"Shuta ka, gorl? Ako pa talaga ang aakusahan mong magnanakaw?" Sigaw ko habang idinuduro ang babae. Nakataas ang kilay niya at nakapamaywang. Ano ba naman 'tong si Paolo? Mag g-girlfriend na lang, 'yung masama pa ang ugali?
"Bakit?" Masungit niyang usal na sinabayan niya ng isang hakbang palapit sa akin. Naaagaw na namin ang atensiyon ng ilang taong nandito rin sa tuktok ng cross ngunit masyadong nangingibabaw ang inis ko para mahiya pa. "Totoo naman, ah? Ikaw lang ang pinagbantay namin sa bag namin at ipinasok ko lang dito sa bulsa ng bag ko ang hikaw pero bakit wala iyon ngayon dito. Ibig sabihin, ninakaw mo."
Nabaling ang atensyon ko sa kamay ni Paolo na humawak sa waist ng babae. Harap-harapan talaga, eh 'no? "Tama na iyan. Nakakahiya na..."
"Girl, tanga ka? Kung makabintang ka parang nakita mong ninakaw ko nga ang hikaw mo, ah? May ebidensiya ka ba? Buti sana kung totoong ginto ang hikaw mo pero sigurado akong tig-fifty lang iyon sa palengke!"
Nagkatinginan kami ni Paolo at ikinagulat ko ang bahagya niyang pag-iling. "Please?" Bulong pa niya na sinuklian ko rin ng isang matigas na iling. Ano? Porke hinihiling niya na huminto na ako at huwag patulan ang kasintahan niyang puno yata ng hangin ang utak ay susunod na ako dahil lang crush ko siya? No way. Lalaban ako dahila ko ang api rito, 'no. Pwede ko naman siyang maging crush ng hindi hinahayaang apakan ng iba ang dignidad ko!
Nanlaki ang mga mata ko nang biglang may mahabang kuko ang kulang na lang ay bumaon sa ulo ko! Tanging isang mahaba at payat na braso lang ang nakikita ko ngunit kahit ganoon, nagawa ko ring abutin ang buhok ng babae! "At may gana ka pang landiin ang boyfriend ko, huh?",
Girl, boyfriend ko iyan kaso hindi niya alam. "Ano ba? Sasapakin kita bitawan mo buhok ko!" Ginamit ko ang buong pwersa ko para hatakin pa ang buhok niya. Napayuko siya kasunod ng dirksyon kung saan ko hinatak ang kaniyang buhok kasabay ng sigaw niya.
Ramdam ko ang bahagya niyang paglayo ngunit nagpatuloy ako sa ginagawa. Nagawa kong alisin ang pagkakasabunot niya sa akin ngunit isang mahaba at mahapding kalmot ang ibinigay niya sa braso ko dahilan kung bakit napabitaw na rin ako sa kaniya.
Doon ko napansin na yakap-yakap siya ni Paolo at pilit na inilalayo sa akin. Pakiramdam ko ay pinana ng labing dalawang beses ang puso ko habang nakikitang nakayakap ang bebe ko sa bewan ng iba. Charoar. Hindi ko alam kung naiinis ako sa yakap ni Paolo o sa pambibintang ng babaitang impakts niyang girlfriend, eh. Akmang kakalmutin ko rin sana ang babae nang biglang may batang babae sumingit sa pagitan namin.
"Is this your earring? I saw it over there. Maybe he didn't really stole them." Inosente niyang usal.
Nanlalalaki ang mga mata ng girlfriend ni Paolo at laglag ang panga niyang kinuha ang hikaw na iniaabot ng bata. Ikinagulat ko ang biglaan niyang pagkuha sa bag niya at ang mabilis na paglakad paalis.
Nagtama ang tingin namin ni Paolo ngunit agad ding naputol nang bigla na lang din niyang kinuha ang bag niya at sinundan ang girlfriend niyang kinulang yata sa pang-unawa.
"You okay?" Bakas sa mga mata ng batang nakakita ng hikaw ang pag-aalala nang harapin niya ako at hawakan sa hita. Lumuhod ako para maglebel ang tingin namin at nginitian siya.
"I'm fine, thank you."
"My mommy taught me to be honest all the time. I saw the earring over there," nilingon ko ang itinuro niyang sulok. "maybe she accidentally dropped her earring but what she did to you was wrong. She's a bad witch."
"And I'm a good witch?" Pagbibiro ko.
Hindi ko inasahan na tatango siya at sasang-ayon sa akin bago nagpaalam dahil nilapitan na kami ng tingin ko ay Nanay niya. Ayoko sana ng sinabi niyang good witch ako pero sige, dahil good naman, tatanggapin ko na lang kahit na hindi akma ang ganda ko para sa isang witch.
Nagtagal ako ng ilang sandali sa itaas. Kinailangan ko pang pakalmahin ang sarili ko dahil pakiramdam ko ay hihimatayin ako sa inis dahil sa lecheng girlfriend ni Paolo.
Bakit ba ganoong klase ng babae ang pinili niya? Eh kung ako ang ginawa niyang girlfriend niya, hinding-hindi siya mapapahiya at masisiguro ko pang maaalagaan ko siya ng maayos. Ipapadama ko ang walang hanggang pag-ibig ng isnag Ronaldo Alberto Guevarra na kung papalarin ay magiging Ronaldo Alberto Guevarra-Angeles balang araw.
Bago pa ako tuluyang lamunin ng kung ano-anong naiisip kong kahibangan ay nagpasya na ako na bumaba na. Tingin ko naman ay hindi ko na makikita sina Paolo at baka mahatak ko pa siya mapuwi at palayo sa babaing iyon pag nagkataon.
Hindi rin naman nasayang ang pagpunta ko roon dahil ang buong hapon ay ginugol ko sa paglilibot at pagkuha ng litrato kahit na hirap dahil mag-isa. Inggit na inggit ako sa mga may kasama dahil may taga kuha sila ng litrato samantalang ako ay sariling sikap kaya naman hindi gaanong maganda ang mga litrato ko. Mabuti na lang ay maganda talaga ako kays nadadala ng magandang mukha ko ang pangit na kuha sa litrato.
Bumili na rin ako ng pasalubong gaya ng t-shirt na may nakasulat na 'Mount Samat' bago umuwi bilang pasalubong sa pamilya ko at kaibigan. Si Liana ay binilhan ko rin ng pagkain dahil alam kong mas magugustuhan niya iyon kaysa sa t-shirt. Matakaw ang babaeng iyon, eh. Binalak ko rin sanang bilhan sina Ate Kristine kaso, naisip ko na baka hindi ako payagan ni Papa na magpunta roon kaya hindi ko na lang itinuloy ang pagbili. Sa susunod ns lang siguro.
Kaya naman nang may pasok na ulit, sising-sisi ako na hindi ko ibinili ng pasalubong ang mga kapatid ni Liana na itinuturing ko na ring kapatid nang payagan ako ni Papa na doon dumiretso bago pumasok sa school.
"Seryoso, Pa?" Hindi makapaniwalang usal ko nang itanong niya kung bakit hindi na ako nagpupunta kina Liana at sinabihang daanan ko siya ngayon.
"Oo. Kaibigan mo naman iyon kaya dalawin mo. Magkaklase ba kayo?"
Tuwang-tuwa ako nang siya pa mismo ang naghatid sa akin sa bahay ng kaibigan. Mukhang effective ang pagpapanggap ko na may girlfriend ako, huh? Ganoon ba ka-excited si Papa na magkaroon ako ng girlfriend para payagan niya ako sa mga bagay na gusto ko?
"Bye po. Ingat!" Tango ang isinukli si Papa sa magiliw kong pagkaway matapos makababa sa motor. Pinaharurut niya iyon palayo at saka pa lang ako kumatok sa gate nila Liana.
"Ronald!" Nilingon ko ang pamilyar na boses at nakitang si Paolo iyon. Nakausot siya ng school uniform niya at sa kaliwang kamay ay hawak ang kamay ng nakababata niyang kapatid na si Kulot. "Pwede ba tayong mag-usap?"
Tungkol ba ito sa nangyari sa Mount Samat noong sabado? Magso-sorry na ba siya? Ibabalita niya na ba na hiwalay na sila noing inggratang girlfriend niya?
"Ronaldo?" Halos umikot ng three hundred-sixty degrees ang mata ko sa paraan ng pagtawag sa akin ni Liana. "Kanina ka pa riyan? Oh, ikaw pala, Pao."
Nagtanguan sila ni Paolo. Agad kong hinatak si Liana na siyang ikinagulat niya. "Tara na male-late tayo."
Todo reklamo siya habang naglalakad kami at pilit na nagtatanong kung bakit tila iniiwasan ko si Paolo gayong matagal ko siyang hindi nasilayan. Paulit-ulit niyang tinatanong iyon hanggang makarating kami sa school.
Ang kinalabasan ng pagmamadali ko kanina ay masyado kaming maaga at halos kasunod lang namin ang guard na dumating. Takot tuloy kaming pumasok pareho sa school kaya naman nagpagpasyahan namin na tumambay na muna sa labas.
Naupo kami sa harapan ng isang saradong tindahan. Inilabas ko sa bag ko ang pagkain at t-shirt na pasalubong ko sa kaniya saka ko iyon iniabot sa kaniya. "Natuloy ka pala?"
Tumango ako. "Nagpalusot ako kaya ako pinayagan."
Kunot noo niya akong hinarap pagkatapos maipasok sa bag ang t-shirt. Ang pagkain ay binuksan na niya at sinimulang kainin kaya nakihingi na rin ako. "Ano na namang kalokohan ang sinabi mo at napapayag mo ang istrikto mong tatay?"
"Sinabi kong may girlfriend na ako dahil iyon ang gusto niyang marinig."
Natawa ako nang halos mahimatay siya sa pag-ubo. Gulat na gulat sa sinabi ko, sis? Hinagod ko ang likuran niya dahil tingin ko ay nabilaukan nga siya sa kinakain niya dahil sa sinabi ko.
"Gaga! Hindi palusot iyon! Kasinungalingan iyon!"
Nagpatuloy ang pag-uusap namin. Ipinaliwanag ko na kung paanong nangyari ang lahat ng iyon mula sa pagtalon ko sa kwarto, sa panbubugbog ni Papa, hanggang sa masabi ko na na magpapakalalaki ako ay ikinuwento ko na sa kaniya. Bakas sa mukha ng kaibigan ko ang pagkagulat dahil ngayon ko kang ito binaggit sa kaniya ngunit ako ay nagagawa na lang na tawanan ang mga iyon at idaan sa biro.
Hindi naman pwedeng malungkot at masalimuot na nga ang pinagdadaanan ko tapos seryoso ko rin itong haharapin. Kailangan sa buhay ay balanse. Kung malungkot ang pinagdadaanan mo, pilitin mong lagyan ng kulay ang mundo mo sa pamamagitan ng pagbibiro at pakikisalamuha sa mga taong alam mong mapapasaya ka. Hindi pwedeng purong darkness na kang ang bumalot sa atin.
"Pero bakit nga ba parang iniiwasan mo si Paolo? Hindi ba crush mo 'yun?"
"Nakita ko siya sa Mount Samat. Inaway nga ako ng girlfriend at inakusahang magnanakaw. Ayan ang kalmot niya, oh!" Ipinakita ko ang mahabang kalmot na nasa braso ko. Nakita pa nga ito ni Mama kahapon ngunit sinabi ko na lang na hindi ko nakita ang sanga kaya nagalusan.
Inikot-ikot niya ang braso ko habang patuloy na nakatingin sa kalmot. "Bakit hindi ka lumaban?"
"Anong hindi? Tingin mo hindi ko lalabanan iyon lalo na't hindi naman totoo ang sinasabi nung babae? Hindi ako basta-basta nagpapatalo, alam mo iyan. Saka nasa Dambana ng Kagitingan ako kaya ipinakita ko ang tapang ko, 'no!"