SA PAGITAN NG GABI AT ARAW, ang lahat ay namangha sa ipinamalas ng korona. Ang nakapalibot ditong liwanag na mistulang pusong tumitibok ay naghatid ng magkahalong pagkamangha at takot ng mga Safferian. Hindi nila mawari kung ligtas ba sila o hindi sa kanilang kinatatayuan? O kung galit ba sa kanila ang kinikilala nilang bathaluman o hindi? “Tunay na ito’y natatangi at bahagi ni Saffira,” marahang tinuran ni Elenor na naulinigan ni Esmeralda na nasa kaniyang tabi. Lingid sa kaalaman ng kaniyang anak, naalala niya ang araw na kinausap siya ni Haring Rufus sa isang lihim na silid kung saan sila palihim na nagkikita noon. Doon ay ipinagtapat sa kaniya ng hari ang lahat ng napipintong maganap na babago sa kasalukuyang kalagayan ng Safferia. Hindi niya nagustuhan ang ibig ng hari na si Esmeral

