PUMAPALAHAW NG IYAK si Oruza nang lisanin niya ang bulwagan. Maliban sa wala man lamang nakapansin at nakaalala sa kaniya, higit na ikinasama ng kaniyang loob ang mga naganap. Ang pagputong ng tatlong sugo ng korona kay Esmeralda bilang bago nilang reyna at ang tuwa sa mga mata ni Rufus na tila masayang-masaya na ito ang hinirang. “Hindi lang ang aking ama ang inagaw niya, kung hindi pati na rin ang koronang dapat ay para sa akin!” nanggagalaiti niyang sigaw. Mistulang naging maulap ang kaniyang daan dahil sa mga luhang hindi niya mapigilan. Hanggang sa bigla na lamang siyang salubungin ni Suela. Ito man ay katulad niyang umiiyak. Nang makilala siya ni Oruza ay kaagad niya nitong niyakap. Dama ng isa’t isa ang lungkot at galit sa kanilang mga puso. Ang kanilang mga damdamin ay nagpupuyo

