3

2359 Words
NAGSALUBONG ang mga kilay ni Kila nang makitang walang kahit na anong ilaw na nakasindi sa bahay nila.  Wala ba sina Tatay Berting at Nanay Perla? Hindi siya sinundo ni Grayson dahil may plant visit ito sa Batangas. Maagang-maaga itong umalis nang umagang iyon at bukas na ng gabi ang balik nito. Hindi niya ipinahalata na dismayado siya. Kaarawan kasi niya nang araw na iyon. Tila walang nakaalala. Hindi siya nabati ni Grayson bago ito umalis. Kahit sina Tatay Berting at Nanay Perla ay hindi pa siya binabati. Tila abalang-abala ang mga ito. Ayos lang naman sa kanya iyon. Ayaw na niyang mag-abala pa nang husto ang mga tao sa paligid niya dahil kaarawan niya. Gagastos lang sila kung gagawin niyang big deal ang eighteenth birthday niya. Maraming mas mahalagang bagay na maaaring paglaanan ng pera. Tapos na rin naman ang araw.  Ngunit alam din ni Kila sa kaibuturan niya na humihiling siya na sana ay may mangyaring espesyal sa kanya sa araw na iyon. Hindi siya humihiling ng mala-fairy tale na debut party. Okay lang kahit na hindi siya makapagsuot ng pink ball gown. Okay lang kahit na wala siyang maraming-maraming regalo. Nais lang niyang may mangyaring maganda. Kahit na munting bagay lang basta espesyal. Kahit na simpleng pagbati lang na may kasamang yakap at halik mula sa mga mahal niya sa buhay, okay na siya. Kumatok siya sa pinto. Nang walang sumagot at nagbukas ay ginamit na niya ang susi niya. Baka may pinuntahan lang sina Nanay Perla at Tatay Berting. Babalik din marahil kaagad ang mga ito. Nasilaw siya nang bigla na lang sumindi ang ilaw pagpasok na pagpasok niya sa loob ng bahay. “Happy birthday!”  Napasinghap siya nang makita ang mag-asawang kumupkop sa kanya at ilang malalapit na kapitbahay sa loob ng bahay. Nakangiti ang lahat sa kanya. Nakasuot ang ilan ng party hats. Ang maliit nilang mesa ay may mga pagkaing nakahain. Niyakap niya nang mahigpit si Nanay Perla. Tuwing kaarawan niya ay nagluluto ito ng pansit. Ngayon lang ito naghanda nang ganoon karami. Kahit na wala siyang cake ay masayang-masaya na siya. Labis-labis nang regalo ang sorpresang iyon. “Maraming salamat, Nanay, Tatay,” aniya habang nakayakap sa mag-asawa. Napakasuwerte niya dahil nakatagpo siya ng mabubuting tao na katulad ng mga ito. Hindi na niya napigilan ang maluha. “Huwag ka munang magpasalamat dahil hindi pa tapos ang sorpresa,” nakangiting sabi ni Tatay Berting.  “Meron pa?” mangiyak-ngiyak na sabi niya. “Wala pang cake,” anang isang pamilyar na tinig. “Happy birthday, Dakila!” Napasinghap siya nang mula sa kung saan  ay lumitaw si Gray na may hawak na cake. Nakasindi na ang mga kandila. Abot yata hanggang sa magkabilang tainga ang pagkakangiti nito. “Happy birthday to you,” pagkanta nito na kaagad na sinabayan ng iba. “Happy birthday, happy birthday! Happy birthday to you!” Inilapit nito sa kanya ang birthday cake niya. “Mag-wish ka, `tapos hipan mo na,” ani Gray sa kanya. Nalaglag ang mga luha niya nang pumikit siya upang humiling. Sana ay palaging maging masaya at maayos ang pamilyang ito. Sana ay patuloy silang biyayaan. Dumilat siya at hinipan ang mga kandila sa birthday cake. Napangiti siya nang pahirin ni Gray ang mga luhang namalisbis sa kanyang mga pisngi. “Birthday mo, umiiyak ka,” masuyong sabi nito. “Tears of joy,” aniya. “Kainan na!” masayang anunsiyo ni Nanay Perla. “Maligayang kaarawan, Kila!” Muli niyang niyakap ang mag-asawa. Naluluha na naman siya ngunit pinigil na niyang