sinabi na galit ka sa akin, Kuya!"
Tumigil ako sa paggalaw at pinanood ang dalawa na magsigawan sa gitna ng kalsada. Nasulyapan ko pa ang kasama nila na dahan-dahang gumilid at umupo sa gutter saka nakasalumbabang pinanood ang dalawa. Hindi ba niya pipigilan ang mga iyon?
"Bakit ikaw? Hindi ka naman bakla, ah? Siya ang tinutukoy ko!" Napatalon ako nang lahat sila ay sabay-sabay na nilingon ako. Tinitigan ko ang lalaking nakaitim at sinuklian niya iyon ng isang nandidiring tingin. "Tang*nang mukha 'yan."
Tang*nang ugali 'yan. Sorry sa pagmumura pero nakakainis na siya. "Kuya, pwede ba? Tomboy ako at dama ko kung anong mararamdaman ng mga baklang gaya niya sa tuwing hinuhusgahan siya ng mga tao! Sa tuwing pinipilit na magbago at sinasabihang kasalanan ang maging ganito! Ang batang 'yan, hindi niya dapat maramdaman ang sakit na iyon, Kuya. Ayoko dahil simula nokng ganiyang edad ako, iyon na ang pinaparamdam ng iba sa akin at mahirap iyon!"
Suminghap ako habang pilit na pinipigilan ang mga luhang nagbabadyang tumakas sa mata ko. Bakit ba hindi pa ako umalis? Nagpatuloy ang pagsisigawan nila hanggang sa unti-unti iyong humina habang lumalayo ang nalalakad ko.
Sapul na sapul ako sa sinabi ng babae. Pakiramdam ko nakahanap ako ng kakampi sa mundong puno ng mamamatay tao ngunit agad din kaming nagkahiwalay at kinailangang lumaban mag-isa. Gusto ko sana siyang kausapin ngunit alam kong iiyak lang ako kung marinig ko pa ang mga susunod niyang sasabihin.
Nanlulumo kong itinulak ang gate namin at walang ganang naglakad papasok sa bahay. Tahimik ang sala at ang maliliit na tawanan ang naririnig ko na nanggagaling sa itaas. Tingin ko ay nandoon sila Mama kaya naman nagpasya na lang ako na dumiretso sa kwarto ko. Nagbihis ako at muling bumaba bitbit ang mga notebook ko kung saan isinulat ang mga take home activities namin.
Iniwan ko ang mga iyon sa sala bago ako dumiretso sa kusina saka nagtimpla ng juice. Gumawa na rin ako ng tinapay para kung sakaling makaramdam ako ng matinding gutom ay hindi ko na kailangan pang tumayo.
"Ronaldo?" Tiningala ko ang hagdanan kung saan dahan-dahang bumababa si Mama. "Kanina ka pa?"
Umiling ako saka naglakad palapit sa sala bitbit ang mga pagkaing kinuha. "Halos kadarating ko lang po..."
Napalingon ako sa likuran niya kung saan nandoon si Papa na masama agad ang timpla ng mukha. Iniiwas ko ang tingin ko saka nag-focus na lang sa pag-aaral. Ngayon ko na-realize na pagkakataon ko na sana ang araw na ito para pumuslit at magpunta kina Liana kaso hindi ko ginawa. Sayang.
Ang inasahan kong pang iistorbo ni Papa ay hindi dumating. Tahimik lang silang nanood ni Mama ng tv habang ako ay abala sa pag-aaral. Gusto ko sanang tanungin sila kung nasaan ang bunsong kapatid ko na hindi pumasok sa araw na ito ngunit hirap akong mahanap ang lakas ng loob ko. Masyadong nakakatakot basagin ang katahimikan nila.
"Opo, mahirap maging bakla at nang malaman iyon ng pamilya ko, nahirapan sila sa pagta-" ibinato ni papa ang remote matapos patayin ang tv. Kamuntikan pang matamaan ang basong may lamang juice kaya naman gulat akong napalingon sa kaniya.
"Pati ba naman sa tv, ganoon ang makikita ko? Napakamalas. May bakla na nga rito sa pamamahay ko tapos iyon pa ang mapapanood ko? Tang*na!"
Mabilis kong inialis ang tingin sa kaniya at pinilit na ituon ang atensyon sa ginagawang pag-aaral ngunit matindi ang pagkagulat ko nang isang kulay orange na likido ang bumuhos sa mga papel ko. Nanlalaking mga mata ang itinuon ko sa papa ko na patuloy na binubuhusan ng juice ang mga gamit ko.
"Pa!" Sigaw ko at mabilis na hinatak palayo ang mga gamit.
"Ano? Sinisigawan mo na ako? Bastos kang bata ka!"
Hindi ko alam kung anong kasalanan ang nagawa ko sa past life ko para maranasan ito ngayon. Kung sana lang ay may makita akong fairy godmother ay hihilingin kong gawin na lang akong lalaki nang sa ganon ay hindi ko maranasan ang ganito.
Ramdam ko ang hapdi sa bawat parte ng katawan ko tuwing dumadapo roon ang mabibigat at mapwersang kamay ni Papa. Kasabay ng paghagulgol ko ay ang mga sigaw niya patungkol sa kung gaanong kalaking kasalanan ang maging gaya ko, na hinding-hindi niya matatanggap na magkaroon ng anak na bakla.
Sa mga nanlalabo at puno ng luhang mga mata ko pinagmamasdan ang nanay kong tangin panonood lang ang nagagawa. Hindi ko maintindihan sa kung paano nila nagagawang pahirapan ako ng ganito? Sana man lang ay kinonsidera nila ang murang edad at katawan ko. Na sana, inisip nila na anak nila ako, dugo at laman nila ngunit hindi. Paano bang naging kasalanan ang maging gaya ko? Hindi naman ako nagnakaw, hindi naman ako nang apak ng ibang tao pero paano nila nasasabing isang malaking kasalanan ang maging baklang gaya ko?
Maaga akong inihatid ni Papa sa paaralan kinabukasan. Mugto pa nga ang mga mata ko at hirap sa paglalakad dahil sa hapdi at sakit ng katawan ngunit gustuhin ko mang lumiban muna sa klase, hindi ko magawa. Ikaw ba namamg sapilitang gisingin at paliguin ng napakaaga, paano pa magkakaroon ng pagkakataon para lumiban sa klase, hindi ba?
"Bilisan mo. Nakakahiya ka. Ayusin mo ang kilos mo at ayokong malaman ng iba na may anak akong bakla!" Gigil na bulong ni Papa.
Sa hapon ay sinusundo niya ako at agad ding ipinapapasok sa bahay dahil sa parehong dahilan. Ayaw niyang nakikita siya ng iba na kasama ako kahit na alam ko at alam niyang alam ng lahat na anak niya ako.
Araw-araw na ganoon ang set up namin. Gigisingin niya ako ng napakaaga para maihatid agad sa paaralan, susunduin tuwing hapon at hindi pinapayagang lumabas. Minsan ay trip pa niyang murahin at paluin ako lalo na tuwing naririnig niya ang salitang 'bakla'. May mga pagkakataon pa ba maging ang pagkain ko ay pinakikielaman na niya.
Mahirap. Madalas ko ng maisip na sana, ipinahid na lang ako sa kumot noong sperm cell pa ako ngunit wala na akong magagawa. Malaki na ako at hindi na pwedeng ipahid sa kumot kaya naman naiisip ko na umalis na lang dito.
Magagalit si Papa, oo pero galit na rin naman siya ngayon, eh. Bakit hindi ko pa sulitin, hindi ba? Ngunit sinong niloko ko? Alam ko sa sarili kong wala akong mapupuntahan at hindi ko kakayaning mamuhay ng mag-isa kaya wala akong ibang choice kundi ang magtiis.
Naging ganoon ang trato ni Papa sa akin hanggang sa makapagtapos ako ng elementary. Hindi nga siya um-attend sa graduation ceremony ko at inasahan ko na iyon. Masakit pero sanayan na lang talaga.
"Siguro naman, mababawasan na ang pambubugbog ng papa mo sa iyo ngayong high school na tayo?" Bakas sa mga mata ni Liana ang pag-aalala habang pareho kaming nakaupo sa room namin at naghihintay na dumating ang teacher namin para sa unang subject.
"Hindi mo sure, friend. Bawat araw na dumadaan ay lumalala ang galit niya sa akin."
Umiling siya at bahagyang inayos ang mahabang bangs ko na tumatakip sa mukha ko. Iniipit niya iyon sa likuran ng tainga ko. "Ikaw naman kasi, binubugbog ka na nga tapos nagbibsitida ka pa sa harapan ng tatay mo. Ginagalit mo ba talaga siya?"
"Hindi ko siya ginagalit, Liana. Galit na siya sa akin at wala na akong magagawa roon kaya ginagaw ako na lang ang kung anong gusto ko. Siya rin naman ang mai-stress sa pagiging galit niya araw-araw sa akin. Kailangan niyang matutunan ang art ng deadma gaya ko." Tumawa siya at umiling. "Nasira niya ang ganda ko noon kaya ngayong highschool na tayo, pangako ko sa sarili ko na hindi ko na hahayaang may sumira pa sa ganda ko. Ang mamahal kaya ng mga gamit pang skin care."