NAGING MAUGONG ang usap-usapan hinggil sa susunod na hari ng Safferia. Ang lahat ay nasabik nang makarating ito sa kanilang kaalaman. Maliban sa muling magkakaroon ng pagdiriwang ang buong lupain, nasasabik silang makilala si Satur na hindi nila nakasalamuha ng mahabang panahon dahil pinili nitong maglakbay sa kagustuhang marating ang iba’t ibang panig ng kanilang mundo. Naniniwala silang marami itong kaalaman at kakayahang natutuhan na makatutulong sa kanilang reynang si Esmeralda sa pamumuno nito. “Tunay nga bang handa na ang susunod na hari?” urirat ni Omal kay Satur. “Kalat na sa buong lupain ang usap-usapan tungkol sa `yo.” “May masama ba silang tinuturan hinggil sa akin?” balik-tanong ni Satur. “May lungkot kasi sa iyong tinig. H’wag kang mag-aalala, bibigyan pa rin kita ng pagkaka

