B-bitiwan m-mo a-ko Ma-koy, hindi ako ma-makahinga!" Pakiusap ko parin sa kanya, nagbabasakaling pagbibigyan niya ako kahit na mistula na siyang nasasaniban ng demonyo.
"Matapos ka naming kupkupin dito. Itinuring na isang kapamilya, tapos tataluhin mo akong bakla ka!" bulyaw niya sa akin.
Nagpupumiglas ako para makawala sa kanyang bisig pero wala akong kalaban-laban sa kanyang lakas. Ibang Makoy ang nasa harap ko ngayon kumpara sa dating maamo at mala-anghel niyang pagkatao. Nagbago ang lahat ng iyon dahil sa udyok ng libog at pagnanasa ko sa kanya.
"Ang dapat sa'yo mamatay. Tang-ina mo!"
At dalawang kamay na niya ang nasa leeg ko. Tumirik na aking mga mata.
"Ahhhhhhhh!" mahabang sigaw ko.
"Jeric, a-yos ka lang?" untag sa akin ni Makoy nang magising ako mula sa kanyang pagyugyog.
Panaginip lang pala ang lahat. Sambit kaagad ng aking isip. Napatingin ako sa orasan sa dingding, ala-sais na nang umaga. Nakahanda na si Makoy na pumasok sa trabaho.
"Binangongot ako, Makoy!" imporma ko.
"Mukha nga kasi kanina ka pa umuungol diyan"
Inabot niya ang isa kong kamay at tinulungang bumangon mula sa aking hinihigaan. Nang makabangon ako kaagad akong naligo at nagmamadaling kumain para makasabay na ako sa kanya papuntang palengke.
"Ano bang napanaginipan mo kanina. Parang takot na takot ka yata?" tanong ni Makoy sa akin nang nasa traysikel na kami.
"Ah. k-kuwan, sinasakal daw ako ng isang maitim na tao kaya ako napapasigaw ng ganoon. Parang totoo kasi kaya takot na takot ako!" ang pagsisinungaling ko.
Hindi ko naman kasi pwedeng sabihin na siya ang napanaginipan ko na aking hinalay kaya sa galit niya sa akin sinakal niya ako. Sobrang nakakahiya kaya iyon.
"Napagod ka lang siguro nang husto kahapon kaya binangongot ka. Iyan kasi ang isa sa mga dahilan kung bakit binabangungot ang isang tao lalo na sa mga kalalakihan. Kung hindi man dahil sa pagod iyon ay dahil sa kalasingan" kuminto naman niya na sinang-ayunan ko.
Naalala ko kasing uminom nga pala kami ni Jayson ng lambanog bago kami natulog kagabi at sobrang napagod din ako sa unang araw ko sa trabaho. Pero ang labis kong ipinagtataka na sa dami ng pwede kong mapanaginipan ay si Makoy pa talaga at may panghahalay pang nagaganap. Naloka ako doon ha. Pero hindi ko maitatwa na nagustuhan ko rin ang panaginip na iyon na kahit sa bandang huli ay kamuntikan pa akong mapahamak. Ewan, ganoon lang siguro ang beking tigang.
Naging maayos naman ang pangalawang araw ko sa trabaho. Unti-unti na akong naka-adjust sa mga gawain. Nagkaraoon na rin ako ng mga kaibigan bukod kay Makoy. Isa na doon si Kristine na panay ang panlilibre sa akin ng meriyenda. Natuwa naman ako dahil ang sarap niyang kasama. Walang sandali na hindi ako nakangisi kapag naroon siya sa aking tabi.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Hindi ko namalayang mag-iisang buwan na pala ako sa aking trabaho. Parang kailan lang ay nangangapa pa ako sa mga gawain lalo na kapag may delivery na kailangan buhatin. Kung dati, nabibigatan ako, at panay ang reklamo ko sa aking isip pero ngayon, madali na lang sa akin ang lahat na para bang ako ay nagdyi-gym lang na siyang nagpahubog nang husto ng aking katawan.
Sa paglipas naman ng mga araw na iyon ay siya ring pag-usbong ng damdamin ko para kay Makoy. Ngunit ipanag-kibit balikat ko lamang iyon. Hindi ko iyon pinapansin at patuloy kong isinisilsil sa aking sarili na hindi si Makoy ang dapat kong mahalin. Kung may naramdaman man akong espesyal sa kanya, iyon ay dahil sa mabait siya sa akin. Napaka-thougthful kasi niya kapag ganoong nasa palengke kami. Laging ako ang kanyang pinapaunang kumain para hindi raw ako malipasan ng gutom.
Sa hapon naman, mawawala na lamang iyan bigla ng hindi ko alam kung nasaan at kung makabalik, dala na niya ang kakanin na paborito kong pang-meryenda, ang casava cake na may kasamang buko juice nakalagay sa plastic.
Minsan rin kahit pareho kaming abala sa mga gawain sa palengke, palihim ako niyang aabutan ng panyo, pampunas ko raw sa aking pawis. Siyempre, hindi ko maiwasan ang kiligin. Parang wow, ang sarap pala kapag ganoong may taong nagmamalasakit sa'yo.
Ngunit ang lahat ng ipinapakita niya ay hindi ko binibigyan ng malalim na kahulugan. Likas lang talagang mabuting tao si Makoy kaya ganoon. Alam kong ganoon din ang ginagawa niya sa iba lalo na kapag napalapit na sa kanya iyong tao. At isa na ako sa mga iyon.
Araw iyon ng Linggo, wala kaming pasok pareho. Patapos ko ng hugasan ang mga kinainan naming mga pinggan nang matanaw ko si Makoy sa ilalim ng punong manga sa bakuran habang pinagmamasdan na naman ang isang maliit na larawan. Maraming beses ko na siyang nahuhuling palihim na pinagmamasdan ang larawang iyon.
"Sino kaya ang nasa larawan?" tanong ko sa sarili.
Sa ekspresyon ng kanyang mukha na napakaseryoso habang nakatitig dito, masasabi kong napakahalaga sa kanya ng taong iyong nasa larawan. Nang matapos na ako sa paghuhugas ng aming mga pinagkainan, dahan-dahan akong bumaba at palihim na lumapit sa kanya. Balak ko kasing matingnan din iyong larawan. Makiusyoso lang.
"Uy, sino 'yan?" untag ko sa kanyang labis niyang ikinagulat.
Mabilis ang mga kamay niyang maisukbit iyong litratong tangan niya sa kanyang bulsa kaya bigo ako sa planong alamin ang kinahuhumalingan niyang babae.
"N-Nakita mo?" nababahala niyang tanong na para bang nabuking ang pinakaiingat-ingatan niyang sekreto. Putlang-putla pa siya na para bang nakalagok ng isang galong suka.
"Paano ko naman iyon makikita e, singbilis ng kidlat mo iyong naitago... Sino ba 'yon?"
Bakas sa boses ko ang pagkadismaya.
"W-wala. Huwag mo na iyong pansinin!" sabi niya sabay dampot ng kanyang gitara. Nakagawian na kasi niyang magtipa kapag ganoong linggo na walang pasok.
"Anong wala? Madalas kaya kitang nakikitang palihim na tinititigan ang larawang iyan. Tapos sasabihin mong wala? Hmmm, Makoy ha, may inililihim ka"
Napakamot siya sa kanyang ulo, "Wala nga, di karin makulit 'no?
"Patingin nga. Sino ba yan?"
At tinangka kong kunin iyong litrato sa loob ng kanyang bulsa ngunit mabilis siyang nakatayo at lumipat ng mauupuan.
"Wala nga sabi. Kulit. Kulit. Kulit!" Kunway naiinis na niyang tinuran ngunit hindi naman galit.
"E kung wala, bakit parang takot na takot kang makita ko iyan. I'm sure namang crash mo ang nasa litrato. At wala naman akong balak na ahasin iyan. Gusto ko lang makita kung maganda ba..." bulalas ko.
"Hmmm...huwag mong sabihing lalaki ang nasa larawan kaya takot kang mabuking, sis?" dagdag biro ko sa kanya. Pinabakla ko pa talaga ang boses ko ng banggitin ang salitang SIS.
"Hindi ah. Sa itsura kong ito bakla? Kita mo ang katawang ito?"
At nagflex pa talaga ito ng masel na animoy isang body builder. Ako naman iyong natatameme habang pinagmamasdan ang kanyang katawan. Grabe, sa tagal ng panahong tigang, parang magpe-precum na ako sa tuwing makikita ko ang kamatchohan ni Makoy. Naalala ko na naman iyong minsang napaniginipan ko siya. Naging brutal man ang kinahihinatnan noon sa akin, ngunit nagdulot parin iyon ng kiliti lalo pa't sariwa pa sa aking isip ang panaginip na iyon habang sinusubo ko ang kanyang alaga.
Infairness, para talagang totoo. Simula noon, aaminin ko, si Makoy na ang aking pinapantasyahan kapag nagsasarili ako. Nakakatawa nga e, ayokong mahulog sa kanya pero siya ang pinagmumulan ng libog ko.
May isang beses pa nga habang inatake ako ng libog sa paliguan. Sinasambit ko ang pangalan niya na may kasamang pag-ungol habang nilalaro ko iyong akin. Ini-imagine kong siya ang katalik ko ngunit ang hindi ko alam ay narinig pala niya ang pagsambit ko sa pangalan niya kung kaya lumapit siya sa gilid ng paliguan at nagtanong,
"Bakit Jeric?!"
Siyempre, biglang bumalot sa buo kong katawan ang kahihiyan na baka narinig niya ako sa pagpapantasya ko sa kanya. Kaagad kong itinaas ang suot kong brief at nagbanlaw.
"W-wala. May kailangan ka ba?" Tarantang balik-tanong ko sa kanya.
"Narinig ko kasing tinatawag mo aki kaya lumapit ako, baka kasi may ipapakiusap ka!" wika niya ulit.
"Ha? Ah, e!" nag-iisip ako ng idadahilan.
"Ah, oo, meron nga sana, pwede bang paki-kuha mo iyong brief ko sa sampayan?" Ang biglang nasabi ko na sinunud din naman niya.
Grabe, akala ko masusukol na niya ang pagiging serena ko. Sino ba naman kasing straight na lalaki na isang lalaki rin ang ini-imagine kapag pinapaligya ang sarili?
Simula noon, doble na ang ingat ko na walang makakakita o makakarinig sa akin kapag nagpaparaos akong mag-isa. At para makatiyak, doon ko na iyon ginagawa sa kasagingan. Di bale ng lapain ako ng mga lamok atleast safe ako.
"Nakatitig ka na naman sa katawan ko. Huwag mong sasabihing nababakla ka na sa akin?" Nakangisi niyang tudyo sa akin.
"A-ako nakatitig? Hindi ka rin feeler ano? At bakit ko naman gagawin iyon e, parehas lang naman tayong may ganyan mas maganda nga lang ang sa'yo!"
"Iyon na nga, mas maganda ang sa akin kaya naglalaway ka. Naku, magsabi ka lang, Jeric hindi ko naman ipagdadamot to, e"
"Yak! Tantanan mo nga ako Makoy. Mamaya tatamaan pa tayo ng kidlat dito!" bulyaw ko sa kanya.
Alam kong biro lamang niya iyon kaya hindi ako kumagat. Baka kasi sinusukol lang niya ako. Straight si Makoy kaya malabong papatol siya sa kapwa niyang lalaki. Kaya lang naman siya nagbiro ng ganoon sa akin dahil inakala niyang straight din ako katulad niya. Ganoon naman talaga ang mga lalaki, may mga pagkakataong nagiging ganoon ang mga biruan.
"Joke lang, ikaw naman o. Makakanta na nga lang" ang sabi niya sabay kalabit ng gitara . Sa intro pa lamang nito, mukhang alam ko na ang kanyang kakantahin kaya,
"W-wala ka na ba talagang ibang kantang alam Makoy, iyan na maman palagi?" Nakakarindi na ha?" Reklamo ko.
"Lagi ko ring sasabihin sa'yo na ito ang paborito ko. Kaya kung hindi mo nagustuhan, e di huwag kang makinig. Pambihira!" ungot naman niya.
"Paano ko naman hindi maririnig iyan, e nasa tapat lang kaya kita!"
"E di, lumayo ka!"
"Hmp! Kung ligawan mo na lang kaya ang Carol na 'yon para matigil ka na sa pakanta-kanta mong iyan. Palibhasa torpe ka kasi kaya idinadaan mo na lang sa walang katapusang kantahan"
Humalakhak siya. "Sinong maysabing para kay Carol 'to!"
"E, sino pa nga ba? Siya lang naman ang babaeng dikit nang dikit sa'yo. O baka naman si Kristine, matagal na kayang may pagnanasa iyon sa'yo"
"Wala sa kanilang dalawa. Kaibigan lang kami ni Carol at hindi rin ako pumapatol sa isang bakla" ang sabi niyang pinagdiinan pa talaga ang salitang KAIBIGAN at BAKLA.
Ewan ko ba, parang may dulot na saya iyong sinabi niyang magkaibigan lang sila ni Carol. Iyon bang katulad ng isang lalaking nakita niya ang kanyang crush na may ibang kasama at noong nalaman niyang magkaibigan lamang ang mga ito, pakiramdam niya'y idinuduyan siya sa alapaap sa sobrang saya dahil naisip niyang may malaki pa siyang pag-asa na maangkin ang puso nito. Ganoon ang aking naramramdaman sa oras na iyon. Natanong ko tuloy ang aking sarili ng, "Mahal ko na ba si Makoy?" Pero patuloy ko lamang iyong dinideadma.
ANO ANG GAGAWIN
SA UTOS NG DAMDAMIN
"E, di sabihin mo sa kanya!" Sagot ko naman doon sa kanta niya. Napangisi naman siyang nakatitig sa akin habang itinutuloy niya ang pagkanta.
PARA BANG HANGIN
NA KAYHIRAP PIGILIN
"Sino ba kasing maysabi sa'yong pigilan mo?"
Nakakatig lang siya sa akin habang sinasagot ko ang mensahe ng bawat taludtod ng kanta. Pakiramdam ko tuloy sa akin niya iyon inihahandog. Ewan, hindi naman siguro.
SANA'Y UNAWAIN
ANG PUSONG SA'YOY BALIW
"Talagang mababaliw ka Makoy kung patuloy mo iyang ililihim!"
NAIS KONG MALAMAN MO
NA INIIBIG KITA
"Paano malalaman ng babaeng iyon kung hindi ka magtapat sa kanya?"
Napapailing na ako dahil sa sobrang kakornihan ni Makoy. Hindi na kasi uso para sa akin ang mga ganyang pakanta-kanta. Mas mainam kasi iyong sinasabi mo sa taong napupusuan mo ang tunay mong damdamin.
"Ikaw ha, kanina ka pa! Sino ba ang maysabi na para iyon sa taong napupusuan ko?" medyo napipika ng tanong ni Makoy sa akin.
"E, halata naman diba? Ilang beses mo na kayang kinakanta iyan. Hindi ka pa rin ba nagsasawa?" Mataray ko namang bulyaw sa kanya.
"Paborito ko nga ito. Ano ngayon kung tadtad ng kabaduyan at masyadong makaluma? Wala naman sigurong batas na nagbabawal na kantahin ang mga lumang awitin diba? Kulit!"
"Okey, sabi mo eh!"
Ang pagsukong wika ko sa kanya kasabay ng pagbaba ko sa nakasabit na duyang yari sa ratan na kasaluluyang nakasabit sa sanga ng punong manga. Humiga ako roon.
"Baka pwedeng kantahin mo iyong Lullabye para makatulog naman ako" biro ko sa kanya.
Aba'y kinanta talaga ng mokong. Hindi ko maitatwang may talento nga si Makoy pagdating sa kantahan. Napakalamig ng boses niya at talagang nakakainlove. Nakatulog ako.
Sa totoo lang, hindi naman talaga ako naiinis doon sa kanta niya. Ewan ko ba na sa tuwing kinakanta niya ang awiting iyon pakiramdam ko sa akin niya iyon iniaalay. Hindi naman sa nag-aasume ako, nafi-feel ko lang talaga. Parang beki's instinct kumbaga. Pero napakaimposible naman yatang nagkakagusto siya sa akin. Walang straight na nagkakagusto sa kapwa niya lalaki maliban na lang kung isa rin siyang alanganin. Kung sakali mang pumapatol siya, iyon ay dala lamang ng libog at sa bandang huli babae pa rin ang gustohin niya.
Palubog na ang araw nang magising ako. Napakalamig kasi ng bugso ng hanging dumadampi sa aking balat kung kaya't napasarap ang tulog ko sa ibabaw ng duyan. Nang mag-unat ako, napansin ko ang kumot na nakabalot sa aking katawan. Naisip kong si Jayson marahil ang nagkumot sa akin dahil madalas na niya iyong ginagawa kapag ganoong makatulog ako sa duyan.
"Jayson, si Makoy?"
Siya kaagad ang hinanap ko nang ibinalik ko ang kumot sa taas.
"Pumunta ng bayan, bumili ng uulamin natin mamaya" ang sagot niya habang pinapaapoy ang panggatong. Kasalukuyan na niyang isinalang ang kalderong may lamang bigas para masaing.
"Mukhang close na close na kayo ni Kuya ah?"
"E, kasi ba naman matagal-tagal na rin kaming magkasama niyan sa palengke. At saka dapat ganoon naman talaga diba? Hindi rin naman kasi nakakabuti kung hanggang ngayon magkagalit parin kami" pahayag ko naman.
"Oo nga e, sa sobrang close n'yo parang naiitsapewera na ako"
Nagulat ako sa sinabing iyon ni Jayson. Iba kasi ang dating sa akin sa sinabi niyang naitsapwera. Parang may himig pagseselos ba.
"Hindi naman ah. Diba magkatabi pa rin naman tayo sa pagtulog. Magkasama pa rin dito sa bahay maging doon sa palengke na bagama' t magkaiba tayo ng pinagtrabahuan pero pinupuntahan naman kita"
"Naikumpara ko lang kasi noong bago ka pa lang dito sa amin. Lahat ng oras mo at atensiyon ay nasa sa akin"
"Noon kasi iyong hindi pa kami nagkabati ni Makoy. Pero kahit na ngayong magkaibigan na kami, wala namang nagbago sa pagtingin ko sa'yo. Ikaw parin naman ang pinaka-bestfriend ko" Nakangiti kong tinuran sa kanya.
"Talaga?"
"Naman"
Hinawakan ko ang kamay niya. Nakangiti na rin siya sa akin.
"Pasensiya ka na, Jeric kung naging isip-bata ako ngayon. Ewan ko ba kung bakit sa tuwing nakikita ko kayong magkasama ni Kuya at nagkatuwaan pa ay nagseselos ako. Dati, hinahangad kong sana'y magkabati na kayo pero ngayong naging maayos na ang lahat sa inyong dalawa ako naman iyong nag-iinarte"
Hindi na ako nagkumento pa. Sa halip niyakap ko na lamang siya. Wala akong mahagilap na sapat na dahilan kung bakit niya kami pinagseselosan ng kuya niya. Sa isip ko, siya ang bunso ng pamilya. Nasanay siguro siya na nasa kanya palagi ang atensiyon ng bawat miyembro rito. Kaya ganoon na lamang ang pagseselos niya. Hindi ko naman iyon binigyan pa na ibang kahulugan.
Nang maluto na ang sinaing ay siya namang pagdating ni Makoy, bitbit nito ang isang plastic na naglalaman ng kanyang mga pinamili. Hindi ko naman naiwasang kumulo ang aking dugo nang makitang kasama niya si Carol. Nakaabri-siyete pa ito sa kaliwang braso niya.
"A-ano to umaakyat ng ligaw?" Sigaw kaagad ng aking isip.
"Hi Jeric. Hi Jayson!" Bungad ni Carol sa amin. Isang simpleng 'hi' lang din ang iginanti ko sa kanya.
"Nababagot kasi ako sa bahay kaya sumabay na ako kay Mak dito. Naipangako ko kasi sa kanya noong isang araw na ipagluluto ko siya ng paborito niyang kaldireta!" si Carol na abot-tainga ang ngiti.
"Uy, praktis na ba 'yan Carol?" tudyo naman ni Jayson.
"Praktis saan?"
"Sa pagiging maybahay ni Kuya Makoy!"
Mistula naman akong hinataw ng isang matigas na bagay sa sinabing iyon ni Jayson. Hindi ko rin lubusang maisalarawan ang aking nararamdaman. Iyon bang parang gusto kong tumutol pero para saan? Anong karapatan ko?
At noong nahagip ng tingin ko si Makoy na abot-langit ang tawa at kinikilig pa, hindi ko napigilan ang sarili na ismiran siya. Parang gusto kong iparating sa kanyang hindi ko nagustuhan ang pagngiti niyang iyon at kalalaking tao kinikilig. Hindi bagay. Para siyang butiking naputulan ng buntot.
"Grabe ka naman Jayson, maybahay agad? Hindi pa nga nanliligaw sa akin iyang si Mak e. Pero alam mo kung abutan na ako ng pagkainip, ako na mismo ang manligaw diyan"
Grabe! Hindi ko kinaya ang lakas ng loob ng babaeng talipandas na magpapalipad-hangin kay Makoy. Nagawa pa nitong magflip ng buhok na para bang model sa isang shampoo commercial. Para na rin nitong sinasabing, "Ligawan mo na ako Mak!" Hmmmp. Kaysarap lang kalbuhin ng bruha. Kaya bago pa nila mapansin ang pag-iba ng aking mood, nagpaalam na muna ako na bumaba at nagtungo sa silong ng manga para palipasin ang aking inis. Ibinagsak ko pa ang aking pang-upo sa upuang yari sa kawayan.
Mula naman sa aking kinauupauan, dinig na dinig ko ang kanilang mga tawanan at biruan habang inihahanda iyong uulamin namin sa gabing iyon.
"Mak, pakihiwa naman 'yong sibuyas, pinaiiyak ako niyan ,eh. Sana huwag mo akong paiyakin ha kung sasagutin na kita, hahaha!"
Ang naririnig ko mula kay Carol na siyang lalong ipinagpuputok ng aking butse. Sarap lang ipakain sa kanya iyong hiniwang sibuyas para matigil na siya.
"Mahiwa sana iyang kamay mo ng kutsilyo!" Bulong ko pa.
Hindi ko naman alam kung saan nanggaling ang nararamdaman kong selos na iyon. Dati pa naman akong nakarmdam ng pagkainis kay Carol dahil sa pagmamaganda nito at sa ipinapakitang kalandian kay Makoy pero iba ang naramdaman kong iyon kaysa ngayon. Iyong inis na may kasamang panibugho.
Bakit ba ako nakaramdam ng ganito? Sa dami ba naman ng lalaki sa mundo, bakit si Makoy pa?
Mga tanong ko sa aking sarili na hirap kong mabigyan ng kasagutan. Kung totoo man ang nararamdaman kong ito sa kanya, iyon na yata ang pinakamahirap na yugto sa aking buhay. Mas mahirap pa sa pagkabura ng aking ala-ala.
"Jeric halika na kakain na tayo!" Yakag sa akin ni Jayson ngunit hindi ako kumibo. Nagkunwari akong walang narinig. Iispin ko pa lang na naroon si Carol na kasabay naming kumain ay nawalan na agad ako ng gana. Alam kong maiinis lang ako sa paglalandi niya kay Makoy.
"Jeric, kakain na tayo!" yakag niyang muli nang hindi ako umimik.
"Pakisabi na lang sa kanilang mamaya na ako kakain. Busog pa kasi ako" ang pagsisinungaling ko.
"Wala ka pa namang kinain, ah matapos nating mananghalian kanina?"
Sasagot pa lang sana ako nang narinig ko ang boses ni Nanay Bebeng.
"Jayson, Jeric, magkukwentuhan na lamang ba kayo diyan? Kakain na"
At wala na akong nagawa kundi ang tumalima. Kilala ko na si Nanay Bebeng, gusto niyang sabay kaming lahat na kumain. Ayaw niyang may nagpapahuli o nauuna. Si Jayson nama'y tahamik lang na nakatingin sa akin habang paakyat kami. Batid kong alam niyang may mabigat akong iniisip pero nag-aalangan siyang itanong sa akin kung ano man iyon dahil hindi ko rin naman sa kanya sasabihin.
At bakit ko naman gagawin iyon? Paniguradong pagtatawanan niya ako kapag nalaman niyang pinagseselosan ko si Carol dahil sa namumuo kong pagtatangi kay Makoy.
Nang nasa hapag kainan na kami, kitang-kita ko kung paano inasikaso ni Carol si Makoy, iyon bang parang katatapos lang nilang maikasal. Tumatanggi man si Makoy pero wala rin itong nagawa sa gustong gawin ni Carol. Nariyan iyong nilalagyan niya ng kanin ang pinggan naming lahat at juice ang tig-isa naming mga baso.
"Naku bata ka. Kung may makakakita sa'yo baka mamaya iisipin nilang inaalila ka namin dito. Nakakahiya ng masyado sa'yo" Sambit ni Aling Bebeng ng nagsimula na kaming kumain.
"Wala ho 'yon, Nay Bebeng, kagustuhan ko po na gawin ito!" Masayang tugon ni Carol.
Kitang -kita ko ang sweetnes nilang dalawa kahit na nasa hapag-kainan kami. Hindi nawawala iyong biruan nila at tawanan na may kasama pang kilitian na para bang sila lang dalawa ang naroon sa isang picnic. May eksena pa nga na kung saan sinusubuan ni Carol si Makoy ng pagkain at ganoon din si Makoy sa kanya na siyang labis kong ikinainis na hanggang sa pagtulog ko ay dala-dala ko parin.
Hindi na maalis sa isip ko ang tagpong iyon. Kahit na patuloy na tumatanggi ang aking isip sa aking nararamdaman kay Makoy pero iisa lang ang isinisigaw ng aking puso at sigurado ako doon, mahal ko na siya. Isang pag-ibig na hindi ko inakala at napaghandaan. Wala akong kalaban-laban upang kontrahin ito kahit na patuloy kong ipinagsiksikan sa aking utak na may ilang standards ako na hindi pumasa si Makoy.Pero ano ba ang aking magagawa? Ika nga nila, mas mapipigilan pa ang pagbaha kaysa sa pag-usbong ng pag-ibig.
Maaga akong gumising kinabukasan. Sinadya ko iyon para ako naman ang makapaghanda ng aming almusal. Kadalasan kasi, si Makoy o kaya'y si Nanay Bebeng ang gumagawa noon. Pero sa ngayon, naisipan kong ako na muna. Parang nagpapa-impress ba. Hindi ko kasi maiwaglit sa isipan kung paano ipinagluto at pinagsilbihan ni Carol si Makoy.
Sunny side-up at pritong hotdog ang hinanda ko. Iyon lang naman kasi ang nakita ko sa kusina na pwede kong lutuin. Bumili rin ako ng pandesal nang may narinig akong sigaw ng naglalako sa may kalsada. Dahil marami pang natirang kanin nang nagdaang gabi, hindi na lang muna ako nagsaing sa halip ginawa ko na lamang iyong sinangag.
"Perfect!" bulalas ko nang maihanda ko na lahat. Parang ang sarap sa pakiramdam na ginagawa mo iyon para sa taong mahal mo.
"Jeric, ang aga mo yata?" tanong ni Makoy sa akin. Kinusot-kusot pa nito ang mga mata sabay ng paghikab, halatang kagigising lang.
"Uy, ikaw ang naghanda ng mga iyan?" Puna naman niya nang mapansin ang mga pagkaing nakahanda na sa mesa. Namilog pa ang mga nito na nakadagdag sa kanyang pagiging gwapo sa aking paningin.
"Maaga kasi akong nagising kaya naisipan kong maghanda na lamang ng almusal"
"Mukhang masarap, ah!" bulalas naman niya nang tinikman ang sunny side-up na ginawa ko. "Ummm, mukhang mapaparami ang kain ko neto, sarap!" Kuminto niya.
Hindi ko alam kong totoo ang puna niyang iyon. Isang simpleng ulam lang naman ang niluto ko na kahit na siguro ang isang grade 2 student ay kayang-kayang gawin 'yon. Siguro paraan niya lang iyon para i-appreciate ang effort na ginawa ko lalo pa't unang beses ko iyong gawin. Pero masaya parin ako dahil ramdam kong bukal sa puso ni Makoy ang pagpuring iyon.
Sumunod na nagising si Nanay Bebeng. Tulad ng unang reaksiyon ni Makoy, nagulat rin ito sa paggising ko ng maaga. Tulog mantika kasi ako kaya laging ako ang pinakahuling bumabangon sa higaan.
"Naku Nay, tikman n'yo ang mga niloto ni Jeric, siguradong malilimutan n'yong Bebeng pala ang pangalan n'yo!" pagbibida ni Makoy sa inihanda ko.
"OA na masyado ha. Simpleng itlog at hotdog lang naman ang niloto ko ah. Wala naman itong pinagkaiba sa karaniwan!" Ang nasabi ko.
"Masarap kaya. Uy, at may pandesal pa talaga!" bulalas ni Makoy na puno ng pagkain ang bunganga.
"Ikaw talagang bata ka. Hindi mo naman kailangang gawin to e. Ako ang dapat na siyang naghahanda ng almusal natin" Nahihiya namang sambit ni Nanay Bebeng. Umupo na din ito para mag-almusal.
"Maliit na bagay lang naman ito Nay. Siympre miyembro na ako ng pamilyang ito kaya dapat nakikiparte rin ako sa mga gawaing bahay!"
"Sige, pero kagustuhan mo 'yan ah. Baka mamaya maisipan mong inaalila ka na namin. Kahit miyembro ka na ng pamilya, bisita ka pa rin naman namin hanggang sa bumalik na iyang memorya mo"
"Naku, hindi ko po iyon iniisip. Atleast may natutunan ako mula sa inyo kung sakali mang uuwi na ako sa amin, sa oras na babalik na ang ala-ala ko"
Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng lungkot sa aking huling sinabi. Kung mahuhulog na nang husto ang damdamin ko kay Makoy, makakayanan ko pa kaya ang bumalik sa aking pinanggalingan? Sino nga kaya ang pipiliin ko, pamilya ko o ang tao na ngayo'y unti-unti ng isinisigaw ng aking puso?
Ganoon pa rin ang routine ko buong araw. Trabaho-bahay. Bahay-trabaho. Ngunit di gaya ng dati na halos hindi ko maigalaw ang aking katawan sa tuwing papasok sa trabaho. Ngayon, ang saya-saya ko. Parang inspired ba na walang sandaling hindi mo masisilayan ang taong nagpapatibok ng puso mo. Hindi ako nagsasawa na laging si Makoy ang nakikita ko bago ako igapo ng antok sa gabi at ang kanyang mga ngiti naman ang sasalubong sa aking pag-gising sa umaga na para sa akin, isang antidote sa pangungulila ko sa aking tunay na pamilya. Ang ngiti niyang iyon ang nagpapagaan sa lahat ng mabibigat na dinadala ko sa aking balikat sa pagsusumikap na muli kong makilala ang tunay na ako.
Dati, kinakaawan ko nang husto ang aking sarili sa kamalasan na dumating sa aking buhay, ang mapadpad sa isang hindi pamilyar na lugar na walang nakakilala at ang masaklap nabura pa ang lagpas sa kalahating ala-ala.
Ngunit nang makilala ko si Makoy at ang pamilya niya, biglang nagbago ang lahat na sa tingin ko isang biyaya para sa akin. Hindi ko man lubos matandaan kung ano at mayroon ako bago pa nila ako natagpuan at kinupkop, nasisiguro kong malaki ang naitulong nila para mabago ang buhay na dati kong kinagisnan. Sa kanila ko natutunan na pwede rin naman palang maging masaya kahit na salat sa mga materyal na bagay.
Hirap man ang kanilang buhay at kailangan pang kumayod nang husto para lang may mailagay na pagkain sa hapag ay naroon parin ang matatamis na ngiti sa kanilang mga labi. Masasabing hindi man buo ang kanilang pamilya dahil sa pagpanaw ng kanilang padre de pamilya pero buong-buo parin ang kanilang pagmamahalan sa isa't isa. Naroon pa rin iyong kaligayahan na hindi matatawaran ng kahit ano mang yaman sa mundo.
Kay Makoy ko natutunan ang magsumikap. Ang pagpaguran nang husto ang isang sentimong kikitatain ko bawat araw. Kaysarap pala ang humawak ng pera na alam mong pinagpawisan mo.
Minulat niya rin akong mamuhay ng kuntento sa kung ano ang ibinigay ng Diyos sa taas. At higit sa lahat ang magmahal na ang puso ang sinusunod at hindi sa kung ano ang gusto ng iyong isip at sa kung ano ang nakikita ng iyong mga mata.
Walang batayan ang tunay na pagmamahal. Hindi rin napipili kung sino at ano ang pwede mong mamahalin. Sa pagkakataong ito, si Makoy ang itinuturo ng puso ko na siyang dapat kong ibigin at wala akong kakayanan na suwayin ito. Alam kong hindi siya ang lalaki na aking pinapangarap, masasabing hindi siya pasado sa iilang standards ko pero anong magagawa ko na sa kabila ng mga iyon siya lang ang lalaking alam kong magpagpasaya sa akin.
Ngunit ang ibigan siya ay suntok sa buwan para sa akin. Madilim pa sa kadiliman ng dami ang tsansang ako rin ay kanyang magugustuhan dahil sa magkapareho kami ng kasarian. Alam kong babae ang pinapangarap niya na makasama na makapagbibigay sa kanya ng anak balang araw. Kung hindi man si Carol, marahil iyong nasa larawan na madalas niyang tinititigan bago matulog sa gabi.
Napakahirap ang ganitong umibig ka sa walang kasiguruhan. Pero wala ka namang karapatang magreklamo dahil iyon ang nararamdaman mo. Kung sana ang pagmamahal ay parang bumibili ka lang sa tindahan na kung saan malaya kang pumili sa kung ano ang gusto mo.
Hindi ko man tiyak kung saan at hanggang kailan ako dadalhin ng pag-ibig ko kay Makoy, pero hangga't kaya kong tiisin ang sakit na dulot nito sa akin ay gagawin ko ang lahat ng aking makakayang maipadama sa kanya ang aking pagmamahal. Hindi na ako naghahangad ng higit pa doon basta ang mahalaga ay patuloy kaming magsasama kahit na magkaibigan lang.
Ganoon na nga ang nanggyari, habang patuloy sa paglikwad ang panahaon mas lalong tumitindi ang pag-ibig ko sa kanya. Sinakop na niya ang buong pagkatao ko.
Tuwing umaga kapag ganyang may pasok kami, nakagawian ko na ang gumising nang mas maaga para ako ang makapaghanda ng aming almusal. Gusto ko kasing ako mismo ang maghahanda ng kakainin ng taong mahal ko. Kinarir ko na talaga ang pagiging may-bahay ni Makoy. Iyon nga lang hindi niya alam. Ako lang naman kasi ang nag-iisip ng ganoon.
Minsan makasabay kong magising si Nanay Bebeng. Noong una lagi niya akong pinagsasabihang hindi na dapat akong mag-abala na gawin iyon pero matigas lang talaga ang ulo ko kaya hayun, imbes na pagsabihan ulit, nagtutulungan na lamang kaming gawin ang mga gawain sa umaga.
In love e, kailangan magpa-impress. Anong magagawa ko?
Sinasali ko na rin sa aking mga sariling labahin ang maruruming damit ni Makoy at para hindi ako mahalata, sinasama ko na pati ang kay Jayson. Nang una, to the highest level ang pag-saway niya sa akin. Kesyo daw nagmumukha na akong katulong sa mga pinagagawa ko ganoon din si Jayson. Pero nagpupumilit ako. Sa tuwing matiyempuhan kong tambak na ang mga labahin niya, agad ko na itong nilalabhan. Minsan nang makita niyang nagkasugat-sugat ang mga kamay ko sa paglalaba ng mga maong niyang pantalon, nagalit siya sa akin at ang sabi niya pa...
"Sa susunod ako na ang maglalaba ng mga damit ko at iyang kay Jayson hayaan mo na siya ang maglaba. May mga kamay naman iyan"
Hinawakan niya ang isa kong kamay, parang ini-examine ang mga sugat dito.Tumango lang ako. Sa isip ko, sa lagay ng mga kamay ko na nagkasugat-sugat, makapaglaba pa kaya ako? Matapos noon, bigla na lamang siyang umalis at hindi ko na rin naitanong kung saan siya pupunta dahil naging abala na rin ako sa pagsasampay ng mga nilabhang damit sa sampayan. Nang matapos kong gawin iyon ay naligo naman ako.
Kabibihis ko lang noon nang makabalik si Makoy. Narinig ko ang pagtawag niya sa akin.
"Bakit?" Tugon ko naman.
"Doon tayo sa ilalim ng mangga"
Hila niya ako sa isa kong kamay.
Nang makarating kami roon, saka ko lang napansin ang dala niyang plastic na naglalaman ng Betadine at bulak. Alam ko kung para saan ang mga iyon, gamot iyon sa sugat. At doon ko nalaman na kaya pala bigla siyang umalis ay dahil nagtungo siya sa bayan para ibili ako ng gamot sa nagkasugat-sugat kong kamay. Siyempre touched ako doon na may kasamang kilig to the highest level. Biruin mong nag-effort talaga ang mokong na pumunta ng bayan para ibili ako ng gamot. Heaven talaga sa pakiramdam. Parang gusto ko ng masugatan araw-araw.
"A-aray, dahan-dahan naman Makoy!" Reklamo ko pero char lang iyon. Hindi naman mahapdi iyong betadine. Sinubukan ko lang kung gumana iyong nasa isip ko.
"Tiisin mo. Tigas kasi ng ulo. Sinabi ng huwag ng pakialaman iyong mga labahin ko, ayun hindi nakinig!" Wika niya habang hinihipan iyong kamay ko.
Yes, success!
Ang naisip ko. Hinipan talaga niya. Kung ganito ba lagi, di bale ng masugatan ako sa tuwing maglalaba, kung ganito naman ang kapalit na hayan, andiyan siya para gamutin ako. Sarap lang sa pakiramdam.
Simula nang mapagtanto ko sa sariling si Makoy ang mahal ko kahit na may iilan sa mga standards ko na wala sa kanya ay mas lalo pang napalapit kami sa isa't isa. Alam kong bestfriend lang ang turing niya sa akin pero kahit papaano masaya narin ako.
Ang pagmamahal niya sa akin bilang kaibigan at pagmamalasakit ay masasabi kong para na rin kaming magkatipan. Masasabing nag-iilisyon lang ako pero sa tulad kong nagmahal nang husto hindi ko na alintana iyon. Masaya na rin ako kahit na parang nabubuhay na lamang ako sa isang pangarap na kasama siya.
Pero minsan hindi ko maiwasang mangarap na sana darating ang araw na magkaroon ako ng tapang at lakas ng loob na iyahag sa kanya ang tunay kong nararamdaman. Tao lang din ako na nagmahal at umaasang matutumbasan ng taong pinaghahandugan ko nito ang inialay kong pag-ibig.
Sa tuwing wala kaming pasok sa palengke, nakagawian na namin ni Makoy na kumanta gamit ang kanyang gitara. Kahit papaano, may boses din naman ako. Kung dati kinaiinisan kong marinig iyong makalumang kanta na paborito niya, ngayon ako ma mismo ang nagre-request sa kanya na kantahin iyon.
"Akala ko ba nababaduyan ka nito? Anong nakain mo at bigla yatang naging paborito mo iyong kanta?"
"Dahil sa dalas kong naririnig na kinakanta mo, narealised kong maganda naman pala talaga ang mensahe nito. May meaning at may laman hindi kagaya ng mga nagsulputan ngayon na hindi mo malaman kung ano ang mga nais na iparating"
Ang wika ko naman pero sa loob ko gustong-gusto ko ang kantang iyon dahil feeling ko sa akin niya iyon inihahandog. Parang nangarap ba na malabong namang magkatotoo.
"Sabi ko naman sa'yo e"
At nagsimula na siyang kumanta.
ANO ANG GAGAWIN
SA UTOS NG DAMDAMIN
PARA BANG HANGIN NA KAY HIRAP PIGILIN
Minsan, hindi natin maiiwasan ang magkaroon ng mga pamantayan sa pagpili ng ating mamahalin. Lalo na sa pisikal na kaanyuan o kapasidad at antas ng isang tao. Nang una hindi ko inakalang mahuhulog ang loob ko sa taong hindi ko pinangarap na mahalin dahil nga sa may batayan ako sa pagpili ng mamahalin.
Ang antas niya sa buhay ang hindi ko nagustuhan sa kanya na bagamat masipag siya at mabait pero hindi sapat iyon sa akin na makapasa siya sa aking ginawang pamantayan. Pero ang lahat ng iyon ay nagbago nang tumama sa akin ang pana ni Kupido. Naimulat nito ang aking mga mata na kapag ang damdamin ang siyang may udyok hirap ka ng kalabanin at wala ka ng ibang magagawa kundi ang sundin ito sa kabila ng kapintasan at kakulangan ng taong isinisigaw ng iyong puso.
SANA'Y UNAWAIN
ANG PUSONG SAYO'Y BALIW
NAIS KONG MALAMAN MO NA INIIBIG KITA
Si Makoy man ang nagbigkas ng mga lirikong iyon pero sa loob ko iyon na iyon din ang mga katagang gusto kong iparating sa kanya na napakahirap para sa akin na bigkasin. Abot-kamay ko na siya pero gamilya pa rin ang layo namin sa isa't isa sapagkat magkaiba ang mundong aming ginagalawan.
Paano niya mauunawaan at tanggapin ang pagtatangi ko sa kanya gayung pareho lamang kami ng kasarian? Alam kong nasa isip niya na ang lalaki ay laan lamang para sa babae at hindi na maaring baliin pa iyon. Ano kaya ang magiging reaksiyon niya kung sakali mang ipagtatapat ko sa kanya ang tunay kong nararamdaman? Mauunawaan kaya niya ako o kamuhian?
Hirap.
Napakahirap.
Kapag nagsawa na kami sa kakakanta pupunta na kami niyan sa ilog para maligo at mamingwit ng mga sariwang isda pagkatapos ay iihawin namin ang mga nahuli sa gilid lang din ng ilog. Walang mapagsidlan ang saya ko kapag ganoon ang ginagawa namin. Pakiramdam ko pag-aari ko si Makoy at date namin iyong maituturing.
Kapag lumulusong na kami sa tubig, binubusog ko ang aking mga mata sa katititig sa kanyang kabuuan. Lalo na ng kanyang guwapong mukha na para bang dinidetalye ko ang bawat anggulo nito sa aking isip. At siyempre hindi ko rin pwedeng palampasin ang matipuno niyang katawan na siyang lagi kong pinagpantasyahan.
Minsan kapag uwian na namin sa trabaho at nagkataon na sahod namin, sasaglit na muna kami niyan sa plasa ng bayan para kumain ng mga paborito naming street foods. Siyempre hindi nawawala iyong balot na paborito niyang kainin na naging paborito ko narin.
Dati hindi ako kumakain ng balot. Nandidiri kasi ako sa sisiw nito sa loob na parang butiki sa paningin ko. Pero noong pinilit niya akong kumain, kahit papaano nagustuhan ko rin. Hindi naman pala ganoon kasama ang lasa. Sixteen days na balot ang pinatikim niya sa akin at nagustohan ko dahil medyo maliit pa ang sisiw na nasa loob ng itlog. Kaya iyon ang simula ng pagkahilig ko sa balot.
Matapos namin sa mga street foods, ibibili na naman ako niyan ng sorbetes. At sabay namin iyong lalantakan sa ilalim ng puno ng akasya sa loob ng plasa habang pinapanood namin ang mga batang naglalaro sa paligid. At kapag naubos na namin iyon, uuwi na kami niyan ng bahay. Siyempre buo na naman ang araw ko dahil sa date naming iyon ni Makoy na tanging ako lamang ang nakakaalam.
Nang minsang gabi na kaming nakauwi ng bahay, natanaw ko si Jayson habang nakaupo sa madalas naming tinatambayan, sa silong ng puno ng manga. Ang mga mata niya ay nakatingin sa malayo at mukhang may malalim na iniisip. At dahil concern ako na baka may problema siya agad ko din siyang nilapitan.
"Ginabi yata kayo ah?" ang agad na tanong niya kahit hindi pa ako tuluyang nakalapit sa kanya. Mukhang natunugan niya ang paglapit ko sa kanyang kinaroroonan.
"Namasyal pa kasi kami ni Makoy sa plasa. Malapit na pala ang piyesta sa bayan kaya hayun, sumaglit na muna kami sa pamamasyal" sagot ko naman.
Tahimik lang siya.
"Next time, pasyal tayong tatlo" Ako ulit.
Ngunit hindi pa rin siya kumikibo sa akin. Para bang hindi niya ako naririnig o may malalim lang talaga siyang iniisip. Doon ko na nakuhang mag-usisa sa kanya.
"May problema ba, Jayson?"
Bumuntong-hininga siya saka humugot muli ng isang napakalalim na hininga bago nagsalita na siyang labis kong ikinagulat.