KANINA pa napapansin ni Gabriel ang pagiging tahimik ni Almira habang kumakain sila ng hapunan. Hindi nito masyadong kinikibo ang pagkain at nahuhuli niyang nakatulala at tila malalim ang iniisip. “Lalamig na ang sabaw. Hindi na masarap `yan kapag malamig na…” untag niya sa asawa nang mapatulala na naman ito. “Sorry…” Sumubo ito pero parang tinatamad iyong nginuya. “Ano bang iniisip mo? Iyong nangyari ba kanina?” Tumango si Almira. “Iniisip ko kasi kung tama ba ang ginawa ko kay Maureen. Iyong naging marahas ako sa kaniya. Magkaibigan kami noon pero bakit ganoon na kami umasta sa isa’t isa ngayon. Daig pa namin ang mortal na magkaaway.” Malungkot nitong sambit. “Para sa akin, walang mali sa ginawa mo. Pinoprotektahan mo lang naman ang pamilya natin, asawa ko. Wala kang

