Umagang umaga binulabog kami ni Mang Juan dahil mag-eensayo raw at mismong si Pinunong Tiago ang magtuturo sa amin. Hindi na muna kami pinag-almusal, diretso stretching at konting exercise. Nag-ensayo yung mga lider ng bawat sangay na kasama ko, tinuruan sila ng mga technique sa pakikipaglaban at nakipag-sparring sila sa mga Pulang Tauhan.
"Teka, ang hirap naman talunin ng mga Pulang Tauhan. Pwede bang ka-sparring yung Berdeng Tauhan?", tanong ni Jason.
"Bakit hindi?", sabi ni Pinunong Tiago at inutusan nya ang isang Berdeng Tauhan doon na makipag-sparring kay Jason. Binalibag lang sya nung Berdeng Tauhan ampucha.
"Ahahaha, malalakas din pala ang mga Berdeng Tauhan.", sabi ko habang pinapanood sila.
"Lahat ng tauhan sa Pugad ay may pantay-pantay na lakas at abilidad. Kahit Mamahay ay kapantay lang nila sa labanan. May iba-iba lang silang tungkulin na ginagampanan sa loob ng Pugad para sa mas maayos na sistema.", sabi ni Pinunong Tiago.
"Astig, pati pala Mamahay malalakas din.", sabi ko naman. Pagkatapos silang turuan ni Pinunong Tiago eh ako bigla akong tinawag. Kapag ganyan taena kinakabahan ako eh wala naman akong alam sa mga matitinding labanan. Ang alam ko lang eh yung tinuro sakin nila Mang Juan sa Night Owls gamit ang paghawak sa kutsilyo, karambit, at mga martial arts.
Nagharap kami at nagbigay-pugay sa isa't-isa parang sa Arnis. Sa una, mga kahoy na hugis itak lang ang hawak namin, pagkatapos magbigay-pugay ay nagfighting stance kami pareho. "Hindi ako magiging madaling kalabanin, Tristan. Kaya humanda ka.", sabi ni Pinunong Tiaga sabay sugod sa akin. Hinampas nya ako sa ulo, buti nalang nasalag ko sabay hakbang paatras. Napakabilis nun, ni hindi ko man lang napansin na nasa harap ko na sya, buti nalang yung instinct ko gumana para salagin ang atake nya. Ensayo lang iyon pero parang sineseryoso ko masyado.
Umatake syang muli pero mas mabagal kung saan nasasabayan ko ng dipensa ang bawat opensa nya. Nag-enjoy ako sa pagdipensa gamit ang armas pero nabigla ako nang hawakan nya ako sa balikat at sipain sa paa. Nawalan ako nang balanse nang itulak nya ako, itinukod ko yung kahoy bago ako bumagsak sabay kapit sa braso nya. Alam kong matibay sya kaya ginamit ko ang lakas nya para hilahin ang sarili ko patayo. Inambahan nya ako ng taga ngunit nagawa ko iyong salabungin gamit ang dulo ng hawakan ng armas ko. Nabitawan nya ang armas at tumalsik. Akala ko nga panalo na ako eh, tinutok ko sa leeg nya yung patalim ngunit nagawa nya akong disarmahan sabay balibag sa akin. Alam kong mabilis ang pangyayari dahil habang nakahiga ako, nakikita ko sa ere ang armas nyang pinatalsik ko kanina na pababa pa lang papunta sa akin. Sinalo nya ang armas na muntik nang tumusok sa mukha ko.
Nagpalakpakan sila pagkatapos ng ensayo namin. Itinayo nya ako at nagbigay pugay kami sa isat-isa. "Magaling, Tristan. Hindi na masama para sa isang bagong Haribon.", sabi nya sakin.
"Ito ang napansin ko. Hindi iniisip ni Tristan ang ginagawa nya. Ang katawan nya ay kusang gumagalaw dahil sa kanyang survival instinct. Isa pa, alam ko rin na nakikita nya ang lahat ng kilos ng kalaban kahit na mabilis ang pagkilos nito. Sa madaling salita at naka-focus sya masyado sa kanyang kalaban at nakakalimutan kung paano sya sasabay. Kaya naman, kailangan nya ng mabilis na reaksyon kaysa tumulala. Mahusay sya sa pakikipaglaban para sa isang pinakabatang Haribon.", sabi ni Pinunong Tiago.
"Tandaan nyo. Ang pakikipaglaban sa Aswang ay parang nakikipaglaban kayo sa isang asong ulol dahil hindi nyo alam ang susunod na gagawin nito, sumusugod sila nang mabilis sa hindi inaasahang direksyon at kung minsan ay gumagamit ng ilusyon bago umatake. Hindi predictable kumbaga, kaya mahalaga na mabasa nyo ang kilos nila at magkaroon ng mabilis na reaksyon.", paliwanag ni Pinunong Tiago.
Ipinakita nya sa amin ng kanyang armas na kung tawagin ay Minasbad, isang espada na galing sa Bicol. "Ito ang Minasbad, isa sa Armas ni Apolaki. Naniniwala ang mga katutubo noon na ang mga bulalakaw na bumagsak sa iba't ibang parte ng Pilipinas ay nanggaling kay Apolaki, isang Diyos ng Araw. Ginamit nila ang mga batong iyon bilang materyal na gagamitin sa pagbuo ng armas at tinawag iyong Armas ni Apolaki. Sa kabuuan, may labing-apat na Armas ni Apolaki sa buong kapuluan at isa na rito ang Minasbad, pati na rin ang Gulok na hawak ni Tristan. May milagrong dala ito, kung may makakaharap ka na isang mataas na uri ng aswang, ito lamang ang tatalab sa kanila.
Paano nyo malalaman na sila'y mataas na uri? Kapag naging kulay itim ang balat nila matapos nilang kagatin ang Itim na Perlas, at kapag nakapagsasalita sila kahit nasa anyong aswang. Ano ang inyong gagawin kapag nakaharap nyo sila? Tumakbo kayo at humanap ng kasamang mandirigma na higit sa tatlo.
Higit sa lahat, wag kayong makakaramdam ng takot dahil nakakaramdam sila ng pagkaengganyong atakihin ka kapag naramdaman nilang hindi mo kayang protektahan ang iyong sarili.", kuwento nya sa amin.
"Mag-ensayo pa kayo at wag ninyong sayangin ang pagkakataong ito na kasama kami dahil siguradong may matututunan kayo. At nga pala, kung may dapat kayong iwasan, iyon ay ang mga Aswang na tinatawag na Kadatuan.", dagdag nya.