Hindi ko man lang masaway ang bunganga ni Patrick. Pakiramdam ko ay may kakaiba sa paligid na parang may pumipigil sa akin na kumilos at magsalita.
"Ah, ganun ha.. Uunahin na kitang mataba ka dahil mas malaman ka!", sigaw ni Mang Teodoro sabay sugod papunta kay Patrick. Kinakabahan ako dahil hindi ko kayang makita na mamatay ang kaibigan ko.
Akala ko ay katapusan na nya nang biglang may lumipad na Gulok papunta sa aswang na iyon at tumama sa balikat nito. Tumalsik ang aswang sa puno. Sa pagtama ng Gulok sa aswang, naluwagan din ako ng pakiramdam at bigla akong napaluhod sa kalsada.
"Ayos ka lang?", tanong ng lalaking nakasuot ng salakot na biglang dumating sa eksena.
"T-Teka... Ikaw yung Buko Juice Vendor diba?", tanong ko.
"Tama ka bata! Ahahaha! Sige, magtatrabaho lang ako.", sabi ng Buko Juice Vendor.
Sa isip-isip ko, katulad ko rin sya. Isa rin syang Aswang Hunter, tanda na rin ng balahibo ng ibon sa kanyang porselas na suot. Sinipa nya si Mang Teodoro at binunot nya ang Gulok nya.
"Ikaw pala ang dahilan kaya hindi umeepekto ang mga gayumang ginagawa ko!", sigaw ni Mang Teodoro sa kanya.
"Oo, ako nga. Ngayong narito na tayo eh papatayin nalang kita at gagawin kitang Bopis.", sabi ng Buko Juice Vendor.
Mabilis na sumugod si Mang Teodoro at sinuntok nito ang vendor na iyon. Tumalsik ang Buko Juice Vendor papunta sa amin sa sobrang lakas ng suntok. Nabigla kami nang makitang nasa harap na namin si Mang Teodoro. Tinulak ng vendor si Patrick papunta sa damuhan. Tumalon naman ako sa gutter para umiwas sa pag-atake ng aswang. Tinamaan ang vendor sa dibdib ng isang malalim na kalmot. Kumuha ako ng bato at inihampas ko sa ulo ni Mang Teodoro, gumanti naman ng atake ang vendor at ginuhitan ang tiyan ni Mang Teodoro gamit ang Gulok. Hinawakan ako sa ulo ni Mang Teodoro at inihagis ako sa pader. Patuloy ang paglalaban nilang dalawa sa mga oras na iyon. Ginamit din ni Mang Teodoro ang itak nya para habulin ng taga ang Buko Juice Vendor. Sinenyasan ko si Patrick na tumakbo na palayo para hindi na madamay pa lalo. Kinuha ko ang armas ko sa bag at sumugod ako kay Mang Teodoro. Sumabay ako sa labanang nagaganap at pinagtulungan namin si Mang Teodoro.
Sinakal ni Mang Teodoro ang vendor saka inihampas sya sa kalsada. Akma nyang tatagain ang vendor kaya agad kong hiniwa ang braso ng aswang. Sinipa ko ang nalaglag na Gulok papunta sa vendor, nakuha iyon ng vendor at sinaksak nya ang aswang sa leeg.
Binitiwan ni Mang Teodoro ang itak nya sabay kapa sa nagdurugo nyang leeg. Akala ko'y tapos na ang laban ngunit nabigla ako nang mangitim ang balat ni Mang Teodoro at bahagya syang lumaki. Binunot nya ang Gulok sa kanyang leeg at inilaglag nya iyon sa kalsada.
Lumingon sya sa akin na para bang may masama syang gagawin. Binuhat nya ang Buko Juice Vendor na hingalong-hingalo at naliligo sa dugo.
"Kung ganon, kinagat mo na pala agad... Ahaha... Ganun ba kami kahirap kalabanin?", tanong ng vendor sa kanya bilang pang-asar.
"Masyado kang madaldal.", sabi ni Mang Teodoro. Ibinaon nya nang mabilis ang kamay nya sa tiyan ng Buko Juice Vendor at binunot ang bituka nito, sabay hagis sa direksyon ko ng katawan ng vendor. Akala ko'y patay na ang Buko Juice Vendor. Lumapit ako sa kanya at pinagmasdan sya. Hinawakan nya ang kamay ko at sinabing...
"Kunin mo ang Gulok. Ibinibigay ko na sa iyo ang Gulok na iyon... Bata, malakas ka pala ahaha... Sa wakas... Makakapagpahinga na rin ako...", sabi ng Buko Juice Vendor, ngumiti ito bago mawalan ng buhay.