umiyak. Iyon na marahil ang pinakamasayang sandali sa buhay niya. Ramdam na ramdam niya ang pagmamahal nina Tatay Berting, Nanay Perla, at Grayson. Ang mga ito ang pinakamahahalagang tao sa kanyang buhay. Wala siyang hindi kayang gawin para sa mga ito. “AKO NA ang bahala diyan, birthday girl. Sige na, magpahinga ka. Alam ko namang napagod ka sa palengke.” Hindi gaanong pinansin ni Kila ang sinabi ni Gray at ipinagpatuloy niya ang pagliligpit. Katatapos lang ng party niya. Nakauwi na ang mga bisita nila. Naging masaya ang lahat sa kaunting handa na pinagsalusaluhan nila. Siya ang pinakamasaya sa lahat. Hindi nga siya makaramdam ng pagod. Tila umaapaw ang enerhiya sa buong katawan niya. Noon lang siya nakadama ng matinding kaligayahan sa buhay niya. Inilagay niya sa lababo ang lahat ng hugasin. Nilapitan siya ni Gray at pinigilan ang mga kamay niya. “Ang kulit ng birthday celebrant,” nakangiting sabi nito. Hinila siya nito at pinaupo sa isang silya. “Diyan ka lang at magpahinga. Ako na ang bahala sa lahat ng trabaho.” Ito ang humarap sa lababo. “Tutulungan na kita,” alok niya. “Hep! Diyan ka lang sabi, eh,” anito nang akmang tatayo siya mula sa kinauupuan.  Napalabi siya. “Hindi naman ako gaanong pagod. Para mabilis tayong matapos, tutulungan na kita.” “Basta diyan ka lang, mahal na prinsesa. Birthday na birthday mo, paghuhugasin ba naman kita ng mga pinagkainan?” Hinayaan na lang niya ito sa gusto nito. Tila hindi rin siya mananalo rito. “Maraming salamat talaga,” sabi na lang niya. Nakangising nilingon siya nito habang nagsasabon ito ng pinggan. “Kanina ka pa nagpapasalamat. Ano ka ba? Tumigil ka na at nakukulili na ang tainga ko,” anito sa nagbibirong tinig. Banayad siyang natawa. “Kahit na makulitan ka hanggang langit, magpapasalamat pa rin ako nang paulit-ulit. Pero kahit naman walang ganito, okay lang. Kahit na tayo-tayo lang at isang kilong pansit lang ang handa, magiging masayang-masaya na ako. Hindi na sana dapat kayo nag-abala nang ganito. Sana ay inilaan n’yo na lang ang pera para sa matrikula mo.” Bigla siyang napatili nang pahiran nito ng bula ang pisngi niya. Kaagad din niyang natutop ang bibig nang maalalang nagpapahinga na sina Tatay Berting at Nanay Perla. Hinampas niya ang braso ni Gray. “Ano ka ba?!” Natawa ito. “Eh, ang arte mo. Ang dami mong nalalamang drama. Minsan lang maging disiotso ang isang babae. Hudyat iyon ng lubusang pagdadalaga. Alangan namang hindi tayo maghanda? Gusto naman naming maging espesyal para sa `yo ang kaarawan mo. Palagi na lang pansit ang handa mo sa mga nakaraang birthday mo, eh. Para maiba naman, may maliit na party.” “Masayang-masaya ako dito sa inihanda n’yo, Gray. Hindi ko talaga akalain. Pero iniisip ko rin ang gastos n’yo, `no. Hindi ko maiwasang manghinayang nang kaunti. Alam kong nangangailangan ka, eh.” Ibinalik nito ang atensiyon sa paghuhugas. “Huwag mong masyadong alalahanin iyon. Pinaghandaan ko talaga ang surprise party mo ngayon. May part-time job ako. Saka bayad na rin ang matrikula ko. Huwag ka nang mag-alala. Maging masaya ka na lang.” Hindi pa rin lubusang nabubura ang pag-aalala sa dibdib niya, ngunit hindi na niya isinatinig iyon. Hahayaan na lang niya ito. Ibibigay na lang niya ang sahod niya kapag nangailangan ito para sa pag-aaral nito. “Ayaw mo talagang tulungan kita riyan?” tanong niya kapagkuwan. “Hindi na. Malapit na akong matapos. Kuwentuhan mo na lang ako tungkol sa naging araw mo.” Kinuwentuhan nga niya ito. Sinabi niyang inakala talaga niyang walang nakaalala sa birthday niya. Inamin niyang malungkot siya buong araw sa palengke dahil hindi niya ito nakita paggising niya at walang natanggap na anumang pagbati. Nang matapos ito sa mga hugasin ay niyaya siya nito sa maliit na sala. Pag-upo nila sa lumang sofa ay may hinugot ito mula sa bulsa nito at ibinigay sa kanya ang maliit na kahon. Nagtatakang tinanggap niya iyon. “Ano `to?” “Birthday mo, `di ba? Puwede ba namang wala akong regalo sa `yo?” “Hindi ka na sana nag-abala. Sobra-sobra na nga ang mga inihanda mo.” “`Sus, ang dami mo pang sinasabi. Tanggapin mo na lang. Sige na, buksan mo na `yan.” Excited siya ngunit maingat niyang inalis ang gift wrapper sa kahon. Natigilan siya nang makitang jewelry box iyon. Bahagyang nanginig ang kanyang kamay habang binubuksan ang kahon. Napasinghap siya nang bumungad sa kanya ang isang silver ring. Walang disenyo iyon, simpleng silver band lang ngunit sobrang nagandahan na siya. “Pasensiya ka na kung iyan lang ang nakayanan ko sa ngayon,” anito sa tila nahihiyang tinig. Inalis nito ang singsing sa kahon niyon at inabot ang isang kamay niya. “Papalitan ko rin ito kapag may malaki na akong ipon. Mas maganda at mas mahal ang ipapalit ko. `Yong may diyamante na.” Inilapit nito sa kanya ang singsing at tila may ipinapakita. Nalaglag ang mga panga niya nang makita ang nais nitong ipakita sa kanya. Kaagad na nangilid ang mga luha sa kanyang mga mata. Pakiramdam niya ay sasabog na anumang sandali ang kanyang dibdib sa sobrang kaligayahan. Totoo bang nangyayari ang lahat ng ito? Tila panaginip lang ang lahat. Iniibig kita. Iyon ang nakalagay na inscription sa singsing. Isinuot nito sa kanya ang singsing. “Mahal na mahal kita, Kila. Mahal kita hindi bilang isang nakababatang kapatid. Iniibig kita. Sana ay tanggapin mo ang pag-ibig ko.” Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Ito na marahil ang pinakamagandang regalo na natanggap niya sa buong buhay niya. Ito na ang katuparan ng pangarap niya. Iniibig siya ni Grayson! “M-magsalita ka naman d-diyan,” nauutal na sabi nito. Nahimigan din niya ang nerbiyos nito. Tila ito natatakot na hindi niya malaman. Wala itong dapat na ikatakot. Kusa na siyang yumakap dito. “Maraming salamat,” naluluhang sabi niya. Naninikip ang dibdib niya. Nahihirapan siyang magsalita. Totoo nga ba ang lahat ng mga iyon, o nananaginip lang siya? Huminga ito nang malalim. “Hindi iyan ang gusto kong marinig na sagot mula sa iyo.” Hinawakan nito ang mga balikat niya at bahagya siyang inilayo. “Alam ko na pamilya na ang turing mo sa amin. Alam ko na maaaring pagmamahal bilang isang kapatid lang ang nararamdaman mo para sa `kin. Hindi ko hinahangad na tugunin mo kaagad ang pag-ibig ko. Gusto ko lang malaman mo na handa akong maghintay. Handa akong suyuin ka hanggang sa mahalin mo rin ako sa paraang gusto ko. “Alam nina Tatay ang plano kong ito. Pinayuhan nila ako na pag-isipang maigi. Napakaraming maaaring mangyari na hindi natin magugustuhan. Baka iba ang isipin ng ibang mga tao dahil halos sabay na tayong lumaki at sa iisang bubong lang tayo nakatira. Ayaw rin naman nilang makompromiso ang reputasyon mo. Baka rin tanggapin mo ang pag-ibig ko dahil nahihiya ka lang sa mga magulang ko. Baka pilitin mo ang sarili mong mahalin ako dahil sa malaking utang-na-loob mo sa kanila. Ayokong i-pressure ka. Noong una, ayokong magmadali. Pero natatakot ako na baka maunahan ako ng iba. Natatakot ako na baka umibig ka sa iba.” Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang mukha nito. Hinayaan lang niya itong magsalita nang magsalita kahit na tila nahihirapan ito sa pagpapaliwanag. Hindi niya maintindihan kung paano nito hindi nahalata na umiibig din siya rito. Paano nito naisip na may ibang lalaki pa siyang iibigin? Paano sumagi sa isip nito na hindi niya ito mamahalin sa paraang gusto nito? Mas na siya ang natatakot na baka maunahan siya ng ibang babae, na baka umibig ito sa iba. Maligayang-maligaya ang buong pagkatao niya dahil pareho pala sila ng nararamdaman. Wala na siyang pakialam pa sa sasabihin ng ibang tao. Hindi naman na gaanong importante iyon. Ang pinakamahalaga lang para sa kanya sa kasalukuyan ay iniibig nila ang isa’t isa. Hinaplos niya ang pisngi nito. “Mahal na mahal kita, Gray. Mahal kita hindi bilang kapatid. Iniibig din kita. Matagal na. Ikaw lang ang lalaking nasa puso ko.” Sandali muna itong natulala. Tila hindi nito mapaniwalaan ang mga narinig nito mula sa kanya. Hinintay niya hanggang sa makahuma ito. Natawa siya nang bigla na lang siya nitong yakapin. “Maraming salamat! Hindi ka magsisisi. Mahal na mahal kita, Dakila. Mamahalin kita magpakailanman.” Nahimigan niya ang pangako sa tinig nito. Hindi siya makapagsalita dahil tila may bumikig sa lalamunan niya. Pinipigil niya ang mga luha. Posible pala na makaranas ng ganitong klaseng kaligayahan ang isang tao. “OO NA. Sige na. Sinasagot na kita. Girlfriend mo na ako mula sa araw na ito.” “Talaga?” masayang bulalas ni Xander. Hindi ba siya dinadaya lang ng kanyang pandinig? O baka nananaginip lang siya? Sinagot na ba siyang talaga ni Gabriella? Hindi ba ito nagbibiro? Natawa  ito. “Oo na nga sabi, eh.” Halos sumabog ang dibdib niya sa sobrang kaligayahan. Kinumbinsi niya ang sarili na hindi siya basta nananaginip lang.  Hinawakan niya ang kamay nito at pinaghahalikan. “Wala nang bawian, Gabby. You’re mine. God, I can’t believe this. Talaga bang sinagot mo na ako?” Muli itong natawa. “Mahirap paniwalaan? Pagkatapos mo akong suyuin nang husto, mahihirapan kang paniwalaan na sinasagot kita? Pagkatapos mo akong purgahin sa matatamis na salita, sa mga bulaklak, sa magagandang bagay, at sa nakakakilig na mga sorpresa, inaasahan mong hindi ako mahuhulog sa `yo? Magaling ka, Mister Xanderio Castañeda.” Ang tamis-tamis ng naging ngiti nito sa kanya. Hindi na niya napigilan ang kanyang sarili. Hinagkan niya ito sa mga labi. Ang tagal niyang inasam na matikman ang mga labing iyon. Hindi niya maipaliwanag ang kaligayahang dumagsa sa buong pagkatao niya. His hard work had paid off. Sa wakas ay bumigay rin ito sa panunuyo niya. “Hindi ka magsisisi, Gabby. I’ll make you happy,” aniya pagkatapos pakawalan ang mga labi nito. “Aasahan ko ang pangako mong `yan, Xan. Sa `yo ko lang naramdaman ang ganito. Sa `yo ko lang ipagkakatiwala ang puso ko. Dahil sa `yo, binali ko ang ilang pangako ko sa sarili. Gusto ko kasing maging masaya kahit na minsan lang sa buhay ko. Gusto kong mahalin din ako at alagaan. Sana nga ay hindi ako magsisi.” “I love you. I’ll always love you.” “I love you, too.” Nanikip ang dibdib niya sa sobrang kaligayahan. Nangako siya sa sarili na gagawin niya ang lahat upang mapaligaya ito. Mas mamahalin pa niya ito. Ibibigay niya ang lahat ng gusto nito. Wala itong magiging reklamo sa kanya.She would be the most pampered and loved girlfriend in the whole world.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD