Chapter 3
Happy Birthday
"Aba! Bagay na bagay sa 'yo 'tong bag na tinahi ko, ah?"
Namamangha akong tinitignan ni Mama habang sinsipat ang histura ko. Siya kasi ang nagtahi ng binili niyang itim na Jansport na shoulder bag sa ukay-ukay. Nagulat nga ako noong sinabi niya na nabili lamang niya iyon sa halagang isangdaang piso, e, kung tutuusin, mga nasa four hundred or five hundred pesos siya. Dito ako hanga kay Mama. Kaya niyang pagandahin ang isang bagay na pinaglumaan na.
Isang ngiti ang isinukli ko sa kaniya. "Salamat po, 'Ma." Sabay halik ko siya na may kasamang tunog sa kaniyang pisngi.
Ngayon ang unang araw ko sa Maestranza National Highschool. Mabuti at nakahanap pa ng murang bag si Mama sa Paseo. Karamihan kasi ng mga paninda roon, hindi na namin makayanan sa mahal. Eksakto lang ang budget ni Mama sa mga mga gamit ko sa school. Iyon ngang uniform ko, talagang sinadya niya. Bumili lang siya ng tela sa Paseo, nakagawa na siya.
Pinagpag niya nang kaunti ang puting blouse ko at ang kulay navy blue kong palda. "Nasa bag ang baon mong sandwich, ha? At iyong tubig at bug-ong, nand'yan na rin---"
"Opo, 'Ma. Mama naman, e... 'Di na 'ko bata," biro ko at natawa. Napanguso naman si Mama at natawa na rin sa huli.
"Sige na. Mag-ingat ka, ha?" bilin niya.
Nilakad ko lang ang daan patungong highschool. Hindi naman kalayuan, e. Malapit lang naman ang bahay namin kaya walang hassle sa parte ko. Sa daanan ay maraming bumabati sa akin kaya sinusuklian ko naman. Dahil maliit lang naman ang Maestranza, halos magkakakilala na ang mga tao rito. Payak lang ang pamumuhay rito. Iyong tipo na nauso na ang Friendster, pero, naroon pa rin kami sa palayan at naglalaro ng tumbang preso at patintero. Iyong ang daming nauusong laro sa internet pero masaya na kaming magpalipad ng saranggola at mag-luksong tinik. Ganoon pa man, mapalad pa rin kami dahil nakakasabay kami sa pagbabago at pag-unlad ng bayang ito. Ang iba kasi rito ay mahihirap talaga at kayad-marino kung magtrabaho. Masuwerte nga kami at stable ang trabaho ni Mama sa garments factory sa lungsod.
Nakarating na rin ako sa highschool, sa wakas! Tapat lamang nito ang elementarya na pinasukan ko noon. Babati agad sa iyo ang kulay berdeng gate ng naturang eskuwelahan na may nakaukit na paarkong salita, "Mataas na Paaralan ng Sitio Maestranza".
Mabilis ko agad nahanap ang classroom na papasukan ko dahil na-orient na kami noong Miyerkules pa. Nakapaskil sa pintuan ang seksyon na, "Grade 7 – Yakal". Tukoy niyon ang seksyon na kabilang ako. Pagpasok ko sa loob ay mga tawa at sigaw ni Vladimir ang nakakuha ng atensyon ko. Tsk. 'Agang-aga namang mambulahaw nitong isang ito. Nang lumapit na 'ko ay tinapik niya ang upuan sa tabi ni Jiro na nakangisi naman sa akin. Sina Vladimir at Jiro ang dalawa sa naging kaklase ko noong elementary. Anak mayaman ang dalawang ito at hindi ko pa rin malaman hanggang ngayon kung bakit dito pa rin nila piniling mag-aral.
"Late na ba 'ko?" tanong ko nang makaupo at inaayos ang paglagay ng bag ko sa tabi ko.
"Maaga ka pa, Mel," sagot ni Vlad, nakangisi, "Maaga pa para sa next subject." Bumulanghit na siya ng tawa.
Sumimangot ako lalo na noong tumawa si Jiro. Parehas kong inirapan ang dalawang kumag na ito.
"Bromance talaga kayo, ano? Aminin n'yo nga, kayo na ba?" Naiirita kong asik sa kanila. 'Di pa rin matigil sa katatawa ang dalawa.
"Hoy, Vladimira, 'ngala-ngala mo, kita na naman! Isara mo nga 'yan! Maaawa ako sa langaw na papasok d'yan. Mamamatay agad dahil ang baho ng bibig mo. Mahiya ka nga!"
Ako naman ngayon ang natawa nang malakas dahil sa nagsalita. Hay, salamat, at dumating na rin ang taong magpapatigil ng kalokohan ni Vlad. Si Sol.
"'Uy, si Manang, nandito! Mag-give way na tayo. Nahihirapang maglakad, e. Ang tanda kasi...ng pangalan niya," pang-aasar ni Vlad.
Irap lang ang sinagot ni Sol. Kaya 'tanda' ang pang-asar ni Vlad sa kaniya ay dahil Soledad ang tunay na pangalan ni Sol. Ang arte lang nitong si Vlad, e. Tss. Por que Soledad, matanda na agad? E, siya nga, Vladmir-a. Tsk.
"Ay, salamat, at tutulungan mo ang Diyosa ng kagandahan," sikmat ni Sol.
"Reyna kamo ng kamalasan," sabay tawa ni Vlad. Dahil sa mga pinaggagawa namin ay nakukuha na namin ang atensyon ng iba naming kaklase. Gan'yan na kami dati pa. Mga nakaw-atensyon.
"Ano kaya, Mel, kung lumipat tayo ng upuan?"
Babalingan ko sana si Jiro, kaya lang ay agad na namula ang pisngi ko dahil ang lapit na pala ni Jiro sa akin. Natuod na yata ako sa kinauupuan ko. s**t, ang init!
"H-ha?" wala sa sarili kong tanong. s**t talaga!
"Hoy, Jiro! Tabi ka nga d'yan!" masungit na singit ni Sol kay Jiro. Inilayo na ni Jiro ang mukha niya, napakamot sa kaniyang batok at ngumisi.
Agad na tinapat ni Sol ang bibig niya sa tainga ko at bumulong, "Hoy, Mel, maghunus-dili ka nga! Pabebeng obvious ka naman, e!"
Napanganga ako at nanigas lalo na parang bato. s**t, sobra! Nakakahiya! Masyado bang obvious itong pagka-crush ko kay Jiro? Matagal na ko na siyang gusto. Simula pa noong pagkabata. Sino ba'ng hindi magkakagusto sa kaniya? May pagka-singkit ang mga mata niya. Nakataas ang buhok na bagay sa porma ng kaniyang mukha. Matangos ang ilong at ang cute ng labi niya. Nakakatunaw lalo na ang dimple niyang bumabalandra 'pag nakangiti. Nakakatunaw.
Tumikhim ako. "Umayos na tayo. Padating na ang teacher natin," sineryoso ko ang tono ng boses ko para kapani-paniwala. Sana naman ay walang nakahalata maliban kay Sol na namumula ang pisngi ko.
Samantalang hinihintay namin ang guro namin sa unang subject at nagkakatuwaan ang mga lalake, naagaw naman ang atensyon ko ng lalaking nakayuko na walang imik na dumaan sa gitna ng row namin at pumunta sa last row sa likod namin. Katabi na noon ang exit door.
Teka...parang bagong salta iyon, ah? Karamihan naman kasi sa mga nagiging kaklase ko sa Yakal ay kabatchmate at kaklase ko sa tapat. Iyong lalakeng dumaan kanina lang, ngayon ko lang talaga iyon nakikta. Nagkibit-balikat na lang ako.
Dumating din ang guro namin sa Filipino. Nagtalakay lamang ito ng ilang sandali at pagkatapos ay nag-anunsiyo na ito na kailangan naming maghanap ng limang miyembro para sa bubuuin naming proyekto na may kinalaman sa padating na Buwan ng Wika.
"Kulang pa tayo ng isa," anang Vlad.
"E, halos lahat na yata, kompleto na, e," pansin naman ni Sol na nililibot ang paningin sa mga kaklase naming magkakasama na at magkakagrupo.
Tumahimik ako at nag-isip hanggang sa bigla kong naalala ang lalaking dumaan kanina. "Sandali."
Agad akong umalis sa row namin at tinungo ang lugar ng lalakeng iyon. Siya lang mag-isa. Nakatungo ang ulo niya habang nilalaruan nang wala sa sarili ang hawak niyang blue ballpen. May pagka-loner din itong si Kuya, ano? Huminto rin siya noong siguro ay napansin niyang may nakatayo sa harapan niya. Naagaw ko rin ang atensyon niya, sa wakas.
Nakakunot siyang nag-angat ng tingin. Napalitan iyon ng pagkagulat noong nakita akong nakatayo sa harapan niya.
"H-hi!" medyo naiilang kong bati. "M-may ka-group ka na?"
Mas lalo akong nailang dahil titig na titig siya sa akin. Napakalalim naman ng titig ng lalakeng ito. Susungitan kaya ako nito? Madalas na aburido ang mga taong ganito, e.
"W-wala," natunugan ko ang hiya sa kaniyang mahinang boses. Nakahinga ako nang maluwag. Akala ko, balak niya lang na papanisin ang laway niya buong maghapon at wala na talagang balak na magsalita, e.
"Tara! Sama ka sa amin. Mababait kami, h'wag kang mag-alala. Hindi kami nangangagat," biro ko na.
Iniwas niya ang tingin sa akin at yumuko ulit. "Ayos lang. Marami pa d'yan ang walang ka-group. Maghanap na lang kayo ng iba," malamig niyang sabi.
Balak pa niyang magsungit, ah? Puwes, hindi ako magpapatinag! Hinila ko talaga siya nang walang pasubali at nang dahil doon ay napatayo siya nang wala sa oras sa ginawa ko. Ang tigas nga lang ng braso niya. Balak magpapigil.
"M-miss! A-ano ba!" mahinang angil niya sa likod ko.
"Alam mo, walang magagawa ang pagiging pabebe mo. At para sa kaalaman mo, may ka-group na. Ikaw na lang talaga ang wala. 'No man is an island,' ika nga nila. 'Tsaka...hindi ba napapanis ang laway mo? O, baka naman balak mong i-preserve 'yang laway mo? Napakatahimik mo kaya," saad ko na hindi ko naman siya binabalingan.
Hindi ko na iniisip ang reaksyon ng lalakeng basta ko na lang hinila. Nang makarating na ako sa row namin ay sinalubong naman ako ng mala-demonyong ngisi ni Vladimir-a.
"'Uy, mukha 'atang nag-recruit ka ng bagong kasama, ah? Ano...boyfriend mo na?"
Napatanga ako sa walang pakundangang pang-aasar ni Vlad. Naramdaman ko pa ang paninigas ng braso noong lalake. Buwisit! Nakakahiya! Ang lakas pa ng boses! 'Langya naman talaga nitong si Vlad!
"T-Tumigil ka nga!" mariing saway ko. Pinanlakihan ko pa ng mata. Kaso, hindi niya yata iyon napapansin dahil panay ang paghalakhak niya. Kaasar talaga kapag may buwisit kang kaibigan. Napangisi naman si Jiro at Soledad. Inatake tuloy ako ng hiya. Nand'yan si Jiro, e.
"Mukha yatang pinagkakatuwaan ako ng mga kasama mo," narinig kong bulong ng lalake. Doon ko lang napagtanto na nakahawak pa rin ako sa kamay niya.
Binitiwan ko na iyon at hinarap siya. "Hindi...gan'yan lang sila. Ako nga pala si Melissa. Ito naman si Sol." Kumaway pa si Sol nang ituro ko siya. "Si Jiro..." nginitian naman siya nito. "...at ang pinakamaloko sa tropa, si Vladimir-a---"
"Vladimir!" mariing pagtatama niya. "Itong si Manang kasi ang may kasalanan, e!"
Tumawa tuloy nang malakas si Sol. Mas lalo namang lumapad ang ngisi ni Jiro. Bumalandra na naman ang dimples niya sa pisngi. Ang guwapo niya talaga! Bago pa ako malunod sa pagpapantasya ko ay hinaharap ko ulit ang lalake.
"Ikaw...ano'ng pangalan mo?"
Napakislot naman siya sa tanong ko. "Irwin," napakahina naman ng boses niya.
"Ano?"
"Irwin," klaro na at malinaw niyang sabi, "Irwin...Pascual."
Napatango-tango ako. "Sige. Dito ka na umupo sa amin, Irwin, katabi ng mga boys."
Nakita ko agad ang protesta sa kaniyang mukha pero pumunta ako sa likod niya at marahan siyang itinulak sa puwesto namin. Wala na talaga siyang magagawa.
Pinagawa kami ng aming mga pangalan at iba pang karagdagang impormasyon ukol sa aming mga sarili namin sa isang one-fourth sheet na papel. Nang itinanong nga kung sino'ng magiging leader ng group namin, ako talaga'ng pinagtuturo nila. Si Irwin din, nakigaya pa. Tss.
Kinuha ko ang mga papel at inisa-isa iyon lahat ng tingin. Habang sumisilip ako roon ay naaaninag kong nag-uusap si Jiro at Irwin. Si Jiro madalas ang nagbubukas ng topic. Tipid lang kung sumagot si Irwin. Si Vlad at Sol naman ay panay ang bangayan kung sino'ng taya mamaya sa pagkain. Isa-isa kong tinignan nang mabuti ang mga impormasyon nila:
Vladimir Erastus V. Madrigal – September 01, 1993
Soledad Amor L. Yuchengco – January 20, 1994
Jiro Walter Q. Fontanilla – February 11, 1992
Irwin Joseff Pascual – June 20, 1993
Napaawang ang labi ko at muling sinulyapan ang naturang lalaki. Ngayon ay tahimik na siya at nanonood sa mga ginagawa ng mga kaibigan ko. Ngayon pala ang kaarawan ng Irwin na iyon pero para naman siyang pinagsakluban ng langit at lupa. Halatang hindi masaya.
Nang mag-recess ay kaming apat ang sana ang pupunta sa canteen subalit pinilit namin si Irwin na sumama.
"Happy birthday, Irwin!" masayang anunsyo ko.
Natigil sa ginagawa ang apat kong mga kasama sa pagkain. Lalong-lalo na si Irwin na napanganga akong tinitignan na.
"'Uy!" ngisi ni Vlad at mabilis na inakbayan si Irwin. "Hapi bertdey, bro!" aniya, tumatawa.
Nakapirmi lang ang titig niya sa akin at nakatanga pa rin, hindi pinapansin ang pag-alog-alog sa kaniya ng katabi niya. Sa mukha niya, hindi naman siya galit. Sana lang.
"At dahil libre mo, alam mo na," segunda naman ni Jiro. Malapad ang ngisi at nagtaas-baba pa ng kilay.
Hayun, nilibre niya kaming apat ng spaghetti nang wala sa oras. Hindi naman basa sa mukha niya na nagrereklamo siya. Parang nakikisama na nga rin siya sa amin.
Habang naglalakad kami pauwi at nadaanan namin ang isang stall sa dry market ay tumigil ako roon. Ang apat kong kaibigan ay abala naman sa pagtingin ng mga pagkain sa ibang stall. Dahil may free taste roon ng bagong produkto ng isang brand ng noodles, iyon ang pinagdiskitahan ni Vlad at Jiro.
Tumingin ako roon ng puwedeng iregalo kay Irwin. Marami ako noong pinagpipilian sa utak ko. Hanggang sa lumipad ang mga mata ko sa kumikinang na dog tag na may nakaukit na letrang I sa likod. Eksakto!
"Manang! Pabili naman po nito," anang ko sa tindera na nasa tabi ko at kanina pa umaaligid kung saan ako magtungo sa loob ng stall niya.
"Dog tag, ineng? Sino nama'ng gagamit?" sinipat pa ako nito mula ulo hanggang paa. "Ikaw?"
Mukha bang ako'ng gagamit? "Ay, hindi po. Regalo ko lang po sa kaibigan ko."
"Kaibigan o ka-ibigan?" may pang-iintriga niya nang tanong.
May pagka-tsismosa rin itong si Manang, ano? Tsk. Ngiting-aso lang ang pinapaskil ko sa mukha ko kahit ang totoo niyan ay gusto ko nang barahin ang matandang ito.
Noong lumabas na ako sa stall ay nawala na sa isang stall ang mga kasama ko. Mabuti na lang at naroon sila sa may lugawan sa may tabi ng Barber Shop. Noong nakita nila ako ay nagtaka sila kung saan ako nanggaling. Sinabi ko na lang na may kinausap ako. Hindi ko nga lang alam kung naniwala sila sa kasinungalingan ko.
"Salamat sa libre, bro!" nakangising ani Vlad na nakaakbay kay Irwin. Tinahak namin ang lubak na kalsada patungong amin. Nauna nang umuwi si Sol dahil sinundo siya ng kaniyang papa. Si Jiro naman ay nagpaiwan sa Paseo dahil may iba itong pupuntahan.
"Wala 'yon," anang Irwin.
"Sige, dito na 'ko. Mukhang nand'yan na ang grupo ng mga Yakuza," tawa niya.
Napailing na lang ako. Alam ko naman tinutukoy ng isang ito. Iyong mga bodyguards niya. Malapit na kamag-anak niya kasi ang Mayor ng bayan, kaya, bantay-sarado ang kurimaw.
"Sige," panabay naming wika ni Irwin.
"Bro, nga pala. Ingatan mo 'yang si Mel, ha? Para 'yang bulaklak. Kailangang ingatan nang mabuti," seryosong na niyang sabi.
Tumango naman si Irwin bilang pagtugon at nilisan na kami ni Vlad. Naging tahimik na kami at nagpatuloy na ng lakad. Nasa gilid ko siya ngayon at pinapantayan ang hakbang ng lakad ko.
Hanggang sa nagsalita na ako, "Irwin, pasensya ka na, huh? Napasubo ka pa tuloy," nahihiya kong hingi ng paumanhin.
Isang ngiti naman ang sumilay sa labi niya. "Ayos lang. Hindi mo naman iyon sinasadya na maging gano'n."
Maaliwalas na ngayon ang mukha niya. At gusto ko kung paano siya ngumiti ngayon. Kung ano ngayon ang pinapakita niya. Ramdam ko na galing iyon sa puso niya.
"Ay, sandali!" sabay hinto ko sa paglalakad at hinalughog sa bag ang kabibili ko kanina. Nang nilabas ko na ang kailangan ko mula sa bag ay tumambad sa amin pareho ang silver dogtag na binili ko kanina. Inubos ko nga lang ang baon ko sa tatlong araw. Bahala na ako magpapaliwanag kay Mama mamaya.
Nakita ko ang mangha sa mukha niya. Napangiti ako, "Happy birthday again, Irwin Pascual."
Napansin ko naman ang pamumula nang matindi ng tainga niya. "H-hindi mo na..." tumikhim siya nang gumaralgal ang boses niya. Naglihis siya ng tingin. Namumula ang mga mata niya, parang mapapaiyak na. Alam kong hindi maganda ang pagngisi sa panahon na ito pero ginawa ko.
"Sandali, isuot ko sa iyo."
Tumungo ako sa likod niya. Ngayon ko lang nabatid na malapad itong balikat ni Irwin.
"Baba ka nang kaunti." Ang tangkad niya kasi, e. Tumingkayad na nga ako, kulang pa rin. Tumalima naman siya sa sinabi ko.
Isinuot ko ang naturang dog tag. Nang hinarap ko ulit siya ay tumingkad ang kaguwapuhan niya. Bumagay sa katawan niya ang dog tag na binili ko! Mabuti na lang at nagawa kong pagtiisan ang Manang na tsismosa na pinagbilhan ko noon. "Nagustuhan mo?"
Matagal bago siya nagsalita, "Oo. Salamat," bulong niya nang sulyapan ako at pinagmasdan ang dogtag. Nakita kong lumawak lalo ang ngiti niya noong makita ang nakaukit na letrang, "I".
"Ayan, ha? Ngumiti ka. Araw mo 'to, so dapat, ipagdiwang mo. Kanina kasi, lugmok na lugmok ka. Mabuti naman ngayon at nakakangiti ka na. Sabi ko naman sa 'yo, e. Masaya kaming kasama ko," daldal ko.
Inangat niya ang tingin sa akin. "B-bakit mo 'to ginawa? Ngayon pa lang naman tayo magkakilala. Magkaklase lang tayo."
Nagsalubong ang mga kilay ko. "Ano'ng magkaklase? Magkaibigan na kaya tayo. Miyembro ka na namin ngayon."
Naghinang ang mga paningin namin. Seryoso naman talaga ako sa lahat ng sinabi ko.
"Salamat," aniya, nakatungo na. Pumula nang husto ang magkabilang tainga niya. Hinaplos-haplos na niya ang regalo ko sa kaniya, nangingiti-ngiti.
"Wala 'yon." Napatingala ako sa kulay kahel na araw na halos natatakpan na ng mga ulap at unti-unting lumilitaw ang mga kumikinang na mga bituin sa langit.
"Alis na nga pala ako. Kita tayo sa school bukas." Akma na akong tatalikod pero natigilan ako nang may humawak sa isang balikat ko.
Nang lingunin ko ito ay nakita ko ang repleksyon ko sa mga itim na mga mata ni Irwin. "Sandali, Melissa, ihahatid kita, 'di ba? Sabay na tayo."