"Nagsimula lamang ang lugar na ito bilang maliit na kuweba sa isang napakalaking bundok.", sabi ni Pinunong Tiago.
"Paano pong malaking bundok? Eh maliit na burol lang naman ito. Soil Erosion kaya ang nangyari?", tanong ko.
"Noong panahon ng mga katutubo, sinabi raw sa kanila ni Bathala na nasa bundok na ito niya itinago ang isang malaking bulalakaw na magiging sentrong pugad ng mga mandirigmang kumakalaban sa dilim. Ngunit, nang puntahan nila ang bundok ay isang kuweba lang ang nadatnan nila, isang pwedeng pagtaguan kapag wala nang mapuntahan.
Ang mga katutubong nakatira sa paligid ng bundok ay hindi naniniwala na kaya silang protektahan ng bundok dahil madalas daw ang pagguho ng lupa dito na sumisira sa mga kabahayan at naging dahilan na rin ng pagkamatay ng mga mandirigmang nakulong sa loob ng kuweba. Mula noon ay hindi na maaaring magpunta sa kuweba. Hindi na rin nanirahan ang mga katutubo sa paligid nito. Pero syempre, may mga mapangahas parin na susuway sa utos. Isang mandirigma ang pumasok sa kuweba nang walang nakakaalam.
Nadatnan nya ang mga labi ng kaniyang mga kasamahan sa loob ng kuwebang ito. Napansin nya na may kaunting pagbuhos ng lupa mula sa tarangkahan ng kuweba, alam nyang guguho na naman ang lupa kaya nagmadali syang lumabas. Ngunit nabigo sya, nakulong sya sa loob ng kuweba. Dala ang lampara at bolo, naglibot-libot sya sa loob ng kuweba. May mga lagusan syang inakyat at pinasok hanggang sa mapansin nyang wala nang lagusan pa ang kasunod na maaari nyang lusutan.
May napansin syang malaking ugat ng puno sa may ulo nya, kaya pumasok sa kanyang isipan na baka kapag sinira niya ang ugat na iyon eh pwede syang lumusot doon dahil mukhang ugat iyon ng malaking puno na nakatayo sa ibabaw ng bundok. Pinutol nya nga ang ugat at kinalkal para makalabas na.
Sa pagputol nya ng ugat ay nakaramdam sya ng pagyanig. Lumusot sya sa butas at nakita nya kung paano dumulas ang apat na malalaking puno sa pababa kasama ng lupa. Parang nahubaran kung susumahin. Naiwan ang isang malaking-malaking tipak ng bato, malinis, makinis, at kulay itim. Naramdaman din ng mga mamamayan ang pagyanig kaya nagtungo sila sa bundok. Laking gulat nila nang tumambad sa harap nila ang napakalaking tipak ng bato na sinlaki ng burol.
Alam naman natin na sa una talaga eh hindi talaga maniniwala ang lahat hangga't walang nakakadiskubre. Pero kung hindi dahil sa pasaway na mandirigmang iyon ay wala tayong tinatawag na 'Pugad' ngayon.", kuwento ni Pinunong Tiago habang naglalakad kami pababa.
"Ang astig! Paano ba nila ginawang mansyon ito?", tanong ko naman.
"Matagal tagal din bago ginawang permanente ang disenyo ng loob nito. Maraming iniambag ang mga katutubo at mga henerasyon ng mga Konseho sa paghulma ng paligid nito hanggang sa dumating nalang ang mga Kastila sa Pilipinas. Napakatibay ng batong ito, sobrang kunat at matigas, mahabang panabon ang inialay nila para gawin ang loob ng burol. At karamihan sa mga bahagi ng mala-mansyong interyor nito eh gawa sa metal dahil maraming beses nang sinalakay ng mga kalaban ang lugar na ito.", paliwanag ni Pinunong Tiago.
"Ahh, ganun pala ang dahilan. Kulay itim din yung bato. Pininturahan nyo ba yung paligid nito?", tanong ko.
"Hindi, sadyang ganito na ang kulay nito. Sabi nila eh tunay na bulalakaw raw talaga ang batong ito. Kaya lang naman iba ang kulay sa labas eh dahil kinapitan na ng berde at pulang lumot. Tsaka yung mga amag at kabute na kumakapit rin sa malaking bahagi ng bato. Nagmukha tuloy itong literal na burol.", paliwanag ni Pinunong Tiago sa akin.