"Mga barkada mo ba sila?", tanong ni Mang Jose sa akin nang makita nya sina Ernesto, Komang at Patrick.
"Oo.. Wag kayong mag alala, alam na nila ang mga bagay tungkol dito at sa atin.", sagot ko naman.
"May iba bang nakakita?", tanong ni Mang Jose.
"Wala, wala rin masyadong bahay banda rito dahil malapit na sa creek ang lugar na ito.", sagot ko.
Nilapitan ni Mang Juan ang pugot na ulo ni Mang Teodoro. "Ang laki mong animal ka... Buti naman at nadali ka rin...", sambit niya. Binuka nya ang bibig at kinilatis ang loob.
"May nakita ba kayong perlas sa bibig nito?", tanong ni Mang Juan.
"Meron, pero tinapon namin sa creek.", sagot ko.
"Dapat hindi nyo tinapon para sinira natin. Di bale... wala nang kukuha dun.", sabi ni Mang Juan. "Nga pala... Ang Gulok... Tsk tsk, lubhang napakalakas nitong isang 'to at napatay nya si Onyok.", dagdag niya.
Bumangon ako at tinignan ang ginagawa nila sa bangkay ng Buko Juice Vendor. Isinilid nila iyon sa itim na bag at may nagdasal para sa kanya.
"Onyok pala ang pangalan nya...", sabi ko kay Mang Lino.
"Oo, hijo. Bata pa sya... Sayang.. Lubos na walang takot talaga 'tong si Onyok.", sabi ni Mang Lino.
"Sa anong klaseng ibon sya kasama?", tanong ko.
"Hindi sya parte ng anumang samahan. Bagkos ay isa sya sa 'Labing Apat na Haribon' ang mga mandirigmang may kakayahang hawakan ang mga 'Armas ni Apolaki'. Ayon sa mga kuwento, bumagsak ang mga batong iyon mula sa Araw na ipinanday ng mga tao sa iba't ibang parte ng Pilipinas para labanan ang mga nilalang ng dilim base sa kanilang paniniwala tungkol doon.", paliwanag ni Mang Lino.
"Teka... Kung mga Haribon lang ang may kakayahang hawakan ang mga armas na yun, ba't nahahawakan ko yung Gulok?", pagtataka ko. Lumapit ako sa Gulok at binunot ito mula sa ulo ni Mang Teodoro.
"Talaga ngang nahahawakan mo...", sambit ni Mang Juan.
"Oo? Paano yun?", pagtataka ko.
"Nakausap mo ba si Onyok bago sya mamatay?", tanong naman ni Mang Juan.
"Oo eh... Sabi nya ibibigay nya sa akin ang Gulok. At sinabi nya rin na sa wakas eh makakapagpahinga na rin daw sya.", sabi ko naman.
"Ah... Kung ganoon ay ipinamana nya sayo ang Gulok. Hindi nila maipapasa ang Gulok sa iba hangga't hindi namamatay ang kasalukuyang nagmamay-ari sa Armas ni Apolaki. Bukas, dadalhin ka namin sa Pugad para kilatisin ka ng mga Konseho. Marami kang malalaman bukas.", sabi ni Mang Juan.
"Anong klaseng aswang yan? Bakit taong-baboy?", tanong ni Patrick.
"Isa yang Awok. Aswang na nag-aanyong baboy. Nagkataon lang na mataas na uri ng aswang ito kaya hindi naagnas ang bangkay nya dahil mayroon syang Itim na Perlas. Kung ikukumpara sa mabababang uri, Kayumangging Perlas lang ang nasa katawan ng mga karaniwang aswang. Kailangang ibaon ng bangkay nito sa lupa para mabilis na maagnas, pero hindi rito. Sige, sakay nyo na yan sa truck! Maamoy pa ng ibang aswang yan dito.", paliwanag ni Mang Juan.