“HINDI ako gusto ng pamilya mo, partikular na ang mommy mo,” paghihimutok ni Gabriella.
Hindi ito pinansin ni Xander, itinutok lang niya ang kanyang paningin sa daan. Kagagaling lang nila sa bahay nila at ihahatid na niya ito pauwi. Nag-dinner sila roon kasama ang kanyang ina at Kuya Travis niya. Wala ang kanyang ama dahil nasa Japan ito sa kasalukuyan. Dapat ay kasama nila ito ngunit nagkaroon ng aberya ang isang negosyong hawak nito roon. Wala rin ang Kuya Dudes niya dahil abala ito sa hacienda. Si Wilt ay may school field trip.
“Hindi totoo `yan. Gusto ka nila,” aniya kahit na alam niyang nagsisinungaling lang siya.
Umismid si Gabriella. “Sinungaling. Alam kong napuna mo rin ang disgusto nila sa `kin. Hindi ako manhid, Xanderio.”
“Masyadong mabigat ang salitang ‘disgusto,’ Gabby. Gusto ka nila. Ganoon lang talaga ang pamilya ko.”
“Sino ang niloloko mo, Xan? Ni hindi ka nga makatingin sa `kin habang sinasabing gusto ako ng pamilya mo.”
“I’m driving, Gabby.” Mula sa peripheral vision niya ay nakita niyang humalukipkip ito at tumingin sa bintana.
“Hindi na ako gaanong nagulat, sa totoo lang. Medyo inasahan ko na ang ganitong pagtanggap ng pamilya mo. Sino ba naman ako, `di ba? Malamang na hindi nila matatanggap ang isang dukha para sa isang katulad mo.”
“Hindi ganoon ang pamilya ko. Hindi sila matapobre.”
Ang totoo, nagtataka siya sa reaksiyon ng kanyang ina at nakatatanda niyang kapatid. Masyadong pormal at tahimik ang mga ito mula pagdating nila hanggang sa matapos ang hapunan. Ni hindi nakipagkuwentuhan ang kanyang ina. Hindi ito nangumusta. Hindi nito inalam ang estado ng kanilang relasyon. Hindi ito nagtanong ng kahit na ano tungkol kay Gabriella. Hindi na rin ito nag-exert ng effort na yayain sila na mag-tsa at magkuwentuhan pagkatapos nilang kumain. Ipinaramdam talaga nito na hindi ito interesadong makilala ang nobya niya. Kaya nang magyaya si Gabriella na umuwi na ay hindi na siya nagprotesta.
Nagtatampo si Xander sa kanyang ina at kapatid. Sana man lang ay umarte ang mga ito kahit para lang sa kanya. Nasabi na niya sa mga ito na importante si Gabriella para sa kanya. Hindi niya inakala na magiging ganoon ang pakikitungo ng mga ito kay Gabriella.
Hindi na siya inimik ni Gabriella hanggang sa maiparada niya ang sasakyan sa harap ng isang fast-food restaurant. Malapit na raw doon ang bahay ng mga ito. Hindi kasi siya nito hinahayaan na ihatid ito sa mismong tapat ng bahay ng mga ito. Hindi kalayuan doon ay isang squatters’ area. Naroon daw ang bahay na tinutuluyan nito.
Marami raw masasamang tao roon at baka mapahamak lang siya at ang sasakyan niya. Baka raw mapag-trip-an siya ng mga holdupper o ng mga tambay na lasing. Nahihiya rin daw itong papasukin siya sa bahay na tinutuluyan nito.
Kahit na anong pagpupumilit niya ay ayaw talaga nito. Madalas na sa unibersidad sila nagkikita. Kung wala silang pasok ay sa fast-food restaurant na iyon ang tagpuan nila.
Bago pa man ito makababa ng sasakyan ay hinawakan niya ang kamay nito. “Ako na ang humihingi ng dispensa sa iniasal nina Mom at Kuya. Hindi sa hindi ka nila gusto. Baka natiyempuhan lang natin na wala sila sa mood. O baka apektado sila sa ilang mga pangyayari. Naikuwento ko na sa `yo ang nangyari sa Kuya Travis ko, `di ba? Mula nang masaktan siya ng isang babae, nagbago na siya. Naging cynic at bitter na siya. Naipakilala ni Kuya Trav sa buong angkan namin si Yvonne. In fact, gustong-gusto siya ni Mom. Kaya siguro medyo guarded na si Mom. Pati kasi siya ay nasaktan dahil sa nangyari kay Kuya Trav. Gusto lang siguro niya akong protektahan. Baka gusto ka muna niyang kilalanin bago niya ibigay ang approval niya.” Nginitian niya ito nang masuyo. “Hindi iyon dahil mahirap ka. Ang sabi ko naman sa `yo dati pa, galing sa hirap ang lolo ko. Hindi kaso sa `min ang estado ng pamumuhay ng isang tao. Kapag nakilala ka na nang husto ni Mom, magugustuhan ka rin niya. Magkakasundo rin kayong dalawa. Hindi na mauulit ang ganoong pagtrato nila sa `yo, promise.”
Yumakap ito sa kanya. “Magpasalamat ka at mahal talaga kita, Xan. Sana ay talagang lubusan akong matanggap ng pamilya mo. Sana ay hindi ka nila mailayo sa `kin. Iyon ang madalas na nangyayari sa mga gasgas na teleserye sa TV, `di ba?”
Banayad siyang natawa habang gumaganti siya sa yakap nito. “Hindi mangyayari sa atin `yon. Hindi ganoon ang pamilya ko.”
“Paano kung may matuklasan silang hindi maganda sa pagkatao ko? Paano kung ilayo ka nila sa `kin?”
“Hindi nga sila ganoon.”
“Kunwari lang. Kunwari, pilit nila akong inilayo sa `yo. Paano kung hindi talaga nila ako matanggap?”
Bahagya niya itong inilayo upang magtama ang kanilang mga mata. “Ipaglalaban kita,” pangako niya.
Malungkot ang ngiting sumilay sa mga labi nito. “Talaga?”
“Ipaglalaban mo rin naman ako, `di ba?”
Ilang sandali ang lumipas bago ito nagsalita. “Paano kung may nalaman kang isang hindi magandang bagay tungkol sa `kin? Matatanggap mo pa kaya ako? Ipaglalaban mo pa rin ba ako?”
Naguluhan siya. “Hindi kita masyadong maintindihan.”
Nagbaba ito ng paningin. Tila wala itong balak na sabihin sa kanya ngayon ang sinasabi nitong hindi magandang bagay tungkol dito.
Hinawakan niya ang baba nito at itinaas ang mukha nito upang madampian niya ng masuyong halik ang mga labi nito. “Kung anuman `yan, matatanggap ko. Mahal kita at kaya kong tanggapin ang lahat.”
“Sana nga, Xan. Sana nga.”
PAG-UWI ni Xander sa bahay nila ay pinuntahan agad niya ang kanyang ina sa silid nito upang kausapin. Kailangan niyang sabihin ang pagkadismaya niya rito. Hindi siya mapapakali kapag hindi sila nakapag-usap.
Ayaw niyang labis na magtampo ito. Mahal na mahal niya ito. Ayaw niyang magkaroon sila ng gap sa hinaharap. Nais din niyang malaman kung bakit ganoon ang iniasal nito nang gabing iyon. Nais niyang malaman kung ano ang hindi nito nagustuhan sa nobya niya.
Nais kasi niya na magkasundo at maging malapit sa isa’t isa ang dalawang babaeng mahalaga sa buhay niya. Plano rin niyang dalhin si Gabriella sa Mahiwaga upang makilala ng lola niya. Naikuwento na kasi niya ang dalaga sa matanda. Lola Ancia seemed eager to meet Gabriella. Nais daw nitong makaharap ang babaeng nagpapasaya sa apo nito.
Nadatnan niya ang kanyang ina na naghahanda na sa pagtulog.
“Xander,” she acknowledged him simply.
Isinara niya ang pinto. “Can we talk?”
Umupo ito sa gilid ng kama. “Sure.” Base sa ekspresyon ng mukha nito, inaasahan na nito na kakausapin niya ito. Alam na rin marahil nito kung ano ang sasabihin niya. Hinila niya ang upuan sa dresser nito at ipinuwesto iyon sa harap nito.
Sinalubong niya ang mga mata nito pagkaupong-pagkaupo niya. “Why?” seryosong tanong niya. Alam niya na alam na nito kung ano ang itinatanong niya. Hindi na niya kailangang mag-elaborate.
“I don’t like her,” walang kagatol-gatol na sabi nito.
Hinagod niya ang kanyang buhok. “Why? She’s nice naman. Bakit ayaw n’yo na kaagad sa kanya samantalang hindi n’yo pa naman siya lubos na kilala? Bakit hindi n’yo muna siya kilalaning maigi? Would it hurt to be nice and friendly?” Nagtataka talaga siya sa iniasal nito nang gabing iyon. Mabait naman ang kanyang ina kahit na ang unang impresyon ng mga tao ay mataray ito at snob.
May-pagkamataray talaga ito at snob ngunit reasonable naman. Ngayon lang ito naging ganoon. His mother came from a very wealthy family. Ayon sa kanyang ama, isa itong tipikal na spoiled brat na nakukuha ang lahat ng gusto noong unang magkakilala ang mga ito. Hindi raw nito inakala na ang kanyang ina ang mapapangasawa nito. Hindi gaanong showy at vocal ang mga magulang niya, ngunit alam nilang magkakapatid na nagmamahalan ang mga ito. Niyakap ng mga ito ang kapintasan ng isa’t isa.
Napabuntong-hininga ito. “I don’t like her, Xan. Hindi ko maipaliwanag pero parang may malakas na tinig ang nagsasabi sa `kin na hindi siya makabubuti para sa `yo. Malakas ang kutob ko na masasaktan ka lang. Bata ka pa, anak. Marami ka pang mahahanap na ibang babae. Huwag kang masyadong magpakaseryoso sa lahat ng bagay.”
Pinipigilan ni Xander ngunit kusang umalsa sa dibdib niya ang matinding inis. Ayaw niyang mainis sa mom niya ngunit hindi talaga niya nagustuhan ang sagot nito. “You’re unreasonable. Hindi n’yo siya kilala para masabi n’yo ang mga bagay na iyan.”
“It’s called a mother’s instincts, Xan.”
“Ngayon n’yo lang po siya nakita,” naiinis na giit niya.
“I strongly felt it. Iba talaga ang nararamdaman ko pagkakitang-pagkakita ko sa kanya. Iba ang dating niya sa `kin. Her eyes are too wise and too brave. Hindi siya ang babaeng para sa `yo.”
“Dahil mahirap lang siya?”
Tumalim ang mga mata nito. “Alam mong hindi issue ang estado sa buhay. Kahit na street sweeper ay tatanggapin ko kapag alam kong mapapaligaya niya ang anak ko.”
“Napapaligaya ako ni Gabriella, Mom. She’s a wonderful woman. Hindi siya katulad ng mga tipikal na babae. She’s tough and strong. She’s mature. She’s intelligent and very lovely. Hindi ko maintindihan ang mga sinasabi n’yong rason kung bakit tinrato n’yo siya nang ganoon ngayong gabi. Kung si Kuya Trav lang, mapapatawad ko siya. He’s been going through a rough time and I understand. But I’m so disappointed in you. You’ve always been supportive to your sons. Nang ipakilala nina Kuya Dudes at Kuya Trav ang mga girlfriend nila, you were so friendly. Tinanggap mo kaagad sila. You’re so unfair, Mom.” Puno ng hinanakit ang tinig niya. May mga pagkakataon talaga na pakiramdam niya ay siya ang pinaka-least favorite nito sa mga anak nito.
Napabuntong-hininga ito. “I apologize for being too quiet and formal during our dinner. Hindi ko lang kayang makipag-plastic-an. I like Lui for Dudes, Xan. Siya pa rin ang gusto kong makatuluyan ng kuya mo. Gusto ko rin si Yvonne kagaya ng pagkagusto ko kay Lui. Hindi ko rin maintindihan kung bakit hindi ko maramdaman ang naramdaman kong pagkagiliw kina Lui at Yvonne sa girlfriend mo. Hindi magaan ang loob ko sa kanya. Basta, I feel like there’s something wrong.”
“Again, hindi ko po maintindihan kung bakit ganyan kayo. Nagloko si Kuya Dudes at iniwan siya ni Lui. Iniwan ni Yvonne nang basta-basta na lang si Kuya Trav. Dapat ay iniisip n’yo na baka nagkakamali rin kayo. Nasaktan ang mga kapatid ko dahil sa mga babaeng nagustuhan at kinagiliwan n’yo.”
“Siguro nga ay iyon ang dahilan, anak. Siguro ay natuto na ako kina Dudes at Trav. Siguro ay ayokong basta na lang ibigay ang approval ko sa mga babaeng iibigin ng mga anak kong lalaki. Gusto kitang protektahan. Ayokong mangyari din sa `yo ang nangyari sa mga kuya mo. Ayokong masaktan ka rin. Ayokong magaya ka sa Kuya Dudes mo na ikinulong ang sarili sa hacienda dahil hindi niya pinili si Lui at umibig siya sa maling babae. Ayoko ring mawalan ka ng direksiyon at gana sa buhay kagaya ng nangyayari sa Kuya Trav mo. Ayokong masaktan kayo dahil mas nasasaktan ako. Hindi mo ako masisisi kung bakit ganito na ako, Xander.
“Maybe Gabriella is really a wonderful girl but I refuse to see it. I refuse to like her. For now. Gusto ko lang sigurong mapatunayan niya sa `kin na karapat-dapat siya. Na hindi ka talaga niya iiwan at sasaktan. I’m so sorry for being so hard on you.” Hinaplos nito ang pisngi niya. “I’m a mother and I love you. I will always be thinking of your happiness. Kailangan kong makasiguro na hindi ka masasaktan.”
Nabawasan ang inis na nararamdaman niya. Tinabihan niya ito sa kama at niyakap. Kahit paano ay naiintindihan na niya ang lagay nito. Alam niyang saksi ito sa hirap na pinagdaanan ng mga kuya niya dahil umibig ang mga ito sa mga maling babae. Ayaw na marahil talaga nitong danasin din niya ang mga dinanas nina Dudes at Travis.
“Patutunayan ko sa `yo na siya ang tamang babae para sa `kin. Magugustuhan mo rin siya. Makikita mo rin ang magagandang bagay na nakita ko sa kanya. Maiintindihan mo rin kung bakit inibig ko siya.”
“Bata ka pa, anak. Hindi mo pa alam ang sinasabi mo. Wala ka pang muwang sa pag-ibig.” Bumuga ito ng hangin. “Siya ang dapat na magpatunay sa `kin na karapat-dapat siya sa `yo. Give us some time, anak, okay?”
Hindi na masama ang hiling nito. Kumpiyansa naman siya na magugustuhan nito ang nobya niya. Hindi maglalaon ay magiging malapit na ang mga ito sa isa’t isa. Hindi na rin niya gaanong pinansin ang sinabi nito tungkol sa kawalan niya ng muwang sa totoong kahulugan ng pag-ibig. Mas alam niya kung ano ang nararamdaman niya.
“Sige,” aniya bago humalik sa pisngi nito. “Magpahinga na po kayo. Goodnight, Mom.”
“Goodnight, son.”