Chapter 7
Umikot si Nico sa kanyang higaan. Nakapikit pa rin siya ngunit nagtataka siya kung bakit mainit na ang kanyang mukha. Nagtaka rin siya dahil hindi man lang tumunog ang kanyang alarm clock. Pikit-mata siyang bumangon at naupo sa tabi ng kanyang kama. Iminulat niya ang kanyang mga mata at halos mapatayo siya nang makita kung gaano na kataas ang sikat ng araw.
"s**t!" malakas niyang singhal habang nagmamadali sa pagpasok sa loob ng cr. Hindi man lang siya nakapagdala nang pamalit na damit. Late na siya sa klase.
"s**t! Kahihintay ko sa reply mo, napuyat ako!" naiinis niyang singhal sa loob ng banyo habang naliligo. Nagmamadali siya. Hinanap niya ang cellphone nang tumunog iyon. Lalo lang siyang nagkakandarapa nang makita kung gaano karami ang text na natanggap niya mula kay Ridge na hinahanap siya.
"Damn!"
Hindi na siya nag-abalang kumain. Dumiretso siya kaagad sa unibersidad. Dahil sa pagmamadali ay may nakabanggaan siyang nursing student. Kaagad siyang humingi nang tawad at nagmadaling naglakad paalis. Hindi pa man siya nakakapasok sa silid ay mukha ng pinsan niya ang kanyang nabungaran. Nakatayo ito sa pintuan at kunot-noong nakatingin sa kanya.
"Saan ka galing?" Sinundan siya nito hanggang upuan. "Ilang subjects din ang absent mo," paalala nito.
"Nakatulog ako, eh. Ang haba nang naitulog ko. Hindi ko napansin ang alarm ko," paliwanag niya.
Umismid ito. "Tsk! Paano na lang kapag nalaman 'yan ng ermats mo. Alam mo namang hindi ito ang gusto niya hindi ba?"
"Huwag mo na munang ipaalala at nai-stress lang ako lalo," inis niyang sabi. "Bakit ba kasi napuyat pa ako," naiinis niyang saway sa sarili.
"Ano ba kasi ang ginawa mo?" usisa nito.
"Wala naman. Nag-isip lang ako tapos napuyat na," palusot niya. Ayaw naman niyang sabihin ditong kaya siya napuyat ay dahil sa kahihintay niya ng reply mula sa dalaga.
"Tsk! Umayos ka, Nico. Mapagalitan pa tayong dalawa, eh. Alam mo namang ayaw sa 'kin ng Mommy mo kasi nga akala niya ay dinadala kita sa kung anu-anong kalokohan, 'diba," sermon pa nito. Hindi na lang siya nagsalita dahil totoo naman.
Iniisip kasi ng kanyang ina na sinusulsulan siya ni Ridge kaya palagi niyang sinusuway ang mga desisyon ng ina. "Sorry na. Hindi na mauulit," hinging paumanhin niya rito. Tumango ito saka naupo na.
Ilang sandali lang ay nagsimula na ang klase. Nakinig siya nang maigi at nagsulat sa kuwaderno. Ginawa niya ang lahat nang ipinapagawa sa kanila at maayos naman niya iyong nagampanan. "Grabe ka," pagsisimula na naman ng kanyang pinsan.
"Ano ka ba naman," aniya rito.
"Wala lang. Nagtataka lang ako sa 'yo ngayon. Noong una, mukha kang naestatwa habang may tinitingnan. Pangalawa, napansin kong hindi ka man lang nasaktan sa paghihiwalay ninyo ng girlfriend mong--" putol nito sa sasabihin saka tumikhim nang mapansing masama ang tingin niya rito.
"Hindi na nga!" sumusukong anito.
"Napuyat lang talaga ako," aniya. "Ang dami kong iniisip. Hindi ba at sinabi ko na sa 'yong alam na ni Mommy ang pagpalit ko ng kurso?" inis niyang tanong rito.
Natigilan ito. "Hala! Oo nga! Nakalimutan ko! Hindi mo naman kasi kaagad sinabi, eh," nakangusong sagot nito.
"Tss."
"Kumain muna tayo. Gutom na ako," sabi ng kanyang pinsan bago tumayo at nagpaumunang lumabas ng silid. Tumayo na rin siya at tiningnan ang kanyang cellphone. Nanlumo siya nang makitang wala pa ring reply.
"Baka wala siyang load," bulong niya sa sarili. Buntonghininga siyang sumunod sa pinsan na nakakunot na naman ang noo habang nakatingin sa kanya. "Ano na naman?" inis niyang tanong rito. "Ang chismoso mo," komento niya pa.
Hindi na ito nagsalita at naglakad na. Sa hallway ay panay ang buntonghininga niya.
Baka ayaw niya akong maging kaibigan. Baka takot siya sa 'kin. Hmm! Siguro nahihiya siya kasi siyempre, I am a varsity player. Sikat ako sa school.
"Tama! Tama!"
"Huh?" nagugulat na baling sa kanya ng kasama.
"A-Ah--"
"Ang weirdo mo ngayon," komento nito. "Natatakot na ako dahil sa inaasta mo. Kumakain ka pa ba nang tama?" nag-aalalang tanong nito.
"O-Oo naman!" mabilis niuang sagot.
"Defensive masyado," nakangiwing saad nito.
Bakit naman kasi kinakausap ko ang sarili ko? Nakakainis!
"Grrrr!"
"Hoy!" nahihintakutang singhal ni Ridge sa kanya. "Ano ba?" inis nitong tanong.
"A-Ano?" naguguluhang tanong ni Nico sa pinsang naiinis na sa kanya.
"Ano ba ang nangyayari sa 'yo?"
"W-Wala naman," sagot niya.
"Tsk! Bilisan na natin at nang makakain ka na! Hindi ka yata kumain kanina, eh!" iritable nitong sambit at mabilis na naglakad paalis. Iniwan siyang nakatulala sa gitna ng hallway.
"Hahay," buntonghininga niyang usal saka sumunod sa pinsan. Ilang hakbang pa lang ay nakasalubong na niya ang laman nang kanyang isip buong magdamag. Tuwid siyang humarap dito nang huminto ito sa kanyang harapan habang hawak-hawak ang cellphone.
"Wala ka bang load?" tanong niya rito.
"Huh?"
"Tinatanong kita kung wala ka bang load?"
"Mayroon. Bakit?"
"Ano? Mayroon? Tapos hindi ka man lang nag-reply!" hindi makapaniwalang sambit ni Nico. Umatras nang bahagya ang dalaga dahil nagulat sa biglaan niyang pagsigaw. Natakpan niya ang bibig dahil sa hiya nang sitahin siya ng nagkaklase sa mismong room na kinahihintuan nilang dalawa.
Tumaas ang sulok ng mga labi ng dalaga. "Are you making fun of me?" tanong niya rito.
"Huh? Hindi, ah!" pabulong nitong singhal sa kanya.
"So, bakit nga hindi ka nag-reply?" nagtataka tanong ni Nico sa dalaga.
"Wala ka namang sinabing mag-reply ako," walang gana nitong sagot sa kanya ngunit namumula ang mukha.
"Huh?"
"Oo! Wala kang sinabing mag-reply ako sa text mo. Sinabi mo lang na gusto mong makipagkaibigan. Edi, okay!" kibit-balikat na usal ni Zawi sa kanya.
Natawa si Nico. "Engot! Kahit pa! Dapat nag-reply ka pa rin!" inis niyang singhal sa dalaga. "Obligado ka pa ring sumagot sa nga texts ko! Hindi naman ako manghuhula para hulaan ang mga isasagot mo!"
Hindi niya namalayang napalakas ulit ang pagkakasabi niya kaya naman ay lumabas na ang prof na nagkaklase. "Huwag nga kayo rito mag-away! Nakakadistorbo kayo sa klase ko! Alis!" malakas nitong saway sa kanila kaya naman napapahiya siyang naglakad papaalis. Nakatungo siya at nang balingan ang dalaga ay nakatanga lang ito sa kanya.
"Halika na!" pabulong niyang tawag dito.
Kumunot lang ang noo nito. "May klase pa ako. Umalis ka na," inis nitong sabi bago nagpatuloy sa paglalakad. Sapo ang noo ay humarap siya. Nagulat pa siya dahil pagharap niya ay ang pinsan niyang si Ridge ang kanyang nakita.
"Bakit ang tagal mo?" naiinis nitong tanong. "Kanina pa kita hinihintay. Sino 'yon? Bakit napagalitan kayo?" sunod-sunod nitong tanong sa kanya.
"Eh, kasi nag-aaway kami," napapahiya niyang sagot. Dumiretso sila sa cafeteria at bumili nang makakain.
"Magkuwento ka," mariing utos nito.
"Ng alin?"
"Sus! Kung sino 'yong kausap mo!"
"Ah. Si Zawi," tipid niyang sagot habang kumakain. Nagbalat din siya ng nilagang mani at kinain iyon.
"Bakit?" naguguluhan nitong tanong.
"Anong bakit?"
"Bakit kayo magkasama? Paano mo siya nakilala? Taga-saan ba siya?" sunod-sunod ulit nitong tanong.
"Hmm. Noong naghiwalay kami ni Colleen, siya ang unang lumapit sa akin. Hindi ko kasi alam na nakapunta na pala ako sa dalampasigan. Siya ang nakita ko. Siya rin nagbigay ng juice sa 'kin," mahaba niyang kuwento.
Tumango-tango ang pinsan niya habang matamang nakikinig sa kanyang pinagsasabi. "Siya ba ang rason?" kapagkuwan ay tanong nito.
"Rason? Saan?" nalilito niyang tanong.
"Rason kung bakit ang bilis mong mag-move on," dagdag nito sa sinabi. Natigilan na naman siya dahil sa sinabi nito.
"Huh?" naguguluhang tanong ni Nico sa pinsan.
"Wala! Malalaman mo rin 'yan," anito.
Mabilis lang din siyang nakauwi pagkatapos ng kanyang klase. Hinahanap niya ang address ng dalagang si Zawi. Gusto niya itong maging kaibigan. Nag-text siya rito at hindi pa rin siya nakatanggap ng reply pero nakangiti na siya. Alam niyang binabasa nito ang mga ipinapadala niyang mensahe.
Dahil hindi siya nakapasok sa pang-umaga niyang klase ay humingi na lang siya ng notes kay Ridge. Pinag-aralan niya iyon at hindi na niya namalayan ang oras. Mag-aalas onse na pala ng gabi at dilat pa ang kanyang nga mata.
Malakas siyang humikab dahil inaantok na siya. Matutulog na sana siya nang tumunog ang kanyang cellphone. "Ano na naman kayang kabulastugan ang pinagse-send nitong si Ridge," aniya sa sarili habang kinukuha ang cellphone. Nanlaki ang kanyang mga mata nang makita ang text ni Zawi.
I'm home.
Basa niya ro'n. "Nagtatrabaho nga pala siya, hehe," bulong niya sa sarili.
Nagpalitan pa sila ng mga mensahe hanggang sa makatulog siya. Kaya naman kinaumagahan ay ngarag siyang bumangon. Napuyat siya ngunit nakangiti. Kaagad siyang uminom ng tubig upang mahimasmasan. Nagluto siya ng breakfast at pagkatapos niyang kumain ay nagpahinga siya nang kaunti at naligo na.
Nagbihis siya at nag-ayos ng sarili. "You don't look like you're sleepless, Nico. You're glowing!" nakangiti niyang komento sa sarili. "Ang guwapo mo ngayon, ah!" pabiro niya pang bulong sa sarili habang sinisipat ang sarili sa salamin.
Nalaman kasi niyang matagal na siyang gusto ng dalaga. Hindi lang nito ipinangalandakan kagaya ng iba. At dahil doon masaya siyang pareho sila ng nararamdaman. Ngayon niya lang naisip at naintindihan. Ilang beses na kasi niyang napapansin ang dalaga noong sila pa ni Colleen. Hindi lang niya alam ang pangalan nito. Palagi niya kasi itong nakikita habang nakangiti. Ito rin ang dahilan kung bakit ang bilis niyang maka-move on sa paghihiwalay nila ng kanyang nobya.
Pagkatapos niyang mag-ayos ay dumiretso na siya sa campus. Nasanay na siyang ang daming bumabati sa kanya at ngayon ay ginagantihan niya ang mga ito nang matamis na ngiti. Lahat ay kinikilig. Naalala niya kung gaano ka-istrikto ang mukha ng dalaga pagdating sa kanya noon kapag nakatingin ito sa kanya kaya hindi halatang may gusto ito sa kanya.
"Grabe! Walang kupas ka, Montefalco!" bungad sa kanya ni Ridge.
"Tsk!"
"May meeting tayo mamaya sabi ni Coach. Magsisimula na siguro tayo nang practice," pagbibigay alam nito sa kanya.
"Hmm," aniya.
"Taray! Pa-hmm-hmm ka na lang ngayon," nakaismid nitong komento. Tinawanan niya lang ito.
"Wala lang. Maganda ang mood ko ngayon, eh," aniya.
"Oo nga! Buti na lang at hindi ka na-late ngayon," anito.
"Puyat nga ako, eh," wika niya habang inaalala ang sandaling nagkausap sila kagabi ni Zawi.
"Tsk! Napapangiti ka pa, ah! Ano ang ginawa mo at ganiyan kalaki ang ngiti mo?" nagtataka nitong tanong.
"Usyuso!" natatawang komento niya rito.
"Sapak gusto mo?" hamon nito.
"Oo na! Magkukuwento na!" sumusukong aniya. "Tara sa Cafeteria, libre ko!" masayang saad ni Nico.
"Iba na 'yan, ah! Ang saya mo ngayon," nakangiwi nitong komento.
"Halata ba?"
"Gago! Clear na clear!" tumatawang anito sabay akbay sa kanya.
Nang makabili ng makakain ay naghanap sila ng bakanteng upuan at doon naupo. Ikinuwento niya sa pinsan ang nangyari kagabi. Pati ito ay gulat sa nalaman. "Talaga? Hindi ko siya napapansin," nag-iisip na saad nito.
"Oo kasi nasa magaganda lang ang mga mata mo," natatawa niyang saad. Ngumiwi ang pinsan.
"Hindi naman, ah!" depensa nito.
"So? Liligawan mo?" tanong nito.
"Hmm. Darating din kami riyan," nakangiti niyang sabi bago tiningnan ang cellphone nang tumunog. Mas lalong lumapad ang kanyang mga ngiti nang mabasa ang pangalan ng dalaga roon.
"Tsk! Tsk! In love ka, dre," komento ni Ridge. Tumawa lang siya bago nireplayan ang dalaga. Kaagad silang kumain habang naghaasaran. Kahit ilang beses pa siyang inisin ng pinsan ay wala siyang pakialam. Masyadong masaya at magaan ang kanyang pakiramdam kaya hindi siya magpapaapekto rito.