Naglalakad-lakad ako ulit sa labas ng apartment building namin. Nag-aaway na naman yung mag-asawa sa labas. Ako eh tamang lakad papunta sa tindahan ni Aling Nerva. Umagang-umaga, gusto ko sana magjogging man lang kaso mas pinili ko muna magrelax. Sinabihan din ako ni Mang Lino na magpahinga muna ako ngayong araw dahil bumubuo sila ng isang misyon na kung saan eh kasama ako dun, tatawag nalang daw sila kapag okay na.
Medyo nakapagtataka na pinili ko ang landas na ito. Ang hinahanap ko lang naman noon eh trabaho. Di ko in-expect na aabot ako sa ganito bilang isang "Pinakabatang Haribon". Ayos, ayos. Natapos na rin ang pagiging "normie days" ko. May titulo na ko sa sarili ko kahit papaano!
"Oh, Tristan. Di ka ba kasama sa Youth Camp nila Karlo ngayon?", tanong ni Aling Nerva mula sa loob ng tindahan. Si Aling Nerva yung mama ni Komang, at ang real name ni Komang ay Karlo.
"Ahhh hehehe, kasama po ako pero ngayon po eh pahinga ko po. Di po nagkaparehas yung pahinga namin hahaha.", rason ko para pagtakpan ang ginagawa nila Komang.
"Ahhh ganun pala.", sabi ni Aling Nerva.
"Pabili nga po ng hopia.", sabi ko naman sabay abot ng bayad. Binuksan ni Aling Nerva yung box ng hopya tapos pinakuha lang ako. Tamang kain lang sa tindahan nila, tambay lang.
Habang kumakain ako, nagulat ako kay Ramona na biglang dumating sa tindahan. "Pabili po ng Kopiko Blanca.", sabi nya kay Aling Nerva. "Oh, Tristan. Dito ka na pala.", sabi naman nya sakin.
"Hmm, kakauwi ko lang kahapon.", sabi ko naman.
"Nag-almusal ka na?", tanong nya sakin.
"Oo, di ko nga alam bakit ang aga ko na gumising ngayon eh. Ahahaha.", tugon ko sa kanya.
Pagkatapos nyang iabot ang bayad at kinuha ang binili sinabihan nya akong maghintay sa kanya saglit sa tindahan at saka sya umuwi. Nagmamadali namang bumalik agad. "Oh, Tristan.", sabi niya sabay abot sakin ng parang card. "Invitation yan para sa debut ko sa Monday. Aling Nerva, pakiabot po kay Koms. Ito naman po sayo Aling Nerva.", dagdag nya.
"Aba, debutante si Ramona ah. Dadalo kami.", masayang tugon ni Aling Nerva.
Di ko muna binuksan ang invitation card na binigay nya sakin. "Salamat, inimbi-", napatigil ako sa pagsasalita nang bigla syang tumakbo paalis.
"Punta ka Tristan ha!", sigaw nya sakin habang natakbo pauwi.
"Oo!", tugon ko nalang. Nagmamadali pa syang buksan at isara ang gate nila.
Bakit kaya? Hmmmm.... Binuksan ko ang invitation card para basahin ang nakasulat. Oo na, alam ko namang invitation yun sa debut ni Ramona. Gusto ko lang makita ang designs.
"Hmm.. Hmmm.. Okay... Toast?.. 18 Roses, 18 Candles.... Dinner....", mahinang sabi ko habang binabasa ang laman ng card mula sa baba paakyat. Nung binuksan ko kasi, unang bumungad yung sulat sa baba.
"Tristan, you are invited in my 18th Birthday on June 17 as the 18th Rose....", nakasulat sa invitation card.
"Teka, bakit ako?!", biglang tanong ko. Ba't ako? Ba't ako? Baka wala syang ibang sobrang close na lalaki? O boyfriend? O baka ako ang pinaka-best-friend ni Ramona? Hmmm.... Bakit kaya?....
Nac-curious talaga ako... Sobra... Oo na, sabihin na natin nagconfess sya nung nasa Lucban kami pero sino bang maniniwala sa sinasabi ng isang lasing? Umagang-umaga aligagang-aligaga ako kakaisip oh!