Chapter 4

4033 Words
Chapter 4 Bug-ong Naging parte na ng tropa namin si Irwin. Hindi na siya mahiyain simula noong makilala namin siya. Nararamdaman ko na komportable na siyang kasama kami. Maaliwalas nga ang mukha niya at madalas nang nakangiti. Nawawala na ang hiya niya talaga kapag kasama kami. Madalas din ay nakikisalo siya sa kalokohan nina Vladimir at Jiro. Napapansin ko na malapit siya kay Vlad. Minsan pa nga, sila pa ang tandem sa pang-aalaska sa aming dalawa ni Soledad. Si Jiro naman, ngingiti-ngiti lang, sinasakyan ang kalokohan ng dalawa. "Ugh! Ang hirap naman nito!" mahinang bulaslas ko habang nakapangalumbaba pa. Nasa silid-aklatan kami ngayon at nag-aaral para sa assignment namin sa Elementary Algebra. "Sa'n ka nahihirapan?" Nang tumingala ako ay nakita ko si Irwin na mataman na nakatingin sa akin. Napansin ko ang pagkinang-kinang ng kaniyang dogtag na regalo ko noong birthday niya. Bumabagay talaga sa tikas ng kaniyang katawan iyon. Simula no'ng ibinigay ko sa kaniya iyon ay hindi na niya iyon hinuhubad. Napabuga ako ng hangin. "Heto..." nakangusong sabi ko sabay turo sa numero sa assignment ko na nagpapasakit talaga ng ulo ko. "Akin na'ng notebook mo. Ituturo ko sa 'yo." Akma ko na sanang ibibigay kay Irwin ang notebook ko nang biglang hilahin iyon ng katabi ko. Nang lingunin ko ang taong iyon ay ipapakita ko sanang naiirita ako, kaya lang, napawi rin nang matulala noong tumambad sa akin ang mukha ni Jiro na tumatakbo ang mga mata habang ine-eksamin ang assignment ko. "Madali lang pala 'to, e," nakangiting sambit na niya sa akin. Mas lalo lang akong natulala habang tinitignan siya nang mabuti. Nasa isang hati ang buhok niya at naaamoy ko ang gel na ginamit niya roon. Nasisinghot ko ang pabango niya. Ang bango niya talaga. Medyo singkit talaga ang pares ng mata niya. Narinig ko sa kaniya noon na kalahating Hapon ang Mommy niya at doon niya naman iyon. Matangos din ang kaniyang ilong at kapag ngumingiti siya ay sumisilip ang dalawang malalalim niyang dimple sa magkabilang pisngi. Kapag lumalapad nang husto ang kaniyang ngiti ay mas lalo iyong nalalantad. At pantay pa ang mapuputi niyang ngipin. No wonder kung siya kadalasan ang pambato sa pagiging escort sa kahit na anong paligsahan. Nai-inlove talaga ako sa kaniya lalo! "Melissa, okay ka lang ba?" Napakurap ako at namilog ang mga mata. Pakiramdam ko ay nasipag-akyatan ang lahat ng dugo sa pisngi ko. 'Dyusko! Nakita niya ba akong tulala na parang tanga sa harapan niya? Nakita ba niya? Nakakahiya! "A...ah...eh...H-huh?" Pati pagsasalita ko, nagkandabuhul-buhol na. Badtrip naman, o! Mula sa nag-aalalang mukha ay nag-iba na iyon at nakangisi na siya nang nakakaloko. "Ikaw talaga..." naiiling niyang sabi. "Tignan mo 'to, tuturuan kita." Parang tanga lang akong tumalima sa kaniya at nakatungo na 'kong tinitignan ang Math Graphing Notebook ko. Pero ang pag-iinit ng pisngi ko ay hindi pa rin humuhupa. s**t na malagkit. Hindi ko nga alam kung nakikinig pa ako kay Jiro at na-absorb ng kakarampot kong utak ang pinagsasabi niya. Lutang na lutang ako, e. "Huy!" Tumama ang mga mata ko kay Soledad na masiglang-masigla at tila ay wala problema ang isang ito. Nilipat ko naman ang tingin ko kay Irwin na nakatayo pa rin. Magkasalubong ang mga makakapal niyang kilay at nagiging matingkad ang pagka-itim ng kaniyang mga mata. Bigla na siyang napakislot nang makitang nakatingin ako sa kaniya at naglihis ng tingin sa ibang direksyon. "Tahimik n'yo, ha?" Naagaw naman ang atensyon namin sa baritonong boses ni Vladimir-a na aroganteng umupo sa harapan namin. Nasa isang mahabang lamesa kami sa may sulok ng silid-aklatan nakapuwesto kaya kahit mag-ingay kami nang kaunti ay hindi kami mahuhuli ng librarian. Umirap naman si Soledad, tinapik ang balikat ni Irwin nang mahina at umupo na rin sa tabi ni Vlad. Nakigaya na rin si Irwin at tahimik na umupo sa tabi ni Irwin. Bigla naman ako nagtaka kung bakit ang tahimik na ni Irwin, gayong kanina, masigla pa siya. Naging tahimik ang grupo namin at nagsimula ulit nag-aral. Naging matiyaga talaga si Jiro sa pagtuturo sa akin. Gano'n naman talaga siya kahit noon pa man. At iyon ang isa sa dahilan kung bakit crush na crush ko si Jiro. Napaka-bait niya at matulungin, sobra. Kahit na para talagang lutang ako 'pag katabi si Jiro ay nararamdaman ko ang palihim na panonood ni Soledad sa aming dalawa. Itong bruha na 'to...naku. Gan'yan naman iyan, dati pa. "Ah, sandali lang, Melissa." Nagtaka ako sa biglang pagtayo ni Jiro, na parang may nakitang dumaan at iyon ang nakakuha ng kaniyang atensyon. Maging ang iba kong kasama ay kagaya ko rin ng reaksyon. "H-huh? B-bakit?" wala sa sarili kong tanong, nakakunot ang mga noong pinagmasdan ang taranta sa mga mata niya. "M-may pupuntahan lang ako. S-sandali lang," nagmamadali niyang sabi. Pagdaka'y iniwan na kaming lahat. Walang gana ko na lang na hinablot ang Math Notebook ko sa puwesto niya kanina at tinitigan ang assignment na hindi ko pa rin maintindihan hanggang ngayon. "Ano? May naintindihan ka ba sa tinuro ni Jiro?" usisa ni Sol, nilalabas ang kahalintulad ng aking notebook sa kaniyang tabi. "W-wala..." hindi ko na maitago ang lungkot sa boses ko. Ayos na kasi, e. Nando'n na, e. Magkasama na kami, maya-maya, aalis bigla. Parati na lang siyang gano'n. Maski noong elementary namin, trip na niyang gawin iyon. "Ano?!" medyo gulat na tanong ni Vlad. "Papa'no na kami kokopya n'yan?!" mahina niyang anas. "Teka, tanungin natin 'tong si Irwin. Tiyak, may alam 'to sa assignment natin," nakangising wika ni Sol. Kumunot ang noo ko sa pilyang ngisi ni Soledad. Ano'ng nasa isip ng bruhang ito? Bumaling na kaming lahat kay Irwin na tahimik na nagbubuklat ng Math Notebook niya. Ilang saglit pa, sinara niya iyonat inisa-isang ligpitin ang mga librong kinuha niya sa shelves ng aklatan. Tumayo na siya nang tuwid. "Irwin, huy! Sa'n ka pupunta?" nagtatakang tanong ni Vlad. "Aalis ka na? T-teka, wala pa nga akong sagot sa question number one---" "Kagaya ko, paghirapan n'yo rin ang assignment n'yo. H'wag nga kayong umasa sa kopya. Tumigil-tigil kayo sa pagdedepende sa ibang tao," malamig niyang wika at walang pasubaling iniwan kami sa puwesto namin. Napakamot sa batok si Vlad sa irita. "Kita mo 'yun. Tsk. Ano'ng nakain no'n at masama ang timpla ngayon? Wala tuloy akong makopyahan." Ngumisi si Sol lalo. Isang ngising-pilya pa rin. "E, pa'no, naunahan yata, e." Akala ko ay may idudugtong pa siya sa sinabi niya, pero, 'langya, nagtuloy na lang siya sa pag-aaral kuno. Hay, ewan! Ang wiwirdo talaga ng mga kasama ko! Noong tanghalian ay magkasabau kaming apat na kumain sa Science Garden ng school. Doon naming piniling umupo sa may Bermuda grasses kagaya ng nakagawian. Hindi na naman namin kasama ang crush kong si Jiro. "Ano ba'ng pinagkakaabalahan no'ng si Jiro at kadalasan, nawawala? No'ng Grade Six pa tayo gano'n iyon, huh?" tanong ni Soledad habang ngumunguya ng kanin. Bumagsak ang mga mata ko sa bug-ong ko at bumuntong-hininga. "H'wag na nating hanapin ang wala," walang ganang sabi ko at nagkibit-balikat. "Wala raw," Pagak siyang nagsalita at umirap pa. "'Sus, if I know, kung makaarte ka kanina, akala mo, inagawan ka ng candy noong umalis si Jiro---" Namimilog ang mga mata kong siniko ang bruha kong kaibigan. Ito talagang babaeng 'to, napaka! "Ouch!" maarte niyang wika, "Aray, ha!" asik niyang inarte. Umirap ako. Tsk talaga. Matagal na kasing alam ni Sol na crush na crush ko si Jiro noong elementary pa. At alam niya rin ang frustrated love fantasies ko ro'n. Lagi nga akong nauuwi sa pang-aalaka, e. "Hoy, Vladimir-a! Balak mo na bang magpakamatay? Taasan mo naman ang pagtutuntungan mo. Ang babaw lang kaya!" Halakhak ni Sol na ngayon ay nakatingin sa nakatalikod sa aming si Vlad. Inirapan siyang binalingan na ni Vlad at muling tinuon ang atnesyon sa pages-selfie gamit ang android phone niya. Napaka-vain naman talaga ng kumag na ito. Sa pagkakaalam ko ay siya talaga ang Hari ng Vain Posts sa i********: at f*******:. Nagkalat ang mga pagmumukha niyang nakakadiri sa mga social sites. Bawat lugar, maski banyo, dapat, laging binibinyagan ng mga post niyang pamatay. "Ah, ayaw niyang makinig, huh? Tulungan ko na ngang magpakamatay." Tumayo na si Sol at nilapitan na si Vlad na abala pa rin sa ginagawa. Pansin ang nakahati niyang tirintas na buhok sa magkabilang balikat. Nakatuntong si Vlad sa sementadong upuan ng hardin ng school. Nang naroon na siya ay tinulak niya ng ubod ng lakas si Vlad sa likod nito. Natigil agad ito sa pages-selfie at muntik nang matumba ang kurimaw. Halos mapatili nga ako, e. Buti, nakiabalanse agad. Humagalpak ng tawa si Sol. Napahawak pa sa tiyan niya. "Puta!" narinig kong mura ng malutong ni Vlad at sobrang iritadong humarap na kay Sol. "Muntik na 'kong malaglag sa ginawa mo, alam mo ba?!" sigaw niya na nanggagalaiti. Napansin kong napapahid si Sol ng tumakas na luha sa kaliwa niyang mata. "O, at least, buhay ka pa. Humihinga ka pa naman, 'di ba?" natatawa niya pa ring sabi. "Ni hindi mo nga naisip kung 'yong lugar ng pinagse-selfie-han mo, delikado, o hindi." Nagmura ulit nang malutong si Vlad at napatiim-bagang. Ang kanina niyang nakangiting mukha ay napalitan ng bugnuting reaksyon. Mas lalo pa siyang naaburido nang hinablot ni Sol ang phone niya at pasimpleng kumuha ng selfie. Nanlaki ang mga mata ni Vlad at akmang aagawin ang phone niya kay Soledad, ngunit nakaatras na agad ang bruha kong kaibigan bago pa gawin ni Vlad ang aksyon niya rito. "Wow! Ang ganda ko talaga," mayabang niyang puri sa sarili. Bumaling na siya kay Vlad at pinandilatan pa ito. "Hoy, Vladimir-a! H'wag mo 'tong buburahin, ha?! Ise-share it ko pa ito. At lalong h'wag na h'wag mong burahin kung nai-share ko na. Kundi, sasakmalin talaga kita," may diin niyang pagbabanta. Nagmura na naman si Vlad. "Oo na! Buwisit! Akin na nga 'yang phone ko, Manang Soledad!" Maarte itong umiling. "Tutulungan na kitang patayin ang sarili mo...este kunan ka ng picture. Ang bantot mo kaya kapag nagse-selfie. Mukha ka talagang tanga." mapang-asar pa siyang tumawa nang malakas. "Puta talaga," nanggigil na bulong ni Vlad. Sa buong pag-uusap nilang iyon ay panay ang tawa ko. Gan'yan talaga sila kapag nag-uusap. Normal nang usapan nila ang asaran. Habang naging abala ang dalawa sa pagtatalo tungkol sa pagkuha ng picture ay napatingin naman ako sa katabi ko na kanina pang walang imik at may sarili na namang mundo. Umiinom siya ng baon niyang tubig habang tulalang kumakain ng Skyflakes. Na naman. "Irwin," tawag ko ngunit tila ba ay hindi niya ako narinig. "Irwin!" Laking-gulat na siyang napalingon sa akin. Halata talaga sa mukha niya ang pagkabigla. "B-bakit?" "'Y-yan lang ang kakainin mo?" sabay nguso ko sa hawak niya. Hindi ko alam kung sa'n siya nakatingin. Sa mukha ko o sa labi ko. Nagpilig siya ng ulo. "O-oo." Umarko ang kilay ko. "Skyflakes at tubig? Iyan lang talaga ang kakainin mo?" nag-aalala na talaga ako. Simula kasi nang makasama namin si Irwin ay napapansin kong sa tanghalian, biscuit lang ang baon niya. Walang kanin, walang ulam. Oo, medyo malapad nga ang braso ng isang ito, pero payat pa rin siya. Nagkakakain ba ito? "Oo." Kibit-balikat niyang sagot, sabay tango. "Nagbu-bug-ong ka ba?" "Bug-ong?" "Oo. Bug-ong." Imbes na sagutin niya ako ay nagsisimula na siyang magligpit ng gamit. Nataranta akong bahagya dahil mukhang hindi ako sasagutin ng isang ito. "H-hoy! Irwin!" "Tara na, male-late na tayo." Sabay pagpag niya sa slacks niyang khaki. "Vlad!" napatingin si Vlad sa kaniya. Maging si Sol ay nakigaya rin. "Kahit na ano'ng gawin mo, 'di mo 'yan ikakaguwapo. Tara na, male-late na talaga tayo!" Napakamot na lang si Vlad sa batok at sumimangot habang tumatawa naman si Sol sa tabi niya. Hindi mawala-wala sa isip ko ang sitwasyon ni Irwin. Maisip ko lang na walang siyang kinakaing tama sa isang araw ay bumibigat ang dibdib ko. Gusto kong malaman kung ano'ng tunay na nangyayari sa kaniya. Dapat malaman ko kung ano talaga'ng totoo lalo pa't napapansin kong naging aloof at distant na naman siya. Palihim kong sinundan noong uwian si Irwin. Isinantabi ko muna ang pag-aaligid ko kay Jiro. Kung saan man siya nagtutungo ay sinusundan ko. Kapansin-pansin talaga ang likod niyang matindig at makisig. Tuwing nakikita ko talaga na suot-suot niya ang dogtag na binigay ko sa kaniya ay nagmumukha siyang astig sa akin. Natigil lang ako sa paglalakad at nagmamadaling nagtago noong sandali rin siyang huminto at pumasok sa loob ng isang building. Nang nawala na siya sa paningin ko ay pinagmasdan ko ang karatulang nakalagay sa labas. Napasapo na lang ako sa bibig ko nang makita ang nakalagay: HELPING HAND INSTITUTE. Samu't-saring espekulasyon ang pumapasok sa isip ko nang mabasa ko iyon. Bigla akong kinilabutan sa kongklusyon ko. Iyon ang nag-iisang bahay-ampunan dito sa Maestranza. At anumang dahilan kung bakit siya nandito ngayon ay mas nagpapataas ng interes ko kay Irwin. Hinintay ko ang paglabas niya at nang makita niya akong lumitaw sa harapan niya ay gulantang ang bumalatay sa mukha niya. "M-Melissa? A-ano'ng ginagawa mo rito?" singhap niya, hindi pa rin nakakahuma. Tahimik ko lang siyang tinignan at naghalukipkip na. Saglit lang siyang nanahimik at napabuga ng hangin. Napagdesisyunan namin sa plaza ng Sitio kami tumambay. Bumili pa muna kami ng tig-limang pinaghalong fishball at kikiam sa mga nagtitinda roon. Sinabi kong sagot ko na ang gastos at hindi ko hahayaan na maglabas siya ng pera. Aalma pa nga sana siya pero tinakot ko at sinabi kong magtatampo ako. Hayun, sumunod naman. "I-Irwin, s-sino ka ba'ng talaga?" Iyon ang namutawi sa bibig ko. Hindi ko na napigilan ang bibig kong dumulas ang mga salitang iyon. Gusto ko na talagang malaman, e. Natigil ang paglalaro niya ng kaniyang barbeque stick sa pinaghalong fishball, kikiam at malapot na maanghang na sauce. Huminga siya nang malalim at tinanaw ang lumang simbahan mula rito sa kinauupuan naming swing sa gitna ng circle ng plaza. Pinaghalong kulay itim, kahel at ube ang kalangitan, hudyat na papalubog na talaga ang araw. Hindi malamig ang hangin, tama at presko lang itong dumarampi sa aming balat at tinutuyo ang mga pawis sa aming mga katawan. "Ako si Irwin...iyon ang alam ko," panimula niya at nagkibit-balikat. "Iyong apelyedo ko na hawak ko? Sabi nila, Pascual. Kaya...iyon ang pinaniwalaan ko." Iniisip ko kung sino'ng tinutukoy niyang, "Sabi nila." "Sa totoo lang, hindi ko nga alam kung eksaktong June 20, 1993 ang birthday ko. E...'yun ang sabi ni Sister Carmen. Iyon ang papaniwalaan ko." Tumawa siya pero hindi ako nakigaya dahil wala akong makitang nakakatawa sa biro niya. Nang mapansin niyang hindi ako natawa, sumeryoso agad ang boses niya. "Isa akong ulila, Melissa. Galing ako sa bahay-ampunan na 'yon. Sabi ni Sister Carmen, iniwan ako ng tunay na nanay ko sa tapat ng ampunan nila noong mismong araw ng sinasabi nilang birthday ko. Halos labintatlong taon na ang nakalipas na wala akong alam ni ideya sa pinagmulan ko. Wala akong ideya kung ano'ng hitsura ng ama ko, ng ina ko, o, kung mayro'n ba 'kong mga kapatid. Marami akong kuwestiyon sa kanila. Marami akong hinanakit. Pero, isang bagay lang ang gusto kong sagutin nila. Bakit nila ako pinabayaan?" Batid ko ang matinding sakit sa kada bigkas niya ng mga sinasabi niya. Mataman lang akong nakikinig sa kaniya ngunit ngayon pa lang ay nadudurog na 'ko sa pinagdaraanan niya. "Lumaki ako na nilayo ko ang sarili ko sa mundo. Sa lahat. Mag-isa akong namumuhay sa mundo sa Melissa. Sa dilim. Sinabi sa 'kin ni Sister na kailangan kong maghanap ng kaibigan sa labas. Kaya no'ng tumuntong na ako ng doce anyos, nilabas nila ako sa ampunan at binuhay sa tunay na mundo. May allowance naman akong natatanggap sa kanila. Suportado nila ang pag-aaral ko. Ang lahat ng gastos ko." "P-pero, nagtitipid ka naman masyado sa sarili mo," malungkot kong sabi habang pinagmamasdan siya. Yumuko siya saglit at napalunok. Tumingin ulit siya sa harapan niya. "Naisip ko na kailangan kong buhayin ang sarili ko paglabas ng ampunan. Wala akong balak sundin sina Sister. Wala sa plano ko'ng makipagkaibigan o maghanap. Dahil natanto ko na kung mga sarili ko ngang magulang, pinabayaan at iniwan ako, kaibigan pa kaya? Kaya, pati sina Sister Carmen, kahit na alam kong mabubuti sila sa akin, sinisikap ko pa ring umiwas at ilayo ang loob ko sa kanila. Dahil takot akong ilapit ang loob ko sa kanila. Sa lahat," nanginig ang boses niya roon. Nilunok ko ang bara sa lalamunan ko at nagsisimula nang mangilid ang luha ko. May kung ano'ng tumutusok sa puso ko kaya nananakit iyon. "Hanggang sa dumating ka. Sinabi mong kaibigan mo na 'ko at kasali na sa mga kaibigan mo. Talaga? Ako? Ba't ako?" mahina siyang natawa. " inisip ko, magsasawa ka rin. Magiging kagaya ka ng lahat. Hindi ka magtatagal sa tabi ko. Maraming ayaw sa tulad ko. Anti-social, aloof, cold, distant. Pero...hindi. Sa dalawang buwan na magkasama tayo...nandito ka pa rin. Nandito ka pa rin sa tabi ko." Isang maliit na ngiti ang sumilay sa labi niya. Doon lalong bumaon ang mga tusok sa puso ko. "Sira ka talaga. Sino'ng may sabi sa 'yo na iiwan kita?" uminit ang pisngi ko a mga luhang lumandas. "Hindi kita iiwan. Nandito kami para sa 'yo. Nandito ako, Irwin. Kaibigan mo kami, 'di ba?" pinanood ko siyang pinapahid ang mga luha niya gamit ang likod ng palad niya. Lumapad ang ngiti niya. Kahit na malabo na ang paningin ko, napansin ko pa rin na nagliwanag ang mga itim niyang mga mata. Nagpilantik lalo ang mahahaba niyang pilik-mata. Pumungay ang mga mata niya. "Alam ko, Melissa," bulong niya. Walang pasabi niyang kinabig ang ulo ko at pinunta sa matigas niyang dibdib. Hindi ko na nakita ang reaksyon niya pero alam kong nakangiti siya ng abot-tainga. "Alam ko...salamat." Nilayo ko agad ang sarili ng may maalala. "Ano'ng balak mo ngayon? Sa'n ka kukuha ng pera para makakain?" Kita ko ang linya ng tawa sa gilid ng mata niya. "Nakuha ko naman ang allowance ko. Kada buwan ko iyon natatanggap." "E, pa'no kung magipit ka ulit? Kung maubusan ka ng pera?" Hindi pa rin nauubos-ubos ang pag-alala ko. "Nand'yan naman ang Skyflakes?" Kinurot ko ang dibdib niya nang marahan. Natawa siya sa ginawa ko. "Balak ko ng maghanap ng part-time para mabuhay." Ngunit nangangamba ako sa ideya na iyon. Nag-aaral siya at alam kong may pag-asa na maging honor student siya. At mahahati ang atensyon niya sa pag-aaral at pagtratrabaho. "Sa'n ka nakatira ngayon?" tanong ko, inaayos ang pag-upo. Tumingala siya sa langit at nagsalita, "May inuupuhan akong boarding na abot sa halaga ko." Huminga siya nang malalim. Natutuyo na ang pisngi ko. "Melissa..." tinagilid niya ang ulo sa 'kin. Nagtama ang mga paningin namin. "H'wag...h'wag mo 'kong iiwan, ha? H'wag kang tumulad sa mga magulang ko. H'wag mo 'kong papabayaan. H-h'wag mo 'kong itataboy," pagsusumamo niya. Ramdam ko ang pinaghalong takot at laman sa bawat salita niya. Nasa mga mata niya ang pag-asam ng positibong sagot ko. Tumango ako at binigyan siya ng mapagtiwalaang ngiti. "Oo naman, Irwin." Habang naghuhugas ng plato rito sa kusina ng bahay ay naisip ko kung ga'no ako kapalad at nandito si Mama sa tabi ko. Naiinggit kasi kina Vlad at Soledad. Pareho silang galing sa mayamang pamilya. Si Soledad ay nanggaling sa pinakamayamang angkan dito sa Maestranza, ang mga Yuchengco. Nasa kaniya na ang lahat. Wala na nga yatang mahihiling ang isang iyon. Pera, kayamanan, katanyagan, nasa kaniya talaga. Si Vladimir naman ay galing sa angkan ng Vergara at Madrigal. Ang pamilyang Vergara ay kilala sa larangan ng pulitika dahil halos lahat ng miyembro ng nasa pamilyang iyon ay nasa ganoong larangan sa henerasyon nila. Maging sa agrikultura ay kilala rin sila. Sila lang naman ang may hawak ng pinakamalaking koprahan sa Sitio. Si Jiro rin ay anak ng may-ari ng Ceramic Factories hindi lamang dito sa Sitio. Maging sa Vutali at karatig-bayan ay mayroon din silang pabrika noon. Pero, kaibigan ko sila hanggang ngayon at wala akong natamong panghuhusga galing sa kanila dahil sa estado ng pamumuhay ko. Dahil kami ni Mama? Simpleng mamamayan lang ng bayan na ito na nagbabayad ng buwis. Inihinyero nga ang Papa ko noong nabubuhay pa ito, pero, wala rin kaming halos naitabi noong mawala na siya sa buhay namin. At ang lahat ng nagagastos namin sa pang-araw-araw, galing iyon sa trabaho ni Mama sa pananahi. Simple lang talaga ang pamumuhay namin kung tutuusin. Ngayon, na-appreciate ko na ang lahat ng mayro'n ako at dapat ko iyong ipagpasalamat. At gusto ko ring maramdaman ni Irwin na hindi siya nag-iisa. Na nandito lang ako sa tabi niya. Na ako ang magiging sandalan niya sa lahat ng oras. Hinding-hindi ko siya iiwan at sasaktan. Hindi ako gagawa ng bagay na ikakasama ng loob niya sa akin pagdating ng araw. At ngayon ko lang din pala napagtanto ang mga napapansin ko noon pa man. Kaya pala wala siyang middle name at isa pa, kaya pala bago lang ang hitsura niya sa bayan. Madalas kasi ay magkakakilala na ang mga tao rito dahil sa liit ng probinsya na ito. Noong tanghali ay doon ulit kami tumambay sa Science Garden. Dito na kami madalas gumagawi talaga kapag breaktime. Nakita ko agad ang kuryosidad sa hitsura ni Sol nang umupo kami sa Bermuda Grass. "Curious talaga ako sa bitbit mong malaking ecobag, e. Ano'ng ganap, 'Teng?" Tama nga ang hinala kong magtatanong si Soledad. Kumpleto ulit ang tropa at nakaupo kami ng pabilog na ayos. Naka-indian sit position kaming lahat. Nasa isang gilid na tanaw namin ang mga bag namin. Ngumiti ako at kinuha sa loob ng kulay puting ecobag ang dalawang bug-ong. Nanlalaki ang mga mata nilang pinagmasdan ang nilabas kong mga bug-ong at nilatag ang mga ito sa gitna namin na may malaking dilaw na plastic ng WalterMart na pinunit pa namin para lumaki. "O, 'yan. Nasagot ko na ang tanong mo, ha, Sol," wika ko. "E...ba't dalawa?" pahabol pa niya. Kinuha ko ang isang bug-ong kasama ng kubyertos at tinidor at malambing na inalok sa taong naging dahilan kung kaya ko iyon ginawa. "Irwin, sa iyo na 'yan." Sabay abot sa kaniya ng hawak ko. Alam na nga pala ito ni Mama. Sinabi ko kasi sa kaniya ang pinagdaraanan ni Irwin. Maging siya ay maluha-luha no'ng narinig iyon. Kaya, siya mismo ang nag-udyok na gawin ito. Namimilog ang mga mata niyang papalit-palit ng tingin sa hawak ko at sa akin. "H-ha?" kita ko ang pagrehistro ng katanggihan sa hitsura niya. "H-hindi ko naman sinabi sa iyo na gawin mo 'to---" "Hindi puwedeng tumanggi, Irwin," pagpuputol ko. "Pinaghirapan ko iyan. Sayang naman kung hindi mo kakainin, 'di ba? Maaga pa naman akong nagising para d'yan," pangongonsensya ko sa huli ngunit may katotohanan naman. Gumising talaga ako nang maaga para maghanda ng sinigang na hipon. Sa akin na nakatoka ang pagluluto dahil alam kong pagod si Mama galing trabaho. Tuwing gabi, alam kong nanginginig pa iyon sa gutom kaya ako na'ng naghahanda. Dahil madalas na abala si Mama sa trabaho, minulat ko na ang sarili ko na matutunan ko ang pagluluto. Nag-awang ang labi nito at nag-iwas ng tingin. Pansin ko ang unti-unting pamumula ng kaniyang tainga. "H-hindi ko talaga matatanggap iyan---" "Ay, sige, Irwin, tumanggi ka pa. Magtatampo na 'ko," pananakot ko. Nagkatinginan kami at kita ko ang pinaghalong pagdadalawang-isip at hiya sa mga mata niya. Noong nilapit ko pang lalo ang bug-ong ay wala na siyang nagawa kundi tanggapin iyon. Nangigislap ang mga mata niya habang walang imik na binubuksan ang loob noon at tinanggal mula sa pagkakabuhol sa plastic-labo ang sinigang na hipon. Napangisi si Jiro at napailing habang si Vlad ay napa-tsk naman. "'Sus, mahihiya pa, e, sa huli naman, tatanggapin din," angil ni Vlad. "Irwin, pahingi naman ng isang hipon, o." Itutusok na sana ni Vlad ang tinidor niya sa bug-ong ni Irwin pero agad ding nilayo ni Irwin ang bug-ong. "Tumigil ka, Vlad. May ulam ka na. Walang garapalan. Akin 'to, naiintindihan mo?" malamig niyang sabi, sabay subo ng kanin at humigop ng sabaw. Tumawa na kaming malakas ni Jiro at Sol. Tuloy-tuloy lang ang kain ni Irwin habang si Vlad naman ay nanulis ang nguso. "Ang sungit na nga, ang damot pa. Tss." Tinapik naman siya ni Sol sa balikat. "Ang siba mo kasi, Vladimir-a, e. Iyan tuloy, basag ka," natatawang aniya.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD