NATUTOP NG REYNA si Willar na malayo ang tanaw buhat sa hardin ng Safferia. Ang mga mata nito ay maluha-luha—larawan ng hindi mapanatag na kalooban. Mistulang kinurot ang kaniyang puso dahil batid niya ang bigat ng suliraning kinahaharap nito. Tahimik niyang nilapitan ang paslit. Sa kabila ng lungkot na dumudungaw sa mga mata nito ay isang ngiti ang ibinigay nito sa kaniya. “H’wag mong salubungin ng lungkot ang isang magandang umaga, kaibigan,” sita ni Esmeralda. “Nauunawaan kong mahirap, subalit hindi ka maaring mawalan ng pag-asa. Pasasaan ba’t mayroong darating na tulong para sa iyo na siyang kalooban ng bathaluman.” “Ibig n’yo bang sabihin ay hindi pumayag ang inyong konseho na tulungan ako?” Malungkot na mga titig ang ipinukol nito kay Esmeralda. “Ngunit nauunawaan ko, mahal na reyn

