Kinain ni Mang Teodoro ang bituka ng Buko Juice Vendor. Namatay ang vendor sa harap ko at wala man lang akong masabi sa kanya. Hindi ako nakakaramdam ng takot, bagkos ay nakaramdam ako ng galit. Sa mga oras na iyon, kumpyansa na akong papatayin ko ang hayop na iyon. Binitiwan ko ang asero at tumakbo ako sa direksyon ng Gulok.
"Ahahaha... Wala kang takot bata!", sigaw sa akin ni Mang Teodoro sabay sugod nya rin sa akin.
Nagpadausdos ako para hindi nya ako masalo sabay hawak sa Gulok. Humarap syang muli sa akin at tumalon pasugod sa akin. Hindi ako umatras, sinabayan ko sya at inundayan ko sya ng saksak sa dibdib patungo sa tiyan. Hinila ko ang Gulok sabay iwas para hindi nya ako madaganan. Sinakyan ko sya sa likod at hinawakan ko sya sa buhok. Walang humpay kong pinagtataga ko ang leeg nya. Lumalaban sya kahit na halos malaglag na ang ulo nya sa kanyang leeg. Inapakan ko ang balikat nya at hinila ng dalawang kamay ko ang kanyang ulo hanggang sa tuluyan na syang mapugutan. Lumagapak sa kalsada ang bangkay nya at umaagos ang kulay lila nyang dugo mula sa kanyang leeg. Pagkatapos ay sinaksak ko ang ulo nya ng Gulok, tagos hanggang sa kalupaan.
Hingal na hingal ako, hindi lang basta hingal... parang bumuhos ang enerhiya ko palabas ng aking katawan sa mga oras na iyon. Pakiramdam ko pa nga eh para akong nilalagnat.
Dumating naman sina Patrick kasama si Komang at Ernesto. Nagulat sila nang makita ang bangkay ni Mang Teodoro na parang baboy na kinatay. Lumapit sa akin sina Komang at Ernesto, bigla naman akong napaluhod sa sobrang pagod. Humiga ako sa kalsada sa sobrang pagod. Nakapagtataka na hindi pa naaagnas ang katawan ni Mang Teodoro, nawala lang ang pagkaitim ng balat nito. May lumabas sa bibig ni Mang Teodoro, isang itim na perlas.
Bigla akong binangon ni Ernesto at pinainom ako ng tubig. "Para kang nilalagnat.", sabi niya sa akin.
Tinanong ko naman kung ano ang itim na perlas na iyon. "Tol, itapon mo nga yaang perlas sa malayo.", sabi naman ni Ernesto kay Komang.
"Ano kaya yan?", tanong ni Komang.
"Basta itapon mo na laang.", utos ni Ernesto sa kanya. Dinampot ni Komang ang perlas at inihagis sa creek, lagpas sa damuhan.
"Ayos ka lang tol? Tanginang katawan yun bat parang mukhang taong-baboy?", tanong ni Komang.
"Ganun talaga pag aswang... Kunin mo yung cellphone ko... Tatawagan ko lang yung mga taong makakatulong sa atin.", sabi ko kay Komang.
Kinuha ni Komang ang bag ko kung saan nakalagay ang cellphone. Iniabot nya sa akin ang cellphone, saka ko naman tinawagan ang Night Owls tungkol sa pangyayari. Mabilis naman silang rumesponde sa amin, sakay sila ng Owner Jeep at may mga dalang gamit.
"Nyeta, mataas na uri.", sabi ni Mang Lino nang makita ang katawan ni Mang Teodoro.
"Pinatay mo yan?", tanong ni Mang Jose sa akin.
"Opo... Nga pala, y-yung lalaking nagtitinda ng Buko Juice... nakahandusay yung bangkay nya sa doon sa may puno. Patay na sya, kinain ng hayop na yan yung bituka nya...", paliwanag ko.
"Teka.. Iyan ba yung Gulok?...", tanong ni Mang Juan nang makita naman ang Gulok na nakatarak sa ulo ni Mang Teodoro.
"O-Oo?...", tugon ko na walang kasiguraduhan.