Naglakad kami pabalik ni Komang. Pagod na pagod ako at nababalisa, para bang kada kaluskos na naririnig ko akala ko aswang na pasugod sa amin. Binatukan ako bigla ni Komang.
"Hoy, Tristan. Para kang praning tarantado ka." sabi ni Komang.
"Medyo nababaliw na ako sa mga nangyayari.", sabi ko sa kanya.
"Ngayon lang naman ito ah.", pagtataka nya.
"Hindi, Tol. Matagal ko na naranasan 'to. Mula palang noong pumasok ako sa Lino's Cafebar.", paliwanag ko.
"Bakit? Ano bang meron dun?", tanong nya.
"Noong una kakaiba ang kilos nila, mga taong pumapatay daw ng aswang? Hindi ako naniwala agad kaya nagmadali akong umalis, akala ko kasi sindikato na handa akong patayin anumang oras. Paglabas ko, yung suki ng Cafebar na matandang babae na laging tumatambay pero walang inoorder, naging aswang tapos inatake ako. Mula noon kung anu-anong salot na ang napunta sa buhay ko.", kuwento ko.
"Yun lang?", tanong nya.
"Yung kay Jona pa.", sagot ko.
"Sino yun?", tanong nya.
"Yung chikababes na tumira sa kabilang apartment, sa dulo. Yung kinukwento ko kanina.", sagot ko.
"Bakit? Inatake sya ng aswang?", tanong ni Komang.
"Hindi! Sya yung aswang na umatake sakin. Kinuwento ko na kanina ah.", sabi ko na ikinagulat ni Komang.
"Tangina sayang chikababes pa naman, impakto pala. Kaya pala may mga taong pumunta doon sa apartment para linisin yung kwarto na iyon. Baka kapwa nya aswang.", sabi ni Komang.
"Hindi. Sila yung mga tauhan ni Mang Lino, yung may ari ng Lino's CafeBar. Nilinis nila yung buong lugar. Halos isang buwan akong nawala para lang magsanay doon. Para matutunan kong tumugis ng mga aswang.", sabi ko sa kanya.
"Kaya pala ang tagal mong nawala.", sabi ni Komang.
Sa paglalakad namin habang nagkukwentuhan di namin namalayan na nasa tapat na pala kami ng apartment building. Umakyat na kami para kamustahin sila Ernesto at Patrick. Kumatok ako at ang tagal bumukas ng pinto. Nilaksan ko ang katok at bumukas ng dahan-dahan ang pinto. Pumuwesto kami ni Komang dahil nagsususpetya kami na baka may ibang tao sa loob. Biglang bumukas ang pinto at bumulaga sakin ang isang dakot ng asin.
"P-Pweh! Tangina mo Patrick, di kami aswang!", sabi ko.
"Tangina, kinakabahan ako eh. Buti nalang nakabalik na kayo.", sabi ni Patrick sabay pagpag nya ng asin sa mukha ko.
"Pasok tayo lahat at mag usap usap. Isara nyo ang pintuan.", sabi ko sa kanila.
"Anong ga areng ating puusapan?", tanong ni Ernesto.
"Makinig kayo, mula ngayon di na dapat tayo mag-iiwanan. Sa oras na atakihin muli kayo ng aswang, handa dapat ang isa sa atin na rumesponde. Mula ngayon delikado na ang buhay natin, maaamoy na nila tayo at malalaman na nila na tayo ang pumatay sa higit na limang aswang na yan.", sabi ko.
"Paano tayo makikipaglaban sa kanila? Wala tayong mga sapat na armas.", sabi ni Komang.
"Alam ko hindi masyadong epektibo ang mga mayroon tayo.", sabi ko.
"Hala paano yan? Di pa ako handang mamatay!", sabi ni Patrick.
"Mabuti pa eh tayo'y kumausap sa aking tatay nang magawan nya ng paraan.", sabi ni Ernesto.
"Sige sige, sa ngayon magligpit muna tayo at dito muna kayo magpalipas ng dilim. Di ako nakakasigurong ligtas kayong makakauwi kaya tumambay muna tayo.", sabi ko.
Nagligpit kami at pinag-ayos ko sila ng kanilang tutulugan. Sinara ko ang pinto at bintana, nilagyan ko ng asin ang basahan at bintana. Kahit nakahiga na kami di kami makatulog dahil sa takot, bukod kay Komang na walang pag-aalinlangan sa pagtulog. Kinuha ni Patrick ang buntot-pagi at tinabi nya sa kanyang pagtulog. Duwag talaga tong si tabachoy.