“SO in short, walang kuwentuhang nangyari sa inyo ni Carlo?”
“Wala.”
“Aba naman, Anastacia! Bakit?”
“Kung makabakit ka naman diyan!” Inirapan ni Orange ang kaibigan.
“Eh bakit nga kasi? Kaya nga hindi ako sumunod sa fun run ninyo ni Carlo, dahil sinenyasan niya ‘ko. Tapos ngayon ay sasabihin mong hindi kayo nag-usap nang masinsinan. My gosh!”
“Chikki, puwede ba, huwag mo nang ipilit sa akin si Carlo. I don’t like him.”
Namilog ang mga mata ng kaibigan sa narinig. “Sure ka? Hindi mo gusto si Carlo?”
“Hindi.”
“As in?”
“Oo nga. Kulit pala!”
“Okay. Crush ko nga siya eh. Ang guwapo-guwapo niya! Ang mga mata niya, parang laging may gustong sabihin. Ang ilong niya, ang tarik ng bridge, grabe! Ang lips naman, very kissable.”
“Alam mo, iyan ang napapala mo sa pagbabasa ng mga booklet na puro green jokes ang laman! Tingnan mo kung magsalita ka, daig mo pa ang manyak.”
“Grabe ka naman. I’m just telling the truth. Gusto ko si Carlo.”
“Seryoso ka?” Gusto niyang makasiguro sa narinig.
“Naman!”
Umiling siya saka muling tumingin sa kaibigan. “Hindi kayo bagay,” aniya saka muling umiling habang pumapalatak pa.
“Huh? Bakit naman?”
“Ang sagwa ninyong tingnan. Tingnan mo ha, ang puti-puti ni Carlo samantalang ikaw...”
“Sige, laiitin! Laiitin mo ‘ko na parang kay puti mo ha!” agap nito.
“Hindi naman sa ganoon kaya lang, sobrang tangkad din ni Carlo para sa’yo. Hindi bale sana kung tumuntong ka man lang ng five feet, puwede na iyon e four eleven ka lang, hindi ba? And take note, naka-shoes ka pa nang may takong nang tingnan mo ang height mo.”
“Pinanindigan mo talaga ang panlalait, ‘no?”
“Girl, sino pa ba naman ang magiging tapat sa’yo kundi ako? Ako kaya ang Beshie mo?” Bahagya siyang natawa sa puntong iyon.” Of course, it was exaggerated. Kahit sabihin pang may kaliitan si Chikki ay hindi naman ito bababa ng five feet. Gustung-gusto lang talaga niyang asarin ito.
“Beshie kita nang lagay na iyan, ‘no? Buti na lang at Beshie pa kita. Paano na kung hindi?”
Muli siyang natawa.
“Okay, kung hindi ako bagay kay Carlo, sino ang bagay sa kaniya? ‘Yung matataas na babae, ganoon?”
“Oo naman!”
“Yung magaganda rin? Matatangos ang ilong?”
“Of course—”
“So, ikaw iyon?”
Naumid ang dila niya at hindi agad nakasagot.
“Ikaw iyon, hindi ba?” Tumawa ito nang mapakla. “Sasabihin mong hindi mo gusto si Carlo tapos kapag sinabi kong type ko e kokontrahin mo at sasabihing hindi kami bagay. Iyon naman pala e ikaw ang naiisip mong bagay sa kaniya. Husay mo talaga, Anastacia!”
“Wala naman akong sinabi ah!”
“Wala nga pero iyon ang tinutumbok ng mga salita mo.”
She chuckled. “Bahala ka. Basta ako, sinasabi ko lang na hindi kayo bagay. I didn’t say that to insinuate na kami ang bagay dahil—”
“Dahil hindi naman talaga! Ilusyonada!”
Kapwa sila nagulat ni Chikki sa boses na biglang sumabad sa pag-uusap nila. Nang lumingon ay nakita niya ang papalapit na si Marsha.
“ANG kapal ng face mong sabihin na kayo ang bagay ni Carlo ha! May salamin ka ba sa room mo?”
“Hoy Marsha, hindi ka namin kinakausap kaya wala kang karapatang sumabad sa usapan namin!” ani Chikki.
Iniharang niya ang isang bisig dito. Daig pa nito ang sumisingasing na buwitre sa ayos nitong namumula at nag-uumapaw ang galit kay Marsha. Tinitigan niya ito nang makahulugan at saka muling binalingan ang bagong dating.
“Hindi ka namin ginugulo ni Chikki kaya nakikiusap akong kung puwede ay iwan mo kami.”
“Iwan? May assignment ako at gusto kong mag-aral dito sa sala. May problema ka?” Nilampasan sila nito at saka naupo sa sofa na katapat ng kanina ay inuupuan nila ni Chikki. Kinuha pa nito ang remote control ng TV at inilipat iyon sa ibang istasyon.
Saglit siyang nagbilang sa isip. Kailangan niya iyong gawin para kahit kaunti ay mapahaba pa ang nauubos na niyang pasensiya sa kaharap. Alam naman nitong naroon sila sa sala ni Chikki pero sa halip na umiwas ay talagang nananadya itong magkita sila. Sadyang inuubos nito ang bala ng pagtitimpi niya.
“Hindi kami puwede sa likod-bahay dahil naroon ang grupo ni Hanna. Kung gusto mo ay doon ka para naman—”
“Teka, teka…idinidikta mo sa akin kung saan ako pupunta sa loob ng pamamahay na ito?” Tila hindi makapaniwala ang anyo ni Marsha habang nagdudumilat ang mga mata nitong nakatingin sa kanila.
“Oo! Inuutusan ka nga, ang hina naman ng IQ mo!” sabad ni Chikki. Gigil na gigil talaga ito at lalo lang iyong nagdaragdag ng inis sa kanyang sistema.
“Ang kapal ha! Bakit ako aalis kung gusto ko rito? Ikaw ba ang may-ari nito?” sagot pa rin ni Marsha.
“Ay, hindi ka updated, pompoms? Matagal nang pag-aari ito ni Orange, for your info! Matagal na, buhay pa man ang nanay niya at nagpapa-cute pa lang ang bungangera mong mudra sa tatay niya!”
“Ang tabil ng dila mo ah! Putulin ko kaya iyan?”
Sa halip na masindak ay tinabig siya ni Chikki at nilapitan si Marsha. Iniliyad nito ang dibdib at pilit na lumiyad para pumantay sa height ng kausap. “Ano, square na lang tayo? Ito lang namang si Orange ang kinakaya mo! Palibhasa ay alam mong hindi ka niya papatulan!”
“Hindi niya ako papatulan?” Tumawa ito nang pagkalakas-lakas na halatang nang-iinis. “Hindi niya magawang lumaban sa akin dahil natatakot siyang mapalayas sa bahay na ito! Natatakot siyang manlimos sa kalye at walang makain na siyang mangyayari kung hindi siya magpapakabait sa amin!”
“Aba at gaga ka palang talaga!” Madaling umigkas ang mga kamay ni Chikki at sumabunot sa buhok ng nagulat na si Marsha. Nanlaban din ito at ilang saglit pa ay hindi na niya alam ang gagawin para maawat lang ang dalawa.
“Mas gaga ka! Nakikisali ka sa away na hindi naman sa’yo!”
“Kung ikaw ang aawayin, laging akong sasali, impakta ka!”
“Chikki, tama na! Marsha!” Sinikap niyang pigilan ang dalawa pero walang gustong magpaawat sa mga ito. Diretso sa pananabunot ang dalawa na tila ba wala nang ibang mahalaga sa mundo kundi ang bakbakin ang anit ng isa’t-isa.
“Tama na!” Tinangka niyang hawakan si Marsha pero itinulak siya nito at sumadsad siya nang patalikod sa kanto ng isang estante at dahil matibay na kahoy iyon ay agad na nanakit ang likod niya. Madaling umakyat ang dugo niya sa ulo at inilang hakbang ang kinaroroonan ng dalawang nagbubuno. Walang sabi-sabing nakisali na siya sa sabunutan ng mga ito. Kung kanina ay umaawat siya, ngayon ay tulong na sila ni Chikki sa paghaltak sa buhok ng bruhang si Marsha.
“Anak! Marsha!”
Agad niyang naramdaman ang pagkalas ni Marsha. Bigla ay isang malakas na hagulgol ang pumailanlang sa paligid kasabay ng bigla nitong panggigipuspos. Napaupo pa ito sa sahig. Sunud-sunod ang naging paghinga nito nang malakas na animo ay hindi makahinga.
“Tito! Tito, tulungan niyo ako!” daing nito.
Nakamata lang siya sa ama habang papalapit. Nakabadha sa mukha nito ang pag-aalala…na hindi patungkol sa kanya kundi kay Marsha.
“Marsha, ayos ka lang ba, anak?” Itinayo nito ang dalaga at sinuri ang mga braso at mukha. Maya-maya ay bumaling ito sa kanya. Punung-puno ng galit ang mga mata. “Bakit, Anastacia? Bakit mo ito nagawa?”
“Tatay, hindi naman ako—”
“Akala ko ay hindi totoo ang mga naririnig kong pag-uusap ng mag-iina tungkol sa’yo. Nagbibingi-bingihan ako sa tuwing sasabihin nilang sumasama ang ugali mo. Hindi ko alam na totoo pala at may basehan ang mga iyon.”
“Tay, siya ang nagsimula! Nag-uusap lang kami ni Chikki nang dumating siya at—”
“At pati kaibigan mo ay katulong mo pa sa p*******t sa kapatid mo?”
“Puwede ba, ‘Tay! Hindi ko siya kapatid!”
“Tama na, Anastacia! Hindi ka na natakot na sagutin ng ganyan ang Tito! Paano kung sumama ang loob niya at atakehin sa puso? Kung maaga siyang mamatay dahil sa’yo?!”
Lalo siyang nainis sa narinig. Bakit pakiwari niya ay gusto yata nitong mangyari ang sinasabi nito? Dahil doon ay lalong tumalim ang tingin niya rito. “Ang kapal ng mukha mong magsalita ng ganyan, Marsha! Palibhasa ay hindi mo siya totoong ama kaya ganyan lang kadali sa’yo ang mag-isip nang ganyan!”
“Itinuturing namin siya ni Hanna na totoong ama at ikaw bilang totoong kapatid. Bakit hindi mo magawang ibalik iyon sa amin? Masama bang makisabay sa panonood ng TV? Para iyon lang ay sinabunutan niyo na akong magkaibigan? Napakasama ninyo!” Muling pumalahaw ng iyak si Marsha na sinundan ng sunud-sunod nitong paghingal. Daig pa nito ang kabayong bagong sali sa karera.
“Lubha mo akong binigo, anak. Hindi ko akalaing darating tayo sa ganitong punto,” mahina nitong usal.
Napakunot ang noo niya sa narinig. “Tay?”
Nang muling tumingin sa kanya ang ama ay tila humihingi na ito ng pang-unawa. “Siguro nga ay kailangan muna kitang patirahin sa tiyahin mo. Hindi ko na kaya ang mga ginagawa mo, anak. Natatakot akong mapahamak ka dahil lang hindi ko na makontrol ang mga pagbabago mo.”
Nanlaki ang kanyang mga mata sa matinding pagkagulat. Hindi niya inaasahang maririnig iyon sa ama. “Patitirahin ninyo ako sa ibang bahay dahil…dahil sa babaeng ito?” puno ng pagdaramdam na tanong niya habang ang paningin ay nakapako kay Marsha. Nang palihim itong umismid ay lalo nang nagpuyos ang kanyang loob.
“Patawarin mo ako, anak. Ito na siguro ang pinakamabuting gawin.”
“Mas mahalaga sa inyo ang bago ninyong pamilya?”
“Hindi iyon ang punto ko, anak…”
“Iyon ang ipinararamdam ninyo sa akin!” Nabasag na ang kanyang boses at unti-unting gumulong sa kanyang mga pisngi ang mga luha ng pagtitimpi. “Dahil lang sa kanila ay magagawa ninyo akong ipamigay? Handa kayong kalimutan ang relasyon natin bilang mag-ama para lang sa kanila?”
“Dadalaw-dalawin kita, anak. Lagi kitang pupuntahan para—”
“Dadalawin? Pupuntahan? Pero silang hindi mo kadugo ay dito mo patitirahin? Kasabay sa pagkain at kasa-kasama sa lahat ng oras? Paano ako?”
Tinangka siyang hawakan ng ama pero iwinasiwas niya ang braso at madaling lumayo rito. “Hindi niyo ako kailangang ipamigay, ‘Tay. Hindi ako tuta para gawin niyo iyan. Huwag kayong mabahala dahil kaya ko namang mabuhay mag-isa.”
“Anak…”
“Salamat na lang, ‘Tay. Wag niyo na po akong tawaging anak.” Hinawakan niya sa kamay si Chikki at agad na tinalikuran ang ama. Kahit anong tawag nito sa kaniya ay sinikil niya ang sariling hindi ito lingunin. Labis siyang nasaktan sa naging desisyon nito. Hinding-hindi niya malilimutan ang araw na iyon. Isinusumpa niyang hinding-hindi, sa buong buhay niya.