Minadaling tapusin ni Makoy ang itatayo niyang kubo sa likod-bahay. Lumiban pa talaga siya ng isang araw sa trabaho at sa tulong ng mga kaibigan niya, madali iyong natapos.
Atat na atat na siyang bumukod sa pagtulog. Natatakot marahil na baka gagawan ko na naman siya ng masama. Gayong wala naman sa hinagap ko na gawin ulit iyon kahit pa siya mismo ang makiusap sa akin kung sakali.
Nang dumating ako at wala siya, sinilip ko ang loob ng kubo. Kasya doon ang dalawang katao. Nandoon na rin ang ibang mga gamit niya. Nakasabit sa nakausling pako sa dingding ang kanyang gitara. Parang ansarap doon na matulog na kahit tatanghaliin ka pa ng gising ay walang makakaisturbo sa'yo.
Tuluyan na nga niya akong iniwasan na para bang may sakit akong nakakahawa. Sa trabaho, hindi na niys ako iniimikan o kahit tapunan man lang ng tingin. Mas pinipili pa niyang mapanis ang kanyang laway kaysa ang kausapin ako.
Kung may pagkakataon na kinakailangan niya akong kibuin, gaya na lamang kung may ipapakisuyo siya o kaya ay may ipapakiusap na gawin ko ay laging "Uy" ang naririnig kong tawag niya sa akin. Para bang isang napakalaking kasalanan na kung mabanggit niya ang aking pangalan.
Kahit ganunpaman, sinusubukan ko pa rin siyang kausapin kahit na wala akong maririnig na sagot mula sa kanya. Nagmumukha na nga akong nasisiraan ng bait dahil parang sarili ko na lamang ang aking kinakausap.
Kapag ganoong matumal naman at walang gaanong mamimili ay nangangapit-bahay siya sa ibang pwesto at doon nakipagbangkaan na dati ay hindi naman niya ginagawa. At ako? Naiwan sa pwesto namin na nantataboy ng mga langaw sa mga panindang karne.
Malaki talaga ang aking panghihinayang sa nagawa kong pagkakamali. Kung sana katulad lamang iyon ng isang DVD na pwede mong i-rewind kapag may na-miss kang eksena na gusto mong balikan. O hindi naman kaya'y isang kwento na kung saan dina-draft mo sa computer na pwedeng baguhin ang isang eksena bago iyon ilathala.
Kaso magkaiba ang DVD at sa kwentong dina-draft sa computer sa kung anong tunay na nanyari sa buhay ng tao. Kung may gagawin ka, kailangan mo iyong pag-isipan nang makailangang ulit kung ano ang magiging kalalabasan nito.
Ito ba'y nakabubuti o nakasasama sa kapwa?
Huwag iyong sa pansariling interes mo binabase ang lahat. Sinasabing ang buhay ay maihahalintulad sa isang pelikula. Pero alam mo ba kung ano ang malaking pinagkakaiba nila? Sa pelikula, may take 1, take 2 at take 3. Minsan pa nga may take 4 pa iyan. Pero sa totoong buhay wala na ang mga ganoong take. Hindi mo na maaring balikan o baguhin ang isang bagay na tapos mo ng gawin, mabuti man iyon o masama. Bagama't hindi na nga pwedeng balikan, pwede mo naman iyong itama at magpakumbabang tanggapin ang iyong pagkakamali.
Iyon nga ang ginagawa ko ngayon, gusto kong itama at bumawi sa aking maling nagawa sa kanya kahit na hindi niya ako binibigyan ng pagkakataong iparamdam iyon sa kanya. Tinutulak pa rin siya ng kanyang galit na kahit ano pa ang gagawin ko balewala na iyon sa kanya. Pakiwari ko'y ang tingin niya sa akin ay isang damit na kulay puti na ang tangi niyang napapansin ay ang mantsang dumikit dito. Hindi na niya alintana ang mas malaking bahagi nitong hindi nadikitan ng dumi.
Labis na akong nahihirapan sa pambabalewala niya sa akin. Iyon bang parang hindi na niya ako kilala at wala siyang balak na ako'y kilalanin pa. Sumisikip na ang mundo ko. Parang hindi ko na alam ang kaluluguran ko sa kanya. Bigo parin akong supilin ang nararamdaman kong pagmamahal na lalong nagpapahirap sa akin.
Nang minsang mag-isa akong naupo sa silong ng mangga ay hindi ko naiwasang mapaluha nang bumalik sa aking ala-ala ang mga sandaling maayos pa kami ni Makoy. Dati ang saya-saya lang namin sa mismong silong na ito na kung saan kumakanta ako kasama siya. Pagkatapos magbibiruan na kami niyan at magharutan habang pinagsasaluhan namin ang ginawa kong minatamis na saging na pareho naming paboritong merienda.
Ang paligsahan namin sa paglangoy sa ilog habang hinihintay naming may isdang kumagat sa pain ng aming pamingwit. At masaya na kaming umuwi kapag may mga huli na kaming pareho na uulamin namin sa hapunan.
Ang mga ngiti at kindat niya sa akin tuwing nasa palengke kami na talaga namang nagpapakilig sa akin at ang paglalagay niya ng panyo sa likod ko kapag ganoong pinagpapawisan ako. Ang minsanang pagtambay muna namin sa plasa na kumakain ng mga street foods bago kami umuwi ng bahay. Walang mapagsidlan ang saya ko sa mga araw na iyon na sa tingin ko hindi na muling mangyayari pa. Mukhang hindi ko na maipagpatuloy ang paghahabi ko ng mga panibagong ala-ala kasama siya.
"Umiiyak ka na naman" si Jayson iyon.
"Napuwing lang ako!"
"Sa dalawang mata talaga?"
Hindi ko na naitago pa sa kanya ang totoo kong nararamdaman. Isang titig lang niya ay alam kong nababasa na niya ang aking damdamin. Isa lang ang dahilan ng aking kalungkutan, si Makoy. Tuluyan ko ng pinakawalan ang mga luha ko sa mata.
"Hindi ko alam kung bakit sobra na akong nasasaktan sa mga nangyari ngayon" pinahid ko ang mga luha gamit ang laylayan ng aking damit.
"Kasi mahal mo si Kuya. May nararamdaman ka sa kanya na bukod sa gusto mong manumbalik ang inyong pagkakaibigan ay may bahagi sa iyong puso na umaasam na ikaw ay kanya ring mamahalin. Sabihin mong mali ako pero ramdam kong iyan ang sinasabi niyan..!"
Tinuro niya ang dibdib ko.
Sapol na naman niya ako. Mas bata siya sa akin ng isang taon ngunit napakarami na niyang alam pagdating sa usapin patungkol sa emosyonal na aspeto ng buhay. Ganoon ba talaga ang mga kabataang lumaki sa probinsiya, maagang nag-mamature ang pag-iisip?
"A-ano bang gagawin ko sa mga nagkapatong-patong kung problema? Hindi na lang kasi ang pagkakaibigan namin ang aking minimithi na muling maibalik kundi may ibinubulong ang aking puso na ipaglaban ko ang diyaskeng pagmamahal ko sa kanya"
Luhaan kong isinubsob ang aking mukha sa kanyang dibdib. Hinagod niya ang aking likod gamit ang kanyang palad. Paraan niya iyon para pagaanin ang mabigat kong nararamdaman.
Nanatili akong nakasubsob sa kanya habang hinihintay ko ang kanyang isasagot. Sa mga payo ni Jayson ako umaasa. Sa kanya ako humuhugot ng lakas. Sa kanya ko lang kasi maaring iasa ang lahat dahil siya lang naman iyong nakakaintindi sa mga pinagdadaanan ko.
"Pagbigyan mo ang puso mo sa kanyang nararamdaman. Masakit dahil alam mong hindi ikaw ang pinangarap niya na mahalin. Pero wala kang kakayanan na kontrolin 'yan. Kapag pinipigil mo ay mas lalo lamang iyang magpupumiglas. Katulad na kapag may kinuyom kang buhangin sa iyong palad ay mas lalo lamang iyong lulusot kapag hinihigpitan mo ang pagkuyom rito. Hindi man natin alam kung kailan siya mananatiling nakaukit diyan sa damdamin mo, pero sundin mo ang sa tingin mong ikasisiya ng iyong puso. Ipakita at ipadama mo sa kanya ang iyong wagas na pagmamahal na hindi umaasang matutumbasan iyon. Ganoon naman talaga ang tunay na pag-ibig. Hindi nangangahulugan na kapag nabigo ka sa pinaghandugan mo nito ay talo ka na. Dahil sa sandaling nakaramdam ka sa kanya ng pagmamahal. Ipinakita mo sa kanya kung hanggang saan ang kaya mong ibigay at isakripisyo, doon pa lang panalo ka na. Walang talunan sa ngalan ng totoong nagmahal"
"Pero paano kung hindi niya pa rin pansin iyon. Na kahit na ang pagkakaibaigan na lamang sana namin ang manunumbalik ay ayaw pa rin niya iyong ibigay sa akin. E di, para na ring nagwawalis ako niyan sa harap ng nakabukas na electric fan lahat ng effort ko nasasayang" banat ko.
Bumunot siya ng malalim na hininga.
"Kung ganoon man, hindi mo na problema ang pagmamatigas niya. Ang mahalaga naipakita mo sa kanya ang iyong adhikain na muling manumbalik ang inyong dating samahan. Oo kapatid ko siya, pero sasabihin ko sa'yo hindi lang siya ang tao sa mundo na pwede mong kaibiganin o kaya ay mahalin. Nandito pa ako Jeric. Nakahanda lagi ako para maging kaibigan mo"
"Salamat"
"Masyado na tayong nagdadrama ah. Ano kaya kong pumunta na lang tayo sa barangay hall. May basketball doon ngayon"
Yakag niya sa akin. Nakangisi habang tinulungan niya akong punasan ang aking mga luha gamit ang kanyang palad. Naibsan naman kahit papaano ang bigat na aking dinadala sa mga payo niya. Natutuwa ako na may isang Jayson na nakilala ko at naging tapat na kaibigan.
Si Makoy ang may hawak ng bola. Nasa labas siya ng 3-point line. Nalingat ang nagbabantay sa kanya. Itinira niya iyon.
Ringless.
Hiyawan ang mga tao. Napapatili ang mga kababaihan. Kabilang na doon si Carol na kung makatili ay akalain mong isang milyon ang ipinusta niya sa kuponan nina Makoy.
Tahimik lang kami sa isang tabi ni Jayson habang pinapanood ang laro. Sa sampung manlalaro na nag-tatakbuban, nag-aagawan at nagpapasahan ng bola para maka-shoot sa goal ay tanging kay Makoy lang nakatuon ang aking paningin. Sa tangkad niyang 6 ft, dagdagan pa ng kanyang liksi at galing sa pag-shoot ng bola, hindi ko maiwasang humanga sa kanya nang husto. Napakabango niya pa ring tingnan kahit napuno ng pawis ang kanyang katawan. Bumakat sa puti niyang sando ang kanyag maskuladong katawan na mas lalong naging kaakit-akit sa aking paningin.
Naging gitgitan ang labanan dahil hindi rin naman padadaig ang kanilang mga kalaban. Palihim akong nagtsi-cheer para kay Makoy. Halos mapapalundag ako kapag ganoong masusupalpal niya ang tira ng kanilang katunggali. At halos mapapasigaw rin ako kasama ng mga babae at baklang nandoon sa tuwing ititira niya nang malayuan ang bola at swak iyon pagdating sa ring. Panis si James Yap at Mark Pingris sa kanya.
Sa huli, ang team nila ang nanalo. At ganoon na lamang ang sakit na aking nararamdaman na para bang ako ay tinadtad ng pinong-pinong nang makitang sinalubong siya ni Carol at dagliang hinalikan sa labi habang humahangod siya patungong bench para magpahinga. Inabutan siya nito ng Gatorade.
Aba sosyal! Gatorade talaga. Samantalang ang mga kasamahan niya ay nagti-tiyaga sa cold water at hati-hati pa. Iba na talaga ang magkagirlfriend na may maraming datung.
Girlfriend talaga?
Ano pa ba ang pwede kong isipin sa nakikita ko? Lalo na at nakita ko rin kung paano pinunasan ni Carol ng tuwalya ang basang likod ni Makoy at hubarin ang basang sando nito sa harap ng maraming tao na para lang isang ina na pinapalitan ng damit ang kanyang anak. O mas nababagay na sabihing para lang siyang yaya na binibihisan ang kanyang alaga.
Hindi ko kinaya ang eksenang iyon kaya tumalikod ako. Para na kasi akong kakapusin ng hininga kapag mananatili akong nakatitig sa kanila.
"Gusto mo ng softdrinks? Bili tayo doon sa tindahan"
Alam kong paraan iyon ni Jayson para iiwas ako sa masakit na tanawin na aking nakikita. Nakikita din kasi niya ang ka-sweetan ng dalawa at batid niya kung gaano ako nasasaktan sa aking nasaksihan.
Kinakailangan pa naming tumawid ng kalsada para marating ang tindahan na pagbibilhan namin. Nang makarating kami roon ay naagaw ang aking atensiyon sa isang grupo ng mga kababaihang na sa tantiya ko kasing edad ko lang din. Nakaupo sila sa mahabang upuan na yari sa tabla sa gilid ng tindahan. Namukhaan ko ang isa sa kanila. Siya iyong patay na patay sa akin. Nagbubulungan ang mga kasamahan niya nang makita ako habang siya ay abalang-abala sa kapipindot ng kanyag mumurahin at China-made na celphone.
"Girl, si Jeric oh" Nai-excite na anas ng dalagitang nasa tabi niya. Halatang kinilig.
"Ah, okey. Hindi ako interesado!" Tumaas ang isa kong kilay sa tinugon nito.
"May attitude!" Sa isip ko lang.
Nagpatuloy lang ako sa pakikinig ng palihim sa kanila habang umiinom ng softdrinks.
"At bakit hindi ka na naging interesado bigla? Kahapon lang halos hihimatayin ka na pag nakita mo siya. Siya nga lagi ang bukambibig mo sa school"
"Kahit kailan huli ka talaga sa balita girl, e 'no? Paano na lang kung maging boyfriend ko 'yan, baka mamaya wala kaming ibang magawa kundi ang maghiraman ng make-up!"
Nagulat ako sa isinagot ng dalagita. Paanas lang iyon pero dinig na dinig parin iyon ng dalawa kong tainga. Halos maibuga ko ang iniinom kong softdrinks. Kung ganoon pala, nagsisimula ng kumalat ang painakaiingatan kong lihim. At isa lang ang alam kong may gawa no'n.
Yumuko ako. Pakiramdam ko, nangangamatis ang buong mukha ko sa hiya lalo pa't batid kong sa akin sila lahat nakatingin. May bulong-bulungan pa akong narinig sa kanila ngunit hindi ko na masyadong naulinagan. Basta sigurado ako, lahat iyon ay pangungutya patungkol sa aking pagkatao.
Ang lakas lang ng kanilang tawanan nang umalis sila. Nakuha pang sumulyap ng ilan sa kanila sa akin saka humalakhak. Nakita ko ang pagtiim-bagang ni Jayson. Alam kong naiinis siya sa mga babaeng iyon. Dahil ako man ay gano'n din ang nararamdaman. Ngunit gustuhin ko mang sila ay sugurin at pagkakalbuhin ay lalo lamang akong malagay sa kahihiyan. Lalaki pa rin ako at mga babae sila. Mas lalo lamang akong magmukhang bakla sa paningin ng nakararami kung paiiralin ko ang aking galit.
Hindi lang iyon ang unang insidente na kung saan may narinig akong pangungutya sa akin. Sinadya kong bumaba noon sa tindahan sa tapat ng basketball court dahil may nakaligtaan akong bilhing pansahog sa aking lulutuing sinigang na hipon.
Nang mabili ko na iyon agad ko ng tinalunton ang daan patungong bahay. Hindi ko naman inaasahan na makakasalubong ko si Makoy kasama ang tatlong lalaking kasamahan nito sa basketball. Pinilit kong ngitian siya ngunit nagkunwari siyang walang nakikita.Napahiya ako. Pero ayos lang. Nang magkalapit na kami, nag-salita iyong isang kasama nilang hipon. Maganda sana ang pangangatawan ngunit tapon-ulo.
"Pare, iyong bato!"
"A-anong bato?" Sagot naman ng isa, halatang hindi nakuha ang ibig nitong sabihin. Ako man din ay napaisip.
"Basta , hagis mo dali. Parating na ang serenang nasa gitna ang buntot at sa tigang na kalupaan matatagpuan"
Na-pick-up na din ng lalaki ang ibig nito, "Heto!" Natatawa.
"Darnaaaaaaaah!"
Nakapameywang nitong sigaw. Pinilantik pa nito ang mga daliri sa kamay. Humalakhak sila nang sabay-sabay. Napayuko ako. Hindi ako bobo para hindi malaman na ako ang pinatatamaan nila. Ngunit hindi pagkapahiya ang nararamdaman ko kundi galit.
Tanggap ko na ang pagiging alanganin ko dahil ito ang binigay na pagkatao sa akin nang nasa taas. Pero ang kawalanng respeto nila sa akin ang hindi ko matatanggap. Kailan pa sila nabigyan ng pahintulot na alisputain ang mga kagaya ko? Kamuntikan ko na silang patulan kung hindi lang sa biglaang pag-gapo sa akin ng pagtitimpi. Bigla kasing pumasok sa aking isip na mas lalo lang nila akong kukutyain kung papatulan ko sila.
Ganoon nga siguro ang mga taga-probinsiya. Kapag isa kang lantad na bading at nagdadamit pambabae ay hindi na nila iyon gaanong napag-uusapan. Para kasing iyon na ang kanilang nakasanayan. Pero kapag lalaking-lalaki ka naman, sa kilos at pananalita at nabuking ang pagiging berde mo ay talagang magiging tampulan ka ng tsismis.
Naroon iyong pagtataka na kung paano at bakit. May nagsa-sign-of-the cross pa niyan na para bang hindi makapaniwala at nanghihinyang kapag napakagwapo ng isang bakla.
Bakit? Kapag ba gwapo ngunit bakla ay sayang na agad? Di ba mas nakakapanghinayang iyong tunay na mga lalaki na walang ibang ginawa kundi ang bigyan ng sakit ng ulo ang kanilang mga magulang at lipunan? Iyong mga walang respeto at pagalang sa nilikha ng Diyos?
Nanginginig ako tanda ng pagpipigil ng galit ng mag-angat ako ng tingin. Nagkasalubong ang aming mga mata ngunit hindi ko binaling sa ibang direksiyon ang aking paningin. Nais kong ipadama sa kanya kung gaano ako nasaktan at napahiya. Alam kong malaki ang atraso ko sa kaniya. Pero hindi naman na yata tama na pati ang pagktao ko ay kailangan niyang ipangalandakan sa iba. Hindi pa ba sapat ang pagpapahirap niya sa akin na pati ang buong sambayanan ay gusto niyang makiisa sa kanyang adhikain na ako ay pahirapan sa pamamagitan ng kanilang pagkutya at pang-alipusta?
May ilang segundo rin kaming nagkatitigan. Ngunit wala akong nakitang reaksiyon sa kanyang mga mata.
Mali!
Wala akong nakitang awa para sa akin. Ang nakikita ko lang ay parang sinasabi niyang buti nga sa akin ang ganoon. Nagpatuloy sa pagtatawanan ang mga kasamahan niya. Pinukulan ko naman sila ng isang matalim na titig. Kung nakakasugat lang ang titig, marahil nakabulagta na silang lahat. Bigla silang natahimik. Akala ko titigilan na nila ako subalit,
"Hindi lahat ng lalaki gwapo
Hindi lahat ng gwapo lalaki"
Isang kantang hindi ko alam kung saan nila napulot para ipatama sa akin.
Tawanan ulit.
Hinayaan kung pumatak ang aking mga luha habang nakatitig siya sa akin. Sa ganoong paraan maipadama ko sa kanya kung gaano na ako nahihirapan. At kung kulang pa iyon ay nakahanda akong tanggapin ang lahat ng pagpapahirap niya mabayaran lang ang malaking pagkakamaling nagawa ko.
"May iba riyan na ang dugo ay berde
Macho titingnan pero hanap ay LALAKI"
Pagpapatuloy nila at binigyan diin pa talaga ang salitang "Lalaki".
Sinikap kong maging matatag sa kanilang harapan at huwag indain ang sakit ng kanilang pang-aalipusta. Nais kong maipakitang kahit ganito ako ay hindi nila ako kayang tibagin.
Ngunit nang makita kong wala man lang ginawa si Makoy para sana ay sawayin ang mga kaibigan niya ay doon ako labis na nasaktan. Ganoon na ba talaga katigas ang kanyang puso? Ganoon na ba talaga ako kasama sa kanyang paningin? Minsan din kaming naging matalik na kaibigan. Ngunit dahil sa galit niya ay biglang nagbago ang lahat. Talagang nilimot na niya ang dati naming pagkakaibigan. Saan na ang sinabi niyang hangga't nandiyan siya ay walang sinomang pwedeng makapanakit sa akin?
Mabilis ang paghakbang ng aking mga paa palayo sa kanila. Dinig ko pa ang malakas nilang mga tawanan habang papalayo ako. Nang makarating ako ng bahay ay agad akong naligo at doon ko iniyak ang lahat ng sakit na naipon sa aking dibdib. Hindi ko na alam kung tama pa ba itong ginagawa kong pagpakumbaba dahil parang namimihasa na nang husto si Makoy sa akin.
Inintindi ko ang pagpapahirap at pagpapahiya niya sa akin dahil alam kong paraan niya iyon para makaganti pero bakit kailangan pang may ibang taong makikisawsaw? Bakit kailangan pa niyang ipagkalat ang pagiging alanganin ko. Sumusobra na yata siya. Pero ano ba ang pwede kong gawin? Guilty parin ako. Inilublob ko ang aking ulo sa dram na puno ng tubig. Kung sana makayanang maibsan ng paglublob kong iyon ang bigat na aking nararamdaman.
Dahil pursigido ako na muling manumbalik ang samahan namin. Tinanggap ko nang bukal sa loob ang mga pagpapahirap niya. Iniin-in ko sa aking puso at isipan na wala akong karapatang magreklamo at sawayin siya sa kanyang mga ginagawa. Isa pa, mahal ko siya at kaya kong tiisin pati na ang pang-aalipusta sa akin ng ibang tao.
Kapag nasa bahay kami, parang normal lang ang lahat kahit na hindi niya ako kinikibo. Lingid pa kasi sa kaalaman ni Nanay Bebeng ang mga nangyayari. At bawat isa sa amin ay sinisikap na hindi iyon malalaman ng ginang. Lalo na ako. Wala akong mukhang maihaharap kay Nanay kong malalaman niya ang aking ginawa. Batid kong maiintindihan niya ang pagiging alanganin ko dahil isa siyang butihing ina at maunawain. Pero sa pagtalo ko sa anak niya, ewan ko na lang.
Habang pinagtitiisan ko ang kagaspangan ni Makoy sa akin ay naroon din iyong pagsusumikap ko na alisin sa dibdib ko ang pagseselos kapag ganoong nakikita ko silang magkasama ni Carol. Sembreak na iyon kaya halos araw-araw na kung dalawin ni Carol si Makoy sa bahay. Parang hindi kasi sapat sa higad na sa palengke lng sila nito nagkikita.
Doon sila naglalagi sa loob ng ginawang kubo ni Makoy sa likod bahay. Naririnig ko ang kanilang mga biruan at tawanan pati na rin ang walang puknat nilang harutan habang ang puso ko ay pinipiga na sa sobrang sakit lalo na kapag bigla na lamang ang pananahimik nila. Siyempre, nakikinita ko ang ginagawa nila sa loob. Imposible naman yatang nagdarasal sila ng "Ama Namin" sa tanghaling tapat? Nagpupuyos ako sa tuwing naiisip kung paano nilalamon ng kepyas ng babaeng iyong ang p*********i ng mahal ko.
"Mabuntis ka sana"
Iyon ang nasa isip ko dahil sa matinding inis kay Carol. Ngunit kaagad ko ring binawi dahil kapag ka mabuntis nga naman ni Makoy si Carol ay mas lalo lamang mapapalayo sa akin ang lalaking mahal ko. At hindi ko iyon kakayanin.
Mas mainam na lang sigurong masunog iyong kubo at kasamang matupok doon ang talipandas. Masama na kung sa masama ngunit sa tulad kong umibig na malayong maambunan ng kaunting pagmamahal ay talagang ganoon ang iisipin sa mga karibal nila.
Hindi ko na matiis pa ang mga naririnig kong hagikhikan sa loob ng kubo at ang paglangit-ngit ng kawayang papag kapag sila ay nanahimik kaya naman mabilis kong tinalunton ang ilog. Gusto kong ilublob doon ang buo kong katawan para mahimasmasan ako sa sakit na aking nadarama. Nilangoy ko ng ilang ulit ang magkabilang pampang. Bawat kampay ko ng aking mga kamay at paa ay naroon iyong bigat. Simbigat ng aking dinadala. Parang napagbuntunaan ko iyong tubig.
Nang nasa kabilang pampang na ako ay saka naman ang pagdating ng dalawa. May bitbit si Makoy na basket at panlatag. Ewan ko lang pero sa tingin ko nananadya na sila. Bakit kanina na alam nilang naroon lang ako sa bahay ay hindi nila naisipang maligo. At noong umiwas ako at pumarito sa ilog ay nandirito din sila. Parang ano 'to? Gaya-gaya lang? Ngunit ano pa ang magagawa ko? Nandito na sila. Hindi ko naman pag-aari iyong ilog kaya wala akong karapatang paalisin sila.
Mabilis akong nakapagtago sa likod ng malaking bato. Pinagmamasdan ko sila mula sa aking kinaroroonan. Unang inilatag ni Makoy ang banig sa damuhan na di-kalayuan sa pampang. Iiniisa-isa niyang ilatag doon ang mga laman ng basket na bitbit niya. Mga pagkain iyon at prutas.
"Whoaaaah, ang lamig ng water Mak. Ansarap!" Si Carol na nauna ng lumusong sa tubig. Nakaputing short ito ng mainipis na napakaigsi at nakaputing t-shirt na sobrang fit. Bumakat ang suot niyang bra at panty.
"Hindi ba muna tayo kakain?"
"Busog pa ako e. Mamaya na lang, ligo muna tayo!"
"Okey!"
At nakita kong hinubad ni Makoy ang kanyang damit. Tanging boxer lang ang itinira niya. Hindi ko maiwasang maglaway ulit sa kanyang katawan na minsan ko ring iligal na natikman at naging mitsa ng aking paghihirap. Sa tindig at porma niya nganga si Aljhur Abrenica. Walang sinabi ang abs ni James Reid ng sa kanya. At siguradong mapapayuko si Albie Casino kung sa paumbukan ng dibdib ang pag-uusapan.
Kaagad namang iniangkla ni Carol ang mga braso niya sa balikat ni Makoy sabay sunggab sa mga labi nito. Mukhang ikinagulat niya iyon dahil nakita ko pa ang pamimilog ng kanyang mga mata. Pero walang sinabi iyon sa gulat ko. Gulat na sinabayan ng paninikip ng dibdib.
Alam kong lagi na nila iyong ginawa pero iba pala talaga kapag makita mo na ito ng harapan dahil doble ang sakit na hatid nito sa iyo. Iyon bang parang makailang ulit kang tinaga sa dibdib.
Ngayon sigurado akong may relasyon na nga ang dalawa. At dahil doon parang nawalan na ako ng ganang maligo. Gusto ko ng umuwi at magkulong sa kwarto. Hangga't maari ayoko na munang makipag-usap kahit kanino. Ngunit paano ako uuwi kung naka-brief lang ako. Naiwan ko kasi ang mga damit sa pampang malapit sa kanilang kinaroroonan. Parang ako iyong nahihiya sa ginagawa nilang laplapan kaya nag-alangan akong lumapit doon at dahil na rin sa sakit na aking nararamdaman. Kung may kakayanan lang sana akong mag-teleport pauwi ng bahay.
Naisipan ko ang mag-dive. Sa ganoong paraan masira ko ang kanilang moment. Lumalangoy ako at nagkunwaring hindi sila namataan.
"Jeric andito ka?"
Tanong iyon ni Carol. Nahalata kong naiinis siya sa pagka-udlot ng kanilang laplapan. Nagmamadali namang umahon si Makoy at agad na isinuot muli ang kanyang sando. Parang ayaw niyang makita ko ang hubad niyang katawan.
Ang OA na ha. Ano iyon ginto? At takot siya na baka mamaya bigla ko na lamang iyong dakmain?
"Uy, andito din pala kayo?" ang sabi ko na kunwari nabigla din nang makita sila. "...pauwi na ako, kukunin ko lang itong mga damit ko"
Dinampot ko ang aking mga damit na nakalatag sa damuhan at agad na sinuot. Hind ko na tinapunan pa ng tingin si Makoy. Naisip ko na kailangan ko ng simulan ang pag-iwas sa kanya hindi dahil sa napapagod na ako sa panunuyo na muling manumbalik ang aming magandang samahan kundi ang katotohanang pag-aari na siya ng babaeng nasa aking harapan.
Hindi ako ipokrito para sabihing hindi ko iyon labis na ipinagdaramdam. Kinaya ko lahat ng pang-aalipusta at pagkutya niya sa akin. Ang pag-iwas niya na para bang may nakakahawa akong sakit. Ang paglimot niya sa aming pagkakaibigan dahil sa nagpadala ako sa udyok ng laman. Lahat iyon pinilit kong inintindi. Ngunit ang hindi ko lang matanggap ay malamang may karelasyon na siya kahit na alam kong wala akong pakialam doon. Tao lang ako at nagmahal. Sabihin mang mali ang nararamdaman kong ito pero hindi ko maiwasan ang masaktan. Bakla man ako ngunit may damdamin din ako na tulad ng sa karamihan.
"Kararating nga lang namin uuwi ka na agad? Dito ka na lang muna samahan mo kami!" pigil sa akin ni Carol.
Hindi ko lang alam kung bukal iyon sa kanya o dahil sa pag-aakalang pinsan ako ni Makoy kaya niya iyon ginawa. Pakitang tao kumbaga. Alam ko kasi kung gaano siya nainis nang malamang ako iyong nag-dived kanina na siyang ikinaudlot ng kanilang laplapan.
"Salamat na lang Carol. Moment nyo 'to e baka panira lang ako!" ranggi ko at hindi na niya ako pinilit pa.
Nakiusap na lang siya na buksan ko iyong dala nilang mga canned goods bago ako umalis. Nasa kabilang pampang na kasi si Makoy at nag-aayos ng mga pamingwit.
"Ang gwapo ni Makoy 'no? He's every woman's dream!" ang sabi niya habang inuumpisahan ko ng buksan iyong mga delata.
Ngumiti lang ako. Hindi ko kasi alam kung bakit niya iyon sinasabi sa akin.
"...kaya nga noong sinabi niyang may gusto siya sa akin ay hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa. Sinagot ko na agad at baka madikwat pa siya ng iba diyan!"
Hindi ko alam kung bakit binigyang diin niya ang salitang "DIYAN". Ako kaya ang pinariringgan niya? May alam na kaya siya sa nararamdaman ko kay Makoy?
"Mas mainam siguro kung lagyan mo siya ng tali sa ilong na parang kalabaw. Para kahit saan ka man magpunta mapapasunod mo siya" ang aking natatawang biro.
Sa totoo lang nagsimula na akong manggalaiti. Hindi pa rin kasi mawala sa isip kong ako ang pinariringgan niya.
"I think hindi ko na iyon dapat pang gawin. Dahil I am confidently virgin with sexy body. Kailangan ko lang siyang ilayo sa mga naglipanang AHAS sa paligid. Mahirap na. El Nino pa naman!"
Napakapit ako baka tangayin ako sa biglaang paglakas ng hangin. Medyo natawa rin ako sa ikinabit niyang "with sexy body" sa "confidently virgin" ibig sabihin lang ay alam na alam niyang hindi siya kagandahan at katawan lang ang tanging mayroon siya.
Ngunit sa salitang AHAS na madiin niyang binitawan sa halos mukha ko na ay doon na ako napataas ng kilay. Hindi man niya tuwirang masabi ay batid kong ako talaga ang pinatatamaan niya. Alam ko, sigurado ako, alam na niya ang tunay kong pagkatao.
"Alam mo bang may ahas ngayon na paboritong kainin ang hipon? Doon ka dapat na mag-ingat. Hindi lang daw iyon nanunuklaw e, nandudura pa!"
"Ako ba pinariringgan mo?"
"May sinabi ba ako?"
"Alam ko na ang lahat ng tungkol sa'yo Jeric. Isa kang makating baklang nag-aambisyon na maambunan na kahit katiting na pagtingin mula sa kanya. Malas mo lang dahil kailanman hinding-hindi siya pumapatol sa isang katulad mo!"
"Naririnig mo ba ang mga sinasabi mo?"
"Huh! Hindi lang basta naririnig, alam na alam ko. Hindi na man talaga kayo totoong magpinsan e. Saling-pusa ka lang sa kanila. Natagpuan ka lang naman sa dalampasigan at kinupkop ng pamilya nila. Kaya kung may balak kang humadlang sa amin, mag-isip-isip ka. Kaya kung pumatay ng kahit anomang uri ng ahas kahit na iyong pito pa ulo.
"Nanakot ka ba?"
"Hindi lang basta nananakot Jeric, binabalaan pa kita. Mabuti akong kaibiganin basta ba hindi lang ako aahasin!"
Umalis akong nagpupuyos sa galit. Parang gusto kong sumigaw ng sumigaw dahil sa paninikip ng aking didbib. Ang taas ng respeto ko kay Makoy ngayon ay nahalinhan na ng poot at pagkadismaya. Hindi ko alam na naging bukas na aklat na pala ang buhay ko sa iba. Para sa kanya, ang pagkamali kong iyon ay maihahalintulad sa isang palito ng posporo na kapag nasindihan ay kayang tupukin ang malaking bahagi ng kagubatan. Sa kunting pagkakamali ko, sa hindi ko napigilang kalibugan, naging kapalit no'n ang pagyurak at pang-alipusta niya sa aking pagkatao. At hindi pa nakuntinto, nagawa pa niya itong ipagkalat sa iba. Ngayon, dapat ko pa ba siyang intindihin? Makatarungan pa ba ang ginagawa kong pagpakumbaba sa kanya? Hindi pa ba sapat sa kanya ang makita akong sising-sisi na sa mga nangyari.
Hindi. Parang sumusobra na. Kailangan ko ng umiwas. Masyado na akong naging manhid sa pagmamahal ko sa kanya. Hindi man niya ako kayang patawarin at tanggapin muli sana man lang naroon pa rin iyong respeto niya sa akin hindi man bilang kaibigan kundi bilang tao.
"Ganoon na ba talaga kalaki ang kasalanan ko sa'yo at kailangan mo ang ipagkalat sa iba ang tunay na pagkatao ko?"
Hindi ko napigilang komprontahin siya nang nakaalis na si Carol. Punong-puno na ako sa kanya. Hindi ko na kayang pigilan ang silakbo ng aking damdamin.
"Bakit, hindi ba totoo?" Sarkastiko niyang tugon. Ibig sabihin lang inaamin talaga niya.
"Nasaan ang respeto Makoy? Hindi man bilang kaibigan kundi bilang tao" matigas ang pagkakasabi ko nito.
Ayokong magmukhang nakikiusap dahil sawa na akong makiusap sa taong matigas pa sa isang tuod kung pakiusapan. Nanunumbat, iyon 'yon.
"Respeto? Meron ka ba no'n...?"
Ibinalik lang niya ang tanong ko. Tinignan niya ako sa mata.
"...noong binaboy mo ako nagawa mo bang rumespeto? Naisip mo bang kaibigan mo ang tinalo mo? Iyan ang hirap sa mga kagaya n'yo e, nagde-demand ng respeto pero kayo mismo ay wala nito. Ayaw n'yong tawaging masahol e, ano iyong sa tingin mong ginawa mo? Diba mas masahol pa iyon sa hayop?"
Mistulang sibat iyon na tumama sa akin. Napalunok ako. Sarado na nga talaga ang pag-iisip niya. Inako ko na ang kasalanang iyon. Pinagsisihan. Nagpakumbaba at nagmakaawa. Ngayon hindi ko na hahayaan na ganoon na lamang ang tingin niya sa akin. Masyado na akong nagpakababa.
"Ganoon na lang ba 'yon? Iyon ba ang sukatan mo sa tunay na pagkakakilanlan ng isang tao? Minsan lang akong nadapa, Makoy. Bakit hindi mo ako hayaan na bumangon muli at bumawi sa maling nagawa ko. Tanggap ko ang pagpapahirap mo. Tanggap ko ang mababang tingin mo sa akin. Masahol pa ako sa hayop? Ayos lang. Ang hindi ko lang matanggap at hindi ko lubos na maiintindihan na kung bakit kailangan pa ang presensiya ng ibang tao para maging buo ang paghihigante mo sa akin. Ganoon na ba talaga ako kasama? Ganyan na ba talaga katigas ang puso mo? Ganyan na ba kakitid iyang isip mo?"
Buo at deretso ko iyong nasabi sa kanya. Kaytagal na din kasi iyong nakain-in sa aking puso na ngayon lang nabigyang laya. Nakita ko ang pagsalubong ng kanyang kilay. Napakatalim ng titig niya sa akin na para bang lalamunin na ako ng buo. Nanginginig ang mga kamay niyang kwelyuhan ako.
"Wala kang alam sa mga pinagdaanan ko kaya walang karapatang sabihing makitid ako!"
Kasabay no'n ay ang malakas niyang pagkakatulak at napaupo ako sa palangganang may pinagbabarang mga puting damit. Malakas iyon. Dinig ko pa ang tunog ng pag-cracked ng palanggana. Basang- basa ang aking likuran.
"At ikaw, anong karapatan mo ring yurakan ang pagkatao ko? Anong karapatan ninyo ng mga kaibigan mong alipustain ako?. Anong karapatan ninyo ng babae mong sumapain ako...?" bumulwak ang mga luha ko ng banggitin ko ang "babae". Dahil iyon sa selos na nararamdaman ko.
Alam ng aking utak na walang patutunguhan ang pag-ibig kong iyon sa kanya. Hindi ako ang nababagay sa kanya. Iba ang hanap niya. Dagdagan pa ng matinding galit niya sa akin ay kung bakit hindi ko pa rin masaway ang puso ko na patuloy siyang mahalin. Umaasa at mangarap. At higit sa lahat, ang isinisigaw nito na siya ay aking ipaglaban. Kahibangan.
"...bakit hirap kang patawarin ako? Hindi ko na dapat ito na sabihin e, pero alam mo bang mas lalo akong nasasaktan ngayon na malamang kayo na pala ni Carol? Bakit siya pa?" humihikbi na ako.
Lumapit siya. Nanliit ang mga mata niyang nakatitig sa akin. Halatang galit na galit na. Hinila niya paitaas ang damit ko. Bahagyang umangat ang aking katawan. Parang mapupunit ang damit ko dahil sa pagkakahila niya.
"At bakit hindi ikaw? Ganoon ba? Alam mo naman siguro kung ano ang sagot diyan. Hindi ako pumapatol sa isang kagaya mo lang. Kailanman si Adan ay nilikha para kay Eba. Hindi para kay Adonis!"
"Tama na 'yan Kuya!"
Mabilis pa sa kidlat na tinanggal ni Jayson ang mga kamay ni Makoy na humihila sa aking damit. Pagkatapos inakay niya ako patayo. Hinarap niya ang kuya niya
"Maawa ka naman kay Jeric kuya. Alam kong may nagawa siyang kasalanan sa'yo pero inihingi na niya iyon sa'yo ng tawad. Pinagsisihan na niya iyon!"
Hinila ko ang bisig ni Jayson. Pagpapahiwatig na hindi na dapat siya manghimasok sa gusot namin ni Makoy. Ayokong pati siya ay madamay sa aming hidwaan lalo na't alam kong sa akin ang simpatiya niya.
"Pwede bang huwag kang makialam dito. Hindi naman sa'yo nangyari iyon kaya hindi mo alam ang iyong mga sinasabi!"
"Jayson please, umalis ka na. Problema namin 'to ng Kuya mo!"
Sumingit na ako pero talagang hindi ko na siya mapigil sa pakikipagsagutan sa kuya niya.
"May pakialam ako Kuya. Kapatid kita. Kaibigan ko si Jeric. Gusto ko lang naman tumulong na maayos kayong dalawa. Para matahimik na tayong lahat dito!"
"Maayos? Jayson, naririnig mo ba ang sinasabi mo? Sa tingin mo ba maayos pa ang lahat dahil sa katarantaduhang ginawa ng kaibigan mo na 'yan?"
Tinuro ako ni ako ni Makoy.
"Maaayos pa Kuya. Sana lang matuto kang makinig at buksan mo ang puso mo sa pagpapatawad. Masyado ka ng tinutulak ng galit mo na 'yan. Hindi na kasi tama ang ginagawa mo. Masyado mo ng nasasaktan ang damdamin ni Jeric"
"Umalis ka na Jayson, nakikiusap ako!" tumaas na ang boses ni Makoy.
Kinakabahan ako sa maaring mang-ari. Muli kong hinila si Jayson sa braso ngunit siniko lang niya ako. Ayaw na talaga niyang paawat.
"Hindi mo ako mapapaalis hangga't hindi maayos 'to. Kaya Kuya makinig ka naman sana. Tama na pwede ba?"
"Bakit ba ganyan na lang ang pagmamalasakit mo sa taong iyan? Bakit parang pumapanig ka sa kanya?"
"Pumapanig lang ako sa kung alin ang sa tingin ko ang tama Kuya. Hindi sa magkapatid tayo ay sasang-ayunan ko na ang maling ginagawa mo. Naiitindihan ko naman ang nararadaman mo e. Hindi nga naman madaling tanggapin na taluhin tayo ng inaakala nating kaibigan. Pero nangyari na 'yon. Pinagbabayaran na niya ang kanyang nagawa. Pinagdusahan na niya iyon. Ngayon, kung hindi pa rin iyon sapat na maging kabayaran niya sa kanyang mga nagawa. Sino ka para alipustain siya? Sino ka para maliitin ang pagkatao niya? Anong karapatan mong isiwalat sa ibang may makakating dila ang pagiging ganoon niya? Malinis ka ba para husgahan si Jeric ng ganoon na lamang? Hindi ka Diyos Kuya, tao ka lang!"
Isang malakas na suntok ang dumapo sa mukha ni Jayson. Dahil sa hindi niya iyon napaghandaan ay nawalan siya ng panimbang. Bumagsak siya sa kinatatayuan niya. Nakita ko ang masaganang dugo na tumagas mula sa pumutok niyang labi. Nagulantang ako. Hindi ko kasi inakalang magawang pagbuhatan ni Makoy ng kamay ang kapatid niya. Ito na nga ba ang kinatatakutan ko na mangyari, na mag-away ang magkapatid nang dahil sa akin. Agad kong inalalayan si Jayson na makatayo. Gamit ang laylayan ng aking damit, pinunasan ko ang duguan niyang bibig.
Nababanaag ko naman sa mukha ni Makoy ang labis na pag-aalala sa nangyari. Iyon bang parang nakokonsensiya at hindi inaasahang masasaktan niya ng ganoon ang bunso niyang kapatid.
"Sabi ko naman sa'yong huwag ka ng makialam e. Antigas lang ng ulo!" Naging mahinanahon na ang kanyang boses. Para lang isang baliw na biglang bumalik sa katinuan ang pag-iisip.
"Mas mabuti ng ako ang tinamaan ng suntok na iyon at hindi si Jeric. Dahil kapag ginawa mo iyon doble ang sakit na hatid nito sa akin at baka makalimutan kong magkapatid tayo!"
"Bakit ganyan na lang ang pagmamalaskit mo sa kanya? At pati ang pagiging magkapatid natin ay kaya mong isakripisyo at isantabi?
"Dahil sa mahal ko siya Kuya"