"Kayo sumama kayo sa amin. Ibi-briefing namin kayo.", sabi ni Mang Jose kina Ernesto, Komang, at Patrick. "Ikaw rin, Tristan. Kailangang maturuan ka muna namin bago ka pumunta sa Pugad. Marami kang dapat malaman.", dagdag pa nya.
Kinakabahan ako sa sinabi ni Mang Jose. Wala naman kasi akong ideya sa itsura ng Pugad at ng Konseho. Hindi ko alam ang gagawin nila sa akin doon at kung paano ba nila ako sasanayin.
Dumiretso muna kami sa CafeBar dahil tuturuan nila ako ng mga dapat gawin kapag kaharap ang Konseho. "Isara mo ang kamao mo at ilagay mo sa iyong dibdib. Yumuko ka at wag kang lilingon sa mga Konseho kapag kinakausap ka nila. Hindi tayo pwedeng lumapit sa kanila, hindi rin tayo pwedeng humawak sa kanila. Kapag naglalakad sila, tumigil ka at tumalikod hanggang sa makaraan sila. Hindi sila pwedeng tawagin, o sundan habang naglalakad sila papalayo. Tatandaan mo Tristan, mga sagradong uri ng nilalang sila. May iba't-ibang katayuan ang bawat Konseho na iniluluklok.
Sa Konseho, may taga-pamahala sa pakikipaglaban sa mga Aswang. May taga-pamahala sa pagbantay ng seguridad at balanse sa pagitan ng Nilalang ng Gubat at mga tao. May taga-pamahala sa pakikipaglaban sa mga Mambabarang at Mangkukulam. May taga-pamahala sa paggawa at pagsasaayos ng mga gamot, pangontra, at armas sa buong bansa. May taga-pamahala sa pakikipag-ugnayan sa mga nilalang ng kabilang mundo. Ang limang iyan ang mga pangunahing konseho. Sila rin ang mga nilalang na nag-aatas ng misyon sa mga taong may espesyal na obligasyon at kakayahan.", paliwanag ni Mang Jose.
"Totoo ba yan?", tanong ko.
"Oo, isa pa. Ang mga bantay ng Pugad ang sasalubong sa atin sa Pampanga. Tatakpan nila ang mga mata at tainga natin, saka nila tayo dadalhin sa Pugad. Walang nakakaalam kung nasaan ang Pugad bukod sa kanila, kahit na tayong mga parte ng samahang iyon, o kahit mga Haribon.", dagdag pa ni Mang Lino.
"Pupunta ka ng Pampanga?", tanong ni Komang.
"Oo, pupunta sya ng Pampanga at kayo naman ay maiiwan dito, kakausapin namin kayo. Susubukan natin kung pwede kayong maging parte ng Night Owls dahil alam nyo na ang tungkol sa amin. Kung hindi eh, gagawin nalang namin kayong pain sa aswang.", sabi ni Mang Jose.
"Seryoso ba yan?", tanong ni Patrick.
"Mukhang ba kaming nakikipagbiruan?", tanong ni Mang Jose.
Kinabukasan, maaga naggayak ng gamit sina Mang Lino at Mang Juan dahil sila ang magdadala sa akin sa Pugad kasama ang iba nilang tauhan sa Night Owls. "Bakit parang ang dami natin sa Night Owls?", tanong ko. Nakapagtataka na marami-raming sumama sa amin, nasa walo rin.
"Sasama sila sa atin dahil malapit na sila maging lider ng ibang sangay ng Night Owls sa iba't ibang parte ng Metro Manila.", sagot ni Mang Lino.
"Ang astig ha. Ibig sabihin may iba rin kayong shop?", tanong ko.
"Oo, mga coffee shop, beer house, paresan, convenient store. Lahat ng pwedeng maging 24 Hours. Doon din kumukuha ng budget ang Night Owls, nakakatulong na rin sa samahan na magkaroon ng trabaho ang mga miyembro ng Night Owls habang nasa misyon.", paliwanag ni Mang Lino.
"Sige na, pasok na kayo sa Van.", sabi ni Mang Juan.
Dala-dala ko ang Gulok, asero na may kutsilyo at kaunting gamit. May nakatabi ako sa van, si Louie, tiga Las Piñas. Nakakwentuhan ko sya sa van. Sya pala ang unang kaibigan ko na magiging lider ng samahan sa Timog. Hawak nya ang Las Piñas, Muntinlupa, Parañaque at Taguig. Sya ang susunod na hahawak sa pinakamalaking sa sangay sa Night Owls.
"Talaga? Pinakamalaki ang sa Timog?", tanong ko dahil namangha ako sa hahawakan nyang responsibilidad.
"Oo, ahahaha. Diba iyan yung Gulok sa labing apat na 'Armas ni Apolaki'?", tanong ni Yuri.
"Oo, gusto mong hawakan?", tanong ko.
"Ahahaha, hindi namin mahahawakan yan. Masusunog lang ang kamay namin dahil hindi naman kami ang may-ari.", sabi ni Yuri.
"Ah.. Oo nga pala. Sinabi ba nila sa akin yun kahapon?.", bigla kong tanong sa sarili ko.