4

1484 Words
NAGMAMADALI si Kila patungo sa unibersidad na pinapasukan ni Grayson. Naiwan kasi nito sa bahay ang mahalagang project nito. Wala siyang pasok nang araw na iyon dahil hindi nagbukas si Aling Tess ng puwesto. Birthday kasi ng anak nito at nagpahanda ito. Magtutungo na sana siya sa handaan para tumulong, ngunit napuna niyang naiwan ni Gray ang isang folder sa mesita nila. Ang sabi nito sa kanya ay abalang-abala ito sa mga ginagawa nitong project. Alam niyang pinaghirapan nito nang husto ang partikular na project na iyon. Ang sabi pa nito nang nagdaang gabi ay ngayong araw na ang deadline niyon. Naki-text siya sa kapitbahay nila na may cell phone. Si Gray lang ang may cell phone sa kanila. Nabili ng tatay nito iyon sa isang kapitbahay nilang nagipit. Sinabi niyang magtutungo siya sa unibersidad nito at abangan na lang siya sa may gate upang maibigay niya rito ang project nito. Pagbaba niya ng jeep ay naglakad siya patungo sa malaking gate. Hindi niya maiwasang mapatingin sa mga estudyanteng paroo’t parito. Umahon sa dibdib niya ang inggit at pagkabalisa. Gustong-gusto rin niyang pumasok sana sa kolehiyo. Gustong-gusto niyang mag-aral. Sana ay hindi pa maging huli ang lahat para sa kanya. Kinonsola na lang niya ang sarili sa pamamagitan ng pag-iisip na makakatapos din si Grayson. Iyon naman ang pinakamahalaga sa kanya. Ang pangako ng kanyang nobyo ay pag-aaralin siya kapag nakatapos ito. Mas magsusumikap na lang siya para makapag-ipon siya at makapag-aral din. Hindi niya maaaring iasa na lang ang kinabukasan niya kay Grayson. Maayos ang takbo ng relasyon nila habang tumatagal. Lalo niya itong iniibig habang lumilipas ang bawat sandali. Masayang-masaya na siya basta nakikita itong nakangiti sa kanya. Basta kasama niya ito, hindi siya mawawalan ng pag-asa. Hindi siya malulungkot. Kahit na gaano kahirap ang buhay, magtitiyaga siya. Alam niya na matutupad din nila ang pangarap nilang masayang buhay sa hinaharap. Makakaalis din sila sa squatters’ area. Hindi niya inaasam na maging mayaman na mayaman sila sa hinaharap. Hindi niya hinihiling na sana ay magkaroon sila ng mansiyon. Ang gusto lang niya ay magkaroon sila ng sapat. Iyong hindi na nila kailangang problemahin masyado kung saan nila kukunin ang panggastos nila sa susunod na araw. Ang nais niya ay isang bahay na katamtaman lang ang laki. Isang bahay na matatawag nilang tahanan. Doon nila palalakihin ang mga magiging anak nila ni Gray. Magiging uliran siyang asawa sa isang engineer. Magiging masaya sila. Abala siya sa pagtingin sa mga gusali ng unibersidad nang may biglang bumangga sa kanya. Tumilapon  ang  folder na hawak-hawak niya. “Ano ba?” angil niya habang dinadampot ang mga papel na kumawala mula sa pagkakaipit sa folder. Bahagya siyang nainis sa sarili dahil hindi niya tinitingnan ang dinaraanan niya. Kasalanan din ng lalaking bumangga sa kanya. Ano ba ang pinagkakaabalahan nito at hindi siya nakita? Tinulungan siya ng lalaki sa pagdampot ng mga kumalat na papel. “I’m so sorry, Miss. I was busy talking on the phone. Hindi kita nakita.” Natigil siya sa ginagawa at napatingin sa mukha nito. Ang ganda kasi ng tinig nito. Tila tinig iyon ng isang DJ sa radio. Nahigit niya ang hininga nang mapagmasdang maigi ang mukha nito. Bihira siyang maguwapuhan sa ibang lalaki dahil pang-movie star na ang kaguwapuhan ni Gray. Tila wala nang makahihigit pa rito. Hindi sa mas guwapo ang lalaking nakabangga niya kaysa kay Gray. Halos pumantay ito sa kakisigan ni Gray. Ito ang tipo ng lalaking pormal, mailap, at tila puno ng misteryo. Iyong tipo na hahabulin mo dahil maiintriga ka sa misteryo at maa-attract ka sa kailapan nito. Hindi maikakailang guwapo talaga ito. “Here you go,” anito nang maibalik sa folder ang mga papel. Napatingin ito sa kanya. Lalo siyang napapatitig dito. Napakaganda ng mga mata nito. Hindi niya masabi kung darkest brown ang kulay niyon o talagang itim. Noon lang siya nakakita ng ganoon kagandang mga mata. Napatitig din ito sa kanya. Hindi niya mabasa kung ano ang tumatakbo sa isip nito. Hindi rin siya makapag-isip nang matino dahil tila nabablangko ang isip niya. Ang nais lang niya ay titigan ito hanggang sa pagsawaan niya ang kaguwapuhan nito. Noon lang nangyari ang ganoon sa kanya. Walang ibang lalaki ang nagkaroon ng ganoong epekto sa kanya, kahit na si Gray. “Kila?” Napapitlag siya nang marinig ang pamilyar na tinig ni Grayson. Naroon nga pala siya para ibigay ang naiwan nitong project sa bahay. Kaagad siyang tumuwid at nilingon ang pinanggalingan ng tinig. Nasa hindi kalayuan si Gray at kunot na kunot ang noong nakatingin sa kanila. Tumuwid din ng tayo ang lalaking nakabangga niya. “Here,” anito, sabay abot sa kanya ng folder. Tinanggap kaagad niya iyon. “Salamat.” “Xander?”  Napatingin ang lalaki sa likuran nito. Kaagad itong napangiti. Hindi na ito nagpaalam sa kanya at mabilis na nilapitan ang babaeng tumawag dito. Nagmamadaling nilapitan niya si Gray. Hindi na niya iisipin ang lalaking iyon. Bahagya nga siyang nakakaramdam ng guilt dahil sa naging reaksiyon niya kanina. Walang dahilan upang bigyan pa niya ng kahit na maliit na espasyo sa isip niya ang lalaking iyon. Malamang na hindi na niya ito makita uli. Nakangiting iniabot niya kay Gray ang folder. Napangiti ito at nawala na ang pagkakakunot ng noo. “Maraming salamat, Kila. Pasensiya ka na kung naabala pa kita. Ang dami ko kasing iniisip kanina kaya nakalimutan kong hindi ko pa pala nailalagay sa bag ang folder na ito.” “Okay lang. Wala rin naman akong gagawin, eh. Hindi pa naman ako gaanong kailangan kina Aling Tess. Maigi nga at nakita ko `yan sa bahay kaagad. Aabot ba?” “Oo, aabot. Salamat talaga. Teka, bakit pala kasama mo `yon?” Bahagyang nagsalubong ang mga kilay nito. Hindi niya napigilan ang mapangisi. “Bakit, nagseselos ka ba?” Tuluyan nang umasim ang mukha nito. “Bakit, wala ba akong karapatang magselos? Boyfriend mo ako, bah!” Iniyakap niya ang mga braso sa baywang nito. Wala siyang pakialam kahit na nakikita sila ng mga dumaraan. Mamatay ang mga ito sa inggit. “Nakabangga ko lang po. Hindi ko nga alam ang pangalan. Busy siya sa phone niya at busy naman ako sa pagtingin sa paligid kaya `ayun, nag-collide kami. Wala ka namang dapat na ipagselos, eh. Para sa `kin, ikaw lang ang lalaki. Wala nang hihigit pa sa `yo.” Inakbayan siya nito at hinagkan ang kanyang noo. “Dapat lang dahil ganoon ka rin sa `kin.” Halos mamilipit siya sa kilig na naramdaman niya. Hindi nagbabago ang epekto nito sa kanya kahit na ilang buwan na silang magnobyo. “Huwag mo akong ipagpapalit, Kila, ha?” anito. “Magsusumikap talaga ako para sa inyo nina Nanay at Tatay. Bibigyan kita ng magandang buhay. Pagagawan kita ng palasyo. Pag-aaralin kita kahit na saang eskuwelahan mo gusto. Kapag may isang mayaman at guwapong lalaki na nagkagusto sa `yo, `wag mo akong ipagpapalit, ha?” Natawa siya nang malakas habang hinihigpitan ang pagkakayakap dito. “Para kang sira. Puwede ba namang ipagpalit kita? At saka lalapitan ba ako ng isang mayaman at guwapong lalaki? Magkakagusto pa kaya? Ikaw lang naman yata ang nagkamali sa `kin, eh.” Pinisil nito ang ilong niya. “Masyado mo namang nilalait ang sarili mo. Ang ganda-ganda mo, Kila. Kahit na sinong lalaki ay magugustuhan ka. Nilalait mo rin ako, ha? Ano’ng akala mo sa `kin, walang taste sa babae?” “Hindi naman sa ganoon. Masyado ka lang nagdadrama diyan. Kung ano-ano ang naiisip mo.” Tila nahihiya ang naging ngiti nito. “Kilala ko kasi `yong nakabangga mo, eh. Si Xander Castañeda. Galing siya sa isa sa pinakamayayamang angkan sa bansa.” Tinaasan niya ito ng isang kilay. “So?” “So, guwapo siya at mayaman. Sobrang ganda mo naman.” “Guwapo nga siya. Pero mas guwapo ka pa rin. Walang biro `yon. Sigurado rin ako na may girlfriend na `yon. Parang hindi kapani-paniwala kung walang girlfriend ang lalaking ganoon kakisig.” “Mangako ka.” “Ha?”  “Mangako ka na hindi mo ako ipagpapalit sa isang guwapo at mayamang lalaki,” anito sa napakaseryosong tinig. Tinitigan pa siya nito sa mga mata. Labis siyang nabaghan sa iniaakto ni Gray. Bakit bigla naman yatang nagkakaganito ang nobyo niya? Hindi naman ito dating insecure. Alam naman nito sa sarili na wala na siyang ibang iibigin pa. Wala itong magiging kaagaw sa puso niya. Kung may isang bagay sa mundong ito na makasisiguro ito, iyon ay ang pag-ibig niya. “Pangako,” sabi na lang niya upang matapos na ang lahat at makampante na ito. Napangiti ito at niyakap siya nang mahigpit. “Mahal na mahal kita, Dakila.” Hindi na niya kailangang sabihin na mahal na mahal din niya ito. Alam na nito iyon. Alam niyang nararamdaman din nito. Hindi na rin niya kailangang sabihin na hindi niya kailangan ng isang lalaking mayaman. Ito ang kailangan niya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD