Chapter 7

8564 Words
"May problema ka ba, Jayson?"  Bumuntong-hininga siya saka humugot muli ng isang napakalalim na hininga bago siya nagsalita na siyang labis kong ikinagulat. "Kaakibat ba sa pagmamahal ang masaktan?" "B-Bakit, nagmahal ka na ba?" tanong ko rin. Hindi ko alam kung saan nanggaling ang tanong niyang iyon sa akin. Simula kasi noong naging malapit kami ni Makoy ay hindi na kami masyadong nag-uusap. Kay Makoy na kasi umiikot ang aking mundo. "W-wala naman. Natanong ko lang, Jeric. Sabihin na nating, curious lang!" "Mahirap kasing maunawaan ang usaping pag-ibig kapag ganyang hindi mo pa naranasan ang magmahal. Mas madali kasing maiintindihan kapag ikaw mismo nakakaramdam na nito" "Ikaw ba'y nakaranas nang magmahal?" tanong ulit niya. Nag-iisip ako ng isasagot. Siyempre OO. Totoo naman talaga, inlove ako sa kapatid niya. Pero hindi ko iyon pwedeng sabihin sa kanya dahil sa katauhang mayroon ako na ayaw kong mabuking. Kaya, "Dati" ang simpleng sagot ko. Gumuhit ang gitla sa kanyang noo. "Dati? Ibig sabihin may natatandaan ka na?" "Hindi naman. Ang totoo niyan, isa 'yon sa mga ala-alang hindi nabura sa aking isip ngunit hindi ko sinabi sa inyo dahil ayoko sana iyong ungkatin pa. Tinatanong ko nga ang aking sarili na kung bakit sa daming mahahalagang pangyayari sa aking buhay na dapat kong matandaan ay iyon pa talaga na sakit lang naman ang dulot nito sa akin" "A-nong nangyari?" "Nagmahal ako ng todo pero luha lamang ang aking napala dahil sa bandang huli iba pala ang gusto niya" "Pareho lang pala tayo kaso sa magkaibang sitwasyon" Nagulat ulit ako. "Waaaaah! Kung ganoon inlove na ang bunso namin? Kanino?" Kunsabagay 17 na si Jayson kaya natural lang na may mapupusuan na siya. "Napakahirap niyang abutin. Magkaiba kasi ang mundong aming ginagalawan. Iba ang hanap at gusto niya. Kaya paniguradong hindi niya ako magugustuhan" "Bakit hindi mo subukang sabihin sa babaeng iyan ang feelings mo sa kanya. Alam mo ikaw, pareho talaga kayo ng kuya mo, hindi pa nga nagawang sumubok, hayun, sumusuko na. Huwag nyo namang masyadong i-degrade ang inyong mga sarili. Malay ba natin kung may gusto din sa'yo 'yong tao at naghihintay lang siyang magtapat ka sa kanya. Huwag mo kasing pangunahan kung ano ang mangyayari. Gawin mo muna kung ano ang dapat para malaman nating kung ano ang magiging resulta" "Sana ganoon lang kadali ang lahat!" ang wika naman niya sabay buntong hininga. Sa kabilang banda, naiintindihan ko naman ang side ni Jayson dahil ganoon na ganoon din ang nararanasan ko. Ang kaibahan lang pwede niyang ipagtapat ang nararamdaman niya sa taong mahal niya samantalang ako, pwede naman pero paniguradong isang napakalaking gulo ang mangyayari kung ipupursige kong gawin iyon. Malamang iiwasan ako ni Makoy at ang masklap pa maaring palalayasin niya ako sa kanilang pamamahay dahil sa tulad ko na isang bakla, paniguradong salot ang tingin niya sa akin. Kaya hanggang kaya ko pang ilihim ang lahat, iyon ang sa tingin kong pwede kong gawin dahil wala din naman akong kakayanan na umiwas at pigilin ang nararamdaman ko para sa kanya. "Hindi nga naman biro ang manligaw lalo na kapag unang beses mo iyong gawin. Siyempre nakakakaba iyon dahil hindi mo alam kung ano ang magiging reaksiyon ng babaeng nililigawan" sabi ko sa kanya. Feeling expert ba gayung hindi ko naman naranasang manligaw. Sa tulad naming nasa gitna, hindi kasi ganoon kauso ang ligawan. Kapag nagkatitigan kayo at pakiramdam n'yo gusto ninyo ang isa't isa, iyon na 'yon. "Talagang napakahirap , Jeric lalo na kung ang taong napupusuan mo ay katu— !" Natigilan si Jayson sa gusto sana niyang sabihin. Iyon bang parang narealised niyang hindi niya pala dapat iyong ipagsabi dahil sa sekreto lamang niya iyon. "—na ano, Jayson?" "W-wala. Kalimutan mo na ang sinabi ko. Tara na sa taas, lumalamig na ang paligid" Yakag niya sa akin. At iyon nga umakyat na kami sa taas para matulog. Nang nakahiga na kami, tumagilid siyang paharap sa akin, idinantay niya ang isa niyang paa sa aking hita. Hinayaan ko lang siya dahil nasanay naman akong ginagawa niya sa akin iyon kapag ganoong nakahiga na kami. Minsan naisip ko rin na sana darating din ang panahon na makatabi ko si Makoy sa pagtulog at sa ganoong posisyon dahil paniguradong dream come true na iyong maituturing sa akin. Siyempre mahal na mahal ko iyong tao. "Kung sakaling babalik na ang ala-ala mo at babalik ka na sa tunay mong pamilya, maalaala mo pa kaya kami? Magawa mo kayang bumisita rito kahit minsan?" ang tanong niyang halos mahalikan na ang aking tainga sa sobrang lapit niya sa akin. Ramdam ko na nga rin ang kanyang hininga. Iniharap ko ang aking mukha sa kanya. "Oo naman. Bahagi na kayo ng buhay ko. At malaki ang utang na loob ko sa inyo kaya hinding-hindi ko kayo makakalimutan. Siyempre uuwi ako sa amin dahil nandoon ang tunay kong pamilya pero bibisita rin naman ako dito nang madalas" sagot ko naman. "Pwede bang payakap?" "Nakayakap ka na nga sa akin e!" "Hindi, iyong mahigpit" paglalambing niya. Ako na mismo ang naunang yumakap sa kanya nang mahigpit na sinuklian naman niya ng isang malutong na halik sa aking pisngi. Hindi ko naman iyon binigyan ng kahulugan dahil magkapatid na ang turingan namin niyan sa isa't isa. Maraming beses na rin niya iyong ginawa kaya nasanay na ako. Pero kung si Makoy lang siguro ang gumagawa noon sa akin, hay naku ewan ko na lang. Baka torrid kiss pa ang magawa ko sa kanya. At hayun, nakatulog na kami ni Jayson na may ngiti sa aming mga labi habang magkayakap sa isa't isa. Sabay kaming kumain ni Jayson sa karenderya. Dadalawa lang kasi kami ni Makoy sa aming pwesto kaya salitan kaming kumain para may maiwang bantay doon. Habang kami ay kumakain hindi ko maintindihan ang malagkit niyang titig sa akin. Dati naman na niya iyong ginagawa kapag nasa bahay lang kami pero noon ko lang napansin ang lagkit nito. Iyon bang titig na parang tumatagos hanggang sa kaluluwa mo.  "May dumi ba ako sa mukha?" untag ko sa kanya. "W-wala. Inisip ko lang na kapag bumalik na ang alaala mo paniguradong hindi kana namin makakasama rito" ang sabi niya. May himig na lungkot sa kanyang boses. "Diba sinabi ko na sa'yo na kapag mangyari 'yon dadalawin ko kayo palagi. At kung tama itong naiwang ala-ala ko na mayaman kami, tutulungan ko kayo ni Makoy na muling makapag-aral" Nakita ko ang pag-aliwalas ng kanyang mukha. Namilog pa ang mga mata nito at abot-tainga ang ngiti na animoy tumama sa lotto. "T-talaga? Tutulungan mo kami ni Kuya na maipagpatuloy ang pag-aaral? E, dalawa kami, mahal ang matrikula sa college diba?" "Mayaman nga kami diba? Kaya walang problema iyon. Buhay ko ba naman ang iniligtas ninyo na hindi matatawaran ng magkanong halaga" "S-salamat!" Maluha-luha niyang sabi. "Kaya huwag ka ng malungkot diyan. Sa halip, ipagdasal mo na lang na gumaling ako para makapag-aral na kayo" wika ko sa.kanya. Ngumiti ulit siya. At ipinagpatuloy na namin ang aming pagkain. Iyon naman talaga ang plano kong gawin kung sakali mang bumalik na ang aking ala-ala. Minsan kasing nabangggit ni Jayson sa akin ang pangarap niyang makapag-aral sa kolehiyo dahil iyon lang ang paraan para makaahon sila sa hirap. Hindi rin niya maiwasang mainggit kapag ganoong nakikita niya ang iba niyang mga kaklase noong hayskul na nag-aaral na ngayon sa state university ng kanilang probinsiya. Kaya ganoon na lamang ang awang nararamdaman ko para sa kanya na hindi makapag-aral dahil sa kahirapan. Gustong-gusto ko silang tulungang magkapatid. Hindi man nasasabi ni Makoy sa akin ang nais niyang maipagpatuloy ang pag-aaral sa kolehiyo pero ramdam ko, na katulad ni Jayson, ganoon din ang kanyang nasaisip. Bumalik na ako sa aming pwesto para si Makoy naman ang kumain. Ngunit ganoon na lamang ang pagsikip ng aking dibdib nang maratnan kong naroon si Carol at naghagikhikan sila. Hindi ko maipaliwanag ang aking naramdaman sa nakita ko lalo na at halos kumandong na si Carol kay Makoy. Ang sagwa lang niyang tignan, naka-school uniform habang nakipaglandian sa lalaki. Parang gusto ko tuloy siyang hampasin ng tapalan ng karne para mawalan ng malay. "Nandito na si Jeric, Mak. Tara, tayo naman ang kumain!" ang sabi ni Carol. "Sige" Tinanggal nito ang suot na apron. "Maiwan ka na muna dito, Jeric. Kakain lang kami. Balik din ako agad" Baling niya sa akin na tinugunan ko lang ng pagtango.Para kasing nawalan bigla ako ng ganang makipag-usap sa kanya. Malamang dahil sa nararamdaman kong selos. At hayun umalis na ang dalawa habang nakaabri-siyete si Carol sa isang bisig ni Makoy. Kung titingnan, para talaga silang magsyota na siyang lalong ikinasama ng aking loob. Hindi biro ang maging isang alanganin. Pero tanggap ko na iyon at wala akong pagsising naging ganito ang pagkatao ko. Ang mahirap lang para sa akin ay ang mahulog sa isang straight na kagaya ni Makoy na malabo pa sa kadiliman ng gabing magugustuhan din niya ako. Ayos na sana iyong hindi siya mayaman at may mataas na pinag-aralan. Naisasantabi ko na ang mga pamantayan kong iyon pero bakit sa isang straight pang katulad niyang babae ang hanap at hindi ang kagaya ko na isang bakla? Halos tatatadtarin ko na ng pinung-pino ang mga hinihiwa kong laman ng baboy dahil sa inis ko kay Carol. Pero kahit na gawin ko pang giniling ang lahat ng iyon ay wala akong laban sa kanya kahit na saan mang anggulo titingnan. Hindi siya kagandahan. Gwapo ako. Pero natitiyak kong wagi ang beauty niyang pilit sa panlasa ni Makoy dahil isa siyang tunay na babae. Maliban na lamang kong gwapo din ang hanap ni Makoy. Wish ko lang! "Jeric, baka mamaya niyan daliri mo na pala ang hinihiwa mo!" untag sa akin ni Kristine nang mangapit-bahay na naman sa pwesto namin. Nakagawian na niya iyong gawin kapag ganoong walang mga kustomer. "Mukhang may pinagdadaanan ah? Inlove?" "Sumeryoso lang sa ginagawa inlove na agad!?" bara ko naman sa kanya. "Feel ko lang. Alam mo naman ang tulad namin, matalas pa sa aso ang pang-amoy. And I smell something jelouse here!" Namilog ang mga mata ko sa pagkabigla sa sinabing iyon ni Kristine. Nakita ko pang kunyaring may inaamoy-amoy siya na isang nakakasusulasok na amoy sa paligid. Kinabahan ako. Sana nga hindi magkatotoo ang aking sapantaha. "S-selos? Sinong nagseselos?" Tanong ko. "E di Ikaw?" Pinilantik niya ang kanyang mga daliri patungo sa akin. "H-ha? B-bakit ako? Para saan at kanino?" Maang-maangan kong hindi makatingin sa kanya ng deretso. Parang nagi-guilty ba dahil totoo naman talagang nagseselos ako kay Carol. "Jeric, ramdam na ramdam ko, e. Pwede mo silang pekehin pero ako? No way! Promdi nga ako pero nakapagtrabaho rin ako ng tatlong taon sa Maynila kaya alam ko ang makabagong uri ng serena. Lalaking-lalaki kang kumilos pati sa pananalita pero alam kong sa loob mo, kagaya ko, lalaki rin ang gusto mo. Ang kaibahan lang, lantad akong bakla samantalang ikaw ay patago!" Bullseye! Hindi ako nakakibo sa pambubukong iyon ni Kristine. Natakot man na baka ipagkakalat niya ang sekreto ko pero wala akong planong pabulaanan ang kanyang sinabi. Totoo din naman kasing berde ang aking dugo na pilit nagtatago sa loob ng kloseta. "Pero don't you worry. Sekreto mo ay sekreto ko na rin kaya makakaasa kang sa ating dalawa lang iyon. Never kitang ilalaglag 'no, crusha kaya kita!" Mistula naman akong nabunutan ng tinik nang sinigurado ni Kristine na hindi niya ipagsasabi ang tungkol sa aking pagkatao. Kahit na tanggap ko na ang aking pagkasino ay wala sa plano ko ang magladlad. Gaya ng paulit-ulit kong sinasabi na baka iyon pa ang magiging mitsa sa pag-iwas sa akin ni Makoy. "Salamat, Kristine!" Dahil sa alam na niya ang pagkatao ko, pakiramdam ko ay nakahanap ako ng kakampi sa lugar na iyon na makakaintindi sa aking nararamdaman. Bagama't malapit kami ni Makoy at Jayson, hindi ko naman maaring sabihin sa kanila ang mabigat kong dinadala. Paano ba naman, mahal ko si Makoy. Ano kaya ang maaring mangyari kapag sinabi ko iyon sa kanya? At ano naman kaya ang magiging reaksiyon ni Jayson kapag malaman niyang ang kuya niya ang itinitibok ng aking puso? Ang hirap talaga. Parang gusto ko na lang mabagok ang aking ulo para magka-amnesia akong muli nang saganun malimutan ko na ang pag-ibig ko kay Makoy. "Pinigil ko naman Kristine eh, pero hindi ko talaga kaya. Si Makoy pa rin ang isinisigaw ng tang-inang puso ko" Maluha-luha kong pahayag. Kaytagal din kasing nakain-in iyon sa aking puso at ngayon lang ako nabigyan ng pagkakataong maisambulat iyon. "Mahirap nga 'yan friend. Nakakaloka ang kalagayan mo. Sa dami ba namang lalaki ay kay Makoy pa talaga na pinsan mo? Aminado akong isa akong malibog na bakla na kahit na sino pinapatos ko pero never pumasok sa isip ko ang pumatol sa isang kadugo kahit gaano pa ito kaguwapo at kalaki ng notabels. Hindi kasi ako pabor sa i****t. Sa akin lang ha, kapag gagawin ko iyon, ang magpatalo sa dekta ng puso para naring pinatutuhanan ko ang sinabi ng isang politician na mas masahol pa tayo sa hayop. Kaya sa akin ka na lang Jeric, ako ang maghahanap-buhay para sa atin. Hehehe! Hindi man tuwirang sinasabi ni Kristine pero batid kong hindi siya sang-ayon sa nararamdaman ko kay Makoy sa pag-aakalang magpinsan nga kami nito kaya naman, "H-hindi kami totoong magpinsan ni Makoy Kristine!" ang biglang nasabi ko. Sabagay, may alam na rin siya tungkol sa akin kaya lulubusin ko na. Iniisip ko na lang na baka kakailangan ko rin ang tulong niya pagdating ng araw hinggil sa aking kalagayan. "What?" Gaya ng inasahan ko, nagulat siya to the highest level. Napatakip pa siya sa kanyang bunganga na para bang nanalo sa isang beauty pageant. "Totoo? Paki-explain nga sa akin!" At iyon na nga, ikinwento ko sa kanya ang lahat. Ang pagkapadpad ko sa kanilang lugar na hindi ko alam kung paano dahil wala akong matandaan gawa nang nawala ang mahahalagang ala-ala ko. At para maiwasan ang pag-uusisa ng mga tao, inangkin nila akong kamag-anak habang nasa kanila ako at hindi pa bumabalik ang aking ala-ala. Minsan din akong napagkamalang magnanakaw at dinala sa barangay hall kaya iyon ang simula ng pagpapanggap namin bilang magkamag-anak. "Kung ganoong hindi naman pala talaga kayo tunay na magpinsan, e di, push mo na yan, Jeric!" tudyo niya. "Kung pwede nga lang Kristine pero napakaimposible yatang magugustuhan ako ni Makoy dahil alam naman nating pareho na lalaki siya at babae ang gusto niya. Baka bugbog ang aabutin ko kapag sasabihin ko sa kanya itong nararamdaman ko" "Posibleng magagalit siya kasi magkaibigan kayo pero napaka-OA naman niya kung bubugbugin ka niya, e hindi mo naman ginusto mapamahal sa kanya. At saka hindi naman na kapag sinabi mo kay Makoy ang iyong nararamdaman ay kailangan ka niyang sagutin. Sapat ng nasabi mo iyon sa kanya kaysa namang habambuhay kang nakatunganga diyan. Bagamat masakit ang mabigo pero kinakailangan nating tanggapin na hindi sa lahat ng pagkakataon makukuha natin ang ating mga minimithi. Kailangan matuto tayong tumanggap na minsan hindi matutumbasan ng taong pinaghahandugan natin ng pagmamahal ang pag-ibig na inialay natin sa kanila" "Hay, ewan, naguguluhan ako. Parang wala yata akong lakas ng loob para sabihin ito sa kanya!" Wika ko habang nakapangalumbaba. "Pero salamat na rin sa mga payo mo Kristine, kahit papaano nakatulong ito para mapagaan ang aking kalooban!" "Basta ikaw friend walang problema. Anlakas mo kaya sa akin" tugon naman niya sabay lapirot sa ilong ko na siya namang pagdating ni Makoy na salubong ang mga kilay habang nakatingin sa amin. "Ano na naman iyang tsismis na dala mo? Mukhang mainit pa yata 'yan kaysa maruyang tinitinda diyan sa kanto ah!" Pang-aasar ni Makoy kay Kristine. Ewan ko ba na kapag ganyang nakikita niya kaming nag-uusap ni Kristine ay nag-iiba ang timpla niya. Siguro nga galit siya sa mga bakla at ayaw niyang mahawaan ako. Hindi niya lang alam, inborn na akong ganito. "Grabe ka naman Makoy, nakipagkwentuhan lang naman ako kay Jeric, tsismis na agad? Kita mo namang napakatumal o!" pagtatanggol ni Kristine sa sarili. "Ke tsismis o kwentuhan parehas lang 'yon!" "Parehas ka diyan. FYI no, ang tsismis hindi totoo at pawang paninira. Ang kwentohan may laman. Gaya na lamang na kapag may problema ka at sinishare mo ito sa iba para may makapagbibigay sa'yo ng payo, iyon 'yon. Hmmp, hindi mo ba alam na may mabigat na dinadala itong poging pinsan mo?" Nabigla ako sa huling sinabi ni Kristine. Hindi ko inasahan ang pagkadulas ng kanyang dila nang masabing may dinadala akong problema na alam kong magiging mitsa para magtanong sa akin si Makoy gayung wala naman akong nababanggit sa kanya. Kasi ba naman siya ang dahilan ng problema ko. "May problema ka ,Jeric?" baling sa akin ni Makoy. Bakit wala kang sinasabi sa akin?" "A-ano...kuwan ka-si!" nauutal kong sabi. Naghahagilap pa kasi ako ng sasabihin. Parang hindi pa ito ang tamang oras para sabihin sa kanya na ang lihim kong pagmamahal sa kanya ang aking pinoproblema. Pinandilatan ko si Kristine. Sana makuha niya ang ipinapahiwatig ko. "Pera, tama iyan ang problema niya. Kailangan niya raw ng pera dahil may importante siyang pagagamitan" pahayag naman agad ni Kristine. Nakahinga naman ako ng malalim. "Anong pagagamitan mo sa pera? May kailangan ka bang bilhin?" tanong kaagad sa akin ni Makoy. Mukhang kumagat naman siya sa idinahilan namin ni Kristine. "Sa bahay ko na lamang sasabihin sa'yo Makoy. Iyong tayong dalawa lang!" Sagot ko. Tumango siya. "Sa dami ba naman ng taong pwede mong hiraman ng pera, diyan pa? E, wala na ngang sasahurin 'yan sa laki ng cash advance pangdatung sa mga lalaki niya!" "Hoy, maghulos-dili ka Makoy. Pera ba kamo? Tatlo ang bank account ko. Kung makapagsalita naman to, akala mo kung sino. Makaalis nga nga!" At tumalikod na si Kristine sabay irap kay Makoy. Kinahapunan minadali namin ang pagliligit sa aming mga paninda. Sahod kasi namin. Kapag ganoon, nakagawian namin ni Makoy ang tumambay muna sa plasa at kumain ng mga street foods bago umuwi ng bahay. At dahil sa nalalapit na ang piyesta, paniguradong mas nakakaaliw na ang mamasyal dahil sa may perya ng nakatayo roon. Ngunit bago pa man namin natapos ang pagliligpit ay dumating si Carol. Niyaya nito si Makoy na mamasyal sa plasa. "Oo ba. Doon din kasi ang punta namin ni Jeric matapos namin dito" imporma ni Makoy kay Carol. Napansin ko namang napangiwi ito. Iyon bang parang ayaw niyang kasama ako dahil gusto niyang silang dalawa lamang ang mamasyal at panira lang ako sa kanilang moment. Siyempre naiinis na naman ako sa sandaling iyon pero pinili kong magpakaplastik na lang muna. "K-kayo na lang Makoy. Baka kasi istorbo lang ako sa date n'yong dalawa" Hindi ko inasahan na iyon ang aking nasabi. Para bang kusa na lamang iyong lumabas mula sa aking bibig na hindi ko pinag-isipan. Ganoon lang siguro kapag may kinikimkim kang pagseselos sa loob mo. Hindi mo na kontrolado ang mga katagang lumalabas sa iyong bibig. "Anong date iyang pinagsasabi mo? Wala kaming usapang ganyan ni Carol. Nakagawian na natin 'tong gawin diba? Ayos lang naman siguro kung tatlo tayong mamasyal para mas masaya!" bulalas naman niya. "B-basta kayo na lang. Umo-o na pala ako kanina kay Kristine na mamasyal kami ngayon. Mainit pa naman ang dugo mo sa kanya kaya hindi makabubuting magsabay tayong apat" pagsisinungaling ko para lang may dahilan akong hindi makasama sa kanila. Parang hindi ko kasi kakayaning makita silang maghaharutan sa aking harapan. Para ko na ring sinakal ang aking sarili kapag maki-join ako sa kanila. "Nakipag-commit na pala siya kay Kristine ,Mak e, kaya hayaan na lang natin si Jeric. Tayo na lang dalawa ang mamasyal. Libre kita" Sabad ni Carol. Wow, libre. Anlakas lang talagang magpapaganda points ng haliparot. Sarap sabunutan. "Sige mauna na ako!" paalam ko sa kanila saka ako nagmamadaling umalis. Sa halip na sa sakayan ng traysikel ako tumungo ay lumiko ako sa kabilang eskinita patungong plasa. Hindi ko maintindihan ang sarili. Nagdahilan akong hindi sumama sa kanila dahil alam kong masasaktan lang ako kapag nakita silang masayang naghaharutan sa harap ko pero ngayo'y palihim ko silang sinusundan. Para ko na ring hinawakan ang isang cobra sa leeg kahit na alam kong tutuklawin ako nito na pwede kong ikamatay. Hindi ko napigilan ang aking mga luha nang makita kong sinusubuan ni Carol ng fishball si Makoy at ganoon din ito sa kanya. Ang sweet nilang tingnan. Para talaga silang magkasintahan kung titingnan na bagama't wala naman silang relasyon pero sa sa pagiging sweet nila sa isa't isa sino bang mag-iisip na hindi? Bagay na siyang kinaiingitan ko sa kasalukuyan nilang ginagawa. Kung tutuusin pareho lang naman ang status namin ni Carol kay Makoy, isang kaibigan. Ang malaking kaibahan lang ay hindi ko maaring gawin ang ginagawang pagsubo ni Carol ng fishball kay Makoy. Hindi ko siya maaring lambingin at lalong hindi pupuwedeng makipagharutan ako sa kanya sa harap ng maraming tao dahil natitiyak kong magiging tampulan iyon ng tsismis. Hindi rin naman kasi normal para sa dalawang lalaki ang magsubuan ng pagkain at ang maglalambingan. Umupo ako sa sementong upuan sa silong ng isang puno sa loob ng plasa. Para na kasing tinataga ang dibdib ko habang pinapanood ang dalawa na masayang nagkukuwentuhan habang kumakain. Naaawa na ako sa aking sarili. Sa gitna ng kanilang kasiyahan ay may isang taong nakayukyok sa isang sulok na labis na nasasaktan. Hindi ako pwedeng makipagsabayan kay Carol dahil alam kong wala akong laban sa kanya. Kong totoo man ang sinabi ni Makoy na wala siyang nararamdaman para kay Carol siguro ay may iba siyang gusto at napakalabong ako iyon. Ito na yata ang pinakamahirap na yugto ng aking buhay, ang umibig sa taong alam kong hindi ako ang tipo ng taong kanyang gugustuhin. Pinahid ko ang aking mga luha na naglakbay sa aking pisngi. Sana katulad lang din ng mga luha ko ang aking pag-ibig kay Makoy na pwedeng pahirin at matutuyo na lang. Ngunit sa tuwing pinipigil ko ang nararamdaman sa kanya ay lalo lamang itong naghuhumiyaw sa kanyang pangalan. Mistula itong bukal na hindi nauubusan ng tubig. "Ayos ka lang ba, Jeric?" Ang boses na narinig ko sa aking harapan. Nang mag-angat ako ng tingin, tumambad si Jayson at may hawak itong softdrink na nakalagay sa plastic. Inabot niya iyon sa akin. Tinanggap ko naman. "Salamat!" Wika ko. "Akala ko ba magkasama kayo ni Kuya Makoy. Nasaan ba siya?" Tumabi siya ng upo sa akin. "Sila ni Carol ang magkasama ngayon!" Simpleng tugon ko. "Gusto ko kasing mapag-isa kaya hindi na ako sumabay sa kanilang dalawa" "Napansin ko nitong mga nakaraang araw ay napapadalas na ang pananamlay mo. May hindi ka ba sinasabi sa akin, Jeric?" puna niya sa akin. "M-may problema ba?" "Namimiss ko lang ang mga magulang ko. Matagal ko na rin kasing hindi sila nakikita pero hindi ko alam kung paano. Hindi pa rin kasi bumabalik ang buong memorya ko" Ang sagot ko. Totoo naman talaga na isa iyon sa mga inaalala ko, ang makitang muli ang aking mga magulang kung mayroon man. Pero ang higit na nagpapabigat sa aking kalooban ay ang pag-ibig ko kay Makoy na sa tingin ko mas lalo iyong tumitindi sa paglikwad ng mga araw. Ngunit hindi ko naman iyon pwedeng sabihin kay Jayson. Siyempre naroon palagi iyong pangamba na baka iiwasan niya ako kapag nalaman niyang isa akong alanganin na umiibig sa kanyang kapatid. Nawalan na nga ako ng ala-ala baka mamaya pati sila na itinuturing kong bagong kapamilya. "Kung may magagawa lang ako upang matulungan ka" ang malungkot niyang saad. "Parang gusto kong magpasuri sa doktor, Jayson para malaman ko kung may tsansa pa ba akong gumaling. Kaso hindi pa sapat ang perang naitabi ko pambayad sa doktor na susuri sa akin" Minabuti kong iyon ang pag-uusapan namin kaysa totoong pinakaproblema ko, itong nararamdaman ko sa kuya niya. Mas mabuti na rin sigurong iyon na muna ang aking uunahin kaysa damdamin ko kay Makoy. Bigla kong naisip na kapag iyon na muna ang pagtutuunan ko ng pansin paniguradong may positibo iyong resulta. May tsansa naman kasing gagaling ako. Dahil doon, makakauwi na ako sa tunay kong pamilya. Samantala, kong patuloy ako sa pag-e-emote nitong aking nararamdaman para kay Makoy, wala rin namang mangyayari dahil kahit sabihin ko pa sa kanya ang feelings ko, hindi rin naman niya ako magugustuhan. Maaring si Carol o iyong nasa larawan na palagi niyang tinitingnan ang kababagsakan niya. "Pag-iipunan natin 'yan. Sasabihin ko rin kay Kuya at kay inay ang plano mo!" "Naku huwag na. Masyado ng nakakahiya. May trabaho naman ako e, kaya ko yong pag-ipunan" tanggi ko. Totoo naman talagang nahihiya na akong humingi ng pabor sa kanila dahil sa dami na nilang nagawang tulong sa akin. "Hayan kana naman sa hiya-hiya mo na 'yan. Pamilya mo na kami diba? Isa rin naman kami sa makikinabang kapag gumaling ka. Diba, papag-aralin mo kami ni Kuya?" Natawa naman ako sa huling sinabi niyang iyon. Talaga palang tumatak sa isip niya ang pangakong aking binitawan nang kumain kami ng pananghalian na tulungan ko silang makapag-aral kapag gumaling na ako. Siyempre sino ba naman ang tatanggi sa oportunidad na iyon. Ang pag-aaral lang kasi ang siyang susi para umangat sa buhay. "Saang unibersidad ba ang gusto mo? La Salle? Ateneo? UST?" biro kong may bahid ng katotohanan. Isa sa agenda ko ang tuparin ang aking naipangako sa kanila sa aking paggaling. Nakakatitig lang siya sa akin. Maya-maya, "Sa puso mo!" ang sabi niya sabay humagalpak ng tawa. "Tange, lakas lang makahugot ah!" Pinamulahan ako sa katatawa. Para kasing paraan niya ito ng pagpapalipad hangin sa akin ngunit alam kong biro lamang niya iyon. Kilala ko na kasi si Jayson, mapagbiro ito kung minsan. Siguro kung katulad ko rin siya, marahil nag-aasume na ako na may gusto nga siya sa akin. Pero kung sakaling si Makoy ang nagbiro sa akin ng ganoon, ako na yata ang pinakamsayang beki sa mundo. Nagpaikot-ikot na muna kami sa plasa saka kumain ng mga ilang street foods bago kami umuwi. Kahit papaano masaya na rin ako at pansamantala kong nalimutan si Makoy dahil nakakaaliw din namang kasama si Jayson. Halos hindi rin naman nalalayo ang ugali nilang magkapatid. Gwapo si Makoy. Hindi rin naman pahuhuli si Jayson kahit na hindi pa ganoon ka pormado ang pangangatawan nito kung ihahambing sa kuya niya. Binabagtas na namin ang daan patungong sakayan ng traysikel nang bilang tumungo siya sa isang poste ng ilaw at hinablot ang isang papel na nakadikit roon. "Ano 'yan?" Ang tanong ko nang bumalik siya tangan iyong papel. "Isang singing contest na naman ang gaganapin ngayong Sabado, araw bago ang piyesta rito" pahayag niya. "Tapos?" "Magpalista ka kaya Jeric. May boses ka naman diba?" "Hala? Bakit ko naman gagawin 'yon?" Totoo ngang may ibubuga ako pagdating sa kantahan pero wala naman sa isip ko ang sumali sa isang singing contest. Kulang kasi ako sa confidence at may stage freight pa ako. "Sakali kasing manalo ka, malaking tulong din ang perang mapanalunan mo sa pagpapacheck-up mo. Tingnan mo nilakihan na pala nila ang first prize, 5,000 na kumpara noong nakaraang taon na 2,500 lang" At idinuldol pa talaga nito ang hintuturo sa nakasaad na papremyo sa hawak nitong papel. "Paano kung hindi ako mananalo? Wala pa naman akong karanasan sa ganyan!" "Huwag ka naman agad mag-isip ng negatibo. Kung wala ka pang karanasan, pwes ito na ang panahon na magkaroon ka nito. Malaki ang tiwala ko sa'yo at malakas ang kutob ko na mananalo ka, kahit na hindi man ang first prize. Maski na third place, ayos lang, 2,500 din kaya iyon!" "Maski na. Iisipin ko pa nga lang ngayon ay kinakabahan na ako. Ano kaya kung andoon na mismo ako sa araw ng contest. Baka hihimatayin na ako" "Ito naman, hindi ka naman hahatulan ng kamatayan, e. Kakanta ka lang naman. Ito lang kasi ang pinakamadaling paraan para makalikom ka ng pera bagama't hindi man ganoon kasigurado ngunit kailangan nating magbakasakali. Diba gusto mo ng gumaling para makauwi ka na sa inyo? Pwes, ito ang gawin mong motibasyon. Napaisip ako. Kunsabagay wala din namang mawawala sa akin kapag sasali ako. At kung suswertehin, magkakaroon pa ako ng perang magagamit sa aking pagpapagamot. Kung iasa ko lang kasi sa aking sasahurin sa palengke, paniguradong matatagalan pa akong makaipon ng sapat na perang kakailanganin ko sa aking pagpapadoktor. Maliit lang kasi ang sinasahod ko sa pagtitinda. Kailangan ko ng gumaling para makauwi na ako sa amin habang kaya ko pang iwan si Makoy. Natatakot kasi ako na darating ang araw na hindi ko na siya maiwan-iwan gayong hindi rin naman ako ang taong kanyang mahal. "Sige sasali ako" Bulalas ko. Nakita ko ang pagsilay ng ngiti sa kanyang mga labi. "Ayos! Sige para hindi ka masyadong kabahan, sasali narin ako. Magpalista tayong dalawa" "Wow, magandang ideya nga 'yan" Nagagalak kong pahayag. Atleast kapag ganoong sasali rin si Jayson hindi na ako lalamunin ng takot dahil alam kong nariyan siya para bigyan ako ng lakas ng loob. At dahil napagpasyahan namin na sumali sa singing contest, hindi na muna kami sumakay ng traysikel pauwi. Nagtungo na muna kami sa kaisa-isang internet shop ng bayan para mag-search at makapagprint ng kopya para sa aming kakantahin. Bale dalawang kanta ang pinaprint namin. Isa para sa audition at iyong isa naman ay para sa mismong contest kung sakali mang papalarin kami sa audition. Kararating lang ni Makoy nang sinimulan kong saulohin ang dalawang kantang kakantahin ko sa contest. Lumapit agad siya sa silong ng mangga kung nasaan ako at inilapag niya sa maliit na mesa ang dala-dala niyang plastic. "Balot" alok niya. "Salamat" wika ko namam. Hindi na ako nagtanong pa kung bakit siya ginabi ng uwi dahil obvious namang si Carol ang kasama niya. Ngunit flattered pa rin ako dahil hindi niya nakalimutan na dalhan ako ng pasalubong. Siyempre galing kaya iyon sa kanya at paborito ko pa. Kinilig tuloy ang lola n'yo ng lihim. "Ano yan?" usisa niya sa hawak kong papel. "Kopya ng kakantahin ko sa singing contest na sasalihan ko sa darating na Sabado" "Sasali ka pala?" "Ikaw ba hindi? Diba maganda naman boses mo?" "Hindi na ako pwede. Nag-champion na ako ng dalawang magkasunod na taon kaya hindi na ako pinahihintulutan na sumali pa" ang pahayag niya at hindi ko na iyon ikinagulat dahil alam ko naman kung gaano kaganda ang kanyang boses. At aminado akong isa iyon sa mga asset na aking nagustuhan sa kanya. "Ano ba yong pinoproblema mo at nagawa mo pang manghiram sana ng pera kay Kristine?" pag-iiba niya. Hindi pala nawala sa isip niya iyong sinabi kong kunwaring may problema ako nang naratnan niya kaming nag-uusap ni Kristine kanina sa karnehan. "Wala 'yon. Kalimutan mo na, Makoy" Wika ko habang sinindihan ko iyong gasera na hinipan ng hangin. "Pambihira. Bakit sa ibang tao nagsasabi ka ng iyong mga dinadala pero sa akin na kaibigan mo naglilihim ka" pagmamaktol niya. At para hindi na humaba pa ang usapan at makapagpraktis na ako sinabi ko narin sa kanya. "Gusto ko kasing magpatingin sa doktor para malaman ko kung ano na ang aking lagay. Kung gagaling pa ba ako o hindi na. Gusto ko ng bumalik ang aking memorya para makauwi na ako sa amin sa lalong madaling panahon dahil gusto ko ng makita ang aking pamilya. Kaya nga ako napasali sa singing contest para kapag mananalo ako may magagamit ako sa pagpapatingin sa doktor" "Bakit hindi ako ang una mong nilapitan tungkol diyan at nang makapag-cash advance ako kina Carol. Wala naman akong nakatenggang utang sa kanila kaya siguradong hindi ako tatanggihan ng ama niya. "Nahihiya kasi ako Makoy" "Ayan kana naman sa hiya mong iyan. Paulit-ulit ko na 'tong sinasabi sa'yo na pamilya na tayo kaya wala kang dapat na ikahiya. Bukas na bukas din makikiusap ako kay Mang Lito na babale ako" "Huwag na muna Makoy. Saka na lang kung hindi ako papalarin sa contest na sasalihan ko" pakiusap ko sa kanya pero sa totoo lang hindi ako pabor na mangungutang siya ng pera para sa akin lalo na at galing iyon kina Carol. Ayokong magkaroon ng utang na loob sa karibal kong iyon. Di bale ng hindi ako makapagpacheck-up sa doktor kung sa kanya rin lang galing ang perang gagamitin ko. Ewan ko ba sa aking sarili kung bakit ganoon na lamang ang galit ko sa kanya gayong wala naman siyang ginagawang masama sa akin bukod sa kaagaw ko siya sa puso ni Makoy. Hindi ko talaga maiwasan ang pagkulo ng dugo ko kapag ganoong makikita ko siyang lumalandi kay Makoy. Mahirap talaga para sa isang beki ang magkaroon ng karibal na babae. Wala kang kalaban-laban. Sa boobs pa lang talo ka na. "Sige ikaw ang bahala. Basta kapag kailangan mo ng tulong andito lang ako. Huwag ka sa kung sino-sino!" "Salamat Makoy!" Isang kindat ang isinagot niya sa akin. May gosh sa kindat pa lang niyang iyon nawalan na ng lakas ang aking mga tuhod. "Good night Jeric, mauna na akong matulog. Pagbutihan mo iyang pag-eensayo mo. Sana manalo ka" ang huling sinabi niya bago umakyat ng bahay. Itinuloy ko na ang aking ensayo. Hindi nagtagal, umakyat na rin ako para matulog. Nahagip pa ng aking tingin si Makoy na mahimbing nang natutulog sa may sala. Sandali akong napako sa hubad niyang katawan. Nakasanayan na niya ang matulog na naka-boxer lang. Nag-init tuloy ako. "Sana naging katulad na lang kita Makoy para malaya kong maipapahayag ang damdamin ko para sa'yo!" Bulong ko sarili. Nakita ko ang bahagya niyang pagalaw. Kinabahan ako na baka gising pa siya at narinig niya ang aking sinabi. Ngunit laking tuwa ko naman nang marinig ko ang kanyang mahinang paghilik. Pinagmasdan ko ulit siyang mabuti. Ikinintal ko sa aking isipan ang kanyang kabuuan. Gusto kong manatili roon kanyang itsura at iyon ang patuloy kong babalik-balikan sakaling makauwi na ako sa amin. Alam kong darating din ang araw na iyon, ang magkalayo kami at ang ngayon kung saan magkasama pa kami ay isa na lamang ala-ala sa hinaharap na patuloy kong sasariwain. Mahal na mahal ko si Makoy. Ang umibig sa kanya ang siyang pinakamagandang nangyari sa buhay ko nawala man ang aking ala-ala. Habang pinagmamasdan ko siya sa kanyang higaan ay nakita ko ang litratong palagi niyang tinitingnan. Nakataob ito sa gilid ng kanyang unan. Matagal ko ng gustong malaman kung sino ang nasa larawang iyon kaya dahan-dahan akong lumapit kay Makoy para damputin ang litrato. Pigil ang hininga ko habang ginagawa iyon at dinarasal na sana'y hindi siya magising. Ngunit nang akmang hahawakan ko na ang litrato ay siya namang, "Hindi ka pa ba matutulog, Jeric?" Halos mapalundag ako sa pagkagulat ng marinig ko ang boses ni Jayson. "Matutulog na ako. Iaangat ko lang tong kumot ni Makoy para hindi siya malamigan" At iyon nga ang ginawa ko, kinumutan ko si Makoy para mapaninindigan ang aking idinahilan. Mukhang kumbinisido naman si Jayson sa aking sinabi. "Iihi lang ako" sambit niya. Ako nama'y nagtungo na sa aming higaan para matulog. Bago pa man ako igupo ng antok ay hindi mawala-wala sa aking isip ang misteryosong larawang iyon na laging tangan ni Makoy. Sigurado akong hindi si Carol iyon dahil bakit kailangan pa niyang laging palihim na titigan iyon gayong lagi naman silang nagkikita nito sa araw-araw. Kung sino man iyon, natitiyak kong iyon ang napupusuan niya. Mas lalo na tuloy lumiliit ang tsansa ko sa dami ng babaeng nahuhumaling sa kanya. Lumiliit? E talaga namang wala kang pag-asa sa kanya. Bulyaw ng aking utak. Kinabukasan matapos ng aming mga kanya-kanyang trabaho sa palengke ay dumeretso kaagad kami ni Jayson sa plasa para makahabol pa sa audition. Mabuti na lamang at umabot pa kami. Hanggang alas singko lang kasi ng hapon ang audition. At walang mapagsidlan ang aking tuwa nang mag-qualified kaming dalawa sa finals. Sa dalawampung nag-audition, walo lamang ang nakausad sa finals kabilang na kaming dalawa ni Jayson. Sa labis na tuwa, napayakap kami sa isa't isa. "Sabi ko sa iyo e" sambit niya sa akin. Matapos noon, lumapit kami sa musical director para magsumite ng kopya ng aming kakantahin sa finals para maiwasan ang duplication ng kakantahin ng mga kalahok. May anim na araw na lamang ang nalalabi bago ang contest kaya puspusan ang aking ensayo. Pero siyempre palihim iyon para surprise. Ipinagdarasal ko na sana mananalo kami ni Jayson at isa sa amin ang makakuha ng unang pwesto. Araw ng contest. Nag-halfday kami ni Jayson sa trabaho para maihanda namin ang aming mga sarili at makapag-rehearse sa mismong stage na pagdadausan ng patimpalak. Hindi na ako namomroblema sa damit na aking susuotin dahil inako na lahat iyon ni Kristine. Pati na rin ng kay Jayson. May mga kaibigan kasi siyang bakla na pwedeng mapagkukunan ng aming mga kasuotan na babagay sa gabing iyon. Alas-siyete ng gabi magsisimula ang singing contest pero 6:30 pa lang ng gabi ay punung-puno na ng mga tao ang buong covered court. Bakas sa kanilang mga mukha ang tuwa at kagalakan na para bang may darating na isang sikat na artista. Bawat isa sa kanila ay may sinusuportahang kalahok. Siyempre isa kasi iyon sa criteria ng contest, ang audience impact. Tahimik lang ako sa isang gilid. Sinisikap kong i-compose ang sarili dahil hindi ko maiwasan ang hindi kabahan. Lalo pa't isa-isa ng nagsidatingan ang aking mga kalaban. Iilan sa kanila ay talaga namang magagaling at may ibubuga pagdating sa kantahan. Nakita ko na iyon sa rehearsal. Sinikap ko namang hindi ma-presssure sa halip gawin ko iyong challenge para may makuha akong pwesto kahit na pangatlo lang. Ilang sandali pa'y umakyat na sa entablado ang baklang host at isa-isa na niya kaming pina-upo sa tapat ng stage sa bandang ibaba. Panghuli ako na kakanta at pampito si Jayson. Kahit papaano may mahaba-haba pa akong panahon na pakalmahin ang aking sarili at alisin ang kaba ko sa didib.  Bago ko tinungo ang aking upuan ay may kumalabit sa akin at bumulong, "Galingan mo ha. Ipanalo mo" si Makoy at kumindat sa akin na naging dahilan para mawala ang aking kaba. Parang gumaan bigla ang aking pakiramdam nang makita siyang todo ang suporta sa akin. Mistula siyang naging gamot pantanggal ng nerbyos. "S-salamat!" ang tugon naman ko bago ko tuluyang tinungo ang aking upuan. Nag-thumbs-up siya. Pinaparating niyang makakaya ko. Tapos ng kumanta ang unang apat na kalahok. Bawat kalahok na aakyat sa entablado ay sinasalubong ng malakas na palakpakan. Dahil talaga namang ang gagaling nila. Pang-lima. Pang-anim. Hanggang sa si Jayson na ang tinawag. Nakita kong relaks na relaks siya na umakyat sa stage. Hindi ko inakalang ganoon karami ang taga-hanga niya. Halos magkanda-paos na ang mga kababaihan sa katitili habang ininterbyu na siya ng host. Sino bang hindi mapapatili, maski ako, aaminin kong biglang naglevel-up ang itsura ni Jayson. Ngayon ko lang napansing bagay na bagay ang ipinasuot sa kanyang damit ni Kristine. Puting longsleeve na medyo hapit sa kanyang katawan at itim na skinny type jeans. Parang tumangkad siyang bigla sa suot niyang iyon at mas lalong naging cute siya sa aking paningin. Ewan, nagka-crush tuloy ako sa kanya bigla. Crush lang naman, si Makoy parin ang mahal ko. "Para kanino mo naman idini-dedicate ang kakantahin mo ngayong gabi, Jayson?" Tanong ng host. "Sa taong mahal ko po" Walang kagatol-kagatol na sagot ni Jayson dahilan para magwala ang lahat ng kababaihan sa buong paligid. Ako man ay nagulat din. Hindi kasi niya naikwento sa akin na may napupusuan na pala siya. Pero naisip ko din na baka nakikisakay lang siya doon sa host para makuha ang atensiyon ng mga judges. "Ay, paano 'yan mga beshy? May girlfriend na pala itong si Jayson. No chance na pala tayo!" ang host ulit. "May mahal na nga po ako pero wala naman akong sinabing taken na ako. Hindi naman na pagsinabing may mahal ka na e girlfriend na kaagad ang ibig sabihin noon. Pwede namang nanay mo o kaya'y mga kapatid mo, gano'n" agarang paglilinaw naman niya. Hiyawan ang mga tao. Tuwang-tuwa sa ipinakita niyang galing na sumagot. Ako man din ay napapangiti. "Grabe, hindi ko kinaya ang sagot mo. Sigurado ka bang tama na singing contest ang sinalihan mo o baka naman sa Mr. Philippines talaga ang tungo mo, kaloka!" Ngumiti lang si Jayson. Sigawan at tilian ang mga tao. "O siya, bago pa tayo abutan ng curfew hour, please help me welcome, Jayson Medalla!" Pumagitna si Jayson. Nagsimula ng pumailanlang ang intro ng kanyang kakantahin. Tumahimik bigla ang buong paligid. Excited ang lahat na marinig ang kanyang boses at kung paano siya mag-perform, isa na ako doon. When you feel the sunlight Fade into the cold night Don't know where to turn I don't know where to turn Grabe. Halos hindi ko na marinig ang pagkanta ni Jayson dahil sa pagdagundong ng sigawan at palakpakan ng mga tao sa loob ng covered court. Pero parang wala lang iyon kay Jayson. Mukhang pinaghahandaan na niya iyon. Ni hindi man lang siya na-rattle, sa halip mas lalo siyang ginanahan. And all the dreams you're dreaming Seem to lose their meaning Let me in your world Baby, let me in your world All you need is someone you can hold Don't be sad, you're not alone Tumahimik din ang mga tao. At doon ko na napakinggan nang maigi ang kanyang boses. Masasabi kong hawig ang timbre ng boses nila ni Makoy pero iba rin ang istilo niya sa pagkanta. Malamig at buo ang kanyang boses. Parang nakaka-inlove. Swabe ang kanyang pagkakanta. I will be here for you Somewhere in the night Somewhere in the night I'll shine a light for you Somewhere in the night I'll be standing by I will be here for you Doon na ako napanganga. Punong-puno ng emosyon si Jayson habang kinakanta ang chorus ng awit. Bawat bitiw niya ng lyrics ay sa akin talaga siya nakatitig. Para bang sa akin niya iyon inihahandog. Parang nanghaharana. In this world of strangers Of cold and friendly faces Someone you can trust Oh there's someone you can trust I will be your shelter I'll give you my shoulder Just reach out for my love Reach out for my love Call my name and my heart will hear I will be there, there's nothing to fear Nagpatuloy siya sa kanyang pagkanta na sa akin pa rin nakakatitig. Nakipagtitigan din ako pero ako ang naunang magbaba. Napayuko dahil naramdaman ko ang pangingilid ng mga luha ko sa mata. Damang-dama ko na kasi ang kahulugan ng mga lyrics na binibitaw niya at tumatagos na iyon sa aking kaloob-looban. Sumagi bigla sa isip ko ang mga panahong bago pa lamang ako sa kanila. Wala akong ibang kakampi maliban sa kanya dahil sa magkagalit pa kami noon ni Makoy. Naalala ko pa ang palagi niyang sinasabing huwag akong mag-alala dahil andiyan siya palagi sa tabi ko na nakahandang dumamay sa akin kahit na anoman ang mangyari. Tinupad nga naman niya ang pangakong iyon sa akin. Kailanman hindi siya nawala sa tabi ko. Lagi niya akong ipinagtatanggol laban kay Makoy kahit na minsan alam kong sumusobra na ako. Ako ang kinakampihan niya imbes na si Makoy na kapatid niya na kung tutuusin hindi pa niya ako ganoon kakilala. Kung hindi dahil kay Jayson, marahil matagal na akong lumayas sa kanila. Siguro nagpalaboy-laboy na ako sa kung saan na parang aso. Kung nagkataong hindi ko nakilala si Makoy, malaki ang posibilidad na nahulog na ako kay Jayson. Nang mag-angat ako muli ng tingin, nakita kong sa audience na siya nakatingin. Todo emote pa rin siya sa pagkanta. Puno ng damdamin kaya naman ganoon na lamang ang palakpakan at sigawan ng mga tao nang matapos siyang kumanta. Nang makabalik naman siya sa kanyang inuupuan, "Grabe, ang galing mo!" Sabi ko sa kanya. Palihim kong pinahid ang aking mga luhang kanina pa nanulay sa aking pisngi. Sobrang nadala lang kasi ako sa kanyang pagkanta. "Salamat. Goodluck, ikaw na ang susunod" ang sagot naman niya. Pagkatapos noon, tinawag na ako ng host. "The last but not the last, Jeric... hindi si carrot man kundi Jeric Esperon, ang palengke man. Esperon ay ang apelyedo ni Nanay Bebeng noong dalaga pa ito. Inangkin niya akong pamangkin, na anak ng kapatid niyang nasa Maynila kaya iyon ang aking ginamit. Ganoon na lamang kalakas ang narinig kong sigawan at palakpakan ng mga tao na para bang guguho na ang buong covered court nang umakyat ako. Hindi ko iyon inasahan dahil hindi naman talaga ako taga-roon at hindi pa ganoon karami ang aking mga kakilala. Marahil dahil sa kapangalan ko iyong binatang sumisikat noon sa social media na nakuhanang nagbubuhat ng isang kaing na puno ng carrots sa isang taniman ng gulay sa Benguet. "Totoo bang sa palengke ka nagtatrabaho?"Ang tanong sa akin ng host. "Oo. At hindi ko iyon ikinahihiya dahil marangal na trabaho po iyon" sagot ko naman. Palakpakan ang mga audience.. "Lakas rin maka-Mr. Philipines ng sagot ah, anyway, tama naman. Pero alam mo Jeric, sobrang gwapo mo para sa isang tindero sa palengke. Saang section ka ba roon at nang mapuntahan!" Kunwari nilalandi ako ng host. Inayos-ayos pa niya ang kwelyo ng longsleeve na suot ko. Nagdulot tuloy iyon ng pangangantiyaw ng buong sangkabaklaan sa paligid. "Naku pogi, huwag kang magpapadala sa baklang iyan, may mga anak na yan kambal pa" sigaw ng isang baklang parang kabayo mula sa grupo ng mga beki sa audience. Katropa yata iyon ni Kristine. "At kanino siya dapat magpadala 'te, sa'yo? Pwera na lang kung mahilig itong si Jeric mangabayo!" bwelta naman ng host. Para namang maluha-luha sa katatawa ang mga tao sa sagutan ng beking host at ng beking nasa audience, pati mga judges nakitawa narin. Animoy naging comedy bar ang singing contest na iyon nang panandalian. Dagdagan pa ng pag-funfair ng banda. "O siya bago pa magkaroon ng boxing rito, Let us all welcome Jeric Esperon!" Pumagitna ako. Pumailanlang na ang intro ng aking kakantahin. Nasipat ko si Jayson na nagthumbs-up sa akin. Pinapalakas ang aking loob. Ngunit may isang tao pa ang gusto kong makita. Ang taong inspirasyon ko at napiling paghahandugan ko ng awit na aking kakantahin, si Makoy. Nakita ko siyang nakasandal sa poste ng ilaw sa bandang gilid ng covered court. Nakayuko. May kung anong tinitingnan sa palad niya. Alam ko na agad kung ano 'yon. Hanggang dito ba naman dala niya parin ang larawang iyon? Mukhang kinakausap niya ang hawak na litrato. Medyo nakaramdam ako ng selos sa sandaling iyon. Ang taong inspirasyon ko ay may inspirasyon ng iba. Ngunit hindi ako nagpatinag. Kailangan kong mag-focus sa aking performance. Matalo man, atleast ipinakita ko ang best ko. Wala man sayo ang lahat, wag kang mangamba, aaaah , aaah Wala man sayo ang lahat, iniibig kita aaaah, aaah Hindi ka man yung tipo, na makikita sa TV at sa dyaryo Ang sinisigaw ng puso, ikaw ang mahal ko, woooh, woah, wooohoh , woah Sa kanya ako nakatitig. Bawat bitiw ko ng lyrics ay sa kanya ko iyon ipinaparating. Totoo naman talaga, masasabing wala sa kanya ang ibang mga katangian na hanap ko sa taong mamahalin ko. Kung tutuusin, marami namang mas guwapo pa sa kanya na nakikita sa palengke pero siya pa rin talaga ang nais ng puso ko na mahalin. Wala man sayo ang lahat, sakin ay ikaw lang, aang, aang Wala man sayo ang lahat, hanap ka sa tuwina, aaah, aaah Ang bawat pintig ng puso ko, sinisigaw ang pangalan mo Sa lungkot at sa ligaya, kasama mo ko Ang mundo ko ay naging masaya Salamat sa Diyos, nakilala kita Buong buhay ko'y nag iba, gumaan talaga Ganito pala pag nag magmahal, Sinta Nang mawala ang aking ala-ala, akala ko katapusan na rin ng buhay ko. Ang hirap kayang mamuhay na kapiranggot lang ang alam mo sa iyong pagkakilanlan. Iyong pakiramdam ng batang 3 years old na naligaw sa mall. Tanging sariling pangalan lang ang alam. Walang ibang alam na gawin kundi ang umiyak na lamang. Napadpad pa ako sa isang lugar na alam kong malayo sa kinasanayan kong buhay. Isa iyong bangungot para sa akin. Ngunit nang makilala ko si Makoy at nahulog ang loob ko sa kanya, ang bangungot kong iyon ay biglang naging isang napakasayang panaginip na para bang ayoko ng magising pa. Di bale na ang mga ala-ala kong nawala. Hahabi na lang muli ako ng panibago kasama siya. Nakayanan kong harapin ang hirap ng buhay, mga pasanin, at mga hamon dahil sa pagmamahal ko sa kanya. Binago ako ng aking nararamdaman kay Makoy. Ang sarap pala ang magmahal kapag alam mong iyon ang kagustohan ng iyong puso. Patawarin sana ako dahil minsan ko ring sinisi ang Diyos kung bakit pa ako nabuhay kung ganoon rin lang ang aking kahihinatnang daig pa ang isang imbalidong tao. Iyon pala ay may magandang plano siya sa akin. Hindi ko lang alam kung kabilang sa mga plano Niya na pagtagpuin ang landas namin ni Makoy dahil alam kong ipinagbabawal Niya ang umibig sa kapareho ng kasarian. Ngunit talaga namang nagliwanag ang aking mundo ng makilala ko siya. Wala man sayo ang lahat, wag kang mag – alala, aaah , aah Wala man sayo ang lahat,sa puso ko'y ikaw lang, aaang, aaang Kahit ano pang ang sabihin nila, basta't para sakin ang mahalaga Ang pag-ibig na wagas, nating dalawa Ang mundo ko ay naging masaya Salamat sa Diyos, nakilala kita Buong buhay ko'y nag iba, gumaan talaga Ganito pala pag nag mamahal, Sinta Swabe lang ang kantang napili ko. Hindi iyon tipong kailangan na bumirit na siyang kadalasang patok ngayon sa mga singing contest. Bagamat simple, sumasabog naman ito sa emosyon. May puso. May laman. Siyempre kinanta ko iyon hindi lang para sa mga judges at sa mga tao sa paligid kundi higit sa lahat para iyon sa taong talagang pinaghandugan ko nito. Maaring wala iyong kabuluhan sa kanya sapagkat wala naman siyang alam sa naramdaman ko ngunit kahit papaano gumaan din ang pakiramdam ko dahil na express ko doon sa kanta ang mga nais kong iparating sa kanya. Nahihibang na nga yata ako! Natapos na akong kumanta. Hindi ko naisip ang aking naging performance kung ito ba ay pasok sa panlasa ng mga hurado. Si Makoy lang kasi ang tanging nasa diwa ko habang kumakanta ako. Naging maayos naman siguro dahil ganoon na lamang katindi ang sigawan at palakpakan ng mga tao nang matapos ako. Nakita ko rin ang pakikisabay ni Makoy doon sa mga audience. Kitang-kita ko pa ang pagkindat niya sa akin at bakas sa kanyang mukha ang labis na tuwa dahil sa maayos kung naitawid ang pagkanta. Oras na ng pag-anunsiyo ng mga nanalo. Tahimik ang lahat na para bang may isang anghel na dumaan. Nababakas sa kanilang mukha ang kaba na para bang sila iyong contestants. Ganoon din naman ang nararamdaman ko na may halong excitement. Siyempre umaasa din ako na manalo. Nanlamig ang kamay ko. Pinagpawisan na ako. Hinawakan naman ni Jayson ang aking kamay. Ramdam ko ang mainit niyang palad. Pinisil niya iyon. "Okey, nasa kamay ko na ang resulta madlang pipol, are you ready?" Pang-i-excite ng host. "Readyyyyyy!" Sigaw naman ng mga tao. "Garnering an average score of 90.9%. Our thirdplace winner is, contestant no. 3!" Napapikit ako. Napadasal bigla na sana may tsansa pa ako. Dalawang pwesto na lang kasi ang naiiwan. Tambol na sa lakas ang kabog ng aking dibdib. "91.1% naman ang average ng ating 2nd place at siya'y walang iba kundi si...Jeric Esperon!" Hindi ko naiwasan ang mapalundag sa sobrang tuwa. Akalain mo, first time kong sumali at nagsecond ako. Malaking achievement iyon para sa akin. 3,500 din ang premyo no'n. Niyakap agad ako ni Jayson.  "Congrats!" Masayang bati niya. Gumanti din ako ng yakap. "Salamat!" At umakyat na ako sa stage para kunin ang aking mga premyong cash at trophy. "Our new champion for this year is...#7 Jayson Medalla!" Isang masigabong palakpakan ang umalingawngaw sa buong covered court. Tama nga ang kutob kong si Jayson ang mag-champion. Tuwang-tuwa ako para sa kanya. Feel ko nga champion narin ako. Dahil iyon naman talaga ang ipinagdarasal naming isa sa amin dalawa ang tatanghaling champion. Nang makababa kami ng stage ay sinalubong kami ni Makoy. Hindi siya magkamayaw sa pag-congratulate sa amin. "Wow, galing ni bunso, mana lang sa akin!" Ginulo-gulo niya ang buhok ni Jayson. Matapos noon, ay niyakap niya ako. Siyempre kinilig ako to the highest level. Pakiramdam ko ipinaghehele ako. Hindi ko kaya iyon inasahan. Si Jayson nga na kapatid niya ay hanggang sa pagulo lang ng buhok nito. At pagdating sa akin, yakap talaga? Subalit hindi ko na binigyan ng lalim ang pagyakap niyang iyon. Masaya lang siguro siyang nag-second ako kahit na first timer. Sabi kasi niya na ang ibang nakalaban namin ay nakalaban na niya dati at nagka-placed din. Ibig sabihin hindi rin ako basta-basta. Matapos kong magpalaam kina Kristine ay umuwi na kaagad kaming tatlo kasama ng dalawa pang lalaking kaibigan nina Makoy at Jayson. Doon na lang kami mag-celebrate sa bahay para kahit abutan man kami ng umaga ay walang magiging problema. Iyon din kasi ang bilin ni Nanay Bebeng bago magtungo sa kanyang kumare, matapos ang singing contest. Bago kami umuwi, dumaan na muna kami sa tindahan para bumili ng dalawang case ng beer at pulutan. At sa gabing iyon mangyayari ang isang bagay na magpapabago sa takbo ng aming samahan ni Makoy.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